2011
Ang Aklat ni Mormon: Nagpapalakas ng Pananampalataya sa Ating Panahon
Oktubre 2011


Ang Aklat ni Mormon

Nagpapalakas ng Ating Pananampalataya kay Jesucristo

Inaanyayahan tayo at ang ating pamilya ng Aklat ni Mormon na manampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ibinabahagi nito ang mga alituntuning tutulong sa ating mga pamilya na magtagumpay.

Larawan
Elder Neil L. Andersen

Tinipon mula sa mga turo ng mga propeta sa loob ng ilang siglo, ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa darating na panahon kung kailan ihahanda ng panunumbalik ng mga susi ng priesthood, gayundin ng malaking pagtitipon ng sambahayan ni Israel, ang daigdig para sa pagbabalik ng Tagapagligtas sa mundo (tingnan sa 2 Nephi 25; 27; 3 Nephi 21). Inilarawan ni Nephi ang sagradong teksto na gaya “ng tinig ng isang sumisigaw mula sa alabok” (2 Nephi 33:13). Ipinahayag ni Moroni: “Masdan, ako ay nangungusap sa inyo na parang kayo ay naririto, gayon pa man kayo ay wala rito. Ngunit masdan, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo” (Mormon 8:35).

Ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon at para sa susunod pang mga panahon. Tinatayang isang milyong kopya ng Aklat ni Mormon ang nailimbag sa loob ng unang 100 taon pagkatapos ng Panunumbalik. Kabilang dito ang 15 wika, na di-pangkaraniwang gawain. Nang sumunod na 50 taon (1930–80), mahigit 25 milyong kopya ang nailimbag sa 41 wika. Simula noon 30 taon na ang nakalilipas, karagdagang 125 milyong kopya ng Aklat ni Mormon ang inilimbag sa 107 wika, kabilang ang Mga Piling Bahagi mula sa Aklat ni Mormon. Ang impluwensya at epekto ng Aklat ni Mormon ay patuloy na mag-iibayo habang ipinalalaganap ang kaharian ng Diyos sa bawat bansa, lahi, wika, at mga tao.

Inihahayag ng pahina ng pamagat, na isinulat ni Mormon, ang pangunahing mga layunin ng aklat. Ang unang layunin ay nauukol lalo na sa mga inapo ng mga anak ni Lehi. Ang huling layunin ay ang “[hikayatin ang lahat ng tao] na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon).

Mahalaga sa Ating Panahon

Bakit magiging napakahalaga sa ating panahon ang isa pang tipan ni Jesucristo? Bakit naglabas ang Panginoon ng isa pang saksi upang palakasin ang makapangyarihang pahayag ng Biblia?

Nabubuhay tayo sa panahon na walang katulad. Dahil sa mga nagagawa ng siyensiya ay nariyan ang pangangalagang pangkalusugan, transportasyon, kaginhawahan, at kaluwagan na hindi naisip ng mga naunang henerasyon. Ang mundo ay dinadagsa ng impormasyon at teknolohiya, pinag-ibayong gawain sa family history at pagbabahagi ng ebanghelyo ngunit mabilis din ang pagkalat ng pornograpiya, mararahas na video game, at iba pang “masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng nagsasabwatang tao” (D at T 89:4). Sa kasaganaan ng mundo, nabubuhay tayo sa panahong matindi ang paghahangad sa materyal na bagay.

Kung hindi tayo mag-iingat, ang kalagayang ito ay maaaring makagambala o makahikayat sa atin na lumayo sa mga alituntuning walang-hanggan at totoo sa bawat henerasyon.

Nang magmisyon ako sa Europa noong mga unang bahagi ng 1970s, sinimulan namin sa pagpapaliwanag ng Apostasiya ang karamihan sa aming pagtuturo dahil tanggap na ng lahat ang kabanalan o pagka-Diyos ni Jesucristo. Pagbalik ko bilang mission president pagkaraan ng 20 taon, nagbago ang tuon ng aming pagtuturo dahil ang paniniwala kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos, na nag-alay ng Kanyang buhay para sa ating mga kasalanan at bumangon sa ikatlong araw, ay mabilis nang naglaho.

