Lumang Tipan 2022
Abril 4–10. Exodo 14–17: “Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon”


“Abril 4–10. Exodo 14–17: ‘Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Abril 4–10. Exodo 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
Dagat na Pula

Ang Dagat na Pula

Abril 4–10

Exodo 14–17

“Magpakatatag Kayo, at Masdan Ninyo ang Pagliligtas ng Panginoon”

Inutusan ng Diyos si Moises na isulat ang kanyang mga karanasan “na pinakaalaala sa isang aklat, at ipagbigay-alam mo [ito]” kay Josue (Exodo 17:14). Gayundin, ang pagtatala ng iyong mga espirituwal na karanasan ay makakatulong sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay na maalaala ang kabutihan ng Panginoon.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang mga Israelita ay nakulong. Ang Dagat na Pula ay nasa isang panig, at papalapit naman ang hukbo ni Faraon sa kabila. Mukhang magiging panandalian lamang ang pagtakas nila mula sa Egipto. Ngunit may mensahe ang Diyos sa mga Israelita na nais Niyang alalahanin nila sa maraming henerasyon: “Huwag kayong matakot. … Ipaglalaban kayo ng Panginoon” (Exodo 14:13–14).

Simula noon, kapag kailangan ng mga tao ng Diyos ng pananampalataya at lakas-ng-loob, madalas nilang gunitain ang salaysay na ito ng mahimalang pagkakaligtas ng Israel. Nang naisin ni Nephi na bigyang-inspirasyon ang kanyang mga kapatid, sinabi niya, “Maging malakas tayong katulad ni Moises; sapagkat siya ay tunay na nangusap sa tubig ng Dagat na Pula at yaon ay nahati nang dito at doon, at ang ating mga ama ay nakatawid at nakalaya mula sa pagkabihag, sa tuyong lupa” (1 Nephi 4:2). Nang naisin ni Haring Limhi na ang kanyang mga bihag ay “itaas ang [kanilang] ulo at magsaya,” ipinaalala niya sa kanila ang kuwentong ito (Mosias 7:19). Nang naisin ni Alma na patotohanan sa kanyang anak ang kapangyarihan ng Diyos, tinukoy rin niya ang kuwentong ito (tingnan sa Alma 36:28). At kapag kailangan nating maligtas—kapag kailangan natin ng kaunti pang pananampalataya, kapag kailangan nating “tumigil … , at tingnan … ang pagliligtas ng Panginoon”—maaari nating alalahanin kung paano “iniligtas ng Panginoon ang Israel nang araw na yaon sa kamay ng mga Egipcio” (Exodo 14:13, 30).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Exodo 14

Ang Diyos ay may kapangyarihang iligtas ako.

Habang binabasa mo ang Exodo 14:1–10, isipin kung ano ang maaaring nadama ng mga Israelita nang makita nilang malapit na ang hukbo ni Faraon. Marahil ay nadarama mo na kailangan mo ng isang himala para makaligtas sa isang mabigat na hamon na kinakaharap mo. Ano ang natututuhan mo mula sa Exodo 14:13–31 na makakatulong sa iyo na hangarin ang pagliligtas ng Diyos sa iyong buhay? Ano ang natutuhan mo tungkol sa mga paraan ng Diyos na maglaan ng pagliligtas mula sa paghihirap? Pagnilayan kung paano mo nakita ang Kanyang nakapagliligtas na kapangyarihan sa iyong buhay.

Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3; L. Tom Perry, “Ang Kapangyarihang Magligtas,” Liahona, Mayo 2012, 94–97.

Exodo 15:22–27

Mapapatamis ng Panginoon ang mapapait na bagay.

Habang binabasa mo ang Exodo 15:22–27 tungkol sa paglalakbay ng Israel patungong lupang pangako, isipin ang mga bagay sa buhay mo na tila “mapait” na tulad ng mga tubig sa Mara. Isipin ang sumusunod na mga tanong habang pinagninilayan mo ang mga talatang ito: Paano mapapatamis ng Panginoon ang mapapait na bagay sa iyong buhay? Ano ang naging kahalagahan ng mga karanasang ito sa iyong buhay? Ano ang iminumungkahi ng mga talata 26 at 27 kung paano tayo pinagpapala ng Panginoon kapag pinakikinggan natin ang Kanyang tinig?

Exodo 15:23–27; 16:1–15; 17:1–7

Maaari akong magtiwala sa Panginoon, kahit sa mahihirap na panahon.

