2025
Isang Bagong Kaibigan
Abril 2025


“Isang Bagong Kaibigan,” Kaibigan, Abril 2025, 36–37.

Isang Bagong Kaibigan

Alam ni Taylor ang pakiramdam na kinakabahan.

Isang tunay na kuwento mula sa Canada.

Tinulungan ni Taylor si Inay na dalhin ang mga suplay para sa aktibidad sa Primary papunta sa parke. Mainit ang araw sa kanyang mukha, at berde na naman ang damo sa parke. Ang sayang lumabas!

Ang tagsibol ay isang bagay na nagpaalala sa kanya na mahal siya ng Ama sa Langit. Gustong hanapin ni Taylor ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng bagay—tulad ng bughaw na langit o makita ang kanyang mga kaibigan sa aktibidad sa Primary.

Sinundan ni Taylor si Inay kung saan naghahanda para sa mga laro ang iba pang mga lider ng Primary para sa mga bata.

Kumaway si Sister Kingsley at nagsabing, “Darating si Jane!”

“Ayos!” sabi ni Inay.

“Sino si Jane?” Tanong ni Taylor.

“Bagong bata siya na inimbitahan namin. Umaasa kami na matutulungan mo siya at ng iba pang mga bata na madama na welcome siya,” sabi ni Inay.

Nakaramdam si Taylor ng kaba sa kanyang tiyan. Mahirap para sa kanya ang makipag-usap sa mga bagong tao. Gusto niyang maging mabait. Pero paano kung ayaw sa kanya ng bagong bata?

Hindi nagtagal, dumating ang lahat, pati na ang isang batang babae na hindi kilala ni Taylor.

“Maligayang pagdating sa ating Primary activity!” sabi ni Sister Kingsley. Ipinatong niya ang kamay sa balikat ng bagong bata. “Ito si Jane. Sasamahan niya tayo ngayon. Umaasa kami na ang lahat ay magiging masaya sa paglalaro nang magkasama sa parke.”

“Pwede po ba kaming maglaro ng grounders?” tanong ng isa sa mga bata sa Primary.

“Opo, sige na po!” Sigaw ni Taylor.

Sabik na sabik siya! Grounders ang paborito niyang laro. Nakipagkarera si Taylor kasama ang iba pang mga bata sa palaruan. Pagkatapos ay tumigil si Taylor nang makita niyang nakatayo si Jane na mag-isa.

Ibinigay sa kanya ng Ama sa Langit ang maganda at espesyal na araw na ito. Gusto niyang maging masaya sa araw na ito, at gusto rin niyang maging masaya si Jane. Tila ba nanginginig sa kaba ni Taylor, pero huminga siya nang malalim at naglakad palapit kay Jane.

Larawan ng dalawang batang babae na nag-uusap sa isang parke

“Hi. Ako si Taylor.”

“Hi.” Ngumiti nang bahagya si Jane, pero parang kinakabahan siya.

“Nakapaglaro ka na ba ng grounders?” Tanong ni Taylor.

Umiling si Jane.

Alam ni Taylor kung ano ang pakiramdam ng kabahan sa mga bagong bagay.

“Masaya ito!” sabi ni Taylor. “Nakapikit lang ang taya habang sinusubukan nilang mataya ang iba pa na nasa mga gamit sa palaruan. Tapos, lahat ng kasali ay pwedeng tumakbo sa paligid. Pero kapag sumigaw ang taya ng ‘grounders!,’ ang sinumang nakatapak pa rin sa lupa ang magiging taya.”

Mukhang kinakabahan pa rin si Jane.

“Gusto mo bang tumabi lang muna sa akin?” Tanong ni Taylor.

Ngumiti naman si Jane. “Oo!”

Larawan ng mga batang naglalaro sa isang palaruan

Naglakad sina Taylor at Jane papunta sa palaruan. Habang umaakyat sila sa tuktok, binati ng ibang bata si Jane. Si Jane ay nanatiling malapit kay Taylor noong una, pero hindi nagtagal ay tinulungan din ng iba pang mga bata si Jane. Sa nalalabing bahagi ng aktibidad sa Primary, si Jane ay kinausap ni Taylor at ng lahat ng iba pang mga bata. Sa huli, hindi na kinakabahan si Taylor, at sigurado siyang hindi na rin kinakabahan si Jane.

“May gusto ba ng ice pop?” Sabi ni Inay habang binubuksan ang cooler.

Matapos ang lahat ng pagtakbo at paglalaro, masaya si Taylor na umupo katabi ng kanyang mga kaibigan at magpalamig. Pag-uwi ni Jane, nagpaalam sa kanya si Taylor at ang iba pang mga bata.

Hindi nagtagal ay si Taylor na lang, ang nanay niya, at ang iba pang mga lider ang natira. Pinulot ni Taylor ang mga balat ng ice pop at inilagay ang mga ito sa isang trash bag.

“Ipinagmamalaki kita,” sabi ni Inay. “Ibinahagi ninyo ng mga kaibigan mo ang pagmamahal ng Ama sa Langit kay Jane ngayon.”

Nag-isip si Taylor tungkol doon. Kahit karaniwan ay naghahanap siya ng mga paraan na ipinakita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa kanya, iba ang nangyari ngayong araw. Ngayon, siya ang nagpakita ng Kanyang pagmamahal.

PDF ng Kuwento

Paglalarawan ni Hollie Hibbert