Institute
Lesson 19: Doktrina at mga Tipan 50


Lesson 19

Doktrina at mga Tipan 50

Pambungad at Timeline

Nang dumating si Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong mga unang araw ng Pebrero 1831, napansin niya na “may mga kakatwang paniwala at mga mapanlinlang na espiritu ang unti-unting lumalaganap” sa mga Banal. Nagsimula siyang magturo “nang may pag-iingat at katalinuhan” upang wakasan ang mga mapanlinlang na espirituwal na pagpapakitang ito (Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 93, josephsmithpapers.org). Ilang buwan kalaunan, bumalik mula sa misyon si Elder Parley P. Pratt at nakita ang ganoon ding kilos at asal sa mga branch ng Simbahan sa labas ng Kirtland, kaya humingi siya at ang iba pang mga lider ng payo kay Joseph Smith (tingnan sa Manuscript History of the Church, vol. A-1, p. 114, josephsmithpapers.org). Noong Mayo 1831, nagtanong ang Propeta sa Panginoon tungkol sa bagay na ito at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 50. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na iwasang malinlang sa pamamagitan ng pagtuturo at pagtanggap ng ebanghelyo nang may patnubay ng Espiritu ng Katotohanan.

Tagsibol 1831Ang ilang miyembro ng Simbahan sa Kirtland ay naimpluwensyahan ng mapanlinlang na espirituwal na pagpapakita.

Mga huling araw ng Marso o mga unang araw ng Abril, 1831Si Parley P. Pratt ay bumalik sa Kirtland mula sa isang misyon sa Indian Territory at Missouri.

Abril 30, 1831Nagsilang si Emma Smith ng kambal, isang lalaki at isang babae, na parehong namatay pagkaraan ng ilang oras.

Mayo 9, 1831Natanggap ang Doktrina at mga Tipan 50.

Mayo 9, 1831Inampon nina Joseph at Emma Smith ang kambal na sanggol nina John at Julia Murdock matapos mamatay si Julia sa panganganak sa kambal noong Abril 30.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 50:1–9

Nagbabala ang Panginoon sa mga elder ng Simbahan tungkol sa mga mapanlinlang na espiritu

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan o miyembro ng pamilya ang lumapit sa kanila at ibinahagi ang sumusunod na problema: “Sinisikap kong mamuhay nang karapat-dapat, pero hindi ko talaga malaman kung ang iniisip o nadarama ko ba ay nagmula sa Espiritu o sariling ideya ko lang.”

  • Paano kaya ninyo sasagutin ang problemang ito?

Matapos ang maikling talakayan, sabihin sa mga estudyante na tandaan ang problemang ito habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 50 ngayon. Sabihin sa kanila na alamin ang doktrina at mga alituntunin tungkol sa Espiritu Santo at ang pagtanggap ng katotohanan mula sa Diyos na makatutulong sa kanila at sa iba na makahanap at makahiwatig ng espirituwal na patnubay.

Ipaalala sa mga estudyante na matapos dumating si Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong Pebrero 1831, sinimulan niyang wakasan ang “mga kakatwang paniwala at mga mapanlilnlang na espiritu [na] unti-unting lumalaganap” sa mga Banal (Manuscript History, vol. A-1, p. 93, josephsmithpapers.org). Nag-alala ang Propeta na baka mawasak ng mga mapanlinlang na espirituwal na pagpapakitang ito ang mga tunay na alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo (tingnan sa “Try the Spirits,” Times and Seasons, Abr. 1, 1842, 747, josephsmithpapers.org). Noong mga unang araw ng Marso, natanggap ng Propeta ang paghahayag kung saan itinuro ng Panginoon sa mga Banal kung paano makaiwas sa panlilinlang ng masasamang espiritu at ng mga doktrina ng diyablo (tingnan sa D at T 46:7–8). Sa kabila ng pagsisikap ng Propeta laban sa mga mapanlinlang na espiritung ito, nagpatuloy ang mga kakaibang kilos at pag-uugali. Noong Mayo 1831, humingi ng payo ang ilang elder ng Simbahan kay Propetang Joseph Smith dahil hindi nila maunawaan ang sinasabing espirituwal na pagpapakita na kanilang nasaksihan sa ilan sa mga miyembro. Hindi masabi ng mga elder kung aling espirituwal na pagpapakita ang nagmula sa Diyos at alin ang hindi. Itinanong ng Propeta sa Panginoon ang tungkol sa mga pagpapakitang ito at natanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 50.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang itinuro ng Panginoon sa mga elder tungkol sa kakaibang espirituwal na mga pagpapakita na nasaksihan nila.

  • Ano ang itinuro ng Panginoon sa mga elder tungkol sa mga espiritu na “humayo sa mundo” (D at T 50:2)?

