2014
Moises
Abril 2014


Mga Propeta sa Lumang Tipan

Moises

“Napakadakila ni Moises kaya maging si Cristo ay inilarawan bilang isang Propetang gaya ng sinaunang pinunong ito ng mga hukbo ni Israel.”1—Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol

Isinilang ako sa Egipto sa panahon na ang aking mga tao, ang mga Israelita, ay inaalipin. Sa takot sa dumaraming mga aliping Israelita, iniutos ng Faraon na patayin ang lahat ng lalaking isisilang. Para protektahan ako, tatlong buwan akong itinago ng aking ina matapos akong isilang bago niya ako inilagay sa isang basket sa gitna ng mga tambo sa Nile. Natuklasan ako ng anak na babae ng Faraon at pinalaki ako bilang kanyang anak.2

Nang lumaki na ako, nilisan ko ang Egipto at nanirahan ako sa lupain ng Madian. Doon ay kinasihan ako ni Jethro, isang pastol at saserdote, at pinakasalan ko ang kanyang anak na si Zephora. Mula kay Jethro, natanggap ko ang Melchizedek Priesthood.3

Isang araw habang inaalagaan ko ang mga alagang hayop ni Jethro, nagpakita sa akin ang Panginoon sa nagliliyab na palumpong at inutusan akong iligtas ang mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin.4

Bumalik ako sa Egipto at sinabi ko sa Faraon na palayain ang mga tao ng Panginoon, ngunit sa halip ay dinagdagan nito ang kanilang mga pasanin. Nagpadala ang Panginoon ng sunud-sunod na mga salot sa mga taga-Egipto, ngunit pinatigas ng Faraon ang kanyang puso at ayaw pa ring palayain ang mga Israelita. Ang huling salot ay isang mapangwasak na anghel na pumatay sa panganay na anak na lalaki ng bawat pamilya sa Egipto. Pinrotektahan ang mga Israelita mula sa mapangwasak na anghel sa pamamagitan ng pagpapahid ng dugo ng isang tupang walang bahid-dungis sa gilid ng kanilang pintuan at pananatili sa loob ng bahay. Sa pamamagitan ko, pinasimulan ng Panginoon ang Kapistahan ng Paskua bilang isang ordenansa upang tulungan ang mga Israelita na alalahanin ang himalang ito taun-taon.5

Ang huling salot na ito ang nagpabago ng isipan ng Faraon at pinalaya ang mga Israelita. Ngunit kalaunan ay pinatigas ng Faraon ang kanyang puso at ipinahabol sa kanyang mga hukbo ang paalis na mga Israelita. Biniyayaan ako ng Panginoon ng kapangyarihang hawiin sa gitna ang Dagat na Pula, at tumawid kami sa tuyong lupa samantalang nalunod naman sa dagat ang hukbo ng Faraon.6

Pagkatapos ay nanguna sa amin ang Panginoon sa ilang sa isang ulap sa araw at sa isang haliging apoy sa gabi. Binuhay Niya kami sa pamamagitan ng tubig, mana, at pugo.7

Inakyat ko ang Bundok ng Sinai, kung saan ako nanatili nang 40 araw at natanggap ko ang Sampung Utos mula sa Panginoon. Pagbalik ko mula sa bundok, ang mga Israelita ay tumalikod na sa Diyos at gumawa ng ginintuang guyang sasambahin. Hindi na sila karapat-dapat sa pagtanggap ng batas na ibinigay ng Diyos sa akin, kaya binasag ko ang mga tapyas na batong naglalaman nito. Bumalik ako sa bundok, kung saan binigyan ako ng Panginoon ng mas mababang batas na tinawag alinsunod sa aking pangalan—ang batas ni Moises.8

Sa ilang inihayag sa akin ng Panginoon ang mga plano sa pagtatayo ng tabernakulo, o naililipat-lipat na templo. Dala-dala namin ang tabernakulo sa aming mga paglalakbay para makasamba kami rito. Sa tabernakulo, tinanggap ng mga tao ang mga ordenansa at nakipag-usap ako sa Panginoon “[nang harapan], gaya sa isang taong [nakikipag-usap] sa kaniyang kaibigan.”9 Ipinakita rin sa akin ng Panginoon kung paano gawin ang kaban ng tipan, isang banal na alaala na nakalagay sa pinakasagradong bahagi ng tabernakulo, ang Kabanal-banalang Dako.10

Nang ipadala ng Panginoon ang “mababangis na ahas” upang parusahan ang mga Israelita, inutusan akong gumawa ng isang ahas na tanso at ipatong ito sa isang tikin upang lahat ng natuklaw ng ahas ay gumaling sa pagtingin dito. Ngunit dahil sa kanilang kapalaluan at sa kasimplihan ng gawain, maraming ayaw tumingin kaya’t nangasawi sila.11

Itinulot ng Panginoon na magpagala-gala sa ilang ang mga Israelita nang 40 taon bago sila hinayaang makapasok sa lupang pangako.12 Hindi ako pumasok kundi ako ay “kinuhang paitaas ng Espiritu” tungo sa Panginoon.13