Sa mundo ngayon, ang mayabang na pakikipagtalo ni Korihor, na anti-Cristo, ang pinakikinggan ng mga tao:

“Bakit kayo umaasa sa isang Cristo? Sapagkat walang taong makaaalam ng ano mang bagay na darating.

“Masdan, ang mga bagay na ito na tinatawag ninyong mga propesiya … ay hangal na kaugalian ng inyong mga ama.

“… Hindi ninyo maaaring malaman ang mga bagay na hindi ninyo nakikita. …

“… Bawat tao ay umuunlad alinsunod sa kanyang [sariling] likas na talino, at … na[ka]gagapi alinsunod sa kanyang [sariling] lakas” (Alma 30:13–15, 17).

Kailangan natin ang sarili nating matibay at di-natitinag na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at kailangan natin ng tulong sa pagpapalakas ng ating mga pamilya upang ang pananampalatayang ito ay dumaloy sa puso ng ating mga anak at apo. Ang pananampalataya kay Jesucristo, kapag matibay na nakaangkla sa ating kaluluwa, ay nagbubunga ng tunay na pagbabalik-loob, at kasunod nito ang pagsisisi, tapat na pagkadisipulo, mga himala, espirituwal na kaloob, at kabutihang tumatagal. Ito ay mahalagang bahagi ng banal na misyon ng Aklat ni Mormon.

Noong bata pa akong misyonero, naranasan ko ang lubos na nakawiwiling pakikipagtalakayan sa isang pastor. Sinabi niya sa amin na hindi niya matatanggap ang Aklat ni Mormon dahil hayagan itong nagbabanggit ng tungkol kay Jesucristo, ginagamit ang Kanyang pangalan at mga pangyayari sa Kanyang buhay daan-daang taon pa bago ang Kanyang pagsilang. Para sa kanya ang malinaw na pahayag na ito ay katangiang hindi makikita sa Lumang Tipan na tinutukoy ang Tagapagligtas sa mas hindi kapansin-pansing paraan.

Para sa akin ang hayagang pagpapahayag tungkol kay Jesucristo ang mismong kapangyarihan ng Aklat ni Mormon. Mangyari pa, kailangan nating tumanggap ng espirituwal na pagsaksi na ang aklat ay sa Diyos. Ngunit kapag nakamtan ito, ang mga layunin ni Cristo, ang katotohanan ng Kanyang buhay at Pagkabuhay na Mag-uli, at ang malinaw na kailangan upang makasunod sa Kanya at magkaroon ng buhay na walang-hanggan sa Kanyang piling ay napakalinaw na ipakikita sa atin.

Ang Patotoo ni Jesucristo

Kapag sinamahan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang pagbabasa at pagninilay sa mga dakilang mensahe tungkol kay Jesucristo sa Aklat ni Mormon ay magdudulot ng tiyak na pagsaksi sa katotohanan ng mga ito. Gustung-gusto kong binabasa ang Aklat ni Mormon na nagpapakabusog sa makapangyarihang mga doktrina ni Cristo: ang pangitain ni Nephi tungkol sa punongkahoy ng buhay, at ang tanong ng anghel, “Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?” (1 Nephi 11:16); ang patotoo ni Lehi na “ang pagtubos ay darating sa at sa pamamagitan ng Banal na Mesiyas; sapagkat siya ay puspos ng biyaya at katotohanan” (2 Nephi 2:6); ang dagdag na patotoo ni Jacob na Siya “ang tanod ng pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon” (2 Nephi 9:41).

Pagkatapos ay makakarating tayo sa itinuturo sa atin ni Haring Benjamin tungkol sa mga katangian ng pagiging disipulo, taglay ang kanyang di-nagmamaliw na pahayag na “walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo” (Mosias 3:17).

Di magtatagal naroon na tayo kay Abinadi, na magbubuwis ng kanyang buhay para sa kanyang pinaniniwalaan:

“Subalit may pagkabuhay na mag-uli, samakatwid, hindi nagtagumpay ang libingan, at ang tibo ng kamatayan ay nalulon kay Cristo.

“Siya ang ilaw at ang buhay ng daigdig; oo, isang ilaw na walang hanggan, na hindi maaaring magdilim” (Mosias 16:8–9).

Hatid naman ni Alma ang magagandang doktrina ng Pagbabayad-sala, katarungan, at awa sa buhay: “Ang plano ng awa ay hindi magkakaroon ng kaganapan maliban sa pagsasagawa ng pagbabayad-sala; kaya nga, ang Diyos na rin ang magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang maisakatuparan ang plano ng awa, upang tugunin ang hinihingi ng katarungan, at nang sa gayon, ang Diyos ay maging isang ganap, makatarungang Diyos, at isa ring maawaing Diyos” (Alma 42:15).

Pagkatapos ay mababasa natin ang kagila-gilalas na pagpunta ng Tagapagligtas sa mga anak ni Lehi. Nadarama din natin ang Kanyang pagmamahal, pagkahabag, mga turo, at Kanyang sariling patotoo:

“Ito ang ebanghelyo na aking ibinigay sa inyo—na ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama. …

“At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus … upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, at katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabuti o kung ang mga yaon ay masama” (3 Nephi 27:13–14).

At sa wakas ang huling pakiusap nina Mormon at Moroni: “Alamin ninyo na kinakailangan kayong … magsisi ng lahat ng inyong mga kasalanan at kasamaan, at maniwala kay Jesucristo, na siya ang Anak ng Diyos” (Mormon 7:5). “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32).

Nakapaloob sa mga Pamilya

Ang nakaaantig sa espiritu at nakahihikayat na patotoong ito na si Jesucristo ang tunay na ipinangakong Mesiyas—ang hinirang na Anak na Diyos, na isinugo sa lupa upang isakatuparan ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng tao at ang espirituwal na paglilinis sa mga magsisisi at susunod sa Kanya—ay nakapaloob sa kasaysayan ng mga pamilya.

Ang Aklat ni Mormon ay nagsimula sa isang pamilya, isang ama at ina, mga anak na lalaki at babae na nakikinig sa paghahayag ng kanilang propetang-ama na iwan ang kanilang makamundong pag-aari at sundin ang payo ng Panginoon. Ang mga tala sa aklat ay puno ng mga magulang na naghahangad na maituro sa kanilang mga anak ang pangako at pag-asa kay Jesucristo. Minsan ay kumuha ako mula sa mga pahina nito ng partikular na payo ng mga ama sa mga anak na lalaki—ito ay may kabuuang 52 na naka-type na mga pahina. Sa Aklat ni Mormon, nakikita natin kung paano itinuro ng mga magulang ang pananampalataya kay Cristo at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos kapwa sa mga anak na masunurin mula sa kanilang pagkabata at sa mga anak na kailangang akayin sa tamang landas—kung minsan sa pamilya ring iyon. Ito ay aral para sa ating panahon, para sa ating mga anak, para sa ating mga pamilya.

