2022
May Nagmamahal sa Iyo
Abril 2022


Kaibigan sa Kaibigan

May Nagmamahal sa Iyo

Larawan
young woman looking sad on bus

Sa daan papunta sa bago kong trabaho, nagsimula akong mag-alala.

Paano kung hindi sapat ang nagagawa ko? naisip ko habang sakay ako ng bus. Paano kung sa palagay nila ay hindi ako mahusay magtrabaho?

Pagkatapos ay malinaw kong nadama: Gawin mo ang lahat ng makakaya mo. Kahit hindi maganda ang kalabasan, may nagmamahal sa iyo.

Naisip ko ang asawa ko. Alam kong mamahalin niya ako kahit hindi naging maayos ang trabaho ko. At pagkatapos ay naisip ko si Jesucristo. Alam ko na lagi Niya akong mamahalin. Ramdam ko iyon sa puso ko. Hiniling ko sa isang simpleng panalangin sa Ama sa Langit na tulungan ako.

Pagdating ko sa trabaho, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Nang magkamali ako, patuloy akong nagsikap. Naalala ko na may nagmamahal pa rin sa akin.

Mahal ka rin ni Jesus! Alam natin na mahal ni Jesus ang mga bata dahil sa paraan ng pakikitungo Niya sa kanila. Isang araw dinala ng ilang magulang ang kanilang maliliit na anak para makita si Jesus. Pero sinabi ng mga disipulo na hindi nila Siya dapat abalahin.

Hindi sumang-ayon si Jesus. Sinabi Niya na dapat hayaan ng mga magulang ang mga bata na lumapit sa Kanya. Pagkatapos ay “kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila” (Marcos 10:16).

Laging tandaan na mahal ka ni Jesus. Mahal ka rin ng Ama sa Langit. Kilala ka Nila sa pangalan. Gusto ka Nilang kargahin at basbasan.

Kahit hindi maganda ang takbo ng mga bagay-bagay, patuloy na magsikap. Humingi ng tulong sa panalangin at gawin ang lahat ng makakaya. Tandaan, anuman ang mangyari, may isang taong laging nagmamahal sa iyo.

Larawang-guhit ni Dani Jones