2013
Pinagaling ni Jesus ang Isang Taong Maysakit
Agosto 2013


Para sa Maliliit na Bata

Pinagaling ni Jesus ang Isang Taong Maysakit

Mula sa Lucas 5:17–25.

Isang araw, nagtuturo si Jesus sa mga tao sa loob ng isang bahay.

Sa labas ng bahay ay may isang lalaking hindi makalakad. Dinala siya ng kanyang mga kaibigan sa bahay para mapagaling siya ni Jesus. Pero napakasikip ng bahay kaya hindi siya maipasok ng kanyang mga kaibigan.

Dinala siya ng kanyang mga kaibigan sa bubungan ng bahay. Pagkatapos ay gumawa sila ng butas sa bubong. Ibinaba nila ang lalaki at ang kanyang kama sa loob ng bahay para makita siya ni Jesus.

Nakita ni Jesus kung gaano kalaki ang pananampalataya ng lalaki at ng kanyang mga kaibigan. Sinabihan Niya ang lalaki na tumindig at lumakad. Tumayo ang lalaki. Siya ay nakakalakad na muli! Binuhat niya ang kanyang kama at umuwi siyang masaya.

Sa araw na iyon, ipinakita ni Jesucristo ang Kanyang dakilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa lalaki. Gusto Niyang malaman ng mga tao na Siya ay may kapangyarihang gawin ang maraming kamangha-manghang bagay.