Pangkalahatang Kumperensya
Mga Alagad ng Prinsipe ng Kapayapaan
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


Mga Alagad ng Prinsipe ng Kapayapaan

Kapag sinisikap nating magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Tagapagligtas, maaari tayong maging mga kasangkapan ng Kanyang kapayapaan sa mundo.

Bilang katuparan sa propesiyang ibinigay kay Zacarias,1 si Jesus ay matagumpay na nakapasok sa Banal na Lunsod na nakasakay sa isang asno, na ayon sa nakasulat ay itinuturing na isang “sinaunang simbolo ng maharlikang Judio,”2 na tunay na nababagay sa Hari ng mga hari at Prinsipe ng Kapayapaan.3 Napaliligiran Siya ng maraming masasayang disipulo na naglatag ng kanilang mga damit, palaspas, at iba pang mga dahon sa daraanan ni Jesus. Pinuri nila ang Diyos, na sinasabi sa malakas na tinig, “Mapalad ang Hari na dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataas-taasan!”4 At sinabi pa nila, “Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”5 Ang maringal na pangyayaring ito, na ipinagdiriwang natin sa araw na ito na kilala bilang Linggo ng Palaspas, ay masayang panimula sa napakasakit na mga pangyayari na magaganap sa napakalungkot na linggong iyon na natapos sa di-makasariling sakripisyo ng Tagapagligtas at sa kamangha-manghang himala ng libingang walang-laman.

Bilang Kanyang mga tagasunod, tayo ay mga taong pag-aari Niya, na tinawag upang ipahayag ang Kanyang kabanalan,6 mga tagapagsulong ng kapayapaan na saganang ibinigay sa pamamagitan Niya at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang kapayapaang ito ay isang kaloob na ipinangako sa lahat ng yaong ibinaling ang kanilang puso sa Tagapagligtas at namuhay nang matwid; ang gayong kapayapaan ay nagbibigay sa atin ng lakas na malugod sa mortal na buhay na ito at matiis ang mahihirap na pagsubok sa ating paglalakbay.

Noong 1847, nagbigay ang Panginoon ng mga partikular na tagubilin sa mga Banal na pioneer, na nangailangan ng kapayapaan upang manatili silang panatag at nagkakaisa habang nahaharap sila sa di-inaasahang mga paghihirap sa kanilang paglalakbay pakanluran. Kabilang sa iba pang mga bagay, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na “tumigil sa pakikipagtalo sa isa’t isa; tumigil sa pagsasalita ng masama sa isa’t isa.”7 Pinagtitibay ng mga banal na kasulatan na ang mga gumagawa ng kabutihan at nagsisikap na lumakad sa kaamuan ng Espiritu ng Panginoon ay pinangakuan ng kapayapaang kailangan nila upang makaligtas sa mga araw ng kaguluhan kung saan tayo nabubuhay ngayon.8

Bilang mga disipulo ng Prinsipe ng Kapayapaan, iniutos sa atin na mamuhay na ang “mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa.”9 Ipinahayag kamakailan lamang ng ating mahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pagtatalo ay lumalabag sa lahat ng [pinanindigan] at itinuro ng Tagapagligtas.”10 Nakiusap din ang ating propeta na gawin natin ang lahat para wakasan ang mga personal na tunggalian na nagngangalit sa ating puso at buhay.11

Pag-isipan natin ang mga alituntuning ito nang may pagsasaalang-alang sa dalisay na pag-ibig ni Cristo para sa atin upang tayo, bilang Kanyang mga alagad, ay maghangad na magkaroon nito para sa isa’t isa. Tinutukoy ng mga banal na kasulatan ang ganitong uri ng pagmamahal bilang pag-ibig sa kapwa-tao.12 Kapag iniisip natin ang pag-ibig sa kapwa-tao, ang karaniwang naiisip natin ay pagmamagandang-loob at pagbibigay ng donasyon upang maibsan ang pagdurusa ng mga taong dumaranas ng pisikal, materyal, o emosyonal na paghihirap. Gayunman, ang pag-ibig sa kapwa ay hindi nauugnay lamang sa isang bagay na ibinibigay natin sa isang tao, kundi ito ay isang katangian ng Tagapagligtas at maaaring maging bahagi ng ating pagkatao. Hindi na nakapagtataka na iniutos sa atin ng Panginoon na damitan ang ating sarili ng “bigkis ng pag-ibig sa kapwa-tao, … na siyang bigkis ng pagiging ganap at ng kapayapaan.”13 Kung walang pag-ibig sa kapwa-tao, tayo ay walang silbi14 at hindi natin mamanahin ang lugar na inihanda ng Panginoon para sa atin sa mga mansiyon ng ating Ama sa Langit.15

