Mula sa Lingguhang YA
Nadarapa sa Dilim? Hayaang Gabayan Ka ng Liwanag ni Cristo
Ang paghahanap sa Ama sa Langit ay hindi kailangang maging isang laro ng tagu-taguan sa dilim.
Napakadilim nang magmulat ako ng aking mga mata. Nag-iisa ako. At kinailangan kong kumilos.
Ilang sandali bago iyon, nakatipon kaming magkakapatid sa aming kamalig. Perpektong lugar iyon para sa paborito naming laro: tagu-taguan sa dilim.
Minalas ako na maunang maging taya. Nagtakbuhan ang aking mga kapatid na may hawak na mga flashlight, at naiwan akong mag-isa na walang dalang mapagkukunan ng liwanag. Pagkaraan ng dalawang minuto ng paghihintay, oras na upang hanapin ang aking mga kapatid.
Ngunit hindi ko magawang kumilos.
Pansamantala akong hindi nakakilos dahil sa takot sa kung ano ang nasa dilim. Kalaunan, napuno ako ng takot sa pag-iisa. Humakbang ako ng ilang hakbang at …
Nadapa ako na una ang mukha.
Tumayo ako at patuloy na nadapa sa dilim.
Kung minsan, ang pakiramdam natin sa buhay ay para tayong nag-iisa sa dilim, nadarapa sa daan pabalik sa Ama sa Langit. Paano natin Siya mahahanap kapag napaliligiran tayo ng mga impluwensiya ng mundo?
Ang sagot? Hindi ka nag-iisa. Hindi tulad ko nang maglaro kami ng mga kapatid ko, may espirituwal na flashlight ka na gagabay sa iyong buhay.
Ang Iyong Espirituwal na Flashlight
Hindi nagkataon lamang na tinukoy sa mga banal na kasulatan si Jesucristo bilang “ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan” (3 Nephi 9:18). Tinatanglawan Niya ang paglalakbay patungo sa ating mapagmahal na Ama sa Langit, na umaasam na makabalik tayo sa Kanya. Kapag pinili mong umasa sa Tagapagligtas at bumuo ng matibay na pakikipagtipan sa Kanya, malugod mong tinatanggap ang Kanyang patnubay sa iyong buhay.
Gayundin, kapag pinili mong buksan ang flashlight, inaanyayahan mo ang liwanag nito na palibutan ka. Hindi tulad ng aking laro sa kamalig, matatamo ng bawat isa sa atin ang impluwensiya ng Espiritu Santo, ang ating espirituwal na flashlight na gumagabay sa atin sa ating paglalakbay pauwi sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan.
Kailangan tayong sadyang gumawa ng desisyon na buksan ang ilaw sa pamamagitan ng pamumuhay sa mga paraan na nag-uugnay sa atin sa Tagapagligtas. Kapag patay ang ilaw, pinili nating ilayo ang ating sarili sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang liwanag na inihahandog Niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay maaaring makaimpluwensiya sa ating mga pang-araw-araw na desisyon, kaisipan, at kilos, na nakadaragdag sa ating kakayahang matamo ang apat na susing kaloob ng Espiritu:
1. Kapayapaan
Bilang isang taong may malaking takot sa dilim, ako ay nakadama ng panghihina at pagkalantad sa aking napakadilim na kamalig. Kung hindi sana ako gaanong nakatuon sa aking takot, marahil ay naging mas handa ako para sa mga sagabal na nakaabang sa akin.
Kapag sinusunod natin si Cristo, na nagtutulot sa Kanyang liwanag na palibutan tayo, napoprotektahan tayo laban sa marami sa maaaring makapinsalang balakid sa ating landas. Itinuro ni Cristo, “Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). Sa pagsunod mo sa Kanya, babalutin ka Niya sa kaginhawahan ng ilaw ng buhay. At bilang kapalit, mas lubos mo Siyang masusunod.
