Mga Calling sa Mission
6. Pagkatapos ng Iyong Misyon


Larawan
Si Jesus na may kasamang dalawang tupa

He Leadeth Me [Inaakay Niya Ako], ni Yongsung Kim, havenlight.com

6

Pagkatapos ng Iyong Misyon

6.0

Pambungad

Ihanda na ngayon ang iyong sarili na ipagpatuloy ang iyong buhay bilang isang disipulo ni Jesucristo at bilang isang tapat na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kapag nakabalik ka na sa iyong tahanan at habang tinutupad mo ang iyong misyon sa buhay.

6.1

Patuloy na Makipag-ugnayan

Patuloy na makipag-ugnayan sa mga naturuan at nakatulong mo sa iyong misyon, pati na sa iyong mga mission leader. Suportahan at palakasin sila sa pamamagitan ng iyong mga salita at halimbawa, at ipagdiwang ang mahahalagang kaganapan sa kanilang buhay.

6.2

Pag-uwi mula sa Iyong Misyon

Dahil missionary ka pa rin hangga’t hindi ka inire-release ng iyong stake president, inaasahang susundin mo ang lahat ng mga pamantayan ng missionary hanggang sa i-release ka. Umuwi nang diretso sa bahay. Mahalaga ito lalo na kung wala ka sa sarili mong bansa kung saan ipinatutupad ang pagkakaroon ng visa. Ang pagpapaliban sa iyong pag-uwi ay maaaring magpahirap sa mga missionary na makakuha ng travel visa sa hinaharap. Kung magkikita kayo ng pamilya mo para makasama mo sila sa pag-uwi, maagang humingi ng payo sa iyong mission president.

Hindi mo maaaring tapusin ang iyong paglilingkod bilang missionary sa ibang mission o humiling na ilipat ka sa ibang mission pagkatapos ng petsa ng iyong release para maging kompanyon ng isang kamag-anak.

Kapag nakauwi ka na, kausapin ang iyong stake president para i-release ka kaagad.

Kapag nakauwi ka na, magpasuri agad para sa tuberculosis, kahit nasuri ka na bago magmisyon at walang nakitang mga sintomas nito.

6.3

Paglilingkod at Pag-unlad Pagkatapos ng Iyong Misyon

Kapag nakauwi ka na, patuloy na ipamuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Tiyakin na:

  • Magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw.

  • Dumalo at makibahagi sa iyong home ward o young single adult ward.

  • Maghanap ng mga oportunidad na maglingkod sa templo kung may malapit na templo.

  • Dumalo sa institute o klase sa relihiyon.

  • Mag-aral at maghanap ng trabaho sa pamamagitan ng Simbahan at iba pang resources.

Mamuhay sa paraan na mararanasan mo ang uri ng kagalakan na inilarawan sa Aklat ni Mormon nang muling magkita kalaunan sina Nakababatang Alma at mga kapwa niya missionary:

“Ngayon ito ay nangyari na, na habang si Alma ay naglalakbay mula sa lupain ng Gedeon patimog, palayo sa lupain ng Manti, masdan, sa panggigilalas niya, nakasalubong niya ang mga anak na lalaki ni Mosias na naglalakbay patungo sa lupain ng Zarahemla.

“… Kaya nga, si Alma ay labis na nagalak na makita ang kanyang mga kapatid; at ang nakaragdag pa sa kanyang kagalakan, sila ay kanya pa ring mga kapatid sa Panginoon; oo, at sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.

“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos” (Alma 17:1–3; idinagdag ang italics).