2014
Naalis ang Pasanin
Marso 2014


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Naalis ang Pasanin

Matapos maabuso noong bata pa ako, maraming taon na naghirap ang kalooban ko bago ako nagpasiyang sabihin ito sa ibang tao.

Kamakailan nakinig ako sa isang aralin sa Relief Society kung saan binasa ng isang miyembro ang isang sipi tungkol sa mga epekto ng pisikal at seksuwal na pang-aabuso sa mga bata. Ang unang pumasok sa isip ko ay, “Kawawa naman.” Pagkatapos ay napuspos ako ng Espiritu, na nagpatotoo sa akin sa himala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ako ay biktima ng seksuwal na pang-aabuso sa murang edad. Sa araling iyon sa Relief Society, natanto ko na hindi na ako nasasaktan at natatakot sa isang bagay na lumukob at tumakot sa akin nang ilang taon. Isang himala iyon. Taos-puso kong pinasalamatan ang Tagapagligtas sa pagpapagaling Niya sa akin.

Noong bata pa ako nahirapan ako at nahiya nang maraming taon bago ko ipinasiyang sabihin sa ibang tao na naabuso ako. Noong 13 anyos ako, nadama ko na panahon na para pag-usapan ito. Pagkatapos ng aktibidad sa paglilingkod sa Mutual, nagpunta ako sa isang mapagkakatiwalaang lider, na magiliw na nakipag-usap sa akin at dinala niya ako sa bishop noong gabi ring iyon. Napanatag ako sa magiliw na pagsalubong sa akin ng bishop nang papasukin niya ako sa kanyang opisina. Naaalala ko na nadama kong naglaho ang pasaning hatid ng maraming taon na paglilihim habang nakikinig ang bishop ko. Naaalala ko na totoong napaluha siya nang marinig niya ang kuwento ko. Nadama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit, at muli kong natiyak na hindi ko kasalanan na inabuso ako at na dalisay at marangal pa rin ako. Dito nagsimula ang aking landas tungo sa paghilom, isang landas na magpapatuloy nang maraming taon.

Hindi iyon isang sandali lamang ng paghihilom—iyon ay isang proseso ng kapayapaan, pag-unawa, at mga sagot na dumating nang pag-aralan ko ang aking mga banal na kasulatan, nanalangin araw-araw, at mas nakilala ko si Jesucristo. Nang pag-aralan ko ang buhay ng Tagapagligtas, nag-ibayo ang pagmamahal ko sa Kanya. Pinatotohanan ng Espiritu ang mga katotohanan sa akin, kabilang na ang kahalagahan ko bilang anak ng Diyos. Nang isuko ko ang aking puso sa Panginoon, sumunod sa Kanyang mga utos, at hinangad ang Kanyang kalooban, napuspos ako ng kapanatagan at kapayapaan. Nang makilala ko Siya, nakilala ko ang sarili ko. Sa huli, hindi na ako nasasaktan ng aking nakaraan. Naalis ang pasanin. Napagaling ako ng Tagapagligtas.

May walang-hanggang pamilya na ako ngayon na may napakabait na asawa at tatlong magagandang anak na babae. Mapalad akong makatulong sa mga kabataan at magpatotoo na mapapagaling tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo mula sa kasalanan, pisikal na sakit, at kasawian. Alam ko ito dahil sa awang ipinagkaloob sa akin—dahil ako ay “nayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15).