Bagong Tipan 2023
Setyembre 18–24. 2 Corinto 8–13: “Iniibig ng Diyos ang Nagbibigay na Masaya”


“Setyembre 18–24. 2 Corinto 8–13: ‘Iniibig ng Diyos ang Nagbibigay na Masaya,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Setyembre 18–24. 2 Corinto 8–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
si Jesus na kausap ang maliit na bata

Setyembre 18–24

2 Corinto 8–13

“Iniibig ng Diyos ang Nagbibigay na Masaya”

Ang pagtatala ng mga espirituwal na impresyon ay magpapaalala sa iyo ng natututuhan mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaari kang sumulat sa isang study journal, magtala sa mga margin ng iyong mga banal na kasulatan, magdagdag ng mga tala sa iyong Gospel Library app, o gumawa ng audio recording ng iyong mga iniisip.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ano ang gagawin mo kung narinig mo na naghihirap ang isang kongregasyon ng mga Banal sa ibang lugar? Ito ang sitwasyong inilarawan ni Pablo sa mga Banal sa Corinto sa 2 Corinto 8–9. Umasa siyang mahikayat ang mga Banal sa Corinto na magbigay ng kaunti ng kanilang kasaganaan sa mga Banal na nangangailangan. Ngunit bukod pa sa paghiling ng mga donasyon, mayroon ding malalalim na katotohanan sa mga salita ni Pablo tungkol sa pagbibigay: “Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa kalooban, o dala ng pangangailangan, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya” (2 Corinto 9:7). Sa ating panahon, mayroon pa ring mga Banal sa buong mundo na nangangailangan ng tulong. Kung minsan ang magagawa lang natin para sa kanila ay mag-ayuno at mag-ambag sa fast offering. Sa ibang mga pagkakataon, maaaring mas direkta at personal ang ating pagbibigay. Anumang anyo ng sakripisyo ang ating gawin, nararapat suriin ang ating mga layunin sa pagbibigay. Pagpapakita ba ng pagmamahal ang ating mga sakripisyo? Tutal, pagmamahal ang nagpapasaya sa nagbibigay.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

2 Corinto 8:1–15; 9:5–15

Masaya kong maibabahagi ang anumang mayroon ako para mapagpala ang mga maralita at nangangailangan.

Napakaraming taong nangangailangan sa buong mundo. Paano tayo posibleng makagagawa ng kaibhan? Narito ang payo ni Elder Jeffrey R. Holland: “Mayaman man o mahirap, kailangan nating ‘gawin ang ating makakaya’ kapag nangailangan ang iba [tingnan sa Marcos 14:6, 8]. … Tutulungan at gagabayan [kayo ng Diyos] sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?,” Liahona, Nob. 2014, 41).

Basahin ang 2 Corinto 8:1–15; 9:6–15, na itinatala ang mga alituntuning itinuro ni Pablo tungkol sa pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan. Ano sa payo ni Pablo ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo? Maaari kang humiling ng patnubay sa panalangin kung ano ang magagawa mo para mapagpala ang isang taong nangangailangan. Tiyaking itala ang anumang mga impresyong natatanggap mo at kumilos ayon dito.

Tingnan din sa Mosias 4:16–27; Alma 34:27–29; Russell M. Nelson, “Ang Ikalawang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2019, 96–100; Henry B. Eyring, “Hindi Baga Ito ang Ayuno na Aking Pinili?,” Liahona, Mayo 2015, 22–25.

2 Corinto 11:1–6, 13–15; 13:5–9

“Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo’y nasa pananampalataya.”

Ngayon, tulad noong panahon ni Pablo, may mga naghahangad na ilayo tayo “mula sa katapatan at kadalisayan kay Cristo” (2 Corinto 11:3). Dahil diyan, mahalagang gawin ang iminungkahi ni Pablo: “Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo’y nasa pananampalataya” (2 Corinto 13:5). Maaari mong simulan ang prosesong ito sa pag-iisip kung ano ang kahulugan ng “nasa pananampalataya.” Paano mo malalaman kung ikaw ay nasa pananampalataya? Maghanap ng mga oportunidad na suriin ang iyong sarili.

