2013
Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako
Oktubre 2013


Ang Simbahan sa Iba’t Ibang Dako

Ipinagdiwang ng Mongolia ang Ika-20 Taon ng Simbahan

Noong Lunes, Abril 15, 2013, mahigit 300 miyembro ng Simbahan ang nagtipon sa Zaisan Hill sa Ulaanbataar, Mongolia, upang ipagdiwang ang ika-20 anibersaryo ng Simbahan sa bansang iyon. Isang koro na may 50-miyembro ang kumanta, at ang grupo ay nakinig sa nakarekord na tinig ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) habang inilalaan niya ang Mongolia para sa pagtuturo ng ebanghelyo noong 1993.

Nakita ni Elder Tai Kwok Yuen, dating miyembro ng Asia Area Presidency na kasama ni Elder Maxwell sa Mongolia noong 1993, kung paano “patuloy na kumikilos ang kamay ng Panginoon sa bahaging ito ng Kanyang ubasan.”

Iba’t ibang aktibidad ang idinaos sa buong linggo ng anibersaryo. Isang mission reunion ang dinaluhan ng 200 mga returned missionary. Mahigit 1,000 Mongolian ang nakapaglingkod bilang mga full-time missionary—halos 1 sa bawat 10 miyembro sa Mongolia. Ang pagbibinyag ay idinaos sa buong Mongolia sa Biyernes ng gabi; 24 na tao ang nabinyagan sa araw na iyon. Si Mary N. Cook, na ini-release kamakailan mula sa Young Women general presidency, ay nagsalita sa Young Women devotional, at isang family history open house ang nagpalabas ng isang video na may mga instruksyon para sa bagong Family Tree project. Isang malaking pagtatanghal ang nagtampok sa mayamang kultura ng Mongolia at mga talento ng maraming miyembro ng Simbahan.

Nagdiwang ng Anibersaryo at Tumulong sa Pagtatanim ng mga Puno ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Haiti

Noong Mayo 1, 2013, nakibahagi ang mga miyembro ng Simbahan sa Haiti sa isang malawakang proyekto ng pagtatanim ng puno na idinaos sa buong bansa. Napakaraming mga batang puno ang itinanim sa unang araw ng proyekto, at marami pang susunod. Kapag tapos na ang proyekto, mga 400,000 mga bagong puno ang lalago sa Haiti, kabilang na ang mga puno ng lemon, dalandan, niyog, papaya, at oak.

Binili ng Simbahan ang mga puno bilang bahagi ng patuloy nitong pagsuporta sa pagbangon ng Haiti sa pinsala ng lindol. Dahil sa proyekto ang mga miyembro ay nakapaglingkod para sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng Simbahan sa bansang ito. Tatlong dekada na ang nakararaan binisita ni Pangulong Thomas S. Monson, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang Haiti at inilaan ang lupain para sa pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ay naroon sa Haiti sa pagdiriwang ng anibersaryo at nangulo sa pag-aalis ng takip ng isang commemorative plaque na tanda ng pagsisimula ng Simbahan sa Haiti.

Nagbigay ang Simbahan ng Isang Milyong Libra ng Pagkain sa Feeding America

Noong Mayo 2013 ang Simbahan, sa pamamagitan ng organisasyon nito sa pagkakawanggawa na Latter-day Saint Charities, ay nagbigay ng mahigit isang milyong libra ng pagkain sa Feeding America, ang pinakamalaking nonprofit hunger-relief organization sa Estados Unidos. Ang donasyon ay kinabilangan ng mga de-latang pagkain tulad ng mga prutas, gulay, at beans, na ipamamahagi sa mga pamilyang nangangailangan sa iba’t ibang komunidad at tahanan sa Estados Unidos.

Sinabi ni Bob Aiken, president at chief executive officer ng Feeding America, na ang donasyon ay makapaglalaan ng mga 625,000 pagpapakain.

Binuo ng mga mananayaw na may mga pamaypay ang numerong “20” sa pagtatanghal na idinaos upang ipagdiwang ang ika-20 anibersaryo ng Simbahan sa Mongolia.

Larawan sa kagandahang-loob ng Mongolia Ulaanbaatar Mission

Ang mga missionary at miyembro sa Haiti ay nagtatanim ng mga puno sa kabundukan sa kabiserang lungsod ng Port au Prince, na makikita sa background.

Larawang kuha ni Jason Swensen