2. Pagkilatis sa Pagitan ng Mabuti at Masama
Ako ay nadapa at bumagsak sa aking kamalig dahil hindi ko nakita ang anumang mga balakid. Nabalaan sana ako ng flashlight tungkol sa panganib at nailigtas ako sa matinding pasakit.
Gayundin, maaaring magkintal sa atin ang Espiritu Santo ng malalim na pag-unawa sa mabuti at masama (tingnan sa Alma 32:35). Kapag nakipagtipan tayo sa Panginoon at tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo, maaaring impluwensiyahan ng Espiritu ang ating mga kilos at palakasin ang kakayahan nating makahiwatig sa pagitan ng mabuti at masama.
Pinoprotektahan tayo nito mula sa kasalanang nakapipinsala sa kaluluwa at naglalayo sa atin mula sa ating Ama sa Langit. Ang pananatiling konektado kay Jesucristo at sa liwanag na inaalok Niya ay maaaring makatulong sa atin na mabuhay sa kumplikadong mundo sa ating paligid.
3. Pagsisisi
May mga pagkakataon na magkakamali ka ng desisyon, kahit may liwanag na gagabay sa iyo. Ngunit maaari kang tulungan ni Cristo na mapansin ang iyong mga pagkakamali, magbago, at magsikap na gawin ang tama.
Tulad ng itinuro ni Sister Tamara W. Runia, Unang Tagapagyo sa Young Women General Presidency: “Hindi tayo nananatili sa landas ng tipan sa pamamagitan ng hindi paggawa ng pagkakamali kailanman. Nananatili tayo sa landas sa pamamagitan ng pagsisisi araw-araw.”
Tayo ay malilihis ng landas patungo sa ating Ama sa Langit. Isang bahagi ito na hindi maiiwasan sa mortalidad. Ngunit sa pagtutuon kay Jesucristo at pagtupad ng ating mga tipan, masusumpungan natin ang ating daan pabalik sa landas.
4. Pag-ibig sa Kapwa-Tao
Maaaring marami sa mga anak ng Diyos ang sawa nang magtago sa dilim. Hawak ang flashlight, may kakayahan kang makita sila sa iyong landas at dalhin sila sa mainit at nag-aanyayang liwanag ng Tagapagligtas.
Kapag masigasig nating hinangad na sundin ang ating Tagapagligtas, kumikilos tayo bilang mga tanglaw. Itinuro ni President Camille N. Johnson, Relief Society General President, “Kapag ibinabahagi natin ang ating liwanag, naghahatid tayo ng kaginhawahan ni Jesucristo sa iba, lumalalim ang ating pagbabalik-loob sa Kanya, at maaari tayong maging buo habang naghihintay tayo sa pagpapagaling.”
Walang dapat maglakbay nang mag-isa. May kagalakan sa pagdadala sa iba kay Jesucristo. Ang ministering at pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtutulot sa bawat isa sa atin na anyayahan ang iba na makibahagi sa pagmamahal ng Diyos at tumahak sa landas ng tipan.
Pagkapit sa Iyong Espirituwal na Flashlight
Ang kapatid kong babae ang aking bayani noong araw na iyon sa kamalig. Maaari sana niyang balewalain ang aking paghingi ng tulong nang maraanan ko siya. Ngunit sa halip, binuksan niya ang kanyang flashlight at tumakbo siya upang alalayan ako. Nabawasan ang aking pag-iisa dahil sa kanyang tulong. At kinapitan ko ang tulong na iyon hanggang sa matapos ang paghahanap sa aking mga kapatid.
Ang paglalakbay pabalik sa Ama sa Langit ay hindi kailangang maging madilim. Inilaan Niya si Jesucristo upang gabayan ka pabalik sa Kanya. Huwag sayangin ang Kanyang mahalagang kaloob sa pagsasantabi ng liwanag na inaalok Niya.
Kapag kumapit ka kay Jesucristo at sa Kanyang liwanag, makikita mo ang daan pauwi sa iyong Ama sa Langit.
Mga Tala