2011
Kung Talagang Gusto Ninyong Malaman, Malalaman Ninyo
Oktubre 2011


Kung Talagang Gusto Ninyong Malaman, Malalaman Ninyo

Walang hanggan ang pasasalamat ko sa Aklat ni Mormon. Binago nito ang buhay ko magpakailanman, at alam ko na kaya nitong baguhin ang buhay ninyo.

Larawan
Elder Walter F. González

Ako ay 18 taong gulang nang maging miyembro ako ng Simbahan. Mahalaga ang ginampanang papel ng Aklat ni Mormon sa aking pagbabalik-loob. Noon, nagsasaliksik ako ng mga bagong ideyang makapagpapaliwanag sa mundo sa aking paligid. Naaalala ko na masyadong materyalistiko ang mga pamamaraan ng mga propesor ko sa kolehiyo sa kanilang pagtuturo. Nagsimula akong magduda kung mayroon ngang Diyos.

Isang araw napansin ko ang isang aklat na kulay asul na naiwan ng magkompanyon na misyonero sa bahay namin mga anim na taon na ang nakararaan. Aklat ni Mormon iyon. Kasama ng aklat, nag-iwan sila ng isang polyeto tungkol kay Propetang Joseph Smith at ilang tagubilin din kung paano manalangin sa Diyos.

Sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon. Iilang talata pa lang ang nabasa ko sa aklat, sa 1 Nephi, nang may madama akong kakaiba. Nagsimulang magtalo ang damdamin at isipan ko. Kaya nagpasiya akong manalangin sa Diyos.

Ito ang unang pagkakataon sa buhay ko na nanalangin ako nang nakaluhod. Ang sumunod ay naging isa sa pinakasagradong mga karanasan sa buhay ko. Napuspos ako ng malaking kaligayahan na malaman sa puso ko na ang Aklat ni Mormon ay hindi karaniwang aklat. Banal ang pinagmulan ng aklat na ito. Tiyak na salita ito ng Diyos. Kalaunan ay naunawaan ko na ang naramdaman ko ay ang Espiritu na nagpapatotoo sa katotohanan nito.

Bagama’t maaaring nararanasan din iyon ng ilan, may iba’t ibang paraan para malaman ng isang tao na ang Aklat ni Mormon ay totoo.

Paano Ninyo Malalaman?

1. Ang ilan ay makakaalam sa pamamagitan ng pakikinig. Maaaring kasama kayo sa mga makakaalam sa pakikinig lamang sa itinuturo ng aklat. Ang Aklat ni Mormon ay nagsalaysay tungkol sa libu-libo tao na nakarinig sa mga anak ni Mosias na nagturo ng ebanghelyo ni Jesucristo at sila’y “nagbalik-loob sa Panginoon” (tingnan sa Alma 23:5–6). Itinuturo ng mga misyonero ngayon ang ebanghelyo ring iyon na nasa Aklat ni Mormon. Malalaman ng ilan na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos sa pamamagitan ng pakikinig lamang sa pagbabahagi ng iba tungkol sa mga turo nito.

2. Ang ilan ay makakaalam sa pamamagitan ng pagbabasa. Maaaring kasama kayo sa mga makakaalam sa pamamagitan ng pagbabasa lamang ng Aklat ni Mormon na may tunay na hangaring malaman ang katotohanan. Gayon ang nangyari sa asawa ko. Siya ay 12 taong gulang nang isapuso niya ang bilin na basahin ang aklat mula sa umpisa hanggang sa katapusan. Nang gawin niya ito, nalaman niyang ito ay totoo. Napakatindi ng damdamin kaya, habang nagbabasa siya, ipinasiya niyang sundin ang Tagapagligtas magpakailanman. Nanatili siyang tapat sa kanyang nadama.

3. Malalaman ito ng ilan sa pamamagitan ng pagsunod. Maaaring kasama kayo sa mga makakaalam sa pamamagitan ng pagsunod lamang sa mga bagay na itinuturo ng aklat. Ang ilang tao ay nagkakaroon ng patotoo sa pamamagitan ng paggawa (tingnan sa Juan 7:17). Naunawaang mabuti ni Nephi, isang propeta sa Aklat ni Mormon, ang alituntuning ito. Isinulat niya na upang “lubos ko silang mahikayat na maniwala sa Panginoon nilang Manunubos … [inihalintulad] ko sa amin ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa aming kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa paghahalintulad, o pag-aangkop, ng mga turo ng Aklat ni Mormon sa sarili ninyong buhay, mahihikayat rin kayo na banal ang pinagmulan nito.

4. Ito ay malalaman ng ilan sa pamamagitan ng pagtatanong sa Diyos. Maaaring kasama kayo sa mga makakaalam sa pamamagitan ng pagbabasa mula sa Aklat ni Mormon at pagkatapos ay mananalangin na itinatanong sa Ama sa Langit kung ang aklat ay totoo. Ito ang naranasan ko. Ito ang nakasisiglang pangako ng isa pang propeta sa Aklat ni Mormon, si Moroni, sa lahat ng taos-pusong naghahanap ng katotohanan: “Masdan, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito … na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:3–4). Pinatototohanan ko na kung inyong babasahin at ipagdarasal ang Aklat ni Mormon, at susundin ang mga bilin ni Moroni, malalaman ninyo na ito ay totoo.

Nangako ang Diyos na Malalaman Ninyo

Kung talagang gusto ninyong malaman, malalaman ninyo na ang Aklat ni Mormon ay totoo. Nangako ang Diyos na ibibigay ang kaalamang ito sa matatapat na naghahanap ng katotohanan, at Siya ay “Diyos ng katotohanan, at hindi maaaring magsinungaling” (Eter 3:12).

Itinuro ng isa pang propeta sa Aklat ni Mormon, si Alma, sa kanyang anak na nangako ang Diyos na Kanyang “pangangalagaan [ang aklat na ito] para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga darating na salinlahi. At ngayon masdan, isang layunin ang tinupad na niya, maging sa pagpapanumbalik sa maraming libu-libo … sa kaalaman ng katotohanan; at ipinakita niya ang kanyang kapangyarihan sa kanila, at kanya pa ring ipakikita ang kanyang kapangyarihan sa kanila hanggang sa mga darating na salinlahi; anupa’t ang [aklat na ito] ay pangangalagaan” (Alma 37:18–19).

Ang nakahihikayat na kapangyarihan ding iyon ang matatagpuan ngayon sa natatanging aklat na ito ng banal na kasulatan, at ipapakita ito ng Panginoon sa sinumang taos na naghahangad na makaalam. Masasabi ko ito nang may katiyakan habang ginugunita ang mga panahong iyon nang unti-unti kong natututuhan ang tungkol sa Simbahan. Ngayon, dahil sa nakahihikayat na kapangyarihan ng Aklat ni Mormon, pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, na itinuturo nito na si Jesus ang Cristo, ang Banal na Mesiyas. Ang aklat ay malinaw na katibayan na naganap na ang Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.

Kung kasama kayo sa mga tunay na naghahanap ng katotohanan, nangako ang Panginoon na malalaman ninyo. Maaari ninyong malaman sa pamamagitan ng pakikinig sa mga turo ng aklat, sa pagbabasa ng aklat, pagsunod sa itinuturo ng aklat, pagdarasal upang malaman ang katotohanan nito, o sa pinagsama-samang mga paraang ito. Ngunit malalaman ninyo.