Library
Lesson 113: II Mga Taga Corinto 1–3


Lesson 113

II Mga Taga Corinto 1–3

Pambungad

Sumulat si Pablo sa mga Banal sa Corinto at ipinaliwanag kung paano nila mapapanatag o maaaliw ang iba. Ipinayo rin niya sa kanila na patawarin ang isang makasalanan na nasa kongregasyon nila. Itinuro ni Pablo na kung magbabalik sila sa Panginoon, mas magiging katulad nila ang Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

II Mga Taga Corinto 1

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto kung paano panatagin o aliwin ang iba

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na ang isang taong kilala nila ay nakaranas ng isang mahirap na pagsubok o paghihirap.

  • Ano ang ginawa ninyo upang tulungan siya?

  • Gusto ba ninyong panatagin o aliwin ang isang taong dumaraan sa pagsubok ngunit hindi alam kung paano gawin ito?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang isang katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 1 na makatutulong sa kanila na malaman kung paano mapapanatag o maaaliw ang iba sa kanilang mga pagsubok at paghihirap.

Ipaliwanag na matapos isulat ni Pablo ang I Mga Taga Corinto, nagkagulo sa Efeso dahil sa mga turo niya. (Tingnan sa Mga Gawa 19:23–41. Paalala: Ang Asia ay isang probinsya ng Roma na matatagpuan sa Turkey ngayon.) Nilisan ni Pablo ang Efeso at nagtungo sa Macedonia, kung saan ibinalita sa kanya ni Tito na ang naunang sulat ni Pablo ay tinanggap nang maayos ng mga Banal sa Corinto. Nalaman din ni Pablo na ang mga Banal ay dumaranas ng mga pagsubok at na sinisira ng ilang bulaang guro sa Corinto ang tunay na doktrina ni Cristo. Isinulat ni Pablo ang II Mga Taga Corinto upang mapanatag ang mga Banal at talakayin ang mga problema na idinulot ng mga bulaang gurong ito.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng II Mga Taga Corinto 1:1–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo sa mga Banal tungkol sa kanilang mga pagsubok.

  • Ano ang sinabi ni Pablo sa mga Banal tungkol sa Diyos sa talata 3 na maaaring nagpanatag o umaliw sa kanila sa oras ng paghihirap nila?

  • Anong katotohanan ang matututuhan natin mula sa talata 4 tungkol sa magagawa natin kapag natanggap ang kapanatagang mula sa Ama sa Langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang katotohanang tulad ng sumusunod: Kapag binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kapanatagan sa ating mga pagsubok, matutulungan natin ang iba na matanggap ang Kanyang kapanatagan.)

  • Paano nakatulong sa inyo ang kapanatagang mula sa Diyos para matulungan din ang iba na matanggap ang Kanyang kapanatagan? (Maaari mong ibahagi ang isa sa mga karanasan mo habang iniisip ng mga estudyante ang kanilang mga sariling karanasan.)

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 1:6–8 na ipinapaliwanag na sinabi ni Pablo sa mga Banal sa Corinto ang tungkol sa matindi at mapanganib na mga pagsubok na naranasan niya at ng kanyang mga kasama habang nangangaral ng ebanghelyo sa Efeso.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 1:9–11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang nakatulong kay Pablo at sa kanyang mga kasama sa kanilang mga pagsubok.

  • Ano ang nakatulong kay Pablo at sa mga kasama niya noong may mga pagsubok sila?

  • Anong katotohanan ang natukoy ninyo sa talata 11 tungkol sa paraan kung paano tayo makatutulong sa mga tao na dumaranas ng mga pagsubok? (Maaaring iba’t iba ang isagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang ating mga panalangin ay makatutulong sa mga dumaranas ng mga pagsubok.)

  • Paano makatutulong ang ating mga panalangin sa isang tao na dumaranas ng mga pagsubok?

  • Paano nakatulong sa inyo ang mga panalangin ng iba noong nakaranas kayo ng pagsubok?

