2014
Kadalisayan ng Puri
Marso 2014


Pagtuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan

Kadalisayan ng Puri

Nag-aatubili kung minsan ang mga magulang kapag dumarating ang mga pagkakataon na tuturuan nila ang kanilang mga anak tungkol sa kadalisayan ng puri. Gayunman, ang mga talakayan tungkol sa paksang ito ay mag-aanyaya ng Espiritu at matutulungan ang mga bata na maghandang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan.

Sa mga pahina 50–51 ng isyung ito, isinulat ni Neill F. Marriott, pangalawang tagapayo sa Young Women general presidency, “Inilaan ng Ama sa Langit ang kapangyarihang magkaroon ng mga anak sa loob ng kasal para lamang sa mga banal na layunin.” Nalaman natin mula sa Handbook 2: Administering the Church na kasama sa mga layuning iyon ang “pagpapakita ng pagmamahal at pagpapalakas ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa” ([2010], 21.4.4). Ang mga mungkahi sa ibaba ay makatutulong sa inyo na maituro sa inyong mga anak ang kadalisayan ng puri. Maaari din kayong sumangguni sa “Pagtuturo ng Kalinisang-Puri at Kabanalan” sa Liahona ng Oktubre 2012 para sa iba pang mga ideya kung paano ituro ang paksang ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan

  • Isiping basahin sa inyong mga anak na tinedyer ang “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis” ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Liahona ng Mayo 2013. Anyayahan silang magtanong tungkol sa kadalisayan ng puri. Magagamit din ninyo ang “Pansariling Kalinisan” ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Liahona ng Oktubre 2000 para masagot ang kanilang mga tanong.

  • Ang paksa sa kurikulum ng mga kabataan para sa mga aralin tuwing Linggo sa buwang ito ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Isiping gamitin ang mga materyal ng kurikulum para ituro sa inyong mga kabataan ang pagsisising kailangan para sa mga kasalanang seksuwal (tingnan sa lds.org/youth/learn). Maaari din ninyong basahin at talakayin ang “Bakit Ko Kailangang Magtapat at Ano ang Kailangan Kong Ipagtapat sa Bishop Ko?” ni Elder C. Scott Grow ng Pitumpu sa Liahona ng Oktubre 2013.

  • Kung malapit ang isang templo, isiping pumunta sa bakuran ng templo kasama ang inyong pamilya at talakayin kung bakit tayo kailangang manatiling dalisay para makapasok sa templo. Maaari ninyong sabihin sa kanila ang mga pagpapalang natanggap ninyo sa pagsamba sa templo. Maaari din kayong magplano ng oras para sa pagpapabinyag ng inyong pamilya para sa mga patay.

  • Maaari ninyong basahin sa inyong mga kabataan ang “Kadalisayan ng Puri” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ([buklet, 2011], 35–37) at markahan ang mga pagpapalang natatanggap natin sa pananatiling dalisay. Maaari ninyong hikayatin ang inyong mga anak na sumulat ng mga mithiing may kaugnayan sa kadalisayan ng puri.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata

  • Maaari kayong magdaos ng family home evening na gagamitan ninyo ng mga larawan ng templo para talakayin ang kahalagahan at kasagraduhan ng templo. Pagkatapos ay maipapaliwanag na ninyo na ang ating katawan ay mga sagradong templo rin.

  • Basahin sa inyong mga anak ang ikalabintatlong saligan ng pananampalataya at pag-usapan ang kahalagahan ng pananatiling malinis ng ating isipan. Maglista ng ilang aklat, pelikula, at awiting pupuno sa inyong isipan ng mabubuting bagay. Maaari ninyong sama-samang basahin, panoorin, o kantahin ang mga ito.