Ipinakita nang perpekto ni Jesus ang ibig sabihin ng pag-ibig sa kapwa-tao, lalo na nang magdanas Siya ng napakatinding pagdurusa bago ang Kanyang kamatayan. Isipin sandali ang maaaring nadama ni Jesus nang mapagpakumbaba Niyang hinugasan ang mga paa ng Kanyang mga disipulo, batid na isa sa kanila ang magkakanulo sa Kanya sa mismong gabing iyon.16 O nang si Jesus, makalipas ang ilang oras, ay maawaing pinagaling ang tainga ng isa sa mga lalaking kasama ni Judas, na nagkanulo sa Kanya, upang dakpin Siya.17 O nang ang Tagapagligtas, na nakatayo sa harapan ni Pilato, ay hindi makatarungang pinaratangan ng mga punong saserdote at matatanda, at wala Siyang sinabing anuman laban sa mga maling paratang sa Kanya, at namangha sa Kanya ang gobernador ng Roma.18

Sa tatlong mahirap na pangyayaring ito, ang Tagapagligtas, sa kabila ng labis na kalungkutan at pighati, ay nagturo sa atin sa pamamagitan ng Kanyang halimbawa na “ang pag-ibig ay matiisin, at magandang-loob; … hindi maiinggitin; … [hindi] mapagmalaki o hambog; hindi magaspang ang kilos. Hindi nito ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi mayayamutin, [at] hindi [nag-iisip ng masama].”19

Ang isa pang mahalagang aspeto na bibigyang-diin, at may tuwirang epekto sa ating pagkadisipulo at kung paano natin isinusulong ang kapayapaan ng Tagapagligtas, ay ang paraan ng pagtrato natin sa isa’t isa. Sa Kanyang ministeryo sa lupa, ang mga turo ng Tagapagligtas ay nakatuon—hindi lamang, kundi lalo na—sa mga kabutihan ng pagmamahal, pag-ibig sa kapwa-tao, tiyaga, pagpapakumbaba, at pagkahabag—napakahalagang mga katangian para sa mga taong gustong mas mapalapit sa Kanya at maisulong ang Kanyang kapayapaan. Ang mga katangiang ito ay mga kaloob mula sa Diyos, at kapag sinisikap nating taglayin ang mga ito, makikita natin ang mga pagkakaiba at kahinaan ng ating kapwa nang may higit na pagdamay, pagiging sensitibo, paggalang, at pag-unawa. Isa sa nakikitang mga palatandaan na mas napapalapit tayo sa Tagapagligtas at nagiging higit na katulad Niya ay ang mapagmahal, matiyaga, at mabait na pakikitungo natin sa ating kapwa, anuman ang sitwasyon.

Kadalasan ay nakakakita tayo ng mga taong nagsasalita ng mga negatibo at mapanlait na komento tungkol sa nakikitang mga pag-uugali, kahinaan, at opinyon ng iba, lalo na kapag ang gayong mga pag-uugali at opinyon ay iba o salungat sa kung paano sila kumilos at mag-isip. Karaniwan nang nakikita ang mga taong ito na sinasabi ang mga komentong iyon sa iba pang mga tao, na ikinakalat naman ang narinig nila gayong hindi nila alam ang lahat ng mga detalye ng pangyayari. Ang nakalulungkot, hinihikayat ng social media ang ganitong uri ng pag-uugali sa ngalan ng relatibong katotohanan at kaliwanagan. Kung walang restriksyon, madalas na nauuwi ang digital na pag-uusap sa personalang pag-atake at matinding pagtatalo ng mga tao, na nagdudulot ng kalungkutan, hinanakit, at paglaganap ng matinding pagkapoot.