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 1:12–24 na ipinapaliwanag na nagpuri o nagalak si Pablo sa mga yaong tinanggap ang payo na ibinigay niya sa kanyang unang sulat. Sa mga talata 15–20, tumugon si Pablo sa mga tumuligsa sa kanya nang magbago siya ng plano na bisitahin sila. Tila sinasabi ng ilang mga kritiko ni Pablo na dahil binago ni Pablo ang kanyang plano na maglakbay, hindi na nila siya mapagkakatiwalaan o ang mga turo niya. Ipinahayag ni Pablo na ang mensahe ng ebanghelyo ay tama, kahit na binago niya ang kanyang plano.

II Mga Taga Corinto 2

Ipinayo ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na patawarin ang isang makasalanan

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pangyayari kung saan may nanakit o nagsamantala sa kanila o sa isang taong mahal nila.

  • Bakit maaaring mahirap na mapatawad ang taong iyon?

Sabihin sa mga estudyante na alamin ang mga katotohanan sa pag-aaral nila ng II Mga Taga Corinto 2 na makatutulong sa kanila na malaman kung bakit mahalaga na patawarin ang lahat ng tao.

Ipaalala sa mga estudyante na sa unang sulat ni Pablo sa mga taga-Corinto, sinaway niya sila dahil sa kanilang di-pagsunod at kakulangan ng pananampalataya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 2:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang inaasahan ni Pablo na malalaman ng mga Banal sa Corinto tungkol sa dahilan ng kanyang pagsasaway.

  • Ayon sa talata 4, ano ang gusto ni Pablo na malaman ng mga Banal tungkol sa dahilan ng pagsasaway niya sa kanila?

  • Paano ipinapakita ng isang tao na mahal niya tayo kapag sinasaway o itinatama niya tayo?

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 2:5–6 na ipinapaliwanag na nagsulat si Pablo tungkol sa isang miyembro ng Simbahan na nagkasala sa ibang mga miyembro at nagdulot sa kanila ng lungkot. Bilang resulta, dinisiplina ng Simbahan ang lalaking ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 2:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo tungkol sa kung paano dapat pakitunguhan ng mga Banal ang lalaking ito.

  • Paano dapat pakitunguhan ang lalaking ito na nagdulot sa kanila ng sobrang kalungkutan?

Ipaliwanag na bagama’t nagkasala ang taong ito, ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos (tingnan sa D at T 18:10). Ipinayo ni Pablo sa mga Banal na patawarin, aliwin, at mahalin ang taong ito upang matulungan siyang magsisi.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang II Mga Taga Corinto 2:9–11, na inaalam ang isa pang dahilan kung bakit sinabi ni Pablo na dapat nilang patawarin ang iba.

  • Ayon sa mga itinuro ni Pablo sa mga Banal sa talata 11, ano pa ang isang dahilan kung bakit dapat nating patawarin ang iba? (Gamit ang kanilang mga sariling salita, dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Kung hindi natin patatawarin ang iba, madaraig tayo ni Satanas. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa talata 11.)

Ipaliwanag na ang pagpapatawad sa iba ay hindi nangangahulugan na ang nagkasala ay hindi na mananagot sa kanyang mga ginawa. Hindi rin ito nangangahulugan na ilalagay natin ang ating mga sarili sa mga sitwasyon na patuloy tayong pagmamalupitan ng mga tao. Sa halip, ang ibig sabihin ng pagpapatawad sa iba ay pakikitungo nang may pagmamahal sa mga nagmalupit sa atin at hindi ang pagkimkim ng poot at galit sa kanila. Inutusan tayong patawarin ang lahat. (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magpatawad,” scriptures.lds.org; D at T 64:9–11.)

  • Sa palagay ninyo, paano tayo madaraig ni Satanas kapag hindi natin pinatawad ang iba?

Patotohanan ang kahalagahan ng pagpapatawad sa iba. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang tao na kinakailangang patawarin nila. Sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin na patawarin ang taong ito upang hindi sila madaig ni Satanas.

