“Mensahe mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol,” Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Missionary (2025)
“Mensahe mula sa Unang Panguluhan,” Mga Pamantayan ng Missionary—Mga Service Missionary
Mensahe mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol
Mahal na Kapwa Missionary:
Itinuro sa Aklat ni Mormon, “At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.” (Mosias 2:17). Ikaw ay tinawag ng Diyos na maging service missionary para tumulong sa pagtitipon ng Israel sa pamamagitan ng paglilingkod. Kami ay nagpapasalamat sa iyong kahandaang maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa iyong kapwa.
Ang paglilingkod sa mga anak ng Ama sa Langit ay isang mahalagang pagpapakita ng iyong pasasalamat sa Diyos para sa buhay at sa Kanyang ebanghelyo. Ipinapakita nito ang iyong kahandaang tuparin ang mga tipan na ginawa mo sa Kanya. Hinihikayat ka namin na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso” upang ikaw ay mapuspos ng dalisay na pag-ibig ni Cristo. Ang pag-ibig na ito ay ipinagkakaloob sa “lahat na tunay na mga tagasunod” ni Jesucristo (Moroni 7:47–48). Habang pinaglilingkuran mo ang iba sa Kanyang pangalan, pagkakalooban ka Niya ng kagalakan.
Ang Mga Pamantayan ng Missionary para sa mga Disipulo ni Jesucristo—Mga Service Missionary ay inilaan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol upang maging gabay sa iyong paglilingkod. Hinihikayat ka namin na maging pamilyar dito at ipamuhay ang mga pamantayan na nakapaloob dito. Ang mga pamantayang ito ay tutulong na maprotektahan ka sa pisikal, espirituwal, at emosyonal. Tutulungan ka ng mga ito na maging mas matapat na disipulo ni Jesucristo at maging higit na katulad Niya.
Dalangin namin na matagpuan mo ang tunay na kapayapaan at kagalakan sa paglilingkod sa Panginoong Jesucristo at sa mga anak ng Ama sa Langit.
Nagmamahal at nagpapahalaga sa iyo,
Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw