Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Lumang Tipan


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Pagbabasa ng Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at sa Simbahan: Lumang Tipan 2026 (2026)

“Pagbasa sa Lumang Tipan,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: 2026

icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

Pagbabasa ng Lumang Tipan

Nang gustuhin ni Nephi na hikayatin ang kanyang mga kapatid na magtiwala sa Panginoon, nagkuwento siya tungkol kay Moises at sa mga turo ni Isaias. Nang gustuhin ni Apostol Pablo na hikayatin ang mga naunang Kristiyano na manalig sa mga pangako ng Diyos, ipinaalala niya sa kanila ang pananampalataya nina Noe, Abraham, Sarah, Rahab, at iba pa. At nang sabihin ni Jesucristo sa mga pinuno ng mga Judio na “[saliksikin] ang mga banal na kasulatan,” na ipinaliliwanag na “iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39), ang mga banal na kasulatan na tinutukoy Niya ay ang mga kasulatan na tinatawag nating Lumang Tipan.

Sa madaling salita, kapag binasa mo ang Lumang Tipan, binabasa mo ang mga salitang nagbigay-inspirasyon, umaliw, at humikayat sa mga tao ng Diyos sa loob talaga ng libu-libong taon.

Ngunit maaari ba talagang makatulong sa iyo ang isang bagay na napakatagal nang isinulat sa paghahanap ng mga solusyon sa mga problema ngayon? Oo, maaari! Lalo na kung naaalala mo kung kanino talaga patungkol ang Lumang Tipan.

Isang Tipan ni Jesucristo

Anumang mga hamon ang maaaring kinakaharap ninyo ng iyong pamilya, ang sagot ay laging si Jesucristo. Kaya para mahanap ang mga sagot sa Lumang Tipan, hanapin Siya. Hindi ito palaging madali. Maaaring kailangan mong matiyagang magnilay-nilay at humingi ng espirituwal na patnubay. Kung minsan ay tila deretsahan ang mga pagtukoy sa Kanya, tulad sa pahayag ni Isaias na, “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; … at ang kanyang pangalan ay tatawaging … Prinsipe ng Kapayapaan” (Isaias 9:6). Sa iba pang mga lugar, mas banayad ang pagkatawan sa Tagapagligtas, sa pamamagitan ng mga simbolo at pagkakatulad—halimbawa, sa mga paglalarawan sa pag-aalay ng mga hayop o sa salaysay tungkol sa pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid at pagliligtas sa kanila laban sa taggutom.

Si Jesucristo na nakatayo sa isang malaking bato na tanaw ang dagat

Ilaw ng Sanlibutan, ni Scott Sumner

Kung maghahanap ka ng mas malaking pananampalataya sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan, matatagpuan mo ito. Marahil ay maaaring ito ang maging mithiin ng pag-aaral mo ngayong taon. Ipagdasal na gabayan ka ng Espiritu na mahanap ang at magtuon sa mga sipi, kuwento, at propesiya na lalong maglalapit sa iyo kay Jesucristo.

Iningatan ng Diyos

Huwag asahan na maglalahad ang Lumang Tipan ng masusi at tumpak na kasaysayan ng sangkatauhan. Hindi iyan ang sinisikap na likhain ng orihinal na mga awtor at tagatipon. Ang mas inintindi nila ay ang may maituro tungkol sa Diyos—tungkol sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak, kung ano ang ibig sabihin ng maging Kanyang pinagtipanang mga tao, at kung paano matutubos kapag nagkukulang tayo. Ginawa nila iyon kung minsan sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng mga kaganapan sa kasaysayan ayon sa pagkaunawa nila sa mga iyon, kabilang na ang mga kuwento mula sa buhay ng mga dakilang propeta. Ang Genesis ay isang halimbawa nito, gayundin ang mga aklat na tulad ng Josue, Mga Hukom, at 1 at 2 Mga Hari. Ngunit hindi talaga nilayon ng iba pang mga manunulat ng Lumang Tipan na maging makasaysayan ang kanilang isinulat. Sa halip, nagturo sila sa pamamagitan ng mga gawang-sining tulad ng tula at literatura. Ang Mga Awit at Mga Kawikaan ay akma sa kategoryang ito. At nariyan pa ang mahahalagang salita ng mga propeta, mula kay Isaias hanggang kay Malakias, na binigkas ang salita ng Diyos sa sinaunang Israel—at, sa pamamagitan ng himala ng Biblia, ay nagsasalita pa rin sa atin ngayon.

Alam ba ng mga propeta, makata, at tagatipong ito noon na ang kanilang mga salita ay mababasa ng mga tao sa buong mundo makalipas ang libu-libong taon? Hindi natin alam. Ngunit namamangha tayo na ito mismo ang nangyari. Ang mga bansa ay naitatag at bumagsak, ang mga lungsod ay nalupig, ang mga hari ay nabuhay at namatay; ngunit nadaig ng Lumang Tipan ang lahat ng ito, sa bawat henerasyon, sa bawat eskriba, sa bawat pagsasalin. Siyempre may ilang bagay na nawala o nabago, subalit kahit paano ay malaking bahagi ang mahimalang naingatan.

sinaunang propeta na sumusulat sa scroll

Propeta sa Lumang Tipan, ni Judith A. Mehr (detalye)

Ilang bagay lamang ito na dapat tandaan habang binabasa mo ang Lumang Tipan ngayong taon. Iningatan ng Diyos ang mga sinaunang kasulatang ito dahil kilala ka Niya at alam Niya ang pinagdaraanan mo. Nakapaghanda Siya ng espirituwal na mensahe para sa iyo sa mga salitang ito, na mas maglalapit sa iyo sa Kanya at magpapatatag ng iyong pananampalataya sa Kanyang plano at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Marahil ay aakayin ka Niya sa isang sipi o isang kabatiran na magpapala sa isang taong kilala mo—isang mensaheng maibabahagi mo sa isang kaibigan, kapamilya, o kapwa Banal. Napakaraming posibleng mangyari. Hindi ba nakakatuwang isipin iyan?

Sabi ni Nephi, “Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan” (2 Nephi 4:15). Madarama mo rin siguro ito habang binabasa mo ang marami sa mga salitang binasa ni Nephi—na tinatawag natin ngayong Lumang Tipan.

Mga Aklat sa Lumang Tipan

Sa karamihan ng mga bersyong Kristiyano ng Lumang Tipan, iba ang pagkaorganisa ng mga aklat mula sa pagkaayos nito nang unang tipunin ang mga ito sa isang koleksyon. Kaya kahit iginugrupo ng Bibliang Hebreo