Bagong Tipan 2023
Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6: “Si Jesucristo, ‘ang Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan’”


“Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6: ‘Si Jesucristo, “ang Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan,”’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Oktubre 30–Nobyembre 5. Mga Hebreo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
si Cristo na nakatayo kasama ang isang batang babae

Balm of Gilead [Balsamo ng Gilead], ni Annie Henrie

Oktubre 30–Nobyembre 5

Mga Hebreo 1–6

Si Jesucristo, “ang Pinagmulan ng Walang Hanggang Kaligtasan”

Sa pagtatala ng mga espirituwal na impresyon, mapapansin mo ang nais ituro sa iyo ng Espiritu Santo. Ang pagkilos ayon sa iyong mga impresyon ay nagpapakita ng iyong pananampalataya na ang mga pahiwatig na iyon ay totoo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Bawat isa sa atin ay kailangang may talikuran para matanggap ang ebanghelyo ni Jesucristo—ito man ay masasamang gawi, mga maling paniniwala, masasamang barkada, o iba pa. Para sa mga Hentil sa sinaunang Simbahang Kristiyano, ang pagbabalik-loob kadalasan ay nangahulugan ng pagtalikod sa mga huwad na diyos. Para sa mga Hebreo (o mga Judio), ang pagbabalik-loob ay napatunayan na kung hindi man mas mahirap ay medyo mas kumplikado. Tutal, ang kanilang itinatanging mga paniniwala at tradisyon ay nakabatay sa pagsamba sa tunay na Diyos at sa mga turo ng Kanyang mga propeta, libu-libong taon na ang nakararaan. Subalit itinuro ng mga Apostol na ang batas ni Moises ay natupad kay Jesucristo at na mas mataas na batas na ngayon ang pamantayan para sa mga mananampalataya. Ang pagtanggap ba sa Kristiyanismo ay nangangahulugan na kailangang talikuran ng mga Hebreo ang dati nilang mga paniniwala at kasaysayan? Hinangad ng Sulat sa mga Hebreo na tumulong na sagutin ang gayong mga tanong sa pamamagitan ng pagtuturo na ang batas ni Moises, ang mga propeta, at ang mga ordenansa ay mahalagang lahat, ngunit si Jesucristo ay mas mahalaga (tingnan sa Mga Hebreo 1:1–4; 3:1–6; 7:23–28). Katunayan, lahat ng bagay na ito ay nakaturo at nagpapatotoo kay Cristo bilang Anak ng Diyos at ang ipinangakong Mesiyas na matagal nang hinihintay ng mga Judio.

Ang ibig sabihin ng pagbabalik-loob, noong mga araw na iyon at ngayon, ay gawing sentro si Jesucristo ng ating pagsamba at ng ating buhay. Nangangahulugan ito ng mahigpit na pagkapit sa katotohanan at pagwawaksi sa gumagambala sa atin mula sa Kanya, sapagkat Siya ang “pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya” (Mga Hebreo 5:9).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Sino ang gumawa ng Sulat sa mga Hebreo?

Pinagdududahan ng ilang iskolar kung si Pablo nga ang gumawa ng Sulat sa mga Hebreo. Ang estilo sa pagsulat ng Mga Hebreo ay medyo naiiba kaysa sa ibang mga sulat ni Pablo, at hindi pinangalanan ang awtor sa mga naunang bersyon ng teksto. Gayunman, dahil kapareho ng iba pang mga turo ni Pablo ang mga ideyang nakasaad sa Mga Hebreo, tinanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw, sa pagsunod sa tradisyong Kristiyano, na kasali si Pablo sa pagsulat dito.

Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Sulat ni Pablo, Mga.”

Mga Hebreo 1–5

Si Jesucristo ang “tunay na larawan” ng Ama sa Langit.

Maraming Judio ang nahirapang tanggapin si Jesucristo bilang Anak ng Diyos. Pansinin kung paano nagpapatotoo tungkol sa Kanya ang Sulat sa mga Hebreo. Halimbawa, habang binabasa mo ang unang limang kabanata, maaari mong ilista ang mga titulo, tungkulin, katangian, at gawa ni Jesucristo na makikita mong binanggit. Ano ang itinuturo ng mga bagay na ito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas? Ano ang itinuturo ng mga ito sa iyo tungkol sa Ama sa Langit?

Ano ang idinaragdag ng sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland sa pagkaunawa mo sa mga turo sa mga kabanatang ito? “Pumarito si Jesus … upang baguhin ang pananaw ng tao sa Diyos, at magsumamo sa kanila na mahalin ang kanilang Ama sa Langit tulad ng walang humpay na pag-ibig Niya sa kanila. … Kaya nga ang pagpapakain sa gutom, pagpapagaling sa maysakit, pagkamuhi sa pagpapaimbabaw, pagsamong manampalataya—ito si Cristo na ipinakikita sa atin ang paraan ng Ama” (“Ang Kadakilaan ng Diyos,” Liahona, Nob. 2003, 72).

Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8

Pinagdusahan ni Jesucristo ang lahat ng bagay upang maunawaan at matulungan Niya ako kapag nagdurusa ako.

Nadarama mo ba na kaya mong “lumapit [nang] may katapangan sa trono ng biyaya” at humingi ng awa? (Mga Hebreo 4:16). Ang isang mensahe ng Sulat sa mga Hebreo ay na sa kabila ng ating mga kasalanan at kahinaan, madaling lapitan ang Diyos at kayang kamtin ang Kanyang biyaya. Ano ang nakikita mo sa Mga Hebreo 2:9–18; 4:12–16; 5:7–8 na nagpapalakas sa iyong tiwala na tutulungan ka ni Jesucristo sa mga hamon mo sa buhay? Isiping itala sa journal ang mga naiisip at nadarama mo kung ano ang nagawa ng Tagapagligtas para sa iyo.

Tingnan din sa Mosias 3:7–11; Alma 7:11–13; 34; Matthew S. Holland, “Ang Walang Katulad na Kaloob ng Anak,” Liahona, Nob. 2020, 45–47.

Mga Hebreo 3:74:11

Ang mga pagpapala ng Diyos ay para sa mga taong “[hindi pinatitigas] ang [kanilang] puso.”

Sa muling pagkukuwento tungkol sa mga sinaunang Israelita, inasam ni Pablo na mahikayat ang mga Judio na iwasan ang pagkakamaling ginawa ng kanilang mga ninuno—hindi nila tinanggap ang mga pagpapala ng Diyos dahil ayaw nilang maniwala. (Maaari mong basahin ang kuwentong binanggit ni Pablo sa Mga Bilang 14:1–12, 26–35.)

Isipin kung paano maaaring umangkop ang Mga Hebreo 3:74:11 sa iyo. Para magawa ito, maaari mong pagnilayan ang mga tanong na kagaya nito:

  • Paano ginalit ng mga Israelita ang Panginoon? (tingnan sa Mga Hebreo 3:8–11). Ano ang mga ibubunga ng pagkakaroon ng matigas na puso?

  • Kailan ko hinayaang maging matigas ang puso ko? May mga pagpapala bang gustong ibigay sa akin ang Diyos na hindi ko natatanggap dahil sa kawalan ng pananampalataya?

  • Ano ang magagawa ko para magkaroon ng malambot at nagsisising puso? (tingnan sa Eter 4:15; Mga Kawikaan 3:5–6; Alma 5:14–15).

Tingnan din sa 1 Nephi 2:16; 15:6–11; Jacob 1:7–8; Alma 12:33–36; Neill F. Marriott, “Pagpapasakop ng Ating Puso sa Diyos,” Liahona, Nob. 2015, 30–32.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mga Hebreo 1:8–9.Sa anong mga paraan naipakita ni Jesus na mahal Niya ang katuwiran at kinamumuhian ang kasamaan? Kung hindi matwid ang ating mga hangarin, ano ang magagawa natin para baguhin ang mga ito?

Mga Hebreo 2:1–4.Makakaisip ba kayo ng isang object lesson para maipaunawa sa inyong pamilya ang kahulugan ng kumapit nang mahigpit sa mga katotohanan ng ebanghelyo “na ating narinig”? Maaari ninyong ilarawan ito sa isang bagay na mahirap hawakan. Paano katulad ng paghuli at paghawak sa bagay na ito ang ating mga pagsisikap na panatilihin ang ating patotoo? Paano natin matitiyak na “ang mga bagay na ating narinig” ay hindi “matangay” na papalayo sa atin? (talata 1).

Mga Hebreo 2:9–10.Para malaman pa ang tungkol sa pariralang “[kapitan] ng kanilang kaligtasan,” maaari kang magsimula sa pagtalakay kung ano ang ginagawa ng isang kapitan. Ano ang ibig sabihin ng kaligtasan? Paano parang kapitan si Jesucristo para sa atin at sa ating kaligtasan?

Mga Hebreo 5:1–5.Ang mga talatang ito ay makakatulong sa inyo na magkaroon ng talakayan kung ano ang kahulugan ng tawagin ng Diyos sa pamamagitan ng isang taong may awtoridad. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Jesucristo tungkol sa pagtanggap at pagtupad sa mga calling?

Larawan
inoorden ni Moises si Aaron

“Sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron” (Mga Hebreo 5:4). Moses Calls Aaron to the Ministry [Tinawag ni Moises si Aaron sa Ministeryo], ni Harry Anderson

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Kailangan Ko Kayo,” Mga Himno, blg. 54.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Subukan ang iba’t ibang pamamaraan. Sa halip na palaging pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa iisang paraan, isiping gumamit ng iba’t ibang ideya sa pag-aaral. Para sa ilang ideya, tingnan ang “Mga Ideya upang Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” sa simula ng resource na ito.

Larawan
Jesucristo

Light of the World [Ilaw ng Sanlibutan], ni Walter Rane