Ipaliwanag na nabasa natin sa II Mga Taga Corinto 2:14 na isinulat ni Pablo na pinasalamatan niya ang Diyos, na palaging “pinapagtatagumpay [siya] kay Cristo,” kahit na sa mahihirap na mga pagkakataon.

II Mga Taga Corinto 3

Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na kapag nagbalik sila sa Panginoon, mas magiging katulad nila ang Diyos

Ipaliwanag na noong wala si Pablo sa Corinto, nagsimulang salungatin ng ilang bulaang guro ang mga turo ni Pablo at sinubukan na siraan si Pablo sa pagsasabi sa mga convert o nagbalik-loob na kailangan pa rin nilang sundin ang batas ni Moises. Ibuod ang II Mga Taga Corinto 3:1 na ipinapaliwanag na bilang pagtugon sa mga sumubok na siraan siya, retorikal na nagtanong si Pablo sa mga miyembro sa Corinto kung kailangan niyang magbigay ng “[sulat] ng papuri” na nagpapatunay sa kanyang pagkatao at katibayan na siya ay tunay na Apostol ni Jesucristo. (Ipaliwanag na noong panahon ni Pablo, ang mga bagong dating sa isang bayan ay nagdadala ng mga sulat ng papuri. Ipinapakilala ng mga sulat na ito ang mga bagong dating at nagpapatunay ng kanilang mabuting pagkatao.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 3:2–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ni Pablo na magsisilbing kanyang sulat ng papuri.

  • Ano ang nagsilbing sulat ng papuri ni Pablo? (Ang nabagong buhay ng mga Banal ay tulad ng isang sulat mula mismo kay Cristo.)

  • Ano ang ibig sabihin ng mga katagang “nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao” sa talata 2? (Maraming tao ang makikilala ang Simbahan at mahuhusgahan ang katotohanan nito sa pamamagitan ng asal at mga halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan.)

Ituro ang mga katagang “hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman” sa talata 3 at ipaliwanag na noong panahon ni Moises, nakasulat ang mga utos sa mga tapyas na bato. Itinuro ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, masusulat ang mga utos sa kanilang mga puso.

Ibuod ang II Mga Taga Corinto 3:5–13 na ipinapaliwanag na nangatwiran si Pablo na ang lumang batas ni Moises, na lumipas na, ay maluwalhati na, at sa gayon, ang kaluwalhatian ng walang hanggang tipan ng ebanghelyo ay mas nakahihigit dito. Ipinaalala ni Pablo sa mga Banal sa Corinto na nagsuot si Moises ng talukbong sa kanyang mukha nang bumaba siya mula sa pakikipag-usap sa Panginoon sa Bundok Sinai dahil natakot ang mga anak ni Israel sa kaluwalhatian na nagmumula sa kanyang mukha.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 3:14–15, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam kung paano inihambing ni Pablo ang mga Israelita na natatakot sa kaluwalhatian na nagmumula sa mukha ni Moises sa mga Judio noong panahon niya.

  • Paano inihambing ni Pablo ang mga Israelita na humiling kay Moises na magtalukbong ito sa mga Judio noong panahon niya?

  • Ano ang maaaring ibig sabihin ng mga katagang “ang kanilang mga pagiisip ay nagsitigas” sa talata 14 at “[na mayroon silang] talukbong na nakatakip sa kanilang puso” sa talata 15?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang II Mga Taga Corinto 3:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang ipinangako ni Pablo na magtatanggal sa talukbong ng di-pagkakaunawa mula sa mga puso at isipan ng mga tao. Ipaliwanag na binago ng Joseph Smith Translation ang mga katagang “kailan ma’t magbalik sa Panginoon” sa talata 16 at ginawang “kailan ma’t magbalik ang puso sa Panginoon” (Joseph Smith Translation, 2 Corinthians 3:16).

  • Ayon sa Joseph Smith Translation ng II Mga Taga Corinto 3:16, ano ang dapat gawin ng mga tao upang matanggal ang talukbong ng di-pagkaunawa?