  • Ayon sa babala ng Panginoon sa talata 3, anong katotohanan ang matututuhan natin tungkol kay Satanas? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na katotohanan: Nais ni Satanas na linlangin tayo para maibagsak niya tayo. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Ano ang ilang paraan na sinusubukan tayong malinlang ni Satanas?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 50:7–9, at hanapin ang isang paraan kung paano nagkaroon ng kapangyarihan si Satanas na malinlang ang mga naunang miyembro ng Simbahan.

  • Ayon sa mga talatang ito, paano nagkaroon ng kapangyarihan si Satanas na malinlang ang mga naunang miyembro ng Simbahan?

  • Ano ang mapagkunwari? (Ang isang mapagkunwari ay isang taong nagpapanggap na mabuti ngunit salungat naman ang mga ikinikilos niya. [Tingnan din sa Bible Dictionary, “Hypocrite.”])

  • Sa papanong paraan nalinlang ng mga mapagkunwari ang mga miyembro ng Simbahan noong 1831? Paano nila maaaring malinlang ang mga miyembro ng Simbahan ngayon?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga mapagkunwaring ito?

Doktrina at mga Tipan 50:10–46

Itinuro ng Panginoon sa mga elder kung paano makikilala ang mga mapanlinlang na Espiritu at ang Espiritu ng Katotohanan

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 50:10–12, sinabi ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na makikipagpaliwanagan Siya sa kanila upang makaunawa sila. Ipaalala sa mga estudyante na lumapit ang mga elder sa Propeta dahil hindi nila maunawaan ang mga mapanlinlang na espirituwal na pagpapakita na nasaksihan nilang ipinamalas ng ilang miyembro ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga itinanong ng Panginoon sa mga elder sa Kanyang pakikipagpaliwanagan sa kanila.

  • Ano ang itinanong ng mga elder sa talata 13?

  • Anong doktrina ang matututuhan natin tungkol sa Espiritu Santo mula sa sagot ng Panginoon sa talata 14? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ipinapadala ng Diyos ang Espiritu Santo upang ituro ang katotohanan.)

  • Bakit mahalagang maunawaan ng mga elder ang doktrinang ito sa panahong ito ng pagkakagulo?

Ipaliwanag na sa mga talata 15–16, sinabihan ng Panginoon ang mga elder dahil tinanggap nila ang mga mapanlinlang na espiritu na hindi nila nauunawaan. Magkagayunman, sinabi sa kanila ng Panginoon na Siya ay magiging maawain pa rin sa kanila.

Hatiin sa dalawang grupo ang klase. Ipabasa nang tahimik sa unang grupo ang Doktrina at mga Tipan 50:17–18, at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa pamamaraan kung paano dapat ipangaral ang Kanyang katotohanan. Ipabasa nang tahimik sa pangalawang grupo ang Doktrina at mga Tipan 50:19–20, at alamin kung paano matatanggap ang Kanyang katotohanan.

  • Paano dapat ipangaral ang “salita ng katotohanan” (talata 17)?

  • Paano ito dapat matanggap?

  • Ano ang ibig sabihin ng “kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos” sa mga talata 18 at 20?

  • Ano ang isang halimbawa ng paraan na maaari nating maipangaral o mahanap at matanggap ang katotohanan sa “ibang pamamaraan”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:21–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang nais ng Panginoon na maunawaan ng mga elder tungkol sa mga nangangaral ng salita ng katotohanan at sa mga taong nakikinig ng kanilang mensahe.

  • Ayon sa talata 21, ano ang nais ng Panginoon na maunawaan ng mga elder tungkol sa pangangaral at pagtanggap ng salita ng katotohanan?

  • Ayon sa talata 22, ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag ipinangaral ang salita ng katotohanan at natanggap ang Espiritu ng Katotohanan?

  • Batay sa itinuro ng Panginoon sa talata 22, anong mga pagpapakita o pagpapamalas ng Espiritu ang makatutulong sa atin na mahiwatigan kung ano ang nagmula sa Diyos at kung ano ang hindi? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang Espiritu ng Panginoon ay nagpapaunawa, nagpapatibay, at nagdudulot ng kagalakan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pinagtitibay? (Espirituwal na pinalalakas o pinatatatag.)

  • Paano kaya nakatulong ang katotohanang ito sa mga elder na nagulumihanan sa kakaibang ikinilos ng ilang miyembro?

  • Paano makatutulong sa atin ang katotohanang ito na mahiwatigan ang mga panlilinlang ni Satanas sa ating panahon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na alam nila na ang itinuro o narinig nila ay mula sa Espiritu dahil sila ay nakaunawa, napatibay, at nagalak. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan.

