Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10: ‘Ako ang Mabuting Pastor’


“Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10: ‘Ako ang Mabuting Pastor’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Abril 29–Mayo 5. Juan 7–10,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
si Cristo at ang babaeng nahuling nangangalunya

He That Is without Sin, ni Liz Lemon Swindle

Abril 29–Mayo 5

Juan 7–10

“Ako ang Mabuting Pastor”

Habang binabasa mo ang Juan 7–10, maaari kang makatanggap ng mga impresyon mula sa Espiritu Santo tungkol sa mga alituntunin ng doktrina na nasa mga kabanatang ito. Ang pagtatala sa mga impresyon mo ay makakatulong sa iyo na magplanong kumilos ayon sa mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Bagama’t si Jesucristo ay naparito upang maghatid ng “kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:14), “nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa karamihan dahil sa kaniya” (Juan 7:43). Ang mga taong nakasaksi sa mga pangyayaring ito ay ibang-iba ang mga konklusyon sa kung sino si Jesus. Sinabi ng ilan na, “Siya’y taong mabuti,” samantalang sinabi naman ng iba na, “inililigaw Niya ang karamihan” (Juan 7:12). Nang pagalingin Niya ang lalaking bulag sa araw ng Sabbath, iginiit ng ilan na, “Ang taong ito’y hindi galing sa Dios, sapagka’t hindi nangingilin sa sabbath,” samantalang ang iba ay nagtanong, “Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan?” Juan 9:16. Subalit sa kabila ng lahat ng kalituhan, ang mga taong naghanap ng katotohanan ay kinilala ang kapangyarihan sa Kanyang mga salita, sapagka’t “kailan ma’y walang taong nagsalita ng gayon” (Juan 7:46). Nang hilingin ng mga Judio kay Jesus na “sabihin mong malinaw sa amin” kung siya nga ang Cristo, inihayag Niya ang isang alituntunin na tutulong sa atin na makilala ang katotohanan sa kamalian: “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig,” sabi Niya, “at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin” (Juan 10:27).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Juan 7:14–17

Kapag ipinamuhay ko ang mga katotohanang itinuro ni Jesucristo, malalaman ko na totoo ang mga ito.

Namangha ang mga Judio na napakaraming alam ni Jesus samantalang hindi Siya nakapag-aral (tingnan sa talata 15)—kahit paano, hindi sa mga paraang pamilyar sa kanila. Sa sagot ni Jesus, nagturo Siya ng ibang paraan ng pag-alam sa katotohanan na para sa lahat, anuman ang pinag-aralan o kinalakhan. Ayon sa Juan 7:14–17, paano mo malalaman na totoo ang doktrinang itinuro ni Jesus? Paano nakatulong ang prosesong ito para magkaroon ka ng patotoo tungkol sa ebanghelyo?

Juan 8:2–11

Ang awa ng Tagapagligtas ay para sa lahat.

Nang magsalita siya tungkol sa pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa babaeng nahuling nangangalunya, sinabi ni Elder Dale G. Renlund: “Walang alinlangang hindi kinunsinti ng Tagapagligtas ang pangangalunya. Ngunit hindi rin Niya isinumpa ang babae. Hinikayat Niya itong magbagumbuhay. Nahikayat itong magbago dahil sa Kanyang habag at awa. Ang Joseph Smith Translation ng Biblia ay nagpapatunay na naging disipulo ito: ‘At niluwalhati ng babae ang Diyos mula nang oras na iyon, at naniwala sa kanyang pangalan’ [tingnan sa John 8:11, footnote c]” (“Ang Ating Mabuting Pastol,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 30).

Kailan mo nadama, tulad ng babae, na kinaawaan ka sa halip na isinumpa ng Tagapagligtas? Kailan ka naging katulad ng mga eskriba at Fariseo, na pinaratangan o hinatulan mo ang iba kahit na makasalanan ka? (tingnan sa Juan 8:7). Ano pa ang matututuhan mo mula sa paraan ng pakikipag-ugnayan ng Tagapagligtas sa mga eskriba at Fariseo at sa babaeng nahuling nangangalunya? Ano ang natututuhan mo tungkol sa pagpapatawad ng Tagapagligtas habang binabasa mo ang mga talatang ito?

Juan 8:58–59

Bakit nagdamdam ang mga Judio nang sabihin ni Jesus na, “Bago ipinanganak si Abraham, ay ako nga”?

“Ako nga” ang salitang ginamit ni Jehova upang tukuyin ang Kanyang sarili kay Moises, na nakatala sa Exodo 3:14. Kaya nang sabihin ni Jesus na, “Ako nga,” ipinakilala Niya ang Kanyang sarili bilang si Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Itinuring ito ng mga Judio na kalapastanganan, at sa ilalim ng batas ni Moises, ang kaparusahan ay batuhin hanggang sa mamatay.

Juan 9

Sa pamamagitan ng ating mga pagsubok, maihahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa ating buhay.

Dahil kadalasa’y masama ang kasunod na mga bunga ng kasalanan, maaari nating ituring ang ilan sa ating mga kamalasan bilang mga resulta ng maling gawain. Gayunman, nang ipalagay ng mga disipulo ng Tagapagligtas na isinilang na bulag ang isang lalaki dahil nagkasala siya o ang kanyang mga magulang, itinama sila ni Jesus. Paano binabago ng mga salita ng Tagapagligtas sa Juan 9:3 ang iyong pananaw tungkol sa mga hamon sa iyo at sa iba? Habang binabasa mo ang Juan 9, pagnilayan kung paano “[n]ahayag … ang mga gawa ng Dios” (Juan 9:3). Paano nahayag ang mga ito nang maharap ka sa mga hamon?

Nakakatuwa ring pansinin na nahayag sa tanong ng mga disipulo sa Juan 9:2 na sila ay naniwala sa premortal na buhay, isang doktrinang nawala sa Kristiyanismo sa panahon ng Malawakang Apostasiya ngunit ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith (tingnan sa DT 93:29; Moises 4:1–4; Abraham 3:22–26).

Juan 10:16

Sino ang “ibang mga tupa” na tinukoy ng Tagapagligtas sa Juan 10:16?

Nang bisitahin ng Tagapagligtas ang mga lupain ng Amerika pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ipinaliwanag Niya kung sino ang iba pa Niyang mga tupa (tingnan sa 3 Nephi 15:21–16:5).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Juan 7:24

Paano mo matutulungan ang inyong pamilya na maunawaan ang turo ni Jesus sa Juan 7:24? Ang isang paraan ay lumabas at dumihan ang isang miyembro ng pamilya. Ano ang maaaring isipin ng mga estranghero tungkol sa miyembrong ito ng pamilya sa pagtingin sa kanyang panlabas na anyo? Ilista ang ilan sa mabubuting katangian ng miyembrong ito ng pamilya na hindi makikita sa pagtingin lamang sa kanya (tingnan din sa I Samuel 16:7).

Juan 8:31–36

Paano tayo nagiging alipin ng kasalanan kung minsan? Anong mga katotohanang itinuro ni Jesus ang makapagpapalaya sa atin?

Larawan
pinagagaling ni Cristo ang lalaking bulag

Jesus Healing the Blind, ni Carl Heinrich Bloch

Juan 9

Paano mo matutulungan ang inyong pamilya na ilarawan sa kanilang isipan ang kuwento tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa lalaking bulag sa Juan 9? Maaari ninyong sama-samang isadula ang kuwento. Itigil ang kuwento paminsan-minsan upang mabasa ng mga miyembro ng pamilya ang kaukulang mga talata mula sa Juan 9. Anyayahan silang isulat ang anumang aral na natutuhan nila mula sa tala, tulad ng kung ano ang ibig sabihin ng magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Juan 10:1–18, 27–29

Para makasali ang mga miyembro ng pamilya sa pagkatuto mula sa talinghaga ng Mabuting Pastol, hilingin sa bawat isa sa kanila na idrowing ang isa sa mga sumusunod: isang magnanakaw, isang pintuan, isang pastol, isang upahang trabahador (bayarang manggagawa), isang lobo, at isang tupa. Anyayahan silang basahin ang Juan 10:1–18, 27–29, at pagkatapos ay talakayin bilang pamilya ang itinuro ng Tagapagligtas tungkol sa mga idinrowing nila.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghanap ng mga salita at pariralang nagbibigay-inspirasyon. Habang nagbabasa ka, maaaring ituon ng Espiritu ang iyong pansin sa mga salita o pariralang nagbibigay-inspirasyon at nakakaganyak sa iyo o tila isinulat para lang sa iyo. Isiping isulat ang anumang salita o pariralang nagbibigay-inspirasyon sa iyo sa Juan 7–10.

Larawan
si Cristo na may hawak na tupa

Lost No More, ni Greg K. Olsen