“Naaapektuhan Ba ng Iyong Algorithm ang Iyong Espirituwalidad?,’” Liahona, Set. 2026.
Mula sa Lingguhang YA
Naaapektuhan Ba ng Iyong Algorithm ang Iyong Espirituwalidad?
Nag-iingat ka ba sa mga binabasa at pinapanood mo online?
Nito lang, iniisip ko kung paano ako magiging mas mabuting disipulo. Gusto kong gumawa ng mga pagbabago para matulungan akong madama na mas nakaayon ako sa Espiritu.
Siyempre, ang patnubay na hinahanap ko ay nagmula sa isang Apostol, nang bumisita si Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Lima, Peru, at nagbigay ng debosyonal sa mga young adult dito.
Ikinuwento niya sa amin kung paano niya nakausap kamakailan ang propeta (si Pangulong Russell M. Nelson [1924–2025] noon), na gustong sabihin niya sa mga young adult kung gaano siya nagpapasalamat na pinili naming mamuhay nang matwid.
Sinimulan ni Elder Rasband na ilista ang mga partikular na bagay na ginagawa namin bilang mga disipulo ni Jesucristo. Habang nakikinig ako, pakiramdam ko ay maayos ang ginagawa ko sa aking pagkadisipulo! Pero pagkatapos ay sinabi niya, “At salamat sa pagiging maingat sa mga pelikula at serye sa telebisyon na pinapanood mo.”
Agad akong nakaramdam ng pagkabalisa. Nang gabing iyon, taos-puso akong nagmuni-muni at tinanong ang sarili ko, “Talaga bang maingat ako sa mga pinapanood ko—tungkol sa kahit aling media na gamit ko?”
Kung magiging tapat ako, ang sagot ko ay hindi.
Isaalang-alang ang Lahat ng Pinapanood Mo
Nabibilang tayo sa henerasyon na walang limitasyon ang access sa media, at anumang uri (o dami) ng content ay makukuha nang walang mga pagbabawal.
Sa personal, sinisikap kong iwasan ang panonood ng mga palabas o pelikula na malaswa ang nilalaman, pero natanto ko na ang komento ni Elder Rasband ay hindi lamang limitado sa telebisyon; akma ito sa lahat ng nababasa, pinapanood, at pinakikinggan ko.
Naisip ko ang social media at lahat ng maiikling video, meme, at larawang gusto ko at isine-share ko sa mga platform na iyon—na marami sa mga ito ay may masasamang salita, hindi angkop na mga mensahe, o bastos na katatawanan na karaniwan kong iniiwasan kahit saan pa.
Minsan ay ibinahagi ni Sister Becky Craven, dating Second Counselor sa Young Women General Presidency, ang ibig sabihin ng pagiging nasa “kulay abo,” kung saan ang ating mga kilos ay maaaring halong mabuti at hindi gaanong mabuti. Nagtanong siya: “Maingat ba tayo o kaswal sa binabasa at pinanonood natin sa TV at sa ating mga mobile device? Maingat ba tayo sa ating pananalita? O kaswal nating tinatanggap ang magaspang at mahalay?”
Talagang kaswal lang ako.
Baguhin ang Algorithm
Kaya nagpasiya akong magsagawa ng “cleanse” sa social media at i-reset ang aking algorithm. Nag-unfollow ako sa ilang account, at binago ko ang aking mga filter at settings. Nakatulong ito sa akin na maging mas maingat sa mga pagpili ko.
Natanto ko rin kung paanong kahit ang maliliit at tila hindi nakakapinsalang pagkalantad sa hindi angkop na media ay maaaring makaapekto sa aking koneksiyon kay Jesucristo sa paglipas ng panahon.
Sa bawat paggamit mo ng teknolohiya, maging maingat sa iyong layunin. Maaari kang magdesisyon kung ano ang iyong nakikita, kung ano ang iyong naririnig, kung sino ang iyong sinusundan, at kung ano ang iyong isine-share.
Kamakailan ay nagsalita si Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagkakaroon ng pagpipigil, na kinabibilangan ng pagpili na kumilos nang may espirituwal na karunungan. Sabi niya, “Ang pagsisikap na magtaglay ng kahinahunan ay makabuluhang paraan upang maprotektahan ang ating kaluluwa laban sa halos hindi makita subalit patuloy na espirituwal na pagguho na dulot ng mga makamundong impluwensiya na nagpapahina sa ating pundasyon kay Jesucristo.”
Naniniwala ako na maraming espirituwal na pagkasira ang nagmumula sa media na ginagamit natin.
Hindi inaasahan ng Panginoon na magiging perpekto tayo ngayon, pero kapag sinikap nating maging maingat sa paggamit ng ating media, maaari nating i-reset hindi lamang ang ating mga algorithm sa social media kundi pati na rin ang ating mga espirituwal na algorithm. Sa pagpili ng media na nagpapaangat, nagtuturo, at nagbibigay-aliw sa kapaki-pakinabang na paraan, mas palagian nating maaanyayahan at mapapansin ang presensiya ng Espiritu sa ating buhay.
Ang awtor ay naninirahan sa Lima, Peru.