Pangkalahatang Kumperensya
Tinuturuan Tayo ng Panginoong Jesucristo na Mag-minister
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023


Tinuturuan Tayo ng Panginoong Jesucristo na Mag-minister

Sa tulong ng ating Tagapagligtas, maaari nating mahalin ang Kanyang minamahal na mga tupa at mag-minister sa kanila tulad ng gagawin Niya.

Sinabi ng Panginoong Jesucristo:

“Ako ang mabuting pastol: ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. …

“Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama, at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa.”1

Sa bersiyon ng banal na kasulatang ito sa Griyego, ang salita para sa mabuti ay nangangahulugan ding “kahanga-hanga, dakila.” Kaya ngayon, nais kong magsalita tungkol sa Mabuting Pastol, ang Kahanga-hangang Pastol, ang Dakilang Pastol, maging si Jesucristo.

Sa Bagong Tipan, Siya ay tinatawag na “dakilang pastol,”2 ang “punong Pastol,”3 at “ang Pastol at Tagapag-alaga ng [ating] mga kaluluwa.”4

Sa Lumang Tipan, isinulat ni Isaias na “kanyang pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol.”5

Sa Aklat ni Mormon, Siya ay tinatawag na “mabuting pastol”6 at “dakila at tunay na pastol.”7

Sa Doktrina at mga Tipan, ipinahayag Niya, “Ako ay nasa inyong gitna, at ako ang mabuting pastol.”8

Sa ating panahon, ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang Mabuting Pastol ay mapagmahal na nagmamalasakit sa lahat ng tupa ng Kanyang kawan, at tayo ay Kanyang tunay na mga katuwang na pastol. Ang ating pribilehiyo ay dalhin ang Kanyang pagmamahal at idagdag ang ating pagmamahal sa mga kaibigan at kapwa-tao—nagpapakain, nag-aalaga, at nag-aaruga sa kanila—tulad ng nais ng Tagapagligtas na gawin natin.”9

Kamakailan lamang, sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado at nakadirektang pagsisikap na maglingkod sa mga indibiduwal na anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya. Dahil ito ang Kanyang Simbahan, bilang Kanyang mga lingkod, maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya. Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.”10

Nang bumulung-bulong ang mga Fariseo at mga eskriba laban sa Panginoon, “nagsasabi, Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila,”11 tumugon Siya sa pamamagitan ng paglalahad ng tatlong magagandang kuwento na nakilala natin bilang talinghaga tungkol sa nawawalang tupa, nawawalang piraso ng pilak, at alibughang anak.

Nakatutuwang pansinin na noong ipabatid ni Lucas, ang manunulat ng Ebanghelyo, ang tatlong kuwento, ginamit niya ang salitang talinghaga sa isahang bilang, hindi sa maramihan.12 Tila nagtuturo ang Panginoon ng isang natatanging aral sa tatlong kuwento—mga kuwento na naglalahad ng iba’t ibang numero: 100 tupa, 10 pirasong pilak, at 2 anak na lalaki.

Gayunman, ang pinakamahalagang bilang sa bawat isa sa mga kuwentong ito ay ang numerong isa. At ang isang aral na maaari nating matutuhan mula sa numerong iyan ay maaari kayong maging isang katuwang na pastol para sa 100 elder at prospective na mga elder sa inyong elders quorum o isang adviser sa 10 kabataang babae o isang guro sa 2 batang Primary, ngunit lagi ninyo silang pinaglilingkuran, pinangangalagaan at minamahal nang isa-isa. Hindi ninyo kailanman sinasabing, “Napakahangal na tupa,” o “Hindi ko naman talaga kailangan ang pilak na iyan,” o “Napakarebelde niyang anak.” Kung mayroon tayong “dalisay na pag-ibig ni Cristo,”13 tayo, bilang ang lalaki sa kuwento ng nawawalang tupa, ay “iiwan ang siyamnapu’t siyam … at hahanapin ang nawawala, hanggang [… hanggang sa] ito’y [ating] matagpuan.”14 O, tulad ng babae sa kuwento na may sampung pirasong pilak, tayo ay “magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti [… nang mabuti] hanggang [… hanggang sa] ito’y matagpuan [natin].”15 Kung mayroon tayong “dalisay na pag-ibig ni Cristo,” tutularan natin ang halimbawa ng ama sa kuwento tungkol sa alibughang anak, na habang ang anak ay “nasa malayo pa, natanaw siya [nito] … at ito’y awang-awa sa kanya. Ang ama’y tumakbo, niyakap siya at hinagkan.”16

Madarama ba natin sa puso ng lalaking nawalan lamang ng isang tupa ang pagnanais na kumilos kaagad? O ang pagnanais na kumilos kaagad ng isang babae na nawalan lamang ng isang pilak? O ang di-mailarawang pagmamahal at habag sa puso ng ama ng alibugha?

