Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Hunyo 3–9. Juan 13–17: ‘Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig’


“Hunyo 3–9. Juan 13–17: ‘Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Hunyo 3–9. Mateo 13–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
Huling Hapunan

In Remembrance of Me, ni Walter Rane

Hunyo 3–9

Juan 13–17

“Magsipanatili Kayo sa Aking Pagibig”

Habang binabasa mo ang mga turo ng Tagapagligtas sa Juan 13–17, tutulungan ka ng Espiritu Santo na matukoy ang mga mensaheng para sa iyo. Itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ngayon ay tinatawag natin itong “Huling Hapunan,” ngunit hindi natin alam kung lubos na natanto ng mga disipulo ni Jesus, nang magtipon sila para sa taunang pagdiriwang ng pista ng Paskua, na ito na ang kanilang magiging huling hapunan na kasama ang kanilang Panginoon bago Siya mamatay. Gayunman, “alam ni Jesus na dumating na ang kaniyang oras” (Juan 13:1). Hindi magtatagal ay haharap na Siya sa pagdurusa sa Getsemani, sa pagkakanulo at pagkakaila ng Kanyang pinakamalalapit na kaibigan, at sa matinding hirap ng pagkamatay sa krus. Sa kabila ng lahat ng mangyayaring ito sa Kanya, hindi nagtuon si Jesus sa Kanyang sarili kundi sa paglilingkod sa Kanyang mga disipulo. Mapagpakumbaba Niyang hinugasan ang kanilang mga paa. Tinuruan Niya sila tungkol sa pagmamahal. At tiniyak Niyang muli sa kanila na, sa isang banda, hindi Niya sila iiwanan at hindi nila kailangang iwanan Siya kailanman. Napapanatag ang mga disipulo noon at ngayon sa Kanyang mga pangako na: “Hindi ko kayo iiwang mag-isa” (Juan 14:18). “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay magsisipanahan kayo sa aking pagibig” (Juan 15:10).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Juan 13–15

Ipinapakita ko ang aking pagmamahal kay Jesucristo sa pagsunod sa Kanyang utos na magmahal.

Naituro na ni Jesus na ang dalawang pinakadakilang utos ay may kinalaman sa pag-ibig (tingnan sa Mateo 22:34–40). Alinsunod sa pinagtutuunang ito, ang pag-ibig ay isang pangunahing tema ng mga huling tagubilin Niya sa Kanyang mga Apostol. Habang binabasa mo ang Juan 13–15, maaari mong tandaan o markahan ang bawat paggamit ng salitang pag-ibig.

Maaari mong mapansin ang salitang mga utos na inulit nang madalas kaugnay ng salitang pagibig sa mga kabanatang ito. Ano ang matututuhan mo mula sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa kaugnayan ng pag-ibig sa mga utos? Anong iba pang mga salita ang nakikita mong inulit nang madalas kasama ng salitang pagibig sa mga kabanatang ito? Batay sa natututuhan mo, isiping sumulat ng maikling buod ng mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pag-ibig.

Tingnan din sa D. Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pagibig,” Ensign o Liahona, Nob. 2016, 48–51.

Juan 14–16

Tinutulungan ako ng Espiritu Santo na matupad ang layunin ko bilang disipulo ni Jesucristo.

Alam ni Jesucristo na hindi magtatagal ay iiwan na Niya ang Kanyang mga disipulo, at alam Niya na mangangailangan sila ng espirituwal na suporta kapag wala na Siya. Para maipaunawa sa kanila kung paano nila matatanggap ang suportang ito, tinuruan Niya sila tungkol sa Espiritu Santo. Ano ang natututuhan mo tungkol sa mga tungkulin ng Espiritu Santo mula sa mga salita ng Tagapagligtas sa sumusunod na mga talata?

Bakit kinailangan ng mga disipulo ang ganitong klaseng tulong mula sa Espiritu Santo? Paano nagampanan ng Espiritu Santo ang mga tungkuling ito sa buhay mo? Sa patuloy na pag-aaral mo ng Bagong Tipan, humanap ng mga paraan na pinagpala ng Espiritu Santo ang mga disipulo ni Jesus. Paano maiiba ang buhay mo kung inanyayahan mo ang Espiritu Santo na magkaroon ng mas malalim na impluwensya sa iyo?

Tingnan din sa Mosias 3:19; 5:1–3; 3 Nephi 27:20; Moroni 8:25–26; 10:5; Doktrina at mga Tipan 11:12–14; Moises 6:61.

Juan 15:1–8

Habang nananatili ako kay Cristo, magkakaroon ako ng mabuting bunga.

Ano kaya ang ibig sabihin ng “manatili [kay Cristo]”? (Juan 15:4) Anong “bunga” ang nagpapakita na nakakabit ka sa puno, na kumakatawan kay Jesucristo?

Juan 17

Si Jesucristo ay namamagitan para sa Kanyang mga disipulo.

Ang mga salita ni Jesus na nakatala sa Juan 17 ay kilala bilang Panalangin ng Pamamagitan. Sa panalanging ito, ipinagdasal ni Jesus ang Kanyang mga Apostol at “sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa [Kanya] sa pamamagitan ng kanilang salita” (Juan 17:20). Ang ibig sabihin niyan ay ipinagdasal ka Niya. Ano ang hiniling ni Jesus sa Kanyang Ama alang-alang sa iyo at sa lahat ng iba pang nananampalataya?

Itinuturo din ng panalanging ito ang malalim at walang-hanggang mga katotohanan. Anong mga katotohanan ang nakikita mo habang binabasa mo ito?

Juan 17:11, 21–23

Paano naging isa si Jesucristo at ang Ama sa Langit?

Sa Kanyang panalangin sa Juan 17, binigyang-diin ni Jesus ang Kanyang pagiging isa sa Ama, ngunit hindi ibig sabihin ay iisa Sila ng Kanyang Ama. Nang manalangin ang Tagapagligtas na ang Kanyang mga disipulo ay maging isa nawa “gaya”—o sa kaparehong paraan—Nila ng Kanyang Ama (Juan 17:22), hindi Niya hinihiling na ang mga disipulo ay maging iisang nilalang. Sa halip, gusto Niyang matamasa nila ang pagkakaisa na taglay Nila ng Ama—ganap na pagkakaisa ng layunin, puso, at isipan.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Juan 13:1–17

Ano ang natututuhan ng ating pamilya mula sa halimbawa ng Tagapagligtas sa mga talatang ito? Sa paanong paraan natin matutularan ang Kanyang halimbawa?

Juan 13:34–35; 15:9–14

Habang tinatalakay mo ang mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa pag-ibig, isaalang-alang din ang mga salitang ito ni Pangulong Thomas S. Monson: “Sa mundo ngayon, wala nang ibang lugar na higit na kailangan ang pundasyong iyan ng pagmamahal kaysa sa tahanan. At wala nang ibang lugar sa mundo na dapat matagpuan ang mabuting halimbawa ng pundasyong iyan kaysa sa tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw na ginawang sentro ang pagmamahal sa buhay ng kanilang pamilya. … Pag-ibig ang pinakadiwa ng ebanghelyo, ang pinakamarangal na katangian ng kaluluwa ng tao” (“Kung Paanong Iniibig Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Peb. 2017, 4–5).

Ang mga miyembro ng inyong pamilya ay maaaring masiyahan sa pagdodrowing ng mga larawan o pagsulat sa hugis-pusong papel ng isang bagay na gustung-gusto nila tungkol sa isa’t isa. Maaari nilang ilagay ang mga pusong ito sa buong paligid ng bahay bilang paalala na magpakita ng pagmamahal sa isa’t isa.

Juan 15:1–8

Maaaring nakakatuwang basahin ang mga talatang ito sa labas sa tabi ng isang puno ng ubas, isang punungkahoy, o iba pang halaman. Paano nakakatulong ang aktibidad na ito sa mga miyembro ng inyong pamilya na mas maunawaan ang mga turo ng Tagapagligtas?

Larawan
mga ubas sa sanga

Itinuro ni Jesus, “Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga” (Juan 15:5).

Juan 15:17–27; 16:1–7

Sa palagay ninyo, bakit binalaan ni Jesucristo ang Kanyang mga disipulo tungkol sa pag-uusig? Paano inuusig ngayon ang mga disipulo ni Cristo? Paano tayo matutulungan ng payo ng Tagapagligtas sa mga talatang ito sa pagharap natin sa pag-uusig?

Juan 16:33

Paano nadaig ni Cristo ang mundo? Paano nagdulot sa atin ng kapayapaan at galak ang Kanyang Pagbabayad-sala? (tingnan din sa DT 68:6).

Juan 17:21–23

Paano mas magkakaisa ang ating pamilya na tulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit? Bakit ba nais ng Panginoon na magkaisa tayo? (tingnan din sa DT 38:27).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magbasa nang malakas. Habang itinuturo mo sa inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, ang pagbabasa sa mga talata nang malakas ay makakatulong na maging parang totoo ang mga kuwento sa banal na kasulatan. Ang pakikinig sa Juan 13–17 ay talagang mabisa dahil nasa mga kabanatang ito ang napakarami sa mga salita ng Tagapagligtas.

Larawan
hinuhugasan ni Jesus ang mga paa ng mga Apostol

Master Servant, ni Del Parson