2014
OK Lang Ba na … ? Maaari Ba Akong … ?
Marso 2014


OK Lang Ba na … ? Maaari Ba Akong … ?

Si Heidi McConkie ay naninirahan sa Delaware, USA.

Narito ang maaari ninyong gawin para malaman kung paano ipamuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan sa inyong sitwasyon.

Naramdaman ni Brooke P. ng California, USA, na nababawasan ang kanyang determinasyon—mas madali sana kung gagayahin na lang siya ang kanyang mga ka-team. Pinipilit siya ng iba pang mga dalagita na manamit na kagaya nila kapag may mga praktis at laro sila.

Nakapagpasiya na si Brooke na gusto niyang manamit nang disente, pero hindi niya alam kung paano isasagawa iyon pagdating sa kanyang isport. OK lang ba na manamit siya na kagaya ng kanyang mga ka-team kapag may laro sila?

“Nagpasiya akong magsaliksik,” sabi ni Brooke. “Binasa ko ang Para sa Lakas ng mga Kabataan, mga banal na kasulatan, mga mensahe sa Simbahan—lahat ng makita ko tungkol dito. Parang walang naglalarawan ng eksaktong sitwasyon ko at nagbibigay ng sapat na payo na lalapat sa akin. Ngunit alam ko na kilala ako ng Ama sa Langit at alam Niya kung ano ang disenteng isuot.”

Kaya muling kumilos si Brooke. “Nagpasiya akong lumuhod at magdasal,” sabi niya. Sa pagdarasal niya, sinabi niya na gusto niyang sundin ang mga kautusan at saka niya itinanong kung OK lang na manamit siya na kagaya ng kanyang mga ka-team para sa kanilang mga praktis at laro.

Matapos magdasal, nadama ni Brooke na hindi niya dapat baguhin ang pinili niyang isuot para lang masiyahan ang kanyang mga kasama. Bagama’t hindi gusto ng lahat ang kanyang desisyon, nakadama ng tiwala at kapayapaan si Brooke sa pagkaalam na ang kanyang pasiya ay nakalugod sa Ama sa Langit.

Ang Kuwento Mo

Siguro hindi mo pa naranasan ang sitwasyon ni Brooke, pero malamang na naranasan mo nang maharap sa isang mahirap na sitwasyong tulad nito. Ginagawa mo ang lahat para ipamuhay ang isang pamantayan ng ebanghelyo—maging disente, gumamit ng mga salitang nakahihikayat, manood ng makabuluhang palabas, sundin ang Word of Wisdom, …

Pagkatapos ay biglang may nangyari! May isang taong nagpahirap sa sitwasyon mo, at ang “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11) ay biglang naging higit pa sa madalas banggiting mga kataga sa mga banal na kasulatan. Ang mga kaibigan mo—o baka pati na sarili mong mga kapamilya—ay pinipilit kang manamit o magsalita o kumilos nang kaiba sa alam mong tama. Gusto mong piliin ang mabuti ayon sa ebanghelyo, pero siguro medyo nalilito ka na: Ano nga ba ang kahulugan sa buhay mo ng mamuhay ayon sa mga pamantayan? Katulad ni Brooke, matutuklasan mo ang sarili mong sagot sa tanong na ito sa pamamagitan ng pag-aaral, panalangin, at personal na paghahayag.

Ang Iyong mga Tanong

Larawan
composite of girl looking up and praying

Ang buhay mo sa araw-araw ay puno ng mga tanong: Ano ang isusuot ko sa paaralan? Ano ang kakainin ko sa tanghalian? Kanino ako babarkada? May mga tanong na napakasimple ng mga sagot. Dapat ko bang nguyain ang chewing gum na ito na nadampot ko sa bangketa? Hindi. Malamang na hindi mo na kailangang magdalawang-isip sa bagay na iyan. Pero ang ilan sa mga tanong mo, lalo na tungkol sa mga pamantayan, ay maaaring mas mahirap sagutin: Anong musika ang angkop pakinggan? Paano ko pananatilihing banal ang araw ng Sabbath? Mabuti na lang, hindi kailangang sa iyo manggaling ang lahat ng sagot. Ibinalangkas ng ating mga buhay na propeta ang mga pamantayan ng ebanghelyo, at mapag-aaralan mo ang mga turo nila sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.

Matapos mong pag-aralan ang mga pamantayan, malamang na hindi palaging alam na alam mo kung paano ipamuhay ang mga ito sa bawat sitwasyon, at normal lang iyan. Normal na normal lang kung may mga tanong ka na hindi masagot tungkol sa kahulugan ng isang pamantayan para sa sitwasyon mo.

Isipin mo na lang ang kuwento sa Aklat ni Mormon kung saan inutusan ng Panginoon si Nephi na gumawa ng sasakyang-dagat. Hindi kaagad nalaman ni Nephi kung paano susundin ang utos ng Panginoon, pero ipinasiya pa rin niyang subukan ito. At hindi siya nag-atubiling humingi ng tulong; itinanong niya, “Saan po ako patutungo upang makatagpo ng inang minang tutunawin, upang makagawa ako ng mga kagamitan sa pagyari ng sasakyang-dagat?” (1 Nephi 17:9). Sinimulan niya ito sa pag-iisip kung ano ang unang hakbang—gumawa ng mga kagamitan—at saka hilingin sa Panginoon na tulungan siyang malaman kung paano gagawin iyon. Sinagot ng Panginoon ang tanong ni Nephi (at unti-unti niyang nabuo ang sasakyang-dagat), at kapag sinisikap mong sundin ang mga utos, masasagot din Niya ang mga tanong mo.

