2010
Mga Ideya para sa Family Home Evening
Pebrero 2010


Mga Ideya para sa Family Home Evening

Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay inilaan para bigyan kayo ng ilang ideya. Maaari ninyong iangkop ang mga ito sa inyong pamilya. Ang mga numero sa panaklong ay tumutukoy sa mga pahina sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin.

“Ang Kaisa-isang Ski,” p. 12: Sa isang aralin, maaari kayong diktahan ng Espiritu Santo o ang mga tinuturuan ninyo na magbahagi ng mga personal na karanasang kailangang marinig ng iba (45). Umisip ng mga paraan na maibibigay ninyo ang mga pagkakataong ito sa inyong mga kapamilya habang nagtuturo kayo mula sa artikulong ito. Halimbawa, matapos malaman ang karanasan ng awtor, maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga kapamilya kapag nadama nila ang lakas at kabaitan ng Ama sa Langit sa sarili nilang buhay.

“Pag-asam na Makapasok sa Templo,” p. 16: Ang isang paraan para matulungan ang mga mag-aaral na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay pagdrowingin sila ng mga larawang nauugnay sa tema ng aralin (166–67). Matapos ituro ang pitong alituntuning nakabalangkas sa artikulo, isiping anyayahan ang mga kapamilya na magdrowing ng isang larawan ng templo o idrowing ang natutuhan nila mula sa aralin.

“Lumaki sa Panginoon,” p. 42: Ang paghiling sa mga kapamilya na pakinggan ang natatanging impormasyon sa artikulo ay magpapaibayo ng paglahok sa aralin (69). Habang magkasama ninyong binabasa ang artikulo, isiping sabihin sa mga kapamilya na makinig sa natatanging mga kataga, salita, o alituntuning makakatulong sa kanila na “lumaki sa Panginoon.”

“Ang Bagong Damit ni Maria,” p. 62: “Kapag ginamit ninyo ang iba’t ibang aktibidad sa pagkatuto, mas mauunawaan ng mga mag-aaral ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mas maaalala ito” (89). Mag-isip ng mga paraan na makikinig, aawit, o magbabahagi ang inyong mga anak ng mga katotohanang natututuhan nila mula sa artikulong ito. Halimbawa, habang binabasa ninyo ang kuwento, anyayahan ang inyong mga anak na itaas ang kanilang mga kamay o ilagay ang kanilang mga daliri sa kanilang ilong kapag napansin nilang hindi nakikinig si Maria. Isiping pakantahin ang inyong mga anak ng isang awitin sa Primary na nauugnay sa natutuhan nila sa kuwento.