Lingguhang YA
Tinulungan Ako ng Family History na Mas Madama na Ako ay Kabilang
Marso 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Tinulungan Ako ng Family History na Mas Madama na Ako ay Kabilang

Nakakita ako ng mas malalalim na koneksyon sa pamamagitan ng mga himala sa gawain ko sa family history.

Larawan
isang babaeng nakatingin sa isang scrapbook

Naaalala ko nang magkuwento ang nanay ko tungkol sa sitwasyon ng kanyang pamilya sa Mexico. Sinabi niya sa amin kung paano ninakaw ng isang kamag-anak ang lupaing minana ng kanyang ama at kung paanong hindi nakilala ng kanyang ama ang sarili nitong lolo. At ang kuwento ay palaging nagtatapos sa malungkot na salaysay tungkol sa pagdating at pagsunog ng isang grupo ng mga sanggano sa bahay ng kanyang pamilya at sa lahat ng naroon—kabilang na ang talaan ng kasaysayan ng kanilang pamilya.

Akala ko nawala na nang tuluyan ang lahat ng impormasyon sa genealogy sa panig ng nanay ko.

Tuwing binubuksan ko ang FamilySearch, ilang henerasyon lang sa panig niya ang nababalikan ko. Pero dahil sa masigasig na gawain sa family history, natutunton namin ang panig ng tatay ko hanggang 300 BC. Napakalaki ng pagkakaiba! Pero akala ko wala akong gawaing magagawa, kaya hindi ko sinaliksik ang family tree namin nang mahigit 10 taon. Parang nalimutang alaala ang aking mga ninuno na hindi kailangang bisitahing muli.

Pero natutuhan ko na may makapangyarihang mga pagpapalang nagmumula sa pagkilala sa ating mga ninuno.

Paghahanap ng Pagiging Kabilang—at Paghilom

Gustung-gusto ko ang sinabi ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa paggawa ng gawain sa family history:

“Kapag namatay tayo, hindi tayo tumitigil sa pag-iral. …

“Buhay na buhay pa rin, ang ating mga ninuno ay karapat-dapat na maalala. Naaalala natin ang ating pamana sa pamamagitan ng mga kuwento ng kasaysayan, mga talaan ng angkan at kuwento ng pamilya, mga bantayog o lugar ng alaala, at mga pagdiriwang na may mga larawan, pagkain, o bagay na nagpapaalala sa atin ng mga mahal sa buhay.”1

Ang paalalang ito ang pangunahing dahilan kaya ako nagpasiyang maghanap ng iba pang impormasyon tungkol sa aking mga ninuno. Hindi naman masamang subukan, hindi ba? Napansin ko pa na may nag-aalab ang puso ko na nag-udyok sa akin na tingnan ang isang partikular na linya ng pamilya. (Alam ko na ngayon nang malinaw na ang Espiritu iyon.)

Tuwing sinusunod ko ang mga pahiwatig na ito, kalaunan ay nakikita ko ang isang ninuno na kailangang makumpleto ang mga ordenansa sa templo. At nang patuloy ko silang hinanap, nadama ko na nagsisimulang tumindi ang pagkabigkis ko sa aking mga ninuno. Bigla kong natanto kung gaano sila katotoo at kung gaano katotoo ang aming koneksyon. Nang gawin ko ang aking family history, nadama ko na parang kasama ko ang aking mga ninuno, at tinutulungan akong makasulong.

Mayroon lang akong narinig at limitadong nakasulat na mga kasaysayan ng pamilya ng aking ina para makapagpatuloy. Pero dahil “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (tingnan sa Alma 37:6), ang maliit na impormasyong iyon ang kailangan ko para mag-anyaya ng himala para sa aking pamilya.

Nang dahan-dahan akong magdagdag sa family tree ng nanay ko, nakatanggap ako ng mensahe mula sa isang taong hindi ko kilala sa FamilySearch. Isang kaapelyido ng nanay ko at naipadala ko sa templo ang inireserba ng taong ito, at humingi siya ng tulong sa akin na makahanap ng iba pang impormasyon tungkol sa kanilang pamilya.

Ang mga pangalan sa templo ay maaari lang ireserba ng mga inapo ng may-ari ng pangalang iyon, ibig sabihin ay may kaugnayan ako sa taong ito na nagpapadala ng mensahe sa akin. Nagulat ako! Noon pa man ay naniniwala na ang pamilya ko na kami lang ang mga miyembro ng Simbahan sa panig ng nanay ko at na walang sinuman sa panig niya ang nakatira sa USA. Pero nagkamali kami.

Lumabas na ang taong ito ay isang malayong pinsan—nandayuhan ang kanilang pamilya sa Estados Unidos halos 40 taon bago nandayuhan ang nanay ko at mga aktibong miyembro sila ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa masasabi lang na isang himala, kinontak nila ako nang bumisita sila sa aking estado, at nagkaroon kami ng pagkakataong magkita-kita.

Nag-iyakan kami nang sa wakas ay makita namin ang isa’t isa. Nang magkuwentuhan kami, natanto namin na mas marami kaming pagkakatulad kaysa inakala namin. May isang bagay tungkol sa paghahanap sa matagal nang nawawalang mga kapamilya na naghahatid ng pagmamahal sa puso ko—pagmamahal na may kapangyarihang magpahilom ng kalungkutan at panghihina ng loob at magpaalala sa akin tungkol sa aking banal na pagkatao at walang-hanggang mga koneksyon.

Ang Kahalagahan ng mga Kuwento ng Ating mga Ninuno

Napakalaki ng aking kagalakan sa gawaing ito. Sabi nga ni Elder D. Todd Christofferson, “Anumang sakripisyo ang ginagawa natin sa adhikain ng Panginoon ay tumutulong na mapagtibay ang ating lugar sa piling Niya na nag-alay ng Kanyang buhay para sa marami.”2

Ang mga pagpapalang matatanggap natin kapag gumagawa tayo ng gawain sa family history ay “kahanga-hanga … dahil sa saklaw, katangian, at ibinunga ng mga ito sa mortalidad,”3 pagbabahagi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol. Biniyayaan ng Panginoon ang aking pamilya ng mga kamag-anak na makakatulong sa amin na mas magkalapit pa ang aming pamilya at mapagaan nang kaunti ang kalungkutang matagal na naming nadarama.

Naniniwala ako na posibleng maranasan ng lahat ng tao ang ganitong uri ng himala kung susubukan nilang gumawa ng family history.