Ang Iyong mga Sagot

Kapag may mga tanong ka kung paano ipamuhay ang isang partikular na pamantayan o sundin ang isang partikular na kautusan, basahin muna ang mga banal na kasulatan, Para sa Lakas ng mga Kabataan, Tapat sa Pananampalataya, payo ng propeta, at magdasal. Maaari mong hanapin ang kaugnay na mga talata sa banal na kasulatan na nakalista sa mga buklet o sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya—at maaari mo pang isama ang iba pang mga banal na kasulatan sa pagsasaliksik mo. Sa paghahangad mo ng kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo, ang Espiritu Santo ay “li[li]wanagin ang [iyong] pang-unawa” (Alma 32: 28).

Makakahingi ka rin ng tulong sa iyong mga kapamilya, kaibigan, at lider ng Simbahan. Maaari ka nilang ituro sa makakatulong na mga materyal, suportahan at hikayatin, at bahaginan pa ng personal na mga karanasan sa mga paksang katulad nito at kung paano nila nalagpasan ang kanilang mga hamon.

Kung minsan kahit matapos magdasal, sa pagbasang muli ng Para sa Lakas ng mga Kabataan, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paghingi ng payo, maaaring nalilito ka pa rin tungkol sa mga partikular na pamantayan. Kahit nakatanggap ka na ng magandang payo, ang pag-akma nito sa sitwasyon mo kung minsan ay parang paghahanap ng kalye gamit ang isang globe sa halip na isang roadmap. Sa ibang pagkakataon maaari mong kailanganing magdesisyon kaagad nang hindi na pinag-iisipan ito nang matagal.

Alinman dito, tandaan na ang panalangin ay isang mabisang kasangkapan. Hindi ito ang huling paraan, pinakamagandang simulan sa panalangin ang paghahangad ng kaalaman at makakatulong ito sa iyo. Personal kang kilala ng Ama sa Langit—alam Niya ang iyong mga talento, pagsubok, kalakasan, at paghihirap. Kaya kung hindi mo alam kung paano pinakamainam na masusunod ang mga pamantayan ng Simbahan sa isang partikular na sitwasyon, huwag mag-alala. Alam Niya kung paano! Madaling isipin na dapat iakma ang ebanghelyo sa buhay mo; pero ang dapat mong isipin ay maipapakita Niya sa iyo kung paano iakma ang buhay mo sa ebanghelyo. Kapag nagdasal ka nang may pananampalataya, tuturuan ka Niya, at ibibigay ang mga sagot para lang sa iyo, “sa sandali” mismo (D at T 100:6) na kailanganin mo ang mga ito. Ang pagkakataong iyon na makatanggap ng personal na paghahayag ay isa sa pinakamalalaking pagpapala sa atin dahil tayo ay bininyagan at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo.

Ang Iyong Halimbawa

Kapag ipinamuhay mo ang mga pamantayan ng Diyos, maaari kang maging liwanag sa ibang mga tao sa paligid mo. Maaari mo silang hikayating sundin ang mga kautusan. At kapag nalito sila kung paano sumunod, maituturo mo sa kanila ang huwarang ito sa paghanap ng mga sagot sa personal nilang mga tanong.

Kapag sinikap mong magpakita ng mabuting halimbawa, huwag gaanong magtaka na kung minsan ang ibang tao—maging yaong mga nagsisikap ding ipamuhay ang ebanghelyo—ay hindi laging kapareho mo ang mga pagpapasiya. Kung nalulungkot ka, tandaan lamang na may isang tao, marahil ay si Inay o si Itay, na minsa’y kinailangang ituro sa iyo ang mga sagot sa kahit pinakasimpleng mga tanong—tulad ng Dapat ko bang nguyain ang chewing gum na ito na nadampot ko sa bangketa? Kaya sikaping pagpasensyahan ang sarili mo at ang iba habang sinisikap nating lahat na alamin ang mga sagot sa mas mahihirap na tanong, mga tanong na hindi laging nasasagot ng oo o hindi. Paano ako mamumuhay ayon sa pamantayang ito? Laging isaisip na lahat tayo ay hindi perpektong mga tao na pinag-aaralan araw-araw na ipamuhay nang eksakto ang ebanghelyo at pinagsisikapan natin mismong maging perpekto. Ito ay isang patuloy na proseso.

At maaari kang aktibong makibahagi sa prosesong iyan! Masigasig na hanapin ang mga sagot sa personal mong mga tanong at hikayatin ang iba na gawin din iyon. Sa paggawa nito, laging tandaan na anuman ang ipasiya ng iba, maaari mong piliing sundin ang mga utos ng Ama sa Langit.