Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: “Si Cristo’y Sasambit [sa Buong Israel], ‘Halina’t Magbalik’”


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: ‘Si Cristo’y Sasambit [sa Buong Israel], “Halina’t Magbalik,”’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: ‘Si Cristo’y Sasambit [sa Buong Israel], “Halina’t Magbalik,”’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Lumang Tipan 2026

icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

“Si Cristo’y Sasambit [sa Buong Israel], ‘Halina’t Magbalik’”

Sa disyerto ng Sinai, tinipon ni Moises ang mga anak ni Israel sa paanan ng isang bundok. Doon ay sinabi ng Panginoon na nais Niyang gawing makapangyarihang bayan ang grupong ito na bagong laya lamang sa pagkaalipin. “Sa akin,” wika Niya, “kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa” (Exodo 19:6). Nangako Siya na sasagana sila at uunlad, kahit napapaligiran sila ng mas malalaki at malalakas na kaaway.

Lahat ng ito ay mangyayari hindi dahil sa marami o malakas o mahusay ang mga Israelita. Mangyayari ito, paliwanag ng Panginoon, “kung tunay na inyong susundin ang [Kanyang] tinig at tutuparin ang [Kanyang] tipan” (Exodo 19:5). Ang kapangyarihan ng Diyos, hindi ang kanila, ang magpapalakas sa kanila.

Subalit hindi palaging sumunod ang mga Israelita sa tinig ng Diyos, at sa paglipas ng panahon ay tumigil sila sa pagtupad ng Kanyang tipan. Maraming sumamba sa ibang mga diyos at ginaya ang mga gawi ng mga kultura sa paligid nila. Tinanggihan nila ang mismong bagay na siyang dahilan kaya sila naging natatanging bansa—ang kanilang kaugnayan sa Panginoon sa tipan. Kung wala ang kapangyarihan ng Diyos na nagpoprotekta sa kanila, walang makakapigil sa kanilang mga kaaway.

Ang Pagkalat

Ilang beses sa pagitan ng mga 735 at 720 BC, sinakop ng mga taga-Asiria ang Hilagang Kaharian ng Israel, na tahanan ng sampu sa labindalawang lipi, at tinangay ang libu-libong bihag na Israelita sa iba’t ibang panig ng Imperyo ng Asiria. Ang mga Israelitang ito ay naging kilala bilang “mga nawalang lipi,” dahil na rin sa inalis sila sa kanilang bayan at ikinalat sa iba pang mga bansa. Ngunit nawala rin sila sa mas malalim na kahulugan: sa paglipas ng panahon nawalan sila ng pagkakakilanlan bilang mga tao ng tipan ng Diyos.

Kalaunan tumalikod din sa Panginoon ang maraming tao sa Katimugang Kaharian. Sinalakay at sinakop din ng mga taga-Asiria ang karamihan sa kahariang iyon; tanging ang Jerusalem ang himalang naingatan. Kalaunan, sa pagitan ng 597 at 580 BC, winasak ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem, pati na ang templo, at binihag ang maraming tao. Makalipas ang mga 70 taon, isang labi ng Juda ang pinayagang bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo. Gayunman, maraming nanatili sa Babilonia.

Jerusalem na natupok ng apoy

Ang Pagwasak ni Nebuzaradan sa Jerusalem, ni William Brassey Hole, © Providence Collection/lisensyado ng goodsalt.com

Sa paglipas ng panahon, ang mga Israelita mula sa lahat ng lipi ay “ikinalat … sa pamamagitan ng ipu-ipo sa lahat ng bansa na hindi nila kilala” (Zacarias 7:14). Ang ilan ay inakay ng Panginoon palayo sa ibang mga lupain. Ang iba ay nilisan ang Israel para hindi sila mabihag o dahil sa mga problema sa pulitika o ekonomiya.

Tinatawag natin ang mga kaganapang ito na pagkalat ng Israel. At mahalagang malaman ang tungkol sa pagkalat para sa ilang kadahilanan. Ang isang dahilan, pangunahing paksa ito ng Lumang Tipan—maraming propeta sa Lumang Tipan ang naging saksi sa espirituwal na pagbagsak na humantong sa pagkalat ng Israel. Nakinita nila ito at nagbabala tungkol dito. Nabuhay pa nga ang ilan sa kanila at nasaksihan ito. Makakatulong na alalahanin iyan kapag binabasa mo ang mga aklat nina Isaias, Jeremias, Amos, at iba pang mga propeta sa huling bahagi ng Lumang Tipan. Nasasaisip ang kontekstong ito, kapag binasa mo ang kanilang mga propesiya tungkol sa Asiria at Babilonia, pagsamba sa mga diyus-diyusan at pagkabihag, pagkawasak at pagpapanumbalik kalaunan, malalaman mo ang sinasabi nila.

Ang pag-unawa sa pagkalat ng Israel ay mas magpapaunawa rin sa iyo sa Aklat ni Mormon, dahil ang Aklat ni Mormon ay isang talaan ng isang sangay ng ikinalat na Israel. Ang talaang ito ay nagsisimula sa pagtakas ng pamilya ni Lehi sa Jerusalem bandang 600 BC, bago lang sumalakay ang mga taga-Babilonia. Si Lehi ay isa sa mga propetang nagpropesiya tungkol sa pagkalat ng Israel. At tumulong ang kanyang pamilya na matupad ang propesiyang iyon, at dinala ang kanilang sangay ng Israel at itinanim ito sa kabilang panig ng mundo, sa mga lupain ng Amerika.