Kami ng asawa kong si Maria Isabel ay naglingkod sa Central America, sa Guatemala City. Doon ako nagkaroon ng pagkakataong makilala si Julia, isang matapat na miyembro ng Simbahan. Nadama ko na tanungin siya tungkol sa kanyang pamilya. Namatay ang kanyang ina sa kanser noong 2011. Ang kanyang ama ay naging matapat na lider sa kanyang stake, naglingkod bilang bishop at tagapayo sa kanyang stake president sa loob ng ilang taon. Isa siyang tunay na katuwang na pastol ng Panginoon. Ikinuwento sa akin ni Julia ang walang-sawang pagbisita, pag-minister, at paglilingkod nito. Tunay ngang masaya siya sa pagpapakain at pag-aalaga sa minamahal na mga tupa ng Panginoon. Siya ay nag-asawa muli at nanatiling aktibo sa Simbahan.

Makalipas ang ilang taon, nakipagdiborsyo siya, at mag-isa na namang muli na magsisimba. Pakiramdam niya ay hindi na siya kabilang at ramdam niya rin na may mga tao na pinupulaan siya dahil sa kanyang diborsyo. Tumigil siya sa pagsisimba dahil napuno ang kanyang puso ng hinanakit.

Ipinagmalaki ni Julia ang kahanga-hangang katuwang na pastol na ito, na masipag, mapagmahal, at mahabaging tao. Tandang-tanda ko na naramdaman ko na may dapat akong gawin kaagad habang inilalarawan niya ang lalaking ito. May gusto akong gawin para sa taong iyon, isang tao na napakaraming nagawa sa maraming taon na iyon.

Ibinigay niya sa akin ang cell phone number nito, at sinimulan ko siyang tawagan, umaasang magkakaroon ako ng pagkakataong makita siya nang personal. Pagkaraan ng ilang linggo at maraming tawag sa telepono nang walang nangyayari, sa wakas ay sinagot na niya ang telepono.

Sinabi ko sa kanya na nakilala ko si Julia, ang kanyang anak, at humanga ako sa paraan ng kanyang paglilingkod, pag-minister, at pagmamahal sa minamahal na mga tupa ng Panginoon sa loob ng maraming taon. Hindi niya inasahan ang ganoong komento. Sinabi ko sa kanya na talagang gusto ko siyang makausap nang personal. Tinanong niya kung bakit gusto ko siyang makausap. Sagot ko, “Gusto ko talagang makilala ang ama ng isang kahanga-hangang babae.” Pagkatapos, sa loob ng ilang segundo ay natahimik kami sa telepono—ilang segundo na tila para sa akin ay walang-hanggan. Sinabi lang niya, “Kailan at saan?”

Noong araw na nagkita kami, inanyayahan ko siyang ibahagi sa akin ang ilan sa kanyang mga karanasan sa pagbisita, pag-minister, at paglilingkod sa minamahal na mga tupa ng Panginoon. Habang nagsasalaysay siya ng ilang nakakaantig na kuwento, napansin ko na nagbago ang tono ng kanyang tinig at bumalik ang damdamin ding iyon na nadama niya nang maraming beses bilang isang katuwang na pastol. Napuno ng luha ang kanyang mga mata. Alam ko na ito na ang tamang sandali para sa akin, pero natanto ko na hindi ko alam ang sasabihin ko. Nanalangin ako sa aking isipan, “Ama, tulungan po Ninyo ako.”

Bigla kong narinig ang sarili ko na nagsasabing, “Brother Florian, bilang tagapaglingkod ng Panginoon, humihingi ako ng paumanhin dahil wala kami noong kailangan mo kami. Sana patawarin mo kami. Bigyan mo kami ng isa pang pagkakataon na ipakita sa iyo na mahal ka namin. Na kailangan ka namin. Na mahalaga ka sa amin.”

Nang sumunod na Linggo nagsimba siya. Matagal silang nag-usap ng kanyang bishop at siya ay nanatiling aktibo. Makalipas ang ilang buwan pumanaw siya—ngunit nakabalik na siya bago nangyari iyon. Nakabalik na siya. Pinatototohanan ko na sa tulong ng ating Tagapagligtas, maaari nating mahalin ang Kanyang minamahal na mga tupa at mag-minister sa kanila tulad ng gagawin Niya. At gayon na nga, doon sa Guatemala City ibinalik ng Panginoong Jesucristo ang isa pang minamahal na tupa sa Kanyang kawan. At tinuruan Niya ako ng isang aral tungkol sa ministering na hindi ko malilimutan. Sa pangalan ng Mabuting Pastol, ang Kahanga-hangang Pastol, ang Dakilang Pastol, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.