2016
Mga Anghel na Nagngangalang Mr. at Mrs. Dunn
October 2016


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mga Anghel na Nagngangalang Mr. at Mrs. Dunn

Larawan
angels named Mr. and Mrs. Dunn

Paglalarawan ni Wilson Ong

Nanonood ako noon ng TV nang tawagin ako ng nanay ko para sabihin na ang kanyang kapatid, ang 92-taong-gulang na Tito Floyd ko, at ang kanyang asawang si Tita Millie ay natrangkaso at walang makain sa bahay nila. Parehong masama ang pakiramdam nila para bumili ng anuman sa tindahan. Wala nang ibang kamag-anak sina Tito Floyd at Tita Millie sa malapit, kaya walang makatulong sa kanila.

Inisip ni Inay kung makakatulong ako. Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa panig na iyon ng pamilya ko, at natawag na akong tumulong sa gayong mga sitwasyon. Ang problema ay nakatira ako sa Utah, USA, at ang tita at tito ko ay nasa Hemet, California, USA.

Humingi ako ng ilang minuto sa nanay ko para pag-isipan kung ano ang gagawin. May kaibigan akong nakatira malapit sa Hemet, kaya tinawagan ko siya at tinanong kung may kakilala siya sa Hemet. Ikinuwento niya sa akin ang isang babaeng nakasama niyang maglingkod sa Redlands California Temple na nagngangalang Sister Dunn na dating Relief Society president doon.

Nang sagutin ni Sister Dunn ang telepono, sinabi ko, “Hi, Sister Dunn. Hindi mo ako kilala, pero ako si Nancy Little, at nakatira ako sa Utah. Miyembro ako ng Simbahan, pero ang tita at tito kong nakatira sa Hemet ay hindi. Maysakit sila at walang makain sa bahay nila.” Sinabi ko sa kanya kung saan sila nakatira, na malayo sa kinaroroonan niya, at ipinaliwanag na gusto ko lang humingi ng impormasyon kung may restoran na malapit sa kanila na puwedeng maghatid ng pagkain.

Sa halip, iginiit ni Sister Dunn na sila ng asawa niya ang magdadala ng pagkain sa tita at tito ko. Mayroon pala silang kaunting sopas na lutong-bahay at tinapay, at kagagawa lang ng cookies ng nanay niya. Tumutol ako pero nagpumilit siya.

Pagkaraan ng ilang oras, tumawag si Sister Dunn at tiniyak sa akin na maayos na ang lahat. Tumawag ang nanay ko kalaunan para sabihin sa akin ang sinabi ni Tito Floyd tungkol sa pagbisita ng mag-asawa. Sabi niya, “May mga anghel na dumating sa bahay ko na nagngangalang Mr. at Mrs. Dunn. May bitbit silang maraming pagkain: mga prutas, gulay, sopas na lutong-bahay, tinapay, at cookies. Iyon ang pinakamasarap na cookies na natikman ko.” Kinausap ng mga Dunn ang tito ko, tinulungan sila sa kanilang mga pangangailangan, at saka binuhat ni Brother Dunn ang nanghihinang Tita Millie ko, na may sakit na Alzheimer, mula sa kama nito papunta sa silya sa kusina para mapakain ni Sister Dunn.

Nang tawagan ni Tito Floyd ang nanay ko para ikuwento ang kanilang pagbisita, napaiyak siya. Noon lang daw siya nakakilala ng gayon kababait at mapagkalingang mga tao. Sinabi niya sa nanay ko na mapalad akong makapanirahan sa Utah at mapaligiran ng “lahat ng Mormon na iyon.”

Apat na araw pagkaraan ng pagbisita, lumabas si Tito Floyd papunta sa mailbox niya at nadulas at bumagsak. Nauntog ang ulo niya at namatay pagkaraan ng apat na araw. Maliban sa isang homecare nurse, sina Brother at Sister Dunn ang huling mga tao na nakita ng tito ko bago siya namatay.

Nagpapasalamat ako sa mala-Cristong halimbawang ipinakita ng isa sa mga miyembro ng Relief Society namin na daan-daang milya ang layo ng tirahan, isang tao na ni hindi ko pa nakikilala, na tumulong sa tita at tito ko.