Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Ang Aking Daan Patungong Self-Reliance


Ang Aking Daan Patungong Self-Reliance

Pagsisimula

Facilitator:

  1. Magsimula sa panalangin (at himno, kung nais).

  2. Maaaring magbigay ang isang miyembro ng stake presidency ng 3- hanggang 5-minutong panimula at patotoo.

  3. Aanyayahan ng isang miyembro ng stake self-reliance committee ang buong grupo na buksan ang kanilang booklet sa pahina 2 at sundan ang miyembro ng komite sa pagbabasa ng tatlong talata sa ibaba.

Welcome sa devotional ng Ang Aking Daan Patungong Self-Reliance. Ang layunin ng miting na ito ay para tulungan kang maunawaan kung bakit at paano ka maaaring maging mas self-reliant. Sa halip na isang tagapagsalita ang maglahad sa grupo, tatalakayin natin ang mga alituntunin sa maliliit na grupo, na sama-samang nagbabasa, nagninilay, at nagsusulat ng ating mga ideya.

Ang pinakamahalagang bahagi ng karanasang ito ay ang mga matatanggap mong pahiwatig sa pamamagitan ng Espiritu kapag ipinakita sa iyo ng Panginoon ang magagawa mo para maging higit na katulad Niya. Hinihikayat ka naming isulat ang mga impresyong ito kapag natanggap mo ang mga ito at pagkatapos ay kumilos ka nang naaayon dito.

Sa pagtatapos ng miting na ito, aanyayahan kang pumili ng isang self-reliance group na makakatulong sa iyo na makamtan ang isa sa mga sumusunod:

  • Makahanap ng trabaho o umasenso sa iyong kasalukuyang trabaho

  • Mas maayos na mahawakan ang sarili mong pera at ang pera ng inyong pamilya

  • Pumili ng kukunin mong kurso at magtagumpay sa paaralan

  • Palaguin ang iyong maliit na negosyo

Ngunit sa ngayon, mas kilalanin natin ang isa’t isa.

Facilitator: Sabihan ang mga participant sa bawat mesa na magpakilala sandali sa iba nilang mga kasama sa mesa. Bawat pagpapakilala ay hindi dapat humigit sa 30 o 40 segundo.

Ano ang Self-Reliance?

Basahin:Ang layunin ng self-reliance initiative ay tulungan ang mga indibiduwal na tulungan ang kanilang sarili na maging self-reliant. Ang self-reliance ay higit pa sa pagkakaroon ng magandang trabaho, nakaimbak na pagkain, o pera sa bangko. Ang self-reliance ay “ang abilidad, dedikasyon, at pagsisikap na tustusan ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan sa buhay para sa sarili at sa pamilya. Sa pagiging self-reliant ng mga miyembro, mas napaglilingkuran at napapangalagaan din nila ang iba,” kapag ginawa nilang alituntunin sa buhay ang pagtatrabaho (Handbook 2: Administering the Church [2010], 6.1.1).

Talakayin:Ano ang mga katangian ng isang self-reliant na indibiduwal? Aasa ba ang self-reliant na mga indibiduwal sa tulong ng gobyerno o Simbahan kung kaya naman nilang pagtrabahuhan ang mga pangangailangan nila?

Ang Self-Reliance ay Mahalaga sa Kaligtasan

Basahin:Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson: “Maging self-reliant tayo at tumayo sa sariling mga paa. Ang kaligtasan ay hindi matatamo sa pamamagitan ng iba pang alituntunin” (“Guiding Principles of Personal and Family Welfare,” Ensign, Set. 1986, 3; binabanggit ang sinabi ni Marion G. Romney, sa Conference Report, Okt. 1976, 167).

Talakayin:Habang nagiging mas self-reliant ka, paano ka nagiging katulad ng Ama sa Langit?

Ang Espirituwal at Temporal ay Iisa

Basahin:Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Tulad ng dalawang mukha ng isang barya, ang temporal at espirituwal ay hindi mapaghihiwalay” (“Pagtulong sa Paraan ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 53). Sa mga banal na kasulatan, ipinahayag ng Panginoon, “Lahat ng bagay sa akin ay espirituwal, at hindi kailanman ako nagbigay ng batas sa inyo na temporal” (D at T 29:34).

Talakayin:Paano magiging kapwa temporal at espirituwal ang paghahanap ng trabaho at paghahanap-buhay?