Ang Pagtitipon

Gayunman, ang pagkalat ng Israel ay kalahati pa lang ng kuwento. Hindi nalilimutan ng Panginoon ang Kanyang mga tao, ni hindi Niya sila lubos na pinababayaan, kahit tinalikuran na nila Siya. Ang maraming propesiya na ikakalat ng Diyos ang Israel ay may kasamang maraming pangako na balang araw ay titipunin Niya sila.

Ngayon ang araw na iyon—ang ating panahon. Nagsimula na ang pagtitipon. Noong 1836, libu-libong taon matapos tipunin ni Moises ang mga anak ni Israel sa paanan ng Bundok ng Sinai, nagpakita siya sa Kirtland Temple para ipagkatiwala kay Joseph Smith “ang mga susi ng pagtitipon sa Israel mula sa apat na sulok ng mundo” (Doktrina at mga Tipan 110:11). Ngayon, sa pamamahala ng mga mayhawak ng mga susing ito, tinitipon ang mga lipi ni Israel mula sa bawat bansa kung saan nakakapunta ang mga lingkod ng Panginoon.

si Moises na nagpakita kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple

Nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah sa Kirtland Temple, ni Gary E. Smith

Tinawag ni Pangulong Russell M. Nelson ang pagtitipong ito na “pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon. Walang maikukumpara sa laki, walang maikukumpara sa halaga, at sa kadakilaan nito. At kung pipiliin ninyo, kung gusto ninyo, maaari kayong maging malaking bahagi nito.”

Paano tayo makakatulong? Ano ang ibig sabihin ng tipunin ang Israel? Ang ibig sabihin ba nito ay muling ibalik ang labindalawang lipi sa lupaing minsan nilang tinirhan? Ang totoo, ang ibig sabihin nito ay mas dakila, mas ukol sa kawalang-hanggan. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Nelson:

“Kapag pinag-uusapan natin ang pagtitipon, ang sinasabi natin ay ang katotohanang ito: bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit, sa magkabilang panig ng tabing, ay dapat marinig ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. …

“Sa bawat oras na gumawa kayo ng kahit ano na tutulong sa kahit sino—sa magkabilang panig ng tabing—na makalapit sa paggawa ng mga tipan sa Diyos at tanggapin ang kanilang mahalagang ordenansa ng pagbibinyag [at mga ordenansa] sa templo, tumutulong kayo na tipunin ang Israel. Ganito lang ito kasimple.”

Nangyayari ito, tulad ng sinabi ni Isaias, nang “isa-isa” (Isaias 27:12) o, tulad ng ipinropesiya ni Jeremias na, “isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan” (Jeremias 3:14).

Ang pagtitipon ng Israel ay paghahatid ng mga anak ng Diyos pabalik sa Kanya. Ang ibig sabihin nito ay ibalik sila sa kanilang pakikipagtipan sa Kanya. Ibig sabihin nito ay muling pagtatatag ng “banal na bansa” na iminungkahi Niyang itatag noon pa (Exodo 19:6).

Halina’t Magbalik

Bilang isang nakipagtipan sa Diyos, ikaw ay bahagi ng sambahayan ni Israel. Ikaw ay natipon, at ikaw ay isang tagatipon. Ang maraming siglo ng mahabang epikong kuwento ng pinagtipanang mga tao ay malapit nang magtagumpay, at isa kang mahalagang kalahok. Ngayon ang panahon na “si Cristo’y sasambit [sa buong Israel], ‘Halina’t magbalik.’”

Ito ang mensahe ng mga tagatipon: Halina’t magbalik sa tipan. Halina’t magbalik sa Sion. Halina’t magbalik kay Jesucristo, ang Banal ng Israel, at dadalhin Niya kayo pauwi sa Diyos, na inyong Ama.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Deuteronomio 28:1–14.

  2. Tingnan sa 2 Mga Hari 17:6–7; 2 Cronica 36:12–20

  3. Tingnan sa 2 Mga Hari 17:1–7. Ang sampung liping binihag ng Asiria ay sina Ruben, Simeon, Isacar, Zebulon, Dan, Neftali, Gad, Aser, Efraim, at Manases. Ang lipi ni Levi ay kumalat sa buong teritoryo ng iba pang mga lipi upang maisagawa nila ang kanilang mga responsibilidad bilang saserdote.

  4. Tingnan sa 2 Mga Hari 19; Isaias 10:12–13.

  5. Tingnan sa 2 Mga Hari 24–25; 2 Cronica 36; Jeremias 39; 52.

  6. Tingnan sa Ezra 17; Nehemias 2.

  7. Tingnan sa 2 Nephi 1:1–5; Omni 1:15–16.

  8. Tingnan sa 2 Mga Hari 25:22–26; Jeremias 42:13–19; 43:1–7.

  9. Noong AD 70, ang Jerusalem at ang mga templo nito ay muling winasak, sa pagkakataong ito ng mga Romano, at ang natitirang mga Judio ay nakalat sa maraming bansa sa mundo.

  10. Tingnan sa Jeremias 29:18; Ezekiel 22:15; Oseas 9:17; Amos 9:9; 1 Nephi 1:13.

  11. Tingnan sa 1 Nephi 15:12.

  12. Tingnan sa 1 Nephi 1:13, 18–20; 10:12–14.

  13. Tingnan sa Isaias 5:26; 27:12; 54; Jeremias 16:14–15; 29:14; 31:10; Ezekiel 11:17; 34:12; 37:21–28; Zacarias 10:8; 1 Nephi 10:14; 22:25; 3 Nephi 16:1–5; 17:4.

  14. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  15. Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel.”

  16. Tingnan sa 2 Nephi 30:2.

  17. Tayo’y Magalak,” Mga Himno, blg. 3.