Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Mga Propeta at Propesiya


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Mga Propeta at Propesiya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Mga Propeta at Propesiya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

Mga Propeta at Propesiya

Sa tradisyunal na dibisyon ng Lumang Tipan ng Kristiyano, ang huling bahagi (Isaias hanggang Malakias) ay tinatawag na Mga Propeta. Ang bahaging ito, na mga one-fourth ng kabuuan ng Lumang Tipan, ay naglalaman ng mga salita ng mga awtorisadong lingkod ng Diyos, na nakipag-usap sa Panginoon at nagsalita para sa Kanya, na ibinahagi ang Kanyang mensahe sa mga tao sa pagitan ng mga 900 at 500 BC.

Ipinapahayag ng mga Propeta ang Kalooban ng Diyos

Ang mga propeta at propesiya ay may malaking papel na ginagampanan sa buong Lumang Tipan. Sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nakakita ng mga pangitain at nakipag-usap sa mga sugo ng langit. Nakipag-usap si Moises sa Diyos nang harapan at ipinabatid ang Kanyang kalooban sa mga anak ni Israel. Isinasalaysay ng mga aklat ng una at ikalawang Mga Hari ang di-malilimutang mga gawa at mensahe ng mga propetang sina Elijah at Eliseo. Binabanggit din sa Lumang Tipan ang mga propetisang tulad nina Miriam at Debora, kasama ang iba pang mga babaeng pinagkalooban ng diwa ng propesiya, tulad nina Rebecca at Ana. At kahit hindi isinulat ng mga pormal na propeta ang Mga Awit, ang mga ito ay puspos ng diwa ng propesiya, lalo na dahil nakaturo ang mga ito sa pagdating ng Mesiyas.

Hindi na ito ikinamangha ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa katunayan, itinuturo sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na ang mga propeta ay hindi lamang interesanteng tao sa kasaysayan kundi mahalagang bahagi ng plano ng Diyos. Bagama’t maaaring ang tingin ng ilan sa mga propeta ay natatangi sila sa panahon ng Lumang Tipan, nakikita natin sila bilang tao na karaniwan din noong panahon ng Lumang Tipan.

Ngunit ang pagbabasa ng isang kabanata mula sa Isaias o Ezekiel ay maaaring parang kaiba sa pagbabasa ng mensahe ng pangkalahatang kumperensya mula sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan. Kung minsan mahirap makita na may sasabihin sa atin ang mga sinaunang propeta. Kung tutuusin, ang mundong ginagalawan natin ngayon ay ibang-iba sa mundo nila kung saan sila nangaral at nagpropesiya. At ang katotohanan na tayo ay may buhay na propeta ay maaaring magresulta sa isang tanong: Bakit sulit ang pagsisikap—at kailangan talaga ng pagsisikap—na basahin ang mga salita ng mga sinaunang propeta?

isang sinaunang propeta na nagsusulat

Fulness of Times [Kaganapan ng Panahon], ni Greg Olsen

Ang mga Sinaunang Propeta ay May Mahalagang Sasabihin sa Atin

Kadalasan, ang mga tao ngayon ay hindi ang pangunahing mambabasa ng mga propeta ng Lumang Tipan. Ang mga propetang iyon ay may mga problemang tinutugunan sa kanilang panahon at lugar—tulad ng pagtugon ng ating mga propeta sa mga huling araw sa ating mga problema ngayon.

Kasabay nito, higit pa sa mga problema sa kasalukuyan ang nakikita ng mga propeta. Itinuturo nila ang mga walang-hanggang katotohanan, na may kaugnayan sa anumang panahon at lugar. Dahil pinagkalooban ng paghahayag, nakikita nila nang mas malawak at mas naunawaan ang gawain ng Diyos. Halimbawa, binalaan ni Isaias ang mga tao sa kanyang panahon tungkol sa kanilang mga kasalanan. Isinulat din niya ang tungkol sa pagliligtas sa mga Israelita na mabubuhay 200 taon sa hinaharap. Kasabay nito, itinuro niya ang tungkol sa pagliligtas na hinahangad ng lahat ng tao ng Diyos. At sumulat siya ng mga propesiya na, maging ngayon, ay naghihintay pa rin ng katuparan—gaya ng mga pangako ng isang “bagong lupa” (Isaias 65:17) na “mapupuno ng kaalaman ng Panginoon” (Isaias 11:9), kung saan magtitipon ang nawalang mga lipi ni Israel at kung saan “ang mga bansa” ay hindi “matututo pa ng pakikipagdigma” (Isaias 2:4). Bahagi ng kagalakan at inspirasyon na nagmumula sa pagbabasa ng mga salita ng mga propeta sa Lumang Tipan na tulad ni Isaias ay ang pagkatanto na may gagampanan tayong tungkulin sa maluwalhating araw na kanilang nakinita.

Kaya kapag binabasa mo ang mga sinaunang propesiya, makatutulong na malaman ang konteksto kung saan isinulat ang mga ito—ngunit dapat mo ring makita ang iyong sarili sa mga ito, o “ihalintulad yaon sa [iyong] sarili” (1 Nephi 19:24; tingnan din sa talata 23). Kung minsan ang ibig sabihin nito ay matanto na ang Babilonia ay simbolo ng kasalanan at kapalaluan, hindi lamang bilang sinaunang lungsod. Maaaring ibig sabihin nito ay nauunawaan ang Israel bilang mga tao ng Diyos sa anumang panahon at lugar. O maaaring ibig sabihin nito ay makita ang Sion bilang mithiin sa mga huling araw na tinanggap ng mga tao ng Diyos, sa halip na makita ito bilang isa lamang salita para sa Jerusalem.

