Seminary
4. Ang Pagpapanumbalik


4. Ang Pagpapanumbalik, Doctrinal Mastery Core Document (2018)

4. Ang Pagpapanumbalik

Larawan
ang mga laminang ginto

4.1. Ipinanumbalik na ng Diyos ang Kanyang ebanghelyo sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng muling pagtatatag ng Kanyang mga katotohanan, awtoridad ng priesthood, at Simbahan sa lupa. Ipinahayag na noon pa man ng mga sinaunang propeta ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw (tingnan sa Isaias 29:13–14; Mga Gawa 3:19–21).

4.2. Nagsimula ang Pagpapanumbalik noong 1820. Ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith bilang tugon sa panalangin ni Joseph, at tinawag Nila siya na maging Propeta ng Pagpapanumbalik (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20).

4.3. Tinawag ng Diyos si Joseph Smith na maging saksi ng buhay na Cristo sa mga huling araw. Bilang Propeta ng Pagpapanumbalik, isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa DT 135:3). Kasama ng Biblia, ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at naglalaman ng kabuuan ng ebanghelyo (tingnan sa Ezekiel 37:15–17). Ang Aklat ni Mormon ay nagpapatotoo rin sa pagkatawag kay Joseph Smith bilang propeta at sa katotohanan ng Pagpapanumbalik.

4.4. Bilang bahagi ng Pagpapanumbalik, nagsugo ng mga anghel ang Diyos para ipanumbalik ang Aaronic at Melchizedek Priesthood. Pagkatapos ay iniutos Niya na iorganisang muli ang Kanyang Simbahan sa lupa noong Abril 6, 1830. Dahil ang Diyos mismo ang nagtatag nito, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (DT 1:30).

Mga kaugnay na reperensya: Amos 3:7; Mga Taga Efeso 2:19–20; Mga Taga Efeso 4:11–14; DT 13:1; DT 76:22–24; DT 107:8

Mga kaugnay na paksa: Ang Panguluhang Diyos; Mga Propeta at Paghahayag

Apostasiya

4.5. Ang pangangailangan para sa Pagpapanumbalik sa mga huling araw ng mga katotohanan ng Diyos, awtoridad ng priesthood, at Simbahan ay nangyari dahil sa apostasiya. Ang apostasiya ay nagaganap kapag ang isa o mahigit pang tao ay tumalikod sa mga katotohanan ng ebanghelyo.

4.6. Matapos maipako sa krus ang Tagapagligtas at mamatay ang Kanyang mga Apostol, maraming taong tumalikod sa mga katotohanang itinatag ng Tagapagligtas (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3). Ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mga bahagi ng mga banal na kasulatan ay binaluktot o nawala. Nagkaroon ng di-awtorisadong mga pagbabago sa organisasyon ng Simbahan at mga ordenansa ng priesthood. Dahil sa laganap na kasamaang ito, binawi ng Panginoon ang awtoridad at mga susi ng priesthood sa lupa. Bagama’t maraming mabubuti at matatapat na tao na sumamba sa Diyos ayon sa liwanag na taglay nila at tumanggap ng sagot sa kanilang mga panalangin, ang mundo ay naiwang walang banal na paghahayag sa pamamagitan ng mga buhay na propeta. Ang panahong ito ay kilala bilang ang Malawakang Apostasiya.

4.7. May iba pang mga panahon na nagkaroon ng apostasiya sa buong kasaysayan ng mundo.

Mga kaugnay na paksa: Mga Propeta at Paghahayag; Priesthood at mga Susi ng Priesthood; Mga Ordenansa at mga Tipan

Mga Dispensasyon ng Ebanghelyo

4.8. Kapag ang mga anak ng Diyos ay nag-apostasiya, buong pagmamahal Niya silang tinutulungan sa pamamagitan ng pagtawag ng mga propeta at pagbibigay na muli ng mga pagpapala ng ebanghelyo sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Ang panahon kung kailan inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga katotohanan, awtoridad ng priesthood, at mga ordenansa ay tinatawag na dispensasyon. Ito ay panahon na ang Panginoon ay may isang awtorisadong lingkod man lang sa lupa na may priesthood at may banal na tungkuling ibahagi ang ebanghelyo at pangasiwaan ang mga ordenansa nito.

4.9. Ang mga dispensasyon ay nauugnay kina Adan, Enoc, Noe, Abraham, Moises, Jesucristo, at iba pa. Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, na sinimulan ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay bahagi ng huwarang ito ng mga dispensasyon.

4.10. Sa bawat dispensasyon, hinangad ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta na itatag ang Sion. Ang Sion ay tumutukoy sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon na dalisay ang puso, nagkakaisa sa kabutihan, at pinangangalagaan ang isa’t isa (tingnan sa Moises 7:18). Ang Sion ay tumutukoy rin sa isang lugar kung saan naninirahan ang mga taong dalisay ang puso.

4.11. Nabubuhay tayo ngayon sa huling dispensasyon—ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Ito ang tanging dispensasyon na hindi magwawakas sa apostasiya. Kalaunan ay pupunuin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang buong mundo at mananatili magpakailanman (tingnan sa Daniel 2:44).

Mga kaugnay na paksa: Mga Propeta at Paghahayag; Priesthood at mga Susi ng Priesthood; Mga Ordenansa at mga Tipan