Ipinropesiya ni Nephi na sa mga huling araw, ang kaaway ay magngangalit at pupukawin ang mga tao na magalit laban sa yaong bagay na mabuti.20 Itinuturo ng mga banal na kasulatan na “bawat bagay na nag-aanyaya at nang-aakit na gumawa ng mabuti, at ibigin ang Diyos, at maglingkod sa kanya ay pinapatnubayan ng Diyos.”21 Sa kabilang banda, “yaong masama ay nagmumula sa diyablo; sapagkat ang diyablo ay kaaway ng Diyos, at patuloy na nakikipaglaban sa kanya, at nag-aanyaya at nang-aakit na magkasala, at patuloy na gawin ang yaong bagay na masama.”22

Kung pag-iisipan ang turong ito ng propeta, hindi na nakakagulat na isa sa mga taktika ng kaaway ay pukawin ang pagkamuhi at pagkapoot sa puso ng mga anak ng Diyos. Natutuwa siya kapag nakikita niya na pinipintasan, kinukutya, at sinisiraan ng mga tao ang isa’t isa. Ang pag-uugaling ito ay makasisira sa pagkatao, reputasyon, at pagpapahalaga sa sarili ng isang tao, lalo na kapag hinusgahan nang hindi makatarungan ang tao. Mahalagang maunawaan na kapag tinulutan natin ang ganitong uri ng pag-uugali sa ating buhay, hinahayaan natin ang kaaway na magtanim sa ating puso ng binhi ng pagtatalo, at nanganganib tayo na mahulog sa kanyang matinding patibong.

Kung hindi tayo mag-iingat sa ating mga iniisip, sinasabi, at ikinikilos, maaaring sa huli ay malinlang tayo ng mga tusong panlilinlang ng kaaway, sisirain ang ating pakikipag-ugnayan sa mga taong nakapaligid sa atin at sa ating mga mahal sa buhay.

Mga kapatid, bilang mga taong pag-aari ng Panginoon at tagapagsulong ng Kanyang kapayapaan, hindi natin hahayaan na manaig sa ating puso ang mga panlilinlang na ito ng masama. Hindi natin maaaring dalhin ang gayong nakasisirang pasanin na sumisira ng damdamin, ugnayan, at maging ng mga buhay. Ang ebanghelyo ay kumakatawan sa magandang balita ng malaking kagalakan.

Mangyari pa, walang perpekto sa atin, at tiyak na may mga pagkakataon na natutukso tayo sa ganitong uri ng pag-uugali. Sa Kanyang sakdal na pag-ibig at walang hanggang kaalaman tungkol sa ating pag-uugali, palagi tayong binabalaan ng Tagapagligtas sa gayong mga panganib. Itinuro Niya sa atin, “Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo.”23

Mahal kong mga kapatid, kapag sinisikap nating magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Tagapagligtas, maaari tayong maging mga kasangkapan ng Kanyang kapayapaan sa mundo ayon sa huwarang itinakda Niya. Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang mga paraan na mababago natin ang ating sarili at maging mga taong nagbibigay ng inspirasyon at suporta, may pusong maunawain at mapagpatawad, tumitingin sa pinakamabuti sa kapwa, laging naaalala na “kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad [natin] ang mga bagay na ito.”24

Ipinapangako ko sa inyo na kapag pinagsikapan at pinagbuti natin ang mga katangiang ito, tayo ay magiging mas mabait at madaling makahiwatig sa mga pangangailangan ng ating kapwa25 at makadarama tayo ng kagalakan, kapayapaan, at espirituwal na pag-unlad.26 Tiyak na kikilalanin ng Panginoon ang ating mga pagsisikap at ibibigay sa atin ang mga kaloob na kailangan natin upang maging mas maunawain at mapagpasensya tayo sa mga pagkakaiba, kahinaan, at kakulangan ng isa’t isa. Bukod pa rito, mas mapaglalabanan natin ang udyok na maghinanakit o maghiganti sa mga nakasakit sa atin. Ang hangarin nating magpatawad, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, sa mga nagmalupit sa atin o nagsalita ng masama tungkol sa atin ay tiyak na mag-iibayo at magiging bahagi ng ating pagkatao.

Nawa sa araw na ito, sa Linggo ng Palaspas na ito, ay ilatag natin ang ating mga damit ng pagmamahal at palaspas ng pag-ibig sa kapwa-tao, sinusundan ang mga yapak ng Prinsipe ng Kapayapaan habang naghahanda tayong ipagdiwang, sa darating na Linggong ito, ang himala ng libingang walang-laman. Bilang magkakapatid kay Cristo, masaya nating ipahayag, “Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”27

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay at na ang Kanyang sakdal na pag-ibig, na ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, ay ibinibigay sa lahat ng nagnanais na lumakad na kasama Niya at matamasa ang Kanyang kapayapaan sa daigdig na ito at sa daigdig na darating. Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa banal na pangalan ng Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo, amen.