Maihahalintulad natin ang mga banal na kasulatan sa ating buhay dahil nauunawaan natin na ang isang propesiya ay maaaring matupad sa maraming paraan. Isang magandang halimbawa ang propesiya sa Isaias 40:3: “Ang tinig ng isang sumisigaw, ‘Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon.’” Sa mga bihag na Judio sa Babilonia, ang pahayag na ito ay maaaring tungkol sa Panginoon na naglalaan ng paraan para makatakas sila mula sa pagkabihag at makabalik sa Jerusalem. Sa Mateo, Marcos, at Lucas, ang propesiyang ito ay patungkol kay Juan Bautista, na naghanda ng daan para sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas. At tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na ang propesiyang ito ay natutupad pa rin sa panahong ito sa kasalukuyan bilang paghahanda sa ministeryo ni Cristo sa milenyo. Sa mga paraang mauunawaan pa rin natin, talagang nangusap sa atin ang mga sinaunang propeta. At marami silang itinuro na mahahalaga at walang-hanggang katotohanan na nauugnay sa atin tulad ng nauugnay ang mga ito sa sinaunang Israel.

Nagpatotoo ang mga Sinaunang Propeta tungkol kay Jesucristo

Marahil mas mahalaga pa kaysa makita ang iyong sarili sa mga propesiya sa Lumang Tipan ang makita si Jesucristo sa mga ito. Kung hahanapin mo Siya, matatagpuan mo Siya, kahit hindi binanggit ang Kanyang pangalan. Maaaring makatulong na tandaan na ang Diyos ng Lumang Tipan, ang Panginoong Jehova, ay si Jesucristo. Kahit kailan ilarawan ng mga propeta ang ginagawa o gagawin ng Panginoon, ang tinutukoy nila ay ang Tagapagligtas.

ang nabuhay na mag-uling si Jesus na inaabot ang kamay ng isang lalaki

The Lord Appearing unto Abraham [Nagpakita ang Panginoon kay Abraham], ni Keith Larson

Makikita mo rin ang mga reperensya sa Ang Pinahiran, Manunubos, at magiging Hari mula sa angkan ni David. Lahat ng ito ay mga propesiya tungkol kay Jesucristo. Higit sa lahat, marami kang mababasa tungkol sa pagliligtas, pagpapatawad, pagtubos, at pagpapanumbalik. Kung nasa iyong puso’t isipan ang Tagapagligtas, sadyang ituturo ka ng mga propesiyang ito sa Anak ng Diyos. Sapagkat ang pinakamainam na paraan para maunawaan ang propesiya ay ang magkaroon ng “diwa ng propesiya,” na sinasabi sa atin ni Juan na “patotoo ni Jesus” (Apocalipsis 19:10).

Mga Tala

  1. Ang Isaias, Jeremias, Ezekiel, at Daniel ay kadalasang tinutukoy bilang mga Pangunahing Propeta dahil sa haba ng kanilang mga aklat. Ang iba pang mga propeta (Hoseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Sefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias) ay tinatawag na mga Pumapangalawang Propeta dahil ang kanilang mga libro o aklat ay mas maikli. Ang aklat ng Mga Panaghoy ay itinuturing na bahagi ng mga Isinulat, hindi ng Mga Propeta.

  2. Hindi natin alam kung paano natipon ang mga aklat ng mga propeta. Sa ilang pagkakataon, maaaring pinangangasiwaan ng propeta ang pagtipon ng kanyang mga isinulat at propesiya. Sa ibang pagkakataon, maaaring naitala at natipon ang mga ito pagkatapos ng kanyang kamatayan.

  3. Tingnan sa Exodo 15:20; Mga Hukom 4.

  4. Tingnan sa Genesis 25:21–23; 1 Samuel 1:20–28; 2:1–10.

  5. “Isipin na lang ninyo ang kagalakan at kahalagahan nito: bawat propeta simula kay Adan ay nakita ang panahon natin. At bawat propeta ay nagsalita tungkol sa panahon natin, kung kailan matitipon ang Israel at ang mundo ay magiging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Isipin ninyo ito! Sa dinami-dami ng mga taong tumira sa mundo natin, tayo ang mga makikilahok sa huli at malaking pagtitipon na ito. Talagang nakatutuwa ito!” (Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], Gospel Library). Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Katuparan ng Propesiya,” Liahona, Mayo 2020, 75–78.

  6. Sinabi ng Tagapagligtas, na binabanggit si Isaias, “Lahat ng bagay na kanyang sinabi ay nangyari na at mangyayari, maging alinsunod sa mga salitang kanyang winika” (3 Nephi 23:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

  7. Tingnan sa Mateo 3:1–3; Marcos 1:2–4; Lucas 3:2–6.

  8. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 33:10; 65:3; 88:66.

  9. Tingnan sa Isaias 9:6–7; 61:1; Hoseas 13:14; Zacarias 9:9.