Mga Banal na Kasulatan
Helaman 5


Kabanata 5

Ginugol nina Nephi at Lehi ang kanilang sarili sa pangangaral—Hinihikayat sila ng kanilang mga pangalan na itulad ang kanilang mga buhay sa kanilang mga ninuno—Tinutubos ni Cristo ang mga yaong nagsisisi—Sina Nephi at Lehi ay maraming napabalik-loob at ibinilanggo, at pinaligiran sila ng apoy—Nililiman ng isang ulap ng kadiliman ang tatlong daang katao—Ang lupa ay nayanig, at isang tinig ang nag-utos sa mga tao na magsisi—Nakipag-usap sa mga anghel sina Nephi at Lehi, at pinaligiran ng apoy ang maraming tao. Mga 30 B.C.

1 At ito ay nangyari na sa taon ding ito, dinggin, ipinaubaya ni Nephi ang hukumang-luklukan sa isang lalaki na ang pangalan ay Cezoram.

2 Sapagkat ang kanilang mga batas at kanilang mga pamahalaan ay pinagtitibay ng tinig ng mga tao, at sila na pumili ng kasamaan ay higit na marami kaysa sa kanila na pumili ng kabutihan, kaya nga sila ay nahihinog na para sa pagkalipol, sapagkat ang mga batas ay naging tiwali.

3 Oo, at hindi lamang ito; sila ay mga taong matitigas ang leeg, kung kaya nga’t hindi sila mapamahalaan ng batas ni katarungan, maliban sa kanilang pagkalipol.

4 At ito ay nangyari na nanghina si Nephi dahil sa kanilang kasamaan; at isinuko niya ang hukumang-luklukan, at tinanggap sa kanyang sarili ang ipangaral ang salita ng Diyos sa lahat ng nalalabi niyang mga araw, at gayundin ang kanyang kapatid na si Lehi, sa lahat ng nalalabi niyang mga araw;

5 Sapagkat natandaan nila ang mga salitang sinabi ng kanilang amang si Helaman sa kanila. At ito ang mga salitang kanyang sinabi:

6 Dinggin, aking mga anak na lalaki, hinihiling kong pakatandaan ninyong sundin ang mga kautusan ng Diyos; at nais kong ipahayag ninyo ang mga salitang ito sa mga tao. Dinggin, ibinigay ko sa inyo ang mga pangalan ng ating mga unang magulang na lumisan sa lupain ng Jerusalem; at ginawa ko ito nang sa gayon, kapag naalala ninyo ang inyong mga pangalan ay maalala ninyo sila; at kapag naalala ninyo sila ay maalala ninyo ang kanilang mga gawa; at kapag naalala ninyo ang kanilang mga gawa ay malaman ninyo kung paanong nasabi, at nasulat din, na mabubuti sila.

7 Anupa’t mga anak ko, nais kong gawin ninyo ang yaong mabuti, upang masabi ang gayon sa inyo, at masulat din, maging tulad ng nasabi at nasulat tungkol sa kanila.

8 At ngayon, mga anak ko, dinggin, mayroon pa akong hihilingin sa inyo, kung aling kahilingan ay na hindi ninyo gagawin ang mga bagay na ito upang makapagmalaki kayo, kundi gawin ang mga bagay na ito upang makapagtipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa langit, oo, na walang hanggan, at hindi kumukupas; oo, upang makamit ninyo ang yaong mahalagang kaloob na buhay na walang hanggan, na may dahilan upang akalain natin na ibinigay sa ating mga ama.

9 O tandaan, tandaan, mga anak ko, ang mga salitang sinabi ni haring Benjamin sa kanyang mga tao; oo, tandaan na walang ibang daan ni paraan man na ang tao ay maliligtas, tanging sa pamamagitan lamang ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo, na siyang paparito; oo, tandaan na siya ay paparito upang tubusin ang sanlibutan.

10 At tandaan din ang mga salitang sinabi ni Amulek kay Zisrom, sa lungsod ng Ammonihas; sapagkat sinabi niya sa kanya na tiyak na paparito ang Panginoon upang tubusin ang kanyang mga tao, subalit hindi siya paparito upang tubusin sila sa kanilang mga kasalanan, kundi upang tubusin sila mula sa kanilang mga kasalanan.

11 At may kapangyarihan siya na ibinigay sa kanya ng Ama na sila ay tubusin mula sa kanilang mga kasalanan dahil sa pagsisisi; kaya nga, isinugo niya ang kanyang mga anghel na ipahayag ang mga balita tungkol sa mga itinakda ng pagsisisi, na nagbibigay-daan sa kapangyarihan ng Manunubos, tungo sa kaligtasan ng kanilang mga kaluluwa.

12 At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon, kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakatayo, na tiyak na saligan, isang saligan na kung tatayuan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.

13 At ito ay nangyari na ito ang mga salitang itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak; oo, kanyang tinuruan sila ng maraming bagay na hindi nasusulat, at marami ring bagay na nasusulat.