Ipaliwanag na para matulungan ang mga elder ng Simbahan na mas matukoy kung ano ang nagmula sa Diyos at kung alin ang hindi, gumamit ang Panginoon ng analohiya ng liwanag at kadiliman.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga elder tungkol sa kadiliman.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kadiliman?

  • Paano ninyo ilalarawan ang nadarama at naiisip ninyo kapag hindi nakapagpapatibay ang isang bagay?

  • Paano nakatulong sa mga elder ang kaalamang ito sa pagtugon sa mga miyembrong iyon na nagpapakita ng kakaibang kilos?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 50:24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang sinabi ng Panginoon sa mga elder tungkol sa liwanag.

  • Bakit angkop na simbolo ang liwanag sa mga bagay na nagmumula sa Diyos?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung tatanggap tayo ng liwanag at magpapatuloy sa Diyos? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung tatanggapin natin ang liwanag at magpapatuloy sa Diyos, tatanggap tayo ng marami pang liwanag, na magliliwanag nang magliliwanag hanggang sa ganap na araw. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “nagpapatuloy sa Diyos”?

  • Bakit dapat nating sikaping “lumiliwanag nang lumiliwanag” ang ating liwanag?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon kung saan patuloy nilang tinatanggap ang liwanag at impluwensya ng Diyos sa kanilang buhay at lalong nadama ang Kanyang Espiritu at impluwensya. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan.

  • Ano ang magagawa natin para makatanggap ng marami pang liwanag ng Diyos sa buhay natin?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 50:25, at alamin ang dahilan kung bakit itinuro ng Panginoon sa mga elder ang mga katotohanang ito.

  • Anong dahilan ang ibinigay ng Panginoon sa pagtuturo ng mga katotohanang ito sa mga elder sa Kirtland?

  • Sa paanong mga paraan nakatutulong sa atin ang pagkakaroon ng marami pang liwanag para malaman ang katotohanan?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagkakaroon ng marami pang liwanag para “maitaboy ang kadiliman mula sa [atin]” (talata 25), o maiwaksi ang mga tukso at impluwensya ng diyablo?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pagkakataon na naitaboy nila ang kadiliman, o tukso, dahil sa liwanag at katotohanang natanggap nila. Anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi na ikuwento sa klase ang kanilang mga karanasan.

Ipakita ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante:

Larawan
Elder Robert D. Hales

“[I]winawaksi ng liwanag ang dilim. Kapag mayroong liwanag, nadadaig ang dilim at nawawala. Higit na mahalaga, hindi madadaig ng dilim ang liwanag hangga’t di nababawasan o naaalis ang liwanag. Kapag nariyan ang espirituwal na liwanag ng Banal na Espiritu, ang kadiliman ni Satanas ay umaalis.

“… Kung hahayaan nating umandap-andap o humina ang liwanag ng Espiritu dahil sa di pagsunod sa mga kautusan, o di pagtanggap ng sakramento o pananalangin o pag-aaral ng banal na kasulatan, ang kadiliman ng kalaban ay tiyak na papasok” (Robert D. Hales, “Mula sa Kadiliman Tungo sa Kanyang Kagila-gilalas na Kaliwanagan,” Liahona, Mayo 2002, 70, 71).

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila sasagutin ang tanong:

  • Ano ang gagawin ninyo para tumanggap ng marami pang liwanag at magpatuloy sa Diyos upang malaman ninyo ang katotohanan at iwaksi ang kadiliman sa inyong buhay?

Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa anumang pahiwatig na natatanggap nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 50:26–37 na ipinapaliwanag na pinayuhan ng Panginoon ang mga maytaglay ng priesthood tungkol sa kapangyarihan at mga responsibilidad na kaakibat ng kanilang ordenasyon. Itinuro niya sa kanila na maglingkod sa iba at panatilihing dalisay ang kanilang mga sarili. Ipinangako ng Panginoon na kapag ginawa nila ito, bibigyan Niya sila ng kapangyarihang matukoy ang mga mapanlinlang na espiritu. Nakahanda sa mga alituntunin para matulungan ang mga banal na matukoy ang mga mapanlinlang na Espiritu at maiwasan ang mga panlilinlang, sina Parley P. Pratt, John Corrill, at Edward Partridge ay tinawag na “humayo sa mga simbahan at palakasin sila” (D at T 50:37).

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 50:40–46, at hanapin ang nakapapanatag na payo mula sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng isang parirala mula sa mga talatang ito na mahalaga sa kanila. Ilista sa pisara ang mga pariralang ibinahagi ng mga estudyante.

  • Paano nakapagbigay ng kapanatagan sa mga naunang Banal ang payo na nakasulat sa pisara? Paano ito maaaring magbigay ng kapanatagan sa atin?

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito. Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti ang natutuhan nila ngayon at isulat kung paano nila ipamumuhay ang kanilang natutuhan.