Gaano Ka Ka-Self-Reliant sa Temporal at Espirituwal?

Paano Ako Magiging Mas Self-Reliant?

1. Matutulungan Ka ng Panginoon na Maging Self-Reliant

Panoorin:“I Will Provide for My Saints,” makukuha sa srs.lds.org/videos. (Walang video? Magpatuloy sa pagbabasa.)

2. Matutulungan Ka ng mga Banal na Kasulatan na Maging Self-Reliant

Basahin:Tinutulungan tayo ng Panginoon sa maraming paraan kapag sumampalataya tayo sa Kanya. Isa sa mga kasangkapang ibinigay Niya sa atin ang mga banal na kasulatan. Itinuro ng propetang si Nephi na, “Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

Talakayin:Kailan nakapagbigay ng personal na patnubay ang mga banal na kasulatan sa buhay mo?

Pag-isipang mabuti:Sa hangarin kong maging mas self-reliant, ano ang magagawa ko para makatanggap ng mas personal na patnubay mula sa mga banal na kasulatan?

3. Ang Pagsali sa Isang Self-Reliance Group ay Makakatulong sa Inyo na Makapagsimula

Basahin:Para matulungan kayong maging mas self-reliant, may pagkakataon kayong sumali sa isang self-reliance group sa inyong ward o stake. Ang self-reliance group ay isang grupo ng mga indibiduwal na nagkikita-kita upang matuto at isagawa ang praktikal na mga skill o kasanayan para sa trabaho, edukasyon, at pananalapi.

Ang mga self-reliance group ay karaniwang nagkikita-kita nang dalawang oras bawat linggo sa loob ng tatlong buwan. Sinusunod sa mga miting ang prosesong katulad ng devotional na ito. Ang mga miyembro ng grupo ay nagbabasa at nagtatalakayan, kinukumpleto ang mga aktibidad, at nagninilay ang bawat isa upang mabigyang-inspirasyon sila ng Espiritu Santo kung paano kikilos.

Ang self-reliance group ay iba sa halos lahat ng klase sa Simbahan. Wala itong guro! Sa halip, nagtatrabaho ang grupo bilang isang council at ang Espiritu Santo ang guro. Nagsasanggunian ang mga miyembro ng grupo habang natututo sila ng mga bagong skill o kasanayan, lumulutas ng mga problema, nangangakong gagawa ng mga bagay-bagay sa buong linggo, at nag-uulat ng kanilang progreso.

Ang mga miyembro ng grupo ay nakakabuo rin ng matitibay na pagkakaibigan at nadarama ang pagmamahal ng Diyos habang sama-sama silang nagtatrabaho. Sa pagsali sa isang grupo, hindi lang kayo makikinabang, malaki rin ang maitutulong ninyo sa iba sa kanilang daan tungo sa pagiging self-reliant!

Panoorin:“The Power of the Group,” makukuha sa srs.lds.org/videos. (Walang video? Magpatuloy sa pagbabasa.)

Facilitator: Kung may maaanyayahan, ipakuwento sandali sa isang taong nakasali na sa isang self-reliance group (nang hanggang tatlong minuto) ang kanyang karanasan.

Aling Self-Reliance Group ang Dapat Ninyong Salihan?

Panoorin:“Choosing a Self-Reliance Group,” makukuha sa srs.lds.org/videos. (Walang video? Basahin ang mga buod ng grupo sa pahina 11.)

Mga Buod ng Grupo

Sa bawat isa sa apat na self-reliance group, pinag-aaralan at pinapraktis ng mga miyembro ang mga alituntunin mula sa booklet na Ang Aking Pundasyon Patungong Self-Reliance. Ginagawa ito sa simula ng bawat miting ng grupo, dahil ang pag-aaral ng mga saligang alituntunin at kasanayang ito ay tumutulong sa mga miyembro ng grupo na umunlad sa temporal at espirituwal, anuman ang landas na kanilang pinili. Lalakas ang pananampalataya ng mga miyembro ng grupo sa kapangyarihan ni Jesucristo na maglaan para sa kanila. Magpapraktis din sila ng mga skill o kasanayan sa buhay, kabilang na ang matalinong paggamit ng oras, komunikasyon, at paglutas ng problema.

Maghanap ng Mas Magandang Trabaho

Para sa mga naghahanap ng trabaho o mas magandang trabaho. Matututo ang mga miyembro ng grupo na makilala ang mga oportunidad, network, ipakilala ang kanilang sarili sa propesyonal na paraan, at maghanda para sa mga job interview. Magtatakda rin sila ng mga mithiin para sa mga contact at interbyu.

Personal na Pera

Para sa mga gusto na mas maayos na mahawakan ang kanilang pera. Matututo ang mga miyembro ng grupo kung paano aalisin ang pangungutang, maprotektahan laban sa kahirapan ukol sa pera, at mamuhunan para sa hinaharap. Lilikha sila ng isang financial plan at susunod sa badyet. Ang mga asawa ay hinihikayat ding dumalo.

Education for Better Work (Edukasyon para sa Mas Magandang Trabaho)

Para sa mga nangangailangan ng karagdagang edukasyon o training para makakuha ng trabaho. Ang mga miyembro ng grupo ay magsasaliksik, lilikha, at maglalahad ng mga plano ukol sa propesyon at edukasyon. Gugugol din sila ng oras bawat linggo sa pagpapraktis ng mga skill o kasanayan na tutulong sa kanila na maging mas epektibong mga mag-aaral.

Starting and Growing My Business (Pagsisimula at Pagpapalago ng Aking Negosyo)

Para sa mga taong may negosyo na o may mapagkukunan para makapagsimula ng negosyo. Matututuhan ng mga miyembro ng grupo ang mga pag-uugali at skill o kasanayan ng matagumpay na mga may-ari ng maliit na negosyo. Magpapraktis sila ng record keeping, marketing, at cash management. Kakausap sila ng mga negosyante, kostumer, at supplier at bubuo ng mga plano para palaguin ang kanilang negosyo.

Pumili ng Isang Grupo

Tutulungan kayo ngayon ng isang miyembro ng self-reliance committee na maorganisa na maging mga self-reliance group. Kapag nakapili ka na ng grupo mo, isulat ang sumusunod na impormasyon.

Mga Self-Reliance Group Meeting

Araw:

Oras:

Lokasyon:

Pangalan ng facilitator:

Numero ng telepono:

Facilitator: Maaaring naisin ng presiding authority na magbahagi ng maikling patotoo.

Magtapos sa panalangin.

Paano Magdaos ng My Path Devotional

Mga Instruksyon para sa Isang Stake Self-Reliance Committee

Bago Idaos ang Devotional:

  • Repasuhin at kumpletuhin mo mismo ang booklet na ito.

  • Mag-order ng sapat na mga booklet na Ang Aking Daan Patungong Self-Reliance para sa mga participant (store.lds.org).

  • Maglaan ng sapat na mga bolpen o lapis para sa mga participant.

  • Maghanda ng sapat na mga bilog na mesa sa cultural hall.

  • Sabihan ang mga miyembro ng self-reliance committee na tumayo sa bawat pintuan para batiin ang mga dumadalo at pasamahin sila sa mga participant na nasa mga mesa.

  • Anyayahan ang isang taong nakalahok na dati sa isang grupo na ibahagi ang kanyang karanasan sa devotional kung maaari (tingnan sa pahina 9).

  • Bisitahin ang srs.lds.org/report para i-download ang Devotional Report Form na kukumpletuhin sa oras ng devotional.

Sa oras ng Devotional:

  • Sabihin sa miyembro ng komite na nasa bawat mesa na hikayating lumahok ang grupo at subaybayan ang nangyayari.

  • Ipaalala sa mga participant na ilagay sa silent mode ang kanilang cell phone.

  • Isiping simulan ang devotional sa isang awitin, panalangin, at maikling pagbati (3–5 minuto) mula sa isang priesthood leader o miyembro ng stake self-reliance committee.

  • Sundin ang materyal ayon sa nakasulat sa booklet.

  • Ipasulat sa bawat group facilitator ang pangalan at numero ng telepono ng bawat kasali sa kanyang grupo. Sa unang miting ng grupo, kukumpletuhin ng bawat facilitator ang mas detalyadong group registration form.

  • Kung malaki ang lugar na nasasakupan ng stake, maaari silang paghati-hatiin ng stake committee sa mga grupo ayon sa kung taga-saan ang mga miyembro ng grupo.

Pagkatapos ng Devotional:

  • Bisitahin ang srs.lds.org/report upang magpasok ng impormasyon mula sa Devotional Report Form.