Ang Unang Aklat ni Nephi
Ang Kanyang Panunungkulan at Ministeryo
Ulat tungkol kay Lehi at sa kanyang asawang si Saria, at sa kanyang apat na anak na lalaki, na tinatawag sa mga pangalang (mula sa panganay) Laman, Lemuel, Sam, at Nephi. Ang Panginoon ay nagbabala kay Lehi na lisanin ang lupain ng Jerusalem, sapagkat nagpropesiya siya sa mga tao hinggil sa kanilang kasamaan at hinangad nilang kitlin ang kanyang buhay. Tatlong araw siyang naglakbay sa ilang kasama ang kanyang mag-anak. Isinama ni Nephi ang kanyang mga kapatid at bumalik sa lupain ng Jerusalem upang kunin ang talaan ng mga Judio. Ang ulat ng kanilang mga pagdurusa. Isinama nila ang mga anak na babae ni Ismael upang maging mga asawa. Isinama nila ang kanilang mga mag-anak at nagtungo sa ilang. Ang kanilang mga pagdurusa at paghihirap sa ilang. Ang landas ng kanilang mga paglalakbay. Dumating sila sa malawak na katubigan. Ang mga kapatid ni Nephi ay naghimagsik laban sa kanya. Sila ay kanyang tinulig, at gumawa ng isang sasakyang-dagat. Tinawag nila ang pangalan ng pook na Masagana. Sila ay tumawid sa malawak na katubigan patungo sa lupang pangako, at iba pa. Ito ay ayon sa ulat ni Nephi; o sa ibang mga salita, ako, si Nephi, ang sumulat ng talang ito.
Kabanata 1
Sinimulan ni Nephi ang tala ng kanyang mga tao—Nakita ni Lehi sa pangitain ang isang haliging apoy at bumasa siya mula sa isang aklat ng propesiya—Pinuri niya ang Diyos, ibinadya ang pagparito ng Mesiyas, at ipinropesiya ang pagkawasak ng Jerusalem—Inusig siya ng mga Judio. Mga 600 B.C.
1 Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang, kaya nga, naituro sa akin ang lahat halos ng karunungan ng aking ama; at sapagkat nakita ko ang maraming paghihirap sa paglipas ng aking mga araw, gayunman, sapagkat labis na pinagpala ng Panginoon sa lahat ng aking mga araw; oo, dahil sa pagkakaroon ng malaking kaalaman tungkol sa kabutihan at sa mga hiwaga ng Diyos, kaya nga, gumawa ako ng isang tala tungkol sa aking mga gawain noong aking mga araw.
2 Oo, ako ay gumawa ng isang tala sa wika ng aking ama, na binubuo ng karunungan ng mga Judio at ng wika ng mga taga-Egipto.
3 At nalalaman ko na ang talang ginagawa ko ay totoo; at ginagawa ko ito sa pamamagitan ng sarili kong kamay; at ginagawa ko ito ayon sa aking kaalaman.
4 Sapagkat ito ay nangyari na sa pagsisimula ng unang taon ng paghahari ni Zedekias, hari ng Juda, (ang aking amang si Lehi ay nanirahan sa Jerusalem sa lahat ng kanyang mga araw); at sa taon ding iyon ay nagkaroon ng maraming propeta, nagpopropesiya sa mga tao na kinakailangan nilang magsipagsisi, o ang dakilang lungsod ng Jerusalem ay tiyak na mawawasak.
5 Dahil dito, ito ay nangyari na ang aking amang si Lehi, habang lumalakad siya ay nanalangin sa Panginoon, oo, maging nang kanyang buong puso, para sa kapakanan ng kanyang mga tao.
6 At ito ay nangyari na habang nananalangin siya sa Panginoon, may lumitaw na isang haliging apoy at lumapag sa ibabaw ng isang malaking bato sa harapan niya; at marami siyang nakita at narinig; at dahil sa mga bagay na kanyang nakita at narinig, siya ay nangatal at nanginig nang labis.
7 At ito ay nangyari na bumalik siya sa kanyang sariling bahay sa Jerusalem; at inihimlay niya ang sarili sa kanyang higaan, sapagkat napuspos ng Espiritu at ng mga bagay na kanyang nasaksihan.