Ang papel ng kababaihan at mga anak na babae ay hindi nabanggit, na karaniwan sa mga sinaunang tala. Ngunit kung titingnan nating mabuti, makikita natin ang kanilang walang-hanggang impluwensya. Pinahahalagahan natin ang mga bahaging bumabanggit sa kababaihan at mga ina, gaya ng paglalarawan sa kanilang damdamin na “labis na mapagmahal at dalisay at maselan sa harapan ng Diyos” (Jacob 2:7) o nang ilarawan ni Helaman ang kabutihan ng kanyang mga kabataang mandirigma na naimpluwensyahan ng kanilang mabubuting ina:

“Sinunod nila at tinupad gawin ang bawat salita ng pag-uutos nang may kahustuhan; oo, at maging alinsunod sa kanilang pananampalataya ay nangyari sa kanila; at natatandaan ko ang mga salitang sinabi nila sa akin na sila ay tinuruan ng kanilang mga ina. …

“Ngayon, ito ang pananampalataya nila na mga tinutukoy ko; sila ay mga bata, at ang kanilang pag-iisip ay di matinag, at patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos. …

“… Sila ay tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos.

“At inilahad nila sa akin ang mga salita ng kanilang mga ina, sinasabing: Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina” (Alma 57:21, 27; 56:47–48).

Inaanyayahan ko kayong pagnilayin ang mga tanong na ito upang tulungan kayong ihalintulad ang mga turo ng Aklat ni Mormon sa inyong pamilya:

  • Anong mga talata sa Aklat ni Mormon ang nagtuturo sa atin na kailangang makita ng mga bata ang integridad at kabutihan sa pananampalataya ng kanilang mga magulang?

  • Ano ang payong ibinigay ng mga ama sa Aklat ni Mormon sa kanilang mga anak na lalaki na maaari nating ibahagi sa ating mga anak?

  • Ano ang natututuhan natin tungkol sa pagtitiyaga natin sa mga anak na hindi masunurin?

  • Paano ibinabahagi ng mga magulang sa Aklat ni Mormon ang kanilang malalim na pananampalataya sa kanilang mga anak?

  • Ano ang natututuhan natin tungkol sa pananampalataya na nagpasalin-salin sa bawat henerasyon?

Wala nang mas mahalaga pang ibahagi sa iba maliban sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Hatid nito ay pagkaunawa sa mga pagsubok sa buhay na ito, kaligayahan sa gitna ng kahirapan, at buhay na walang-hanggan sa mundong darating.

Maraming makamundong impluwensya ang humahatak sa atin at sa ating mga pamilya palayo sa pinakamahalagang pananampalatayang ito. Inaanyayahan tayo at ang ating pamilya ng Aklat ni Mormon na manampalataya sa Panginoong Jesucristo, at ibinabahagi nito ang mga alituntuning tutulong sa ating mga pamilya na magtagumpay.

Nagpapatotoo ako na ang Aklat ni Mormon ay totoo at sa katunayan ito ay ibinigay kay Propetang Joseph Smith ng anghel na si Moroni, sa utos ng Panginoong Jesucristo. Ito ay para sa ating panahon, para sa ating mga anak at mga apo. Sa araw-araw nating pagbabasa nito nang may pananampalataya, ipinapangako ko na ang Espiritu ng Panginoon ay mapapasaatin at ang ating mga pamilya ay pagpapalain magpakailanman.

Pangitain ni Nephi

Patotoo ni Lehi

Sermon ni Haring Benjamin

Patotoo ni Abinadi

Pagpapakita ni Jesucristo

Mga huling pakiusap nina Mormon at Moroni

Kaanyuan ni Cristo, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.

HINARAP NI KORIHOR SI ALMA, ni Robert T. Barrett

Pangitain ni Nephi, ni Clark Kelley Price; detalye mula sa Liahona, ni Arnold Friberg © 1951 IRI; Sermon ni Haring Benjamin, ni Jeremy Winborg, hindi maaaring kopyahin; detalye mula sa Humarap si Abinadi kay Haring Noe, ni Arnold Friberg © 1951; Na Lagi Ninyo Akong Aalalahanin, ni Gary Kapp © 1998, hindi maaaring kopyahin; Nagpaalam si Mormon sa Isang Dating Dakilang Bansa, ni Arnold Friberg © 1951 IRI

Si Lehi at ang Kanyang mga Tao ay Dumating sa Lupang Pangako, ni Arnold Friberg