Lingguhang YA
3 Bagay na Natututuhan Natin mula kay Cristo Tungkol sa mga Relasyon
Abril 2024


“3 Bagay na Natututuhan Natin mula kay Cristo Tungkol sa mga Relasyon,”Liahona, Abr. 2024.

Mga Young Adult

3 Bagay na Natututuhan Natin mula kay Cristo Tungkol sa mga Relasyon

Kapag bumubuo at nagpapalalim tayo ng mga relasyon sa iba, makasusumpong tayo ng mas malaking kasiyahan at kagalakan.

Larawan
si Jesucristo na dumadalaw sa mga Nephita

Dinalaw ni Cristo ang mga Nephita, ni Minerva Teichert

Naisip na ba ninyo kung paano nagkaroon ng mga relasyon o ugnayan si Jesucristo sa iba? Pag-isipan ninyo ito. Alam Niya palagi ang nangyayari sa mga tao sa Kanyang paligid (tingnan sa Lucas 8:43–48; 19:2–10; Juan 1:47–50). Nakiramay Siya sa mga tao (tingnan sa Juan 11:31–36). Tinulungan Niya sila at sinikap na pagaanin ang kanilang mga pasanin (tingnan sa Lucas 8:26–36; Juan 5:5–9).

Kahit sa Aklat ni Mormon, pisikal na lumapit si Jesucristo sa mga Nephita at inanyayahan sila na “isa-isang” magsilapit sa Kanya (3 Nephi 11:15).

Ang pagtulong, paglilingkod, at pakikiramay sa iba ay mahalagang bahagi ng pagkatao ni Cristo. At dahil sa Kanya, may halimbawa tayong susundan kapag sinisikap nating bumuo ng mga relasyon o ugnayan sa mga tao sa paligid natin. Narito ang tatlong bagay na matututuhan natin tungkol sa mga walang-hanggang relasyon o ugnayan mula sa halimbawa ni Jesucristo:

Larawan
si Jesucristo at ang babaeng nahuling nangangalunya

Hindi Rin Kita Hinahatulan, ni Eva Timothy

1. Ang mga Relasyon ay Nagpapala sa Atin Ngayon at sa Kabilang-Buhay

Walang sinumang gustong makaramdam na siya ay nag-iisa. Ang isa sa mga pinakamahalagang bagay na magagawa natin sa mundo ay ang magkaroon ng mga relasyon o ugnayan na susuporta sa atin sa iba’t ibang panahon ng buhay at tutulong sa atin na magtiis hanggang wakas.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “kapag pinaglingkuran natin ang iba at minahal sila na katulad ni Cristo, may magandang nangyayari sa atin. Ang ating sariling espiritu ay gagaling, mas dadalisay, at mas lalakas. Tayo ay nagiging mas masaya, mas payapa, at mas madaling makaramdam sa mga bulong ng Banal na Espiritu.”1

Ang ating mga relasyon ay hindi lamang magpapala sa atin sa lupa kundi gaganap din ng mahalagang bahagi sa pagtulong sa atin na magkamit ng kadakilaan.

Habang naglilingkod bilang Area Seventy, sinabi ni Elder Kevin J Worthen, “Ang isa sa mga layunin ng buhay na ito … ay ang magkaroon kapwa ng mga kasanayan at katangiang kailangan para bumuo ng nagtatagal at masasayang relasyon.”2

Nais ni Cristo na makapiling natin Siya sa langit. Sabi Niya, “At kung ako’y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako’y babalik at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon” (Juan 14:3). Matutularan natin ang Kanyang halimbawa kapag pinangalagaan natin ang mga relasyon o ugnayan na maaari nating dalhin sa langit. Nalaman natin sa Gospel Topics Essays na “di-gaanong iniisip ng mga miyembro ng Simbahan ang kadakilaan sa pamamagitan ng mga imahe kung ano ang makukuha nila kundi sa pamamagitan ng mga relasyon o ugnayang mayroon sila ngayon at kung paano maaaring mapadalisay at mapatibay ang mga relasyon o ugnayang iyon.”3

Sa halip na madama na nag-iisa tayo sa buhay, makikita natin na ang ating mga relasyon ay maaaring maging mga muog ng kaligtasan at kapanatagan. Kapag sinundan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pangangalaga sa ating mga relasyon, daranas tayo ng higit na kaligayahan at kagalakan sa buhay na ito at sa buhay na darating.

Larawan
si Jesucristo at ang Kanyang mga Apostol sa Huling Hapunan

Sa Pag-alaala sa Akin, ni Walter Rane

2. Ang mga Relasyon o Ugnayan ay Sulit na Pagsikapan

Kung sa pakiramdam ninyo ay mahirap magkaroon ng mga relasyon o ugnayan, hindi kayo nag-iisa.

Sabi ni Elder Worthen: “Ang mga positibong walang-hanggang relasyon o ugnayan ay hindi dumarating nang walang kapalit. Para tunay na mahalin ang iba, kailangan nating maging sensitibo sa mga bagong paraan. Ang ibig sabihin ng atin mismong pagmamahal at malasakit sa iba ay na maaapektuhan tayo ng kanilang mga kilos at sitwasyon sa mga paraang kung minsa’y mahirap sa espirituwal … Ngunit sulit ang resulta.”4

Ang mga dakilang bagay ay hindi kailanman dumarating nang madali, at kabilang diyan ang relasyon o ugnayang nalikha ng Tagapagligtas sa atin sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Natanto Niya na sulit ang sakit na mararanasan Niya. Ang Kanyang dakilang pagmamahal sa atin ay nag-engganyo sa Kanya na magpatuloy kahit noong magtanong Siya kung may iba pang paraan (tingnan sa Mateo 26:39).

3. Tutulungan Tayo ni Cristo

Maaaring iniisip ninyo, “Alam ko na mahalaga ang mga relasyon! Hindi ako gaanong mahusay sa pakikipagkaibigan.”

Maunawain si Cristo. Alam Niya kung gaano kahirap makihalubilo at ang mga pangambang nararanasan natin kung minsan kapag sinusubukan nating kumonekta sa iba, lalo na sa isang mundo na naging masyado nang digital.

Nangako Siya, “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Tutulong si Cristo na gabayan tayo kapag handa ang ating puso. At kapag sinundan natin ang Kanyang halimbawa, may pangako sa atin na sa huli, “tayo ay magiging katulad niya” (Moroni 7:48)—at kabilang dito ang pagiging mas mapagkawanggawa at pagkakaroon ng mga makabuluhang relasyon o ugnayan na katulad ng ginawa Niya.

Kapag hinanap natin Siya, makikita natin na napapaligiran tayo ng mga oportunidad para sa magagandang relasyon at pakikipag-ugnayan sa iba.

Larawan
si Maria na nakikinig kay Jesucristo

Nakinig si Maria sa Kanyang Salita, ni Walter Rane