8 At nasa gayong pagkakapuspos ng Espiritu, siya ay natangay sa isang pangitain, maging ang kalangitan ay nakita niyang nabuksan, at kanyang napagtanto na nakita niya ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono, napaliligiran ng hindi mabilang na lipumpon ng mga anghel na nasa ayos ng pag-awit at pagpuri sa kanilang Diyos.
9 At ito ay nangyari na kanyang nakita ang Isa na bumababa mula sa gitna ng langit, at namasdan niya na ang kanyang liwanag ay higit pa kaysa sa araw sa katanghaliang tapat.
10 At nakita rin niya ang labindalawang iba pa na sumusunod sa kanya, at ang kanilang liwanag ay higit pa kaysa sa mga bituin sa kalangitan.
11 At sila ay bumaba at humayo sa balat ng lupa; at ang una ay lumapit at tumayo sa harapan ng aking ama, at iniabot sa kanya ang isang aklat, at inatasan siya na dapat niyang basahin.
12 At ito ay nangyari na habang nagbabasa siya, siya ay napuspos ng Espiritu ng Panginoon.
13 At nabasa niya, sinasabing: Sa aba, sa aba, sa Jerusalem, sapagkat nakita ko ang iyong mga karumal-dumal na gawain! Oo, at maraming bagay ang nabasa ng aking ama hinggil sa Jerusalem—na ito ay wawasakin, at ang mga naninirahan doon; marami ang masasawi sa pamamagitan ng espada, at marami ang madadalang bihag sa Babilonia.
14 At ito ay nangyari na nang mabasa at masaksihan ng aking ama ang maraming dakila at kagila-gilalas na bagay, siya ay napabulalas ng maraming bagay sa Panginoon; gaya ng: Dakila at kagila-gilalas po ang inyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan! Ang inyo pong trono ay mataas sa kalangitan, at ang inyo pong kapangyarihan, at kabutihan, at awa ay sumasalahat ng mga naninirahan sa mundo; at, sapagkat kayo po ay maawain, hindi ninyo ipahihintulot na mangasawi ang mga yaong lumalapit sa inyo!
15 At ganito ang pamamaraan ng pananalita ng aking ama sa pagpuri sa kanyang Diyos; sapagkat ang kanyang kaluluwa ay nagalak, at ang kanyang buong puso ay napuspos, dahil sa mga bagay na kanyang nakita, oo, na ipinakita ng Panginoon sa kanya.
16 At ngayon, ako, si Nephi, ay hindi gumawa ng buong ulat ng mga bagay na isinulat ng aking ama, sapagkat marami siyang bagay na isinulat na kanyang nakita sa mga pangitain at sa mga panaginip; at marami rin siyang isinulat na mga bagay na kanyang ipinropesiya at sinabi sa kanyang mga anak, na hindi ko gagawan ng buong ulat.
17 Subalit ako ay gagawa ng ulat ng aking mga ginawa sa aking mga araw. Dinggin, ako ay gumawa ng isang pinaikling tala ng aking ama, sa mga laminang aking ginawa sa pamamagitan ng sarili kong mga kamay; anupa’t matapos kong mapaikli ang tala ng aking ama ay gagawin ko naman ang isang ulat ng sarili kong buhay.
18 Samakatwid, nais kong malaman ninyo, na matapos ipakita ng Panginoon ang napakaraming kagila-gilalas na bagay sa aking amang si Lehi, oo, hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem, dinggin, siya ay humayo sa mga tao, at nagsimulang magpropesiya at magpahayag sa kanila hinggil sa mga bagay na kapwa niya nakita at narinig.
19 At ito ay nangyari na kinutya siya ng mga Judio dahil sa mga bagay na kanyang pinatotohanan sa kanila; sapagkat tunay na kanyang pinatotohanan ang kanilang mga kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain; at pinatotohanan niya na ang mga bagay na kanyang nakita at narinig, at gayundin ang mga bagay na kanyang nabasa sa aklat, ay maliwanag na ipinahahayag ang tungkol sa pagparito ng Mesiyas, at gayundin ang pagtubos sa sanlibutan.
20 At nang marinig ng mga Judio ang mga bagay na ito, sila ay nagalit sa kanya; oo, maging tulad sa mga propeta noong unang panahon, na kanilang ipinagtabuyan, at binato, at pinatay; at kanila ring hinangad ang kanyang buhay, upang ito ay kanilang kitlin. Datapwat dinggin, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo na ang magigiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas.