Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hulyo 22–28. Mga Gawa 16–21: ‘Kami’y Tinawag ng Dios Upang sa Kanila’y Ipangaral ang Evangelio’


“Hulyo 22–28. Mga Gawa 16–21: ‘Kami’y Tinawag ng Dios Upang sa Kanila’y Ipangaral ang Evangelio’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hulyo 22–28. Mga Gawa 16–21,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
Si Pablo sa Areopago

Hulyo 22–28

Mga Gawa 16–21

“Kami’y Tinawag ng Dios Upang sa Kanila’y Ipangaral ang Evangelio”

Habang binabasa mo ang tungkol sa mga pagsisikap ni Pablo na ipangaral ang ebanghelyo, ang Espiritu ay maaaring magpahiwatig sa iyo ng mga kaisipan o damdamin. Isulat ang mga pahiwatig na ito, at magplanong kumilos ayon sa mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kabilang sa huling salitang ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol ay ang kautusang, “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo” (Mateo 28:19–20). Bagama’t hindi nakapunta ang mga Apostol sa lahat ng mga bansa, ipinakikita sa Mga Gawa 16–21 na gumawa ng pambihirang pag-unlad si Pablo at ang kanyang mga kasama sa pagtatatag ng Simbahan. Sila ay nagturo, nagbinyag, at naggawad ng kaloob na Espiritu Santo. Sila ay nagsagawa ng mga himala, ibinangon pa ang isang lalaki mula sa mga patay, at ipinropesiya ang Malawakang Apostasiya (Mga Gawa 20:7–12; 20:28–31). At ang gawain na sinimulan nila ay nagpapatuloy hanggang sa buhay na mga Apostol ngayon, kasama ng matatapat na disipulong katulad ninyo, na tumutulong na maisakatuparan ang utos ng Tagapagligtas sa paraan na hindi inakala kailanman ni Pablo. Marahil may kilala kayong mga taong hindi nakakikilala sa kanilang Ama sa Langit o sa Kanyang ebanghelyo. Marahil nadama na ninyo na ang inyong “espiritu ay nakilos sa [inyo]” para ibahagi sa kanila kung ano ang alam ninyo tungkol sa Kanya (Mga Gawa 17:16). Kung susundin ninyo ang halimbawa ni Pablo ng kababaang-loob at katapangan sa pagbabahagi ng ebanghelyo, maaaring may makita kayong isang tao “na [ang puso ay] binuksan ng Panginoon” (Mga Gawa 16:14).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Gawa 16–21

Gagabayan ako ng Espiritu sa aking pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo.

Lahat ay kailangan ang ebanghelyo ni Jesucristo, ngunit ang ilang tao ay mas handa kaysa sa iba na tanggapin ito. Ito ang isang dahilan kung bakit kailangan natin ang Espiritu Santo kapag ibinabahagi natin ang ebanghelyo—upang gabayan tayo tungo sa mga taong handa na. Habang binabasa mo ang Mga Gawa 16–21, isulat ang mga pagkakataon kung saan ginabayan ng Espiritu si Pablo at ang kanyang mga kasama. Anong mga pagpapala ang dumating dahil sinunod nila ang Espiritu? Kailan mo nadama ang Espiritu na nagpapahiwatig sa iyo sa iyong mga pagsisikap na ibahagi ang ebanghelyo?

Tingnan din sa Alma 7:17–20; Dallin H. Oaks, “Pagbabahagi ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 57–60; Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 102–104.

Mga Gawa 16–21

Maipapahayag ko ang ebanghelyo sa lahat ng pagkakataon.

Ang pagkatapon sa bilangguan dahil sa pangangaral ng ebanghelyo ay maaaring tila mauunawaang dahilan para tumigil sa pangangaral. Ngunit para kina Pablo at Silas, naging pagkakataon ito para ma-convert o magbago ang isang tagapamahala ng bilangguan (tingnan sa Mga Gawa 16:16–34). Sa buong Mga Gawa 16–21, hanapin ang iba pang mga halimbawa ng kahandaan ni Pablo na ibahagi ang kanyang patotoo sa lahat. Sa palagay mo, bakit kaya napakatapang niya at walang takot? Ano ang natututuhan mo sa halimbawa ni Pablo?

May marami pang ibang mensahe tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kabanata 16–21. Kung titingnang maigi, makikita mo ang ilan na akma sa iyo. Subukang basahin ang mga kabanatang ito na iniisip ang mithiing ito. Ano ang nakikita mo?

Mga Gawa 17:16–34

“Tayo nga’y lahi ng Dios.”

Sa Athens, nakakita si Pablo ng mga taong magkakaiba ang mga opinyon at pananaw sa relihiyon. Sila ay laging naghahangad “na [makarinig] ng anomang bagay na bago,” at ang iaalok ni Pablo ay talagang bago sa kanila (tingnan sa Mga Gawa 17:19–21). Sila ay sumamba sa maraming diyus-diyosan, kabilang na ang isa na tinawag nilang “Dios na hindi kilala” (Mga Gawa 17:23), ngunit sila ay naniwala na ang mga diyus-diyosan ay mga kapangyarihan o puwersa, hindi buhay, kaibig-ibig na mga nilalang, at tiyak na hindi ang ating Ama. Basahin ang sinabi ni Pablo para tulungan sila na makilala ang Diyos, at tandaan ang mga katangian ng Diyos na natutuklasan mo. Para sa iyo, ano ang ibig sabihin ng maging sa “lahi ng Dios”? (Mga Gawa 17:29). Sa iyong opinyon, paanong ang pagiging anak ng Diyos ay iba sa pagiging isa lamang sa Kanyang mga nilikha? Kung katabi ka ni Pablo habang nagpapatotoo siya, ano kaya ang sasabihin mo sa mga sinaunang Griyego tungkol sa ating Ama sa Langit? May kilala ka bang isang tao na maaaring makinabang sa pakikinig sa iyong patotoo?

Larawan
Hawak ni Jesus ang isang maliit na bata

Worth of a Soul, ni Liz Lemon Swindle

Tingnan din sa Mga Taga Roma 8:16; 1 Juan 5:2.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Gawa 16–21

Para matulungan ang inyong pamilya na mailarawan sa isipan ang nangyayari sa mga kabanatang ito, maaaring masiyahan kayo, habang nagbabasa kayo, na markahan sa isang mapa ang mga lungsod na dinalaw ni Pablo (tingnan ang mapa sa dulo ng outline na ito).

Mga Gawa 17:11; 18:24–28

Paano tayo magiging higit na katulad ng mga Banal sa mga banal na kasulatang ito? Paano tayo ginagawang lalong “mararangal” ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw? (Mga Gawa 17:11). Ano ang magagawa natin upang maging “makapangyarihan ukol sa mga kasulatan”? (Mga Gawa 18:24).

Mga Gawa 19:1–7

Maaaring makatulong sa inyong pamilya ang mga turong ito mula kay Propetang Joseph Smith sa pagtalakay sa Mga Gawa 19:1–7: “Walang kabuluhan ang pagbibinyag sa tubig kung hindi pagtitibaying miyembro ng Simbahan ang isang tao—ibig sabihin ay pagtanggap ng Espiritu Santo. … Ang ibig sabihin ng ‘ipanganak ng tubig at ng Espiritu’ ay ilubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan at pagkatapos ay tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo. Ito ay ibinigay sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng isang taong may awtoridad na bigay sa kanya ng Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith, 111). Anong mga pagpapala ang dumating sa atin mula sa pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo?

Mga Gawa 19:13–20

Ano ang nagbigay-inspirasyon sa mga tao sa mga talatang ito upang sunugin ang kanilang mga aklat na nagkakahalaga ng “limampung libong putol na pilak”? (Mga Gawa 19:19). May mga ari-arian o mga aktibidad ba na kailangan nating talikuran upang matanggap ang mga pagpapala ng langit?

Mga Gawa 20:32–35

Kailan naranasan ng inyong pamilya ang turo ni Cristo na “lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap”? (Mga Gawa 20:35). May isang tao ba na maaaring makinabang sa serbisyo, panahon, o mga regalo na maibibigay ng inyong pamilya? Bilang pamilya, talakayin ang ilang ideya at gumawa ng plano na paglingkuran ang isang tao. Ano ang nadarama natin kapag naglilingkod tayo sa ibang tao? Bakit lalo pang mapalad ang magbigay kay sa tumanggap?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Itala ang mga impresyon. Kapag may dumating na mga impresyon o ideya, itala ang mga ito. Halimbawa, maaari mong itala ang mga naiisip mo sa margin ng iyong mga banal na kasulatan, sa Gospel Library app, o sa isang study journal. “Kapag nagtatala ka ng mga espirituwal na impresyon, ipinapakita mo sa Panginoon na pinahahalagahan mo ang Kanyang patnubay, at dadalasan Niya ang pagbibigay sa iyo ng paghahayag” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12; tingnan din sa 30).

Larawan
mapa ng mga paglalakbay ni Pablo bilang missionary

Ang mga paglalakbay ni Apostol Pablo bilang missionary.