Bilang bahagi ng iyong pagsusuri, maaari mo ring pagnilayan ang pariralang “katapatan at kadalisayan kay Cristo” (2 Corinto 11:3). Paano mo natagpuan ang katapatan at kadalisayan kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo? Paano maaaring “mailigaw [ang iyong isipan] mula sa katapatan at kadalisayan[g iyan]”? Anong makakatulong na payo ang nakikita mo sa 2 Corinto 11:1–6, 13–15?

Isipin din ang payong ito ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Kung inaakala ninyo na walang gaanong nagagawa ang ebanghelyo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong umatras, tingnan ang inyong buhay, at simplihan ang inyong pamamaraan sa pagiging disipulo. Magpokus sa mga pangunahing doktrina, alituntunin, at aplikasyon ng ebanghelyo. Ipinapangako ko na gagabayan at pagpapalain ng Diyos ang inyong landas tungo sa kasiya-siyang buhay, at talagang malaki ang magagawa ng ebanghelyo para sa inyo” (“Napakaganda ng Nagagawa Nito!,” Liahona, Nob. 2015, 22).

2 Corinto 12:5–10

Ang biyaya ng Tagapagligtas ay sapat na para matulungan akong makasumpong ng lakas sa aking kahinaan.

Hindi natin alam kung ano ang “tinik sa laman” ni Pablo, ngunit lahat tayo ay may sariling tinik na nais nating alisin ng Diyos sa ating buhay. Pag-isipan ang iyong mga tinik habang binabasa mo ang 2 Corinto 12:5–10, at pagnilayan ang natututuhan mo tungkol kay Jesucristo sa mga talatang ito. Ano ang itinuro ni Pablo sa mga talatang ito tungkol sa mga pagsubok at kahinaan? Ano ang kahulugan sa iyo ng “ang biyaya [ng Diyos] ay sapat na” sa iyo?

Tingnan din sa Mosias 23:21–24; 24:10–15; Eter 12:27; Moroni 10:32–33.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

2 Corinto 8–9.Ano ang nakikita natin sa mga kabanatang ito na naghihikayat sa atin na tulungan ang mga maralita at iba pang nangangailangan? Maaaring magandang pagkakataon ito para magplano bilang pamilya na paglingkuran ang isang taong nangangailangan.

2 Corinto 9:6–7.May kilala ba ang inyong pamilya na maaaring ilarawan na “nagbibigay na masaya”? Paano natin mas mapapasaya ang paglilingkod natin sa iba? Maaaring gumawa ng mga badge ang nakababatang mga miyembro ng pamilya na nagsasabing “Masaya akong nagbibigay.” Maaari mong bigyan ng mga badge ang mga miyembro ng pamilya tuwing makikita mo sila na masayang naglilingkod sa isa’t isa.

2 Corinto 10:3–7.Paano mo matuturuan ang inyong pamilya tungkol sa ating “pakikipaglaban” sa kasamaan? Masisiyahan ba ang inyong pamilya na magtayo ng pader o muog gamit ang mga silya at kumot? Maaari itong humantong sa isang talakayan kung paano iwaksi ang mga bagay na naglalayo sa atin sa Diyos at kung paano “[bihagin] ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo.” Ano ang ginagamit nating mga espirituwal na “sandata” para kontrolin ang ating mga iniisip? (tingnan sa Efeso 6:11–18).

2 Corinto 11:3.Ano ang magagawa ng inyong pamilya para mas makatuon sa “katapatan at kadalisayan kay Cristo”?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa,” Aklat ng mga Awit Pambata, 116.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Itala ang mga impresyon. Sabi ni Elder Richard G. Scott: “Ang kaalamang naitala nang husto ay kaalamang magagamit sa oras ng pangangailangan. … [Ang pagtatala ng mga espirituwal na patnubay] ay nagpapaibayo sa pagkakataon mong tumanggap ng dagdag na liwanag” (“Acquiring Spiritual Knowledge,” Ensign, Nob. 1993, 88; tingnan din sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 1230).

Larawan
mga kabataang tumutulong sa proyektong paglilingkod

“Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa kalooban, o dala ng pangangailangan, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya” (2 Corinto 9:7).