Isulat sa pisara: Kapag ibinalik natin ang ating mga puso sa Panginoon, …

  • Ayon sa talata 18, ano ang mangyayari sa mga bumalik sa Panginoon at inialis ang talukbong ng di-pagkaunawa? (Ipaliwanag na ang mga katagang “nababago tayo sa gayon ding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian” ay tumutukoy sa unti-unting pagbabago na natatanggap natin sa pamamagitan ng Espiritu na tumutulong sa atin na maging mas katulad ng Diyos.)

Kumpletuhin ang pahayag sa pisara upang mabasa ito nang ganito, “Kapag ibinalik natin ang ating mga puso sa Panginoon, mapapasaatin ang Espiritu, na tutulong sa atin na unti-unting maging mas katulad ng Diyos.”

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng ibaling ang ating puso kay Jesucristo?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal sa loob ng isang minuto ang mga paraan na maibabaling ng mga tao ang kanilang puso kay Jesucristo. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga isinulat.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila o ang isang taong kilala nila binago ng Espiritu. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang magagawa nila upang mas makabalik sa Panginoon. Sabihin sa kanila na magtakda ng mithiin na bumalik sa Panginoon upang matanggap nila ang Espiritu at maging mas katulad ng Diyos.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

II Mga Taga Corinto 2:1–4. Sinasaway ng mga lider ng Simbahan ang mga miyembro dahil sa pagmamahal

Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young ang dahilan sa pagsaway niya sa mga miyembro ng Simbahan:

“May mga pagkakataon na tila napakahigpit ko sa maraming mga kapatid. Minsan ay sinasaway ko sila; ngunit ito ay dahil nais ko silang mamuhay nang matwid upang ang kapangyarihan ng Diyos, tulad ng liyab ng apoy, ay manahan sa kanila at mapalibutan sila” (Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1954], 115).

II Mga Taga Corinto 2:5–11. Ang kahalagahan ng pagpapatawad sa iba

Naunawaan natin ang pagmamahal at pagkahabag ni Pablo mula sa II Mga Taga Corinto 2:5–11. Hindi natin alam kung ang tinukoy ni Pablo na nagkasala ay ang nabanggit sa I Mga Taga Corinto 5:1 o kung iba ito—marahil ay isa sa mga bulaang guro sa Corinto na sumalungat kay Pablo at sa kanyang mga turo. Hinikayat ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan na patawarin ang lalaki at panatagin siya upang hindi siya “madaig … ng kaniyang malabis na kalumbayan” (II Mga Taga Corinto 2:7).

II Mga Taga Corinto 3:1–2. Hinusgahan ng iba ang Simbahan ayon sa halimbawa ng mga miyembro

“Maraming tao sa buong mundo ang mabait sa Simbahan dahil sa kabaitan at paglilingkod na nakikita nila na naipamamalas sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa II Mga Taga Corinto 3:2).

“Ang pahayag ni Pablo na ang mga miyembro ng Simbahan ay tulad ng mga sulat, na ‘nababasa ng lahat ng mga tao,’ ay nagpapahiwatig na ang asal ng mga miyembro ng Simbahan ay ang unang paraan sa pagkilala ng marami sa Simbahan at paghusga sa katotohanan nito. Tulad ng isang tindero na hinuhusgahan ayon sa mga bagay na ibinebenta niya, gayundin ang Simbahan—at minsan ay pati si Jesucristo—ay hinuhusgahan ayon sa ating mga buhay. Itinuro … ni Elder Bruce R. McConkie, ‘Sa pinakamahalagang kahulugan, ang ebanghelyo ay hindi nakasulat sa mga tapyas na bato o sa mga aklat ng banal na kasulatan, kundi sa katawan ng matatapat at masunuring mga tao; ang mga Banal, kung gayon, ay mga buhay na sulat ng katotohanan, mga aklat ng mga taong ang buhay ay bukas para basahin ng lahat’ (Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1965–73], 2:414)” (New Testament Student Manual [Church Educational System manual, 2014], 395).