Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19: “Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos”


“Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19: ‘Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Setyembre 28–Oktubre 11. 3 Nephi 17–19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
si Jesus na nagpakita sa mga Nephita

Ang Liwanag sa Kanyang Mukha ay Suminag sa Kanila, ni Gary L. Kapp

Setyembre 28–Oktubre 11

3 Nephi 17–19

“Masdan, ang Aking Kagalakan ay Lubos”

Bagama’t nakatuon lamang ang mga naunang kabanata ng 3 Nephi sa mga salita ng Tagapagligtas, inilalarawan sa kabanata 17–19 ang Kanyang ministeryo at mga turo sa mga tao. Habang binabasa mo ang mga kabanatang ito, ano ang itinuturo sa iyo ng Espiritu tungkol sa Tagapagligtas?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Katatapos lang ng pagmiministeryo ni Cristo sa maghapong iyon sa lupain ng Masagana, na nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo, nagbibigay ng pagkakataon na makita at madama ng mga tao ang mga marka ng pako sa Kanyang nabuhay na mag-uling katawan, at nagpapatotoo na Siya ang ipinangakong Tagapagligtas. At panahon na para lumisan Siya. Kailangan na Niyang bumalik sa Kanyang Ama, at alam Niya na kailangan ng panahon ng mga tao para pagnilayan ang itinuro Niya. Kaya matapos mangakong babalik kinabukasan, pinauwi na Niya ang maraming tao sa kani-kanilang tahanan. Ngunit walang umalis. Hindi nila sinabi kung ano ang nadarama nila, ngunit naramdaman ito ni Jesus: umasa sila na Siya ay “magtagal pa nang kaunti sa kanila” (3 Nephi 17:5). May iba pa Siyang mahahalagang bagay na gagawin, ngunit ang pagkakataong magpakita ng habag ay hindi palaging dumarating sa magiginhawang pagkakataon, kaya nagtagal-tagal pa si Jesus sa piling ng mga tao. Ang sumunod na nangyari na yata ang pinakamagiliw na halimbawa ng paglilingkod na naitala sa banal na kasulatan. Ang nasabi lang ng mga naroon ay hindi nila iyon maipaliwanag (tingnan sa 3 Nephi 17:16–17). Ibinuod ni Jesus mismo ang biglaang pagbuhos ng Espiritu sa mga simpleng salitang ito: “Ngayon masdan, ang aking kagalakan ay lubos” (3 Nephi 17:20).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

3 Nephi 17

Ang Tagapagligtas ang aking perpektong halimbawa ng ministering o paglilingkod.

Alam natin na mga 2,500 katao (tingnan sa 3 Nephi 17:25) ang nakaranas ng unang pagbisita ni Cristo, ayon sa nakatala sa 3 Nephi 11–18. Subalit nakahanap ng paraan ang Tagapagligtas para magminister o maglingkod sa bawat isa sa kanila. Ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ng Tagapagligtas sa kabanatang ito? Sa anong mga pangangailangan Siya nagminister o naglingkod? Pagnilayan kung paano ka matutulungan ng Kanyang halimbawa na magminister o maglingkod sa iba.

Larawan
si Jesus na binabasbasan ang mga batang Nephita

Masdan ang Inyong mga Musmos, ni Gary L. Kapp

3 Nephi 17:13–22; 18:15–25; 19:6–9, 15–36

Tinuruan tayo ng Tagapagligtas kung paano manalangin.

Isipin kung ano ang pakiramdam ng marinig ang Panginoon na nagdarasal para sa iyo. Ano kaya ang sasabihin Niya para sa iyo? Ang Kanyang mga turo at panalangin sa mga kabanatang ito ay maaaring magbigay sa iyo ng ideya. Habang pinag-aaralan mo, ano ang matututuhan mo mula sa halimbawa ni Cristo na maaaring gawing mas makabuluhan ang iyong mga sariling panalangin? Anong mga pagpapala mula sa panalangin ang nakita mo na sa buhay mo?

3 Nephi 18:1–12

Maaari akong espirituwal na mabusog habang nakikibahagi ako ng sakramento.

Habang binabasa mo ang 3 Nephi 18:1–12, pagnilayan kung paano makakatulong sa iyo ang pakikibahagi ng sakramento para ikaw ay espirituwal na “mabusog” (3 Nephi 18:3–5, 9; tingnan din sa 3 Nephi 20:1–9). Halimbawa, maaari kang maglista ng mga tanong para mag-udyok ng personal na pagbubulay habang nakikibahagi ka ng sakramento, tulad ng “Ano ang nadarama ko tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang sakripisyo para sa akin?” “Paano iniimpluwensyahan ng Kanyang sakripisyo ang aking pang-araw-araw na buhay?” o “Ano ang ginagawa ko nang maayos bilang disipulo, at ano ang maaari ko pang pagbutihin?”

Maaaring makatulong sa iyo ang mga salitang ito ni Pangulong Henry B. Eyring na pagnilayan ang isang paraan na makakatulong sa iyo ang sakramento para ikaw ay espirituwal na mabusog: “Samantalang sinusuri ninyo ang inyong buhay habang isinasagawa ang ordenansa ng sakramento, nawa’y hindi lamang nakatuon ang inyong isipan sa mga nagawa ninyong mali, kundi sa mga nagawa rin ninyong tama—mga sandaling nadama ninyo na natutuwa sa inyo ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas. Maaari kayong maglaan ng ilang sandali sa oras ng sakramento para hilingin sa Diyos na tulungan kayong makita ang mga ito. … Kapag ginagawa ko ito, muling tinitiyak sa akin ng Espiritu na kahit malayo pa ako sa pagiging perpekto, mas mabuti ako ngayon kaysa kahapon. At binibigyan ako nito ng kumpiyansa na, dahil sa Tagapagligtas, maaari pa akong mas bumuti bukas” (“Lagi Siyang Alalahanin,” Liahona, Peb. 2018, 5).

3 Nephi 18:36–37; 19:6–22

Hinahangad ng mga disipulo ni Jesucristo ang kaloob na Espiritu Santo.

Pag-isipan ang isang panalanging inusal mo kamakailan. Ano ang itinuturo sa iyo ng iyong mga panalangin tungkol sa pinakataimtim mong mga hangarin? Matapos gumugol ng isang araw sa piling ng Tagapagligtas, maraming tao ang “nanalangin para roon sa kanilang higit na ninanais”—ang kaloob na Espiritu Santo (3 Nephi 19:9). Habang binabasa ninyo ang mga talatang ito, pagnilayan ang sarili mong pagnanais na patnubayan ng Espiritu Santo. Ano ang matututuhan mo tungkol sa paghahangad na mapatnubayan ng Espiritu Santo?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

3 Nephi 17

Habang binabasa ninyo ang kabanatang ito bilang pamilya, isiping huminto paminsan-minsan upang anyayahan ang inyong pamilya na isipin na nararanasan nila mismo ang mga kaganapang ito. Halimbawa, maaari kang magtanong ng “Anong mga paghihirap ang idudulog mo sa Tagapagligtas para mapagaling?” “Ano ang gusto mong ipagdasal Niya para sa iyo?” o “Sinong mga mahal sa buhay ang gusto mong pabasbasan sa Kanya?” Ang pagbabasa sa kabanatang ito ay maaari ring maghikayat sa iyo na ipagdasal ang mga miyembro ng inyong pamilya, bawat isa, katulad ng ginawa ni Jesus.

3 Nephi 18:1–12

Ano ang ibig sabihin ng “mabusog” sa pakikibahagi ng sakramento, at paano natin ito mararanasan? Ano ang matututuhan natin mula sa talata 5–7 kung bakit ibinigay sa atin ni Jesus ang ordenansa ng sakramento?

3 Nephi 18:17–21

Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa mga layunin ng panalangin? Paano natin mapagbubuti pa ang espirituwal na bisa ng ating mga panalangin, kapwa bilang mga indibiduwal at bilang pamilya?

3 Nephi 18:25; 19:1–3

Ano ang naranasan ng ating pamilya sa pamamagitan ng ebanghelyo na nais nating maranasan din ng lahat ng nasa paligid natin? Paano natin masusundan ang halimbawa ng mga tao sa mga talatang ito at “[m]agpagal nang labis” (3 Nephi 19:3) para ilapit ang iba kay Cristo, nang “madama at makita” rin nila (3 Nephi 18:25) ang nakita natin sa ebanghelyo?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hayaang gabayan ng Espiritu ang iyong pag-aaral. Magagabayan ka ng Espiritu Santo sa mga bagay na kailangan mong matutuhan bawat araw. Maging sensitibo sa Kanyang mga paramdam, kahit parang ipinahihiwatig ng mga ito na magbasa ka ng ibang paksa o mag-aral sa ibang paraan kaysa karaniwan mong ginagawa. Halimbawa, habang nagbabasa ka tungkol sa sakramento sa 3 Nephi 18, maaari kang hikayatin ng Espiritu na mas mag-ukol ng oras sa paksang iyan kaysa ipinlano mo.

Larawan
mga anghel na nakapalibot kay Jesus at sa mga batang Nephita

Nakita Nilang Nabuksan ang Kalangitan, ni Walter Rane