Bagong Tipan 2023
Hunyo 12–18. Lucas 22; Juan 18: “Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari Kundi ang sa Iyo”


“Hunyo 12–18. Lucas 22; Juan 18: ‘Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari Kundi ang sa Iyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Hunyo 12–18. Lucas 22; Juan 18,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
si Cristo at ang mga disipulo sa Getsemani

Gethsemane Grove [Kakahuyan ng Getsemani], ni Derek Hegsted

Hunyo 12–18

Lucas 22; Juan 18

“Huwag ang Kalooban Ko ang Mangyari Kundi ang sa Iyo”

Mag-ukol ng panahon sa pagbabasa ng Lucas 22 at Juan 18 sa linggong ito. Pagnilayan at ipagdasal ang nabasa mo. Ang paggawa nito ay maaaring magbigay ng pagkakataon sa Espiritu na patotohanan sa puso mo na ang mga banal na kasulatan ay totoo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Tatlong mortal lamang ang saksi sa pagdurusa ni Jesucristo sa Halamanan ng Getsemani—at tulog pa sila sa halos buong kaganapang ito. Sa halamanang iyon at kalaunan sa krus, inako ni Jesus mismo ang mga kasalanan, pasakit, at pagdurusa ng bawat taong nabuhay, bagama’t halos walang sinumang nabubuhay noon na nakakaalam sa nangyayari. Ang pinakamahahalagang kaganapan sa kawalang-hanggan ay madalas lumipas nang hindi napapansin ng mundo. Ngunit alam ng Diyos Ama. Narinig Niya ang pagsamo ng Kanyang matapat na Anak: “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo. [At] nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya” (Lucas 22:42–43). Bagama’t wala tayo roon para saksihan ang pagpapakitang ito ng pagiging di-makasarili at pagpapasakop, tayo ay mga saksi ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tuwing nagsisisi tayo at tumatanggap ng kapatawaran ng ating mga kasalanan, tuwing nadarama natin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas, mapapatotohanan natin na totoo ang nangyari sa Halamanan ng Getsemani.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Lucas 22:31–34, 54–62; Juan 18:17–27

Ang pagbabalik-loob ay isang patuloy na proseso.

Isipin ang mga karanasan ni Pedro sa piling ng Tagapagligtas—ang mga himalang nasaksihan niya at ang doktrinang natutuhan niya. Bakit kaya sasabihin ng Tagapagligtas kay Pedro na, “Kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid”? (Lucas 22:32; idinagdag ang italics). Habang pinagninilayan mo ito, maaaring makatulong na isipin ang itinuro ni Elder David A. Bednar tungkol sa pagkakaiba ng pagkakaroon ng patotoo at ng tunay na pagbabalik-loob (tingnan sa “Nagbalik-loob sa Panginoon,” Liahona, Nob. 2012, 106–9).

Habang nagbabasa ka tungkol sa mga karanasan ni Pedro sa Lucas 22:31–34, 54–62 (tingnan din sa Juan 18:17–27), pag-isipan ang sarili mong pagbabalik-loob. Nakadama ka na ba ng gayong katapatan na, tulad ni Pedro, “handa [kang] sumama sa [Tagapagligtas] sa bilangguan at sa kamatayan”? (Lucas 22:33). Bakit naglalaho kung minsan ang mga damdaming iyon? May mga pagkakataon araw-araw para ikaila o saksihan ang Tagapagligtas; ano ang gagawin mo para maging isang saksi Niya araw-araw? Anong iba pang mga aral ang natututuhan mo mula sa karanasan ni Pedro?

Habang patuloy mong binabasa ang Bagong Tipan, abangan ang katibayan ng patuloy na pagbabalik-loob ni Pedro. Pansinin din ang mga paraan na tinanggap niya ang utos ng Panginoon na “palakasin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32; tingnan sa Mga Gawa 3–4).

Tingnan din sa Marcos 14:27–31.

Lucas 22:39-46

Ang Tagapagligtas ay nagdusa para sa akin sa Getsemani.

Inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “[m]aglaan tayo ng oras sa pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40).

Isipin kung ano ang gagawin mo para tanggapin ang paanyaya ni Pangulong Nelson. Maaari kang magsimula sa mapanalanging pagninilay sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani, tulad ng inilarawan sa mga talatang ito, at pagsulat ng mga impresyon at tanong na pumapasok sa iyong isipan.

Para sa mas malalim na pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, subukang saliksikin ang iba pang mga talata sa banal na kasulatan para sa mga sagot sa mga tanong na katulad nito:

Habang pinag-aaralan mo ang nangyari sa Getsemani, maaaring nakakatuwang malaman na ang Getsemani ay isang halamanan ng mga punong olibo at mayroon ditong pigaan ng olibo, na ginagamit upang durugin ang mga olibo at katasan ng langis na ginagamit para sa ilawan at pagkain gayundin sa pagpapagaling (tingnan sa Lucas 10:34). Paano maaaring isimbolo ng proseso ng pagkatas ng langis ng olibo ang ginawa ng Tagapagligtas para sa atin sa Getsemani? Para sa ilang ideya, tingnan sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na ““Magsipanahan sa Aking Pag-ibig” (Liahona, Nob. 2016, 50–51).

Tingnan din sa Mateo 26:36–46; Marcos 14:32–42.

Juan 18:28–38

“Ang kaharian [ng Tagapagligtas] ay hindi mula sa sanlibutang ito.”

Bilang isang lider sa pulitika, pamilyar si Poncio Pilato sa kapangyarihan at mga kaharian ng mundong ito. Ngunit ibang-iba ang uri ng kaharian na binanggit ni Jesus. Sa paggunita sa nabasa mo tungkol sa buhay ng Tagapagligtas, anong katibayan ang nakikita mo na ang “kaharian [Niya] ay hindi mula sa sanlibutang ito”? (Juan 18:36). Bakit mahalaga na malaman mo ito? Ano pa ang namumukod-tangi sa iyo tungkol sa mga salita ni Jesus kay Pilato?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Lucas 22:31–32.Ano kaya ang nadama ni Pedro nang malaman niya na nanalangin si Jesus para sa kanya at sa kanyang pananampalataya? Sino ang maaari nating ipagdasal, “upang ang [kanilang] pananampalataya ay huwag mawala”? (talata 32).

Lucas 22:39–46.Ang pag-aaral tungkol sa pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani ay maaaring maging sagradong karanasan para sa inyong pamilya. Isipin kung ano ang magagawa mo para makalikha ng mapitagan at sumasambang espiritu habang pinag-aaralan mo ang Lucas 22:39–46. Maaari kayong sama-samang magpatugtog o kumanta ng ilan sa mga paboritong himno o awiting pambata ng inyong pamilya tungkol sa Tagapagligtas, o tumingin sa isang kaugnay na likhang-sining. Habang binabasa mo ang mga talata, maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga talatang makabuluhan lalo na sa kanila—marahil ay isang talatang nagpapadama sa kanila ng pagmamahal ng Tagapagligtas (tingnan din sa Mateo 26:36–46; Marcos 14:32–42). Maaari mo rin silang anyayahang ibahagi ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Lucas 22:42.Maaaring magbahagi ng mga karanasan ang mga miyembro ng pamilya kung kailan nila natutuhan sabihing, “Huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”

Lucas 22:50–51; Juan 18:10–11.Ano ang natututuhan natin tungkol kay Jesus mula sa mga talatang ito?

Larawan
pinagagaling ni Cristo ang tainga ng alipin

Suffer Ye Thus Far [Tiisin Mo Lamang], ni Walter Rane

Juan 18:37–38.Paano natin sasagutin ang tanong ni Pilato na “Ano ang katotohanan?” (talata 38). Para sa ilang ideya, tingnan sa Juan 8:32; Doktrina at mga Tipan 84:45; 93:23–28; at “Sabihin, Ano ang Katotohanan?,” Mga Himno, blg. 173.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.

Pagpapahusay ng Personal na Pag-aaral

Pag-aralan ang mga salita ng mga propeta at apostol sa mga huling araw. Basahin kung ano ang itinuro ng mga propeta at apostol sa mga huling araw tungkol sa mga katotohanang natagpuan mo sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, sa pinakahuling isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Liahona, maaari mong saliksikin ang indeks ng mga paksa para sa “Pagbabayad-sala” (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas21).

Larawan
si Cristo sa Getsemani

Not My Will, but Thine [Huwag ang Kalooban Ko Kundi ang sa Iyo], ni Walter Rane