14 At natatandaan nila ang kanyang mga salita; at kaya nga, sila ay humayo, sinusunod ang mga kautusan ng Diyos, na ituro ang salita ng Diyos sa lahat ng tao ni Nephi, simula sa lungsod ng Masagana;

15 At mula roon hanggang sa lungsod ng Gid; at mula sa lungsod ng Gid hanggang sa lungsod ng Mulek;

16 At maging sa isang lungsod patungo sa isa pa, hanggang sa marating nila ang lahat ng tao ni Nephi na nasa lupaing patimog; at mula roon patungo sa lupain ng Zarahemla, sa mga Lamanita.

17 At ito ay nangyari na nangaral sila nang may dakilang kapangyarihan, kung kaya nga’t natulig nila ang marami sa mga yaong tumiwalag sa mga Nephita, hanggang sa sila ay lumapit at ipinagtapat ang kanilang mga kasalanan at nabinyagan tungo sa pagsisisi, at kaagad bumalik sa mga Nephita upang masigasig na maisaayos sa kanila ang mga kamaliang nagawa nila.

18 At ito ay nangyari na nangaral sina Nephi at Lehi sa mga Lamanita nang may gayong dakilang kapangyarihan at karapatan, sapagkat may ibinigay sa kanilang kapangyarihan at karapatan upang sila ay makapagsalita, at ibinigay rin sa kanila kung ano ang nararapat nilang sabihin—

19 Samakatwid, sila ay nangusap sa labis na panggigilalas ng mga Lamanita, tungo sa pagpapaniwala sa kanila, hanggang sa may walong libo ng mga Lamanita na nasa lupain ng Zarahemla at nasa paligid ang nabinyagan tungo sa pagsisisi, at napaniwala sa kasamaan ng mga kaugalian ng kanilang mga ama.

20 At ito ay nangyari na nagpatuloy sina Nephi at Lehi mula roon patungo sa lupain ng Nephi.

21 At ito ay nangyari na dinakip sila ng isang hukbo ng mga Lamanita at itinapon sa bilangguan; oo, maging sa yaon ding bilangguan kung saan si Ammon at ang kanyang mga kapatid ay itinapon ng mga tagapagsilbi ni Limhi.

22 At matapos silang maitapon sa bilangguan nang maraming araw na walang pagkain, dinggin, sila ay nagtungo sa bilangguan upang kunin sila nang kanilang mapatay sila.

23 At ito ay nangyari na napaliligiran sina Nephi at Lehi ng sa wari ay apoy, maging hanggang sa hindi sila nangahas na hawakan sila ng kanilang mga kamay sa takot na baka sila masunog. Gayunpaman, sina Nephi at Lehi ay hindi nasunog; at sa wari ay nakatindig sila sa gitna ng apoy at hindi nasusunog.

24 At nang makita nilang napaliligiran sila ng isang haliging apoy, at hindi sila nasusunog nito, nagkaroon ng lakas ang kanilang mga puso.

25 Sapagkat nakita nilang hindi nangahas ang mga Lamanita na hawakan sila ng kanilang mga kamay; ni ang mangahas na lumapit sila sa kanila, kundi nakatindig na sa wari ay napipi sa pagkamangha.

26 At ito ay nangyari na lumapit sina Nephi at Lehi at nagsimulang magsalita sa kanila, sinasabing: Huwag matakot, sapagkat dinggin, ang Diyos ang siyang nagpakita sa inyo ng kagila-gilalas na bagay na ito, kung alin ay ipinakita sa inyo nang hindi ninyo kami hawakan ng inyong mga kamay upang patayin kami.

27 At dinggin, nang sabihin nila ang mga salitang ito, ang lupa ay malakas na nayanig, at umuga ang mga pader ng bilangguan na sa wari ay guguho ang mga ito sa lupa; subalit dinggin, ang mga ito ay hindi bumagsak. At dinggin, sila na mga nasa bilangguan ay mga Lamanita at Nephita na mga tumiwalag.

28 At ito ay nangyari na nililiman sila ng isang ulap ng kadiliman, at isang kakila-kilabot na matinding takot ang nanaig sa kanila.

29 At ito ay nangyari na may narinig na isang tinig na sa wari ay nasa ibabaw ng ulap ng kadiliman, sinasabing: Magsisi kayo, magsisi kayo, at huwag nang hangarin pang patayin ang aking mga tagapaglingkod na isinugo ko sa inyo upang ipahayag ang masayang balita.

30 At ito ay nangyari na nang marinig nila ang tinig na ito, at napansin na hindi ito tinig ng kulog, ni tunog man ng isang napakalakas na ingay, subalit dinggin, ito ay isang marahan na tinig ng ganap na kahinahunan, na sa wari ay isang bulong, at ito ay tumagos maging sa buong kaluluwa—

31 At sa kabila ng kahinahunan ng tinig, dinggin, ang lupa ay nayanig nang malakas, at ang mga pader ng bilangguan ay muling umuga, na sa wari ay guguho ito sa lupa; at dinggin, ang ulap ng kadiliman, na lumilim sa kanila, ay hindi napalis—

32 At dinggin, ang tinig ay muling narinig, sinasabing: Magsisi kayo, magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng langit ay nalalapit na; at huwag nang hangarin pang patayin ang aking mga tagapaglingkod. At ito ay nangyari na muling nayanig ang lupa, at ang mga pader ay umuga.

33 At sa pangatlong pagkakataon ay muling narinig ang tinig, at nangusap sa kanila ng mga kagila-gilalas na salita na hindi maaaring sabihin ng tao; at ang mga pader ay muling umuga, at nayanig ang lupa na sa wari ay mahahati ito.

34 At ito ay nangyari na hindi makatakas ang mga Lamanita dahil sa ulap ng kadiliman na lumilim sa kanila; oo, at hindi rin sila makakilos dahil sa takot na nanaig sa kanila.

35 Ngayon, may isa sa kanila na isinilang na isang Nephita, na noong una ay kabilang sa simbahan ng Diyos subalit tumiwalag mula sa kanila.

36 At ito ay nangyari na lumingon siya, at dinggin, nakita niya sa gitna ng ulap ng kadiliman ang mga mukha nina Nephi at Lehi; at dinggin, labis silang kumikinang, maging tulad ng mga mukha ng mga anghel. At namasdan niyang nakatingin ang kanilang mga mata sa langit; at nasa ayos sila na sa wari ay nakikipag-usap o itinataas ang kanilang mga tinig sa kung sinong nilikha na namamasdan nila.

37 At ito ay nangyari na sumigaw ang lalaking ito sa maraming tao, na sila ay lumingon at tumingin. At dinggin, may lakas na ibinigay sa kanila kung kaya’t sila ay nakalingon at nakatingin; at namasdan nila ang mga mukha nina Nephi at Lehi.

38 At sinabi nila sa lalaki: Dinggin, ano ang ibig sabihin ng lahat ng bagay na ito, at kanino nakikipag-usap ang mga lalaking ito?

39 Ngayon, ang pangalan ng lalaki ay Aminadab. At sinabi ni Aminadab sa kanila: Sila ay nakikipag-usap sa mga anghel ng Diyos.

40 At ito ay nangyari na sinabi ng mga Lamanita sa kanya: Ano ang gagawin natin upang ang ulap ng kadilimang ito ay maalis mula sa pagkakalilim sa atin?

41 At sinabi ni Aminadab sa kanila: Kayo ay kinakailangang magsisi, at magsumamo sa tinig, maging hanggang sa kayo ay magkaroon ng pananampalataya kay Cristo, na itinuro sa inyo ni Alma, at ni Amulek, at ni Zisrom; at kapag ginawa ninyo ito, ang ulap ng kadiliman ay maaalis mula sa pagkakalilim sa inyo.

42 At ito ay nangyari na nagsimula silang lahat na magsumamo sa tinig niya na siyang yumanig sa lupa; oo, sila ay nagsumamo maging hanggang sa mapalis ang ulap ng kadiliman.

43 At ito ay nangyari na nang ilibot nila ang kanilang mga paningin sa paligid, at nakitang ang ulap ng kadiliman ay napalis na mula sa pagkakalilim sa kanila, dinggin, nakita nila na napaliligiran sila, oo, bawat tao, ng haliging apoy.

44 At sina Nephi at Lehi ay nasa gitna nila; oo, sila ay napaligiran; oo, sa wari ay nasa gitna sila ng nagniningas na apoy, gayunman sila ay hindi nasaktan nito, ni hindi nito tinutupok ang pader ng bilangguan; at sila ay napuspos ng yaong hindi maipaliwanag na kagalakan at puspos ng kaluwalhatian.

45 At dinggin, ang Banal na Espiritu ng Diyos ay nanaog mula sa langit, at pumasok sa kanilang mga puso, at napuspos sila na sa wari ay apoy, at nakapangusap sila ng mga kagila-gilalas na salita.

46 At ito ay nangyari na may tinig na nangusap sa kanila, oo, isang kaaya-ayang tinig, na sa wari ay isang bulong, sinasabing:

47 Kapayapaan, kapayapaan ay sumainyo, dahil sa inyong pananampalataya sa aking Pinakamamahal, siya na mula pa sa pagkakatatag ng daigdig.

48 At ngayon, nang marinig nila ito, itinaas nila ang kanilang mga paningin na sa wari ay upang mamasdan kung saan nagmumula ang tinig; at dinggin, nakita nilang bumukas ang kalangitan; at ang mga anghel ay nanaog mula sa langit at naglingkod sa kanila.

49 At mga tatlong daang katao ang nakakita at nakarinig sa mga bagay na ito; at sila ay pinagsabihang humayo at huwag manggilalas, ni ang mag-alinlangan sila.

50 At ito ay nangyari na humayo sila, at nangaral sa mga tao, ipinapahayag sa lahat ng dako sa paligid ang lahat ng bagay na narinig at nakita nila, hanggang sa ang higit na nakararaming bahagi ng mga Lamanita ay napaniwala nila, dahil sa dami ng mga katibayang natanggap nila.

51 At kasindami ng napaniwala ang tinalikdan ang kanilang mga sandata ng digmaan, at gayundin ang kanilang kapootan at ang kaugalian ng kanilang mga ama.

52 At ito ay nangyari na isinuko nila sa mga Nephita ang mga lupaing kanilang pag-aari.