Mga Banal na Kasulatan
Patotoo ng Tatlong Saksi


Ang Patotoo ng Tatlong Saksi

Ipinaaalam sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, kung kanino makararating ang gawang ito: Na kami, sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, ay nakita ang mga laminang naglalaman ng mga talang ito, na tala ng mga tao ni Nephi, at gayundin ng mga Lamanita na kanilang mga kapatid, at gayundin ng mga tao ni Jared, na nanggaling sa toreng nabanggit. At nalalaman din namin na ang mga ito ay naisalin sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, sapagkat ang kanyang tinig ang nagpahayag nito sa amin; kaya nga nalalaman namin nang may katiyakan na ang gawa ay totoo. At nagpapatotoo rin kami na nakita namin ang mga nakaukit na nasa mga lamina; at ang mga ito ay ipinakita sa amin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, at hindi ng sa tao. At aming ipinahahayag sa mahinahong mga salita, na isang anghel ng Diyos ang bumaba mula sa langit, at kanyang dinala at inilahad sa harap ng aming mga paningin, na namasdan at nakita namin ang mga lamina, at ang mga nakaukit doon; at nalalaman namin na sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng ating Panginoong Jesucristo, kung kaya’t amin itong namasdan at napatototohanan na ang mga bagay na ito ay totoo. At ito ay kamangha-mangha sa aming mga paningin. Gayunpaman, ang tinig ng Panginoon ay nag-utos sa amin na patotohanan namin ito; kaya nga, upang makasunod sa mga ipinag-uutos ng Diyos, pinatototohanan namin ang mga bagay na ito. At nalalaman namin na kung kami ay magiging matapat kay Cristo, maaalis namin sa aming mga kasuotan ang dugo ng lahat ng tao, at matatagpuang walang bahid-dungis sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo, at mananahang kasama niya nang walang hanggan sa kalangitan. At ang karangalan ay sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo, na iisang Diyos. Amen.

Oliver Cowdery

David Whitmer

Martin Harris