Nakatutuksong pintasan ang mga Israelita dahil bumulung-bulong sila o nagreklamo nang maging mahirap ang kanilang sitwasyon, kahit pagkatapos ng lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanila. Ngunit habang binabasa mo ang Exodo 15:23–27; 16:1–15; 17:1–7, isipin kung nagawa mo na ang bagay na iyon. Ano ang natututuhan mo mula sa mga karanasan ng mga Israelita na makakatulong sa iyo na hindi na gaanong bumulung-bulong at mas lubusang magtiwala sa Diyos? Halimbawa, ano ang mga pagkakaibang napapansin mo tungkol sa paraan ng pagtugon ng mga Israelita sa mga paghihirap at sa paraan ng pagtugon ni Moises? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa Diyos?

Tingnan din sa 1 Nephi 2:11–12.

Larawan
babaeng nagtitipon ng manna

Pisikal na pinakain ng manna mula sa Diyos ang Israel; kailangan din natin ang pang-araw-araw na espirituwal na pangangalaga. Fresco ni Leopold Bruckner

Exodo 16

Dapat akong maghangad ng pang-araw-araw na espirituwal na pangangalaga.

Maraming espirituwal na aral tayong matututuhan mula sa himala ng manna, na matatagpuan sa Exodo 16. Pansinin ang detalyadong mga tagubiling ibinigay sa mga Israelita kung paano tipunin, gamitin, at ipreserba ang manna (tingnan sa Exodo 16:16, 19, 22–26). Ano ang nakikita mo sa mga tagubiling ito na angkop sa iyo habang araw-araw kang naghahangad ng espirituwal na pangangalaga?

Tingnan din sa Juan 6:31–35, 48–58.

Exodo 17:1–7

Si Jesucristo ang aking espirituwal na bato at tubig na buhay.

Isipin ang Tagapagligtas habang binabasa mo ang Exodo 17:1–7. Paano naging parang isang bato si Jesucristo sa iyo? (tingnan sa Awit 62:6–7; Helaman 5:12). Paano Siya naging katulad ng tubig? (tingnan sa Juan 4:10–14; I Mga Taga Corinto 10:1–4; 1 Nephi 11:25).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Exodo 14:13–22.Maaaring masiyahan ang mga miyembro ng inyong pamilya na subukang “hawiin” ang tubig sa isang mangkok o isang batya, tulad noong hawiin ni Moises ang Dagat na Pula. Ipaunawa sa kanila na ang Dagat na Pula ay hindi maaaring mahawi kung wala ang kapangyarihan ng Diyos. Paano natin nakita ang kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng ating mga ninuno?

Exodo 15:1–21.Pagkatapos na mahimalang tawirin ang Dagat na Pula, kumanta ng isang awit ng papuri ang mga Israelita na kilala bilang awit ni Moises, na matatagpuan sa Exodo 15:1–21. Bilang pamilya, hanapin sa mga talatang ito ang mga pariralang nagpapatotoo sa ginawa ng Diyos para sa mga Israelita at iba pang makabuluhang mga parirala. Pagkatapos ay maaari ninyong kantahin ang isang himnong nagpapaalala sa inyong pamilya kung ano ang nagawa ng Diyos para sa inyo.

Exodo 16:1–5; 17:1–7.Ang pagbasa sa Exodo 16:1–5 at 17:1–7 ay maaaring humantong sa isang talakayan tungkol sa Tagapagligtas bilang Tinapay ng Kabuhayan, Tubig na Buhay, at ating Bato. Paano ipinapaalala sa atin ng mga kuwentong ito ang ginagawa ni Jesucristo para sa atin? Bilang bahagi ng inyong talakayan, maaari ninyong basahin ang Juan 4:10–14; 6:29–35, 48–51; Helaman 5:12; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.

Exodo 17:8–16.Maaari ninyong isadula ang kuwento ng pagtataas nina Aaron at Hur sa mga kamay ni Moises at talakayin kung paano nito maaaring isimbolo kung paano natin sinusuportahan yaong mga tinawag ng Diyos na mamuno sa atin. Maaari mo ring pagkumparahin ang halimbawa nina Aaron at Hur at ang pagbubulung-bulong ng mga Israelita laban kay Moises (inilarawan sa buong mga kabanata 15–17). Ano ang ilang paraan na matutulungan at masusuportahan natin ang ating mga pinuno? Anong mga pagpapala ang dumarating sa atin at sa ating mga pinuno kapag ginagawa natin ito?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Manunubos ng Israel,” Mga Himno, blg. 5.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghangad ng sarili mong espirituwal na mga kabatiran. Sa iyong personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya, huwag ilimita ang iyong sarili sa mga talatang naka-highlight sa mga outline na ito sa pag-aaral. Malamang na may mga mensahe ang Panginoon para sa iyo sa mga kabanatang ito na hindi binibigyang-diin dito. Mapanalanging maghangad ng inspirasyon.

Larawan
hinahawi ni Moises ang Dagat na Pula

Paglalarawan sa Paghawi ni Moises sa Dagat na Pula, ni Robert T. Barrett