Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22: “Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin”


“Enero 27–Pebrero 2. 1 Nephi 16–22: Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Enero 27–Febrero 2. 1 Nephi 16–22,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
nakatingin si Lehi sa Liahona

Lehi and the Liahona, ni Joseph Brickey

Enero 27–Pebrero 2

1 Nephi 16–22

“Ihahanda Ko ang Landas na Inyong Tatahakin”

Habang pinag-aaralan mo ang 1 Nephi 16–22, humanap ng mga talata na hinahangaan mo. Gustong i-highlight ng ilang tao ang gayong mga talata sa kanilang mga banal na kasulatan; ang iba naman ay gumagawa ng maiikling sulat sa mga margin. Isipin kung paano mo itatala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang maglakbay ang pamilya ni Lehi patungong lupang pangako, nangako sa kanila ang Panginoon na: “Ihahanda ko ang landas na inyong tatahakin, kung mangyayaring inyong susundin ang mga kautusan ko” (1 Nephi 17:13). Malinaw na ang pangakong iyon ay hindi nangahulugan na magiging madali ang paglalakbay—hindi pa rin nagkasundo ang mga miyembro ng pamilya, nabali ang mga busog (ng pana), at nahirapan at nangamatay ang mga tao, at kinailangan pa rin nilang gumawa ng barko mula sa makakalap nilang materyales. Gayunman, nang maharap ang pamilya sa paghihirap o tila imposibleng mga gawain, kinilala ni Nephi na hindi kailanman malayo ang Panginoon. Alam niya na ang Diyos ay “[pinalulusog ang matatapat], at pinalalakas sila, at naglalaan ng paraan upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang iniuutos sa kanila” (1 Nephi 17:3). Kung nagtataka ka kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao na katulad ni Nephi at ng kanyang pamilya, maaari kang makakita ng mga ideya sa mga kabanatang ito. Ngunit ang mas mahalaga marahil, makikita mo ang ginagawa ng mabubuting tao kapag may nangyayaring masama.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

1 Nephi 16–18

Kapag sinusunod ko ang mga kautusan, tutulungan ako ng Diyos na harapin ang mga hamon.

Ang mga kabanata 16–18 ng 1 Nephi ay naglalarawan ng ilang hamon na nakaharap ng pamilya ni Nephi, kabilang na ang pagkabali ng busog (tingnan sa 1 Nephi 16:17–32), pagkamatay ni Ismael (tingnan sa 1 Nephi 16:34–39), paggawa ng barko (tingnan sa 1 Nephi 17:7–16; 18:1–4), at alitan sa pamilya (tingnan sa 1 Nephi 18:9–22). Paano naiba ang mga tugon ni Nephi sa mga hamong ito sa mga tugon ng ilan sa mga miyembro ng kanyang pamilya? Ano ang mga ibinunga ng mga pagtugon na ito?

Maaaring makatulong na itala ang makita mo sa isang table na may mga heading na gaya nito: “Hamon,” “Tugon ni Nephi,” “Tugon ng Iba,” at “Mga Resulta.” Sa palagay mo, bakit nakaya ni Nephi na manatiling tapat samantalang ang iba ay hindi? Pag-isipan kung paano ka matutulungan ng halimbawa ni Nephi at ng kanyang pamilya sa iyong mga hamon.

Tingnan din sa kaugnay na mga video sa Book of Mormon Videos collection sa ChurchofJesusChrist.org o sa Gospel Library app.

1 Nephi 16:10–16, 23–31; 18:11–22

Ginagabayan ako ng Panginoon sa pamamagitan ng maliliit at simpleng paraan.

Nang akayin ng Diyos ang pamilya ni Lehi patungo sa ilang, hindi Niya sila binigyan ng detalyadong plano sa paglalakbay patungong lupang pangako. Ngunit ibinigay Niya kay Lehi ang Liahona para gabayan ang kanyang pamilya araw-araw papunta sa kanilang destinasyon. Ano ang naibigay sa iyo ng Ama sa Langit para maglaan ng patnubay at direksyon? Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mahahalagang bagay”? (1 Nephi 16:29).

Habang binabasa mo 1 Nephi 16:10–16, 23-31 at 18:11–22, isiping ilista ang mga alituntuning nagpapakita kung paano ginagabayan ng Diyos ang Kanyang mga anak (halimbawa, maituturo ng 1 Nephi 16:10 na kung minsan ay ginagabayan tayo ng Diyos sa mga paraang hindi inaasahan). Ano ang mga naging karanasan mo sa mga alituntuning ito?

Tingnan din sa Alma 37:7, 38–47; Doktrina at mga Tipan 64:33–34.

Larawan
ginagamit ni Lehi ang Liahona

If Ye Are Prepared Ye Shall Not Fear, ni Clark Kelley Price

1 Nephi 19:23–24; 20–22

“[Ma]ihahalintulad ko [sa akin] ang lahat ng banal na kasulatan.”

Sumulat si Isaias sa lahat ng anak ni Israel, at nakita ni Nephi na kabilang dito lalo na ang kanyang sariling pamilya—at kabilang ka rito (tingnan 1 Nephi 19:23–24). Tungkol sa mga pagsipi ni Nephi kay Isaias, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring, “Binasa [ko] ang mga salita ni Isaias, habang ipinapalagay na pinili ni Nephi ang mga bahagi ng Isaias na, kahit walang alam sa paghahalintulad, ay maisasapuso ko agad na tila kinakausap ako ng Panginoon” (“Babaguhin ng Aklat ni Mormon ang Inyong Buhay,” Liahona, Peb. 2004, 14).

Nasasaisip ang mga salita ni Pangulong Eyring, isipin ang mga tanong na tulad ng sumusunod habang binabasa mo ang mga kabanata 20–22:

1 Nephi 20:1–9.Anong mga parirala sa mga talatang ito ang naglalarawan sa mga anak ni Israel? Paano nito inilalarawan sina Laman at Lemuel? Anong mga babala at aplikasyon ang nakikita mo para sa iyong sarili?

1 Nephi 20:17–22.Paano inakay ng Panginoon ang mga anak ni Israel? Paano Niya inakay ang pamilya ni Lehi? Paano ka Niya ginagabayan?

Ano pa ang nakikita mo sa 1 Nephi 20–22 na nagpapadama sa iyo na parang kinakausap ka ng Panginoon? Paano ipinauunawa sa iyo ng komentaryo ni Nephi sa kabanata 22 ang mga propesiya ni Isaias?

1 Nephi 21

Sino ang sambahayan ni Israel at ang mga Gentil?

Ang sambahayan ni Israel ay ang mga inapo ng propetang si Jacob ng Lumang Tipan, na pinangalanan ng Panginoon na Israel (tingnan sa Genesis 32:28; 35:10; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel”). Gumawa ng ilang tipan ang Panginoon sa Israel, at ang kanyang mga inapo ay itinuring na mga pinagtipanang tao ng Diyos. Gayunman, makalipas ang maraming henerasyon, marami sa kanila ang tumalikod sa Panginoon at kalaunan ay nakalat sa buong mundo.

Ang katagang mga Gentil sa mga talatang ito ay tumutukoy sa mga tao na hindi pa nakakaalam sa ebanghelyo (tingnan sa Gabay sa mga banal na kasulatan, “Gentil, mga”). Itinuro ni Isaias na sa mga huling araw ay ibibigay sa mga Gentil ang ebanghelyo at magiging kasangkapan sila sa pagtuturo at pagtitipon sa sambahayan ni Israel (tingnan sa 1 Nephi 21:22; 22:8–12; tingnan din sa Isaias 60; 66:18–20).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

1 Nephi 17:1–6, 17–22

Marahil ay maaaring ikumpara ng pamilya mo ang salaysay ni Nephi tungkol sa paglalakbay sa ilang (tingnan sa 1 Nephi 17:1–6) sa salaysay ng kanyang mga kapatid (tingnan sa 1 Nephi 17:17–22). Sa palagay mo, bakit magkaiba ang tingin nila sa parehong mga pangyayari? Ano ang matututuhan natin kay Nephi tungkol sa pagkakaroon ng tapat na pananaw?

1 Nephi 17:17–22; 18:9–16

Ano ang mga bunga ng selos, alitan, at pagrereklamo sa isang pamilya? Paano natin madaraig ang mga problemang ito?”

1 Nephi 19:22–24

Inihalintulad ni Nephi ang mga banal na kasulatan sa kanyang pamilya “upang ito ay maging para sa [kanilang] kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23). May ilang kuwento sa 1 Nephi 16–18 na maaaring ihalintulad ng pamilya mo sa inyong sarili. Maaari siguro ninyong isadula ang isa sa mga kuwentong ito at talakayin kung paano ito naaangkop sa inyong pamilya.

1 Nephi 21:14–16

Paano kaya makakatulong ang mensahe sa mga talatang ito sa isang tao na nadaramang nakalimutan na siya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hingin ang tulong ng Panginoon. Ang mga banal na kasulatan ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag, at kailangan natin ng paghahayag upang tunay na maunawaan ang mga ito. Nangako ang Panginoon, “Kung … magtatanong [kayo] sa akin nang may pananampalataya, … tiyak na ipaaalam sa inyo ang mga bagay na ito” (1 Nephi 15:11).

Larawan
si Nephi at ang kanyang pamilya sa barko

They Did Treat Me with Much Harshness, ni Walter Rane