Ang Aklat ni Jarom
Kabanata 1
Sinunod ng mga Nephita ang batas ni Moises, umasa sa pagparito ni Cristo, at umunlad sa lupain—Maraming propeta ang nagpagal upang mapanatili ang mga tao sa landas ng katotohanan. Mga 399–361 B.C.
1 Ngayon, dinggin, ako, si Jarom, ay sumusulat ng ilang salita alinsunod sa kautusan ng aking amang si Enos upang maipagpatuloy ang aming talaangkanan.
2 At dahil sa maliliit ang mga laminang ito, at dahil ang mga bagay na ito ay nasusulat para sa kapakanan ng aming mga kapatid, ang mga Lamanita, kaya nga, talagang kinakailangang makapagsulat ako nang kaunti; subalit hindi ako magsusulat ng mga bagay tungkol sa aking pagpopropesiya, ni sa aking mga paghahayag. Sapagkat ano pa ba ang maisusulat ko na makahihigit pa kaysa sa mga naisulat na ng aking mga ama? Sapagkat hindi ba’t kanilang inihayag ang plano ng kaligtasan? Sinasabi ko sa inyo, Oo; at sapat na ito sa akin.
3 Dinggin, kinakailangang marami pa ang gawin sa mga taong ito dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa kabingihan ng kanilang mga tainga, at sa kabulagan ng kanilang mga isipan, at sa katigasan ng kanilang mga leeg; gayunpaman, labis na maawain ang Diyos sa kanila, at hindi pa sila pinapalis sa ibabaw ng lupain.
4 At marami sa amin ang nakatatanggap ng maraming paghahayag, sapagkat hindi lahat sila ay matitigas ang leeg. At kasindami ng hindi matitigas ang leeg at may pananampalataya, ay may pakikipag-ugnayan sa Banal na Espiritu, na naghahayag sa mga anak ng tao, alinsunod sa kanilang pananampalataya.
5 At ngayon, dinggin, nakalipas na ang dalawang daang taon, at ang mga tao ni Nephi ay naging makapangyarihan sa lupain. Pinagsikapan nilang sundin ang batas ni Moises at gawing banal ang araw ng sabbath sa Panginoon. At hindi sila nawalan ng pitagan; ni hindi sila nanlapastangan. At ang mga batas ng lupain ay napakahigpit.
6 At nakakalat sila sa halos buong ibabaw ng lupain, at gayundin ang mga Lamanita. At higit silang marami kaysa sa mga Nephita; at ikinagagalak nila ang pumaslang at iniinom ang dugo ng mga hayop.
7 At ito ay nangyari na maraming ulit silang sumalakay laban sa amin, na mga Nephita, upang makipaglaban. Subalit ang aming mga hari at aming mga pinuno ay mga makapangyarihang lalaki sa pananampalataya sa Panginoon; at itinuro nila sa mga tao ang mga landas ng Panginoon; kaya nga, napigilan namin ang mga Lamanita at naitaboy silang palabas ng aming mga lupain, at nagsimulang patibayin ang aming mga lungsod, o alinmang lugar na aming mana.
8 At labis kaming dumami, at nagsikalat sa ibabaw ng lupain, at naging labis na mayaman sa ginto, at sa pilak, at sa mamahaling bagay, at sa mahusay na pagyari ng kahoy, sa mga gusali, at sa mga makinarya, at gayundin sa bakal at tumbaga, at tanso at asero, gumagawa ng lahat ng uri ng kagamitan ng bawat uri upang makapagbungkal ng lupa, at mga sandata ng digmaan—oo, ang matulis na palaso, at ang sisidlan ng palaso, at ang tunod, at ang sibat, at lahat ng paghahanda para sa digmaan.
9 At sa gayon nakahandang harapin ang mga Lamanita, hindi sila namayani laban sa amin. Sa halip, ang salita ng Panginoon ay napatunayan, na kanyang sinabi sa aming mga ama, sinasabi na: Yamang inyong sinusunod ang aking mga kautusan, kayo ay uunlad sa lupain.
10 At ito ay nangyari na binigyang-babala ng mga propeta ng Panginoon ang mga tao ni Nephi, alinsunod sa salita ng Diyos, na kung hindi nila susundin ang mga kautusan, bagkus ay mahuhulog sa paglabag, na malilipol sila mula sa ibabaw ng lupain.
11 Samakatwid, ang mga propeta, at ang mga saserdote, at ang mga guro, ay masisigasig na nagpagal, pinapayuhan nang may mahabang pagtitiis ang mga tao na magsumigasig; itinuturo ang batas ni Moises, at ang hangarin ng pagbibigay nito; hinihikayat silang umasa sa Mesiyas, at maniwalang siya ay paparito na para bagang pumarito na siya. At sa ganitong pamamaraan nila tinuruan sila.
12 At ito ay nangyari na sa paggawa nito ay naiadya nila ang kanilang pagkalipol sa ibabaw ng lupain; sapagkat dinuro nila ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng salita, patuloy na pinupukaw sila tungo sa pagsisisi.
13 At ito ay nangyari na lumipas ang dalawang daan at tatlumpu at walong taon—alinsunod sa mga alitan, at mga kaguluhan, at mga pagtatalu-talo, sa loob ng maraming panahon.
14 At ako, si Jarom, ay hindi na magsusulat pa, sapagkat maliliit ang mga lamina. Subalit dinggin, aking mga kapatid, maaari kayong sumangguni sa iba pang mga lamina ni Nephi; sapagkat dinggin, sa mga yaon nauukit ang mga tala ng aming mga digmaan, ayon sa mga sulat ng mga hari, o mga yaong ipinasulat nila.
15 At ibinibigay ko ang mga laminang ito sa mga kamay ng aking anak na lalaki na si Omni, upang ang mga ito ay maipagpatuloy alinsunod sa mga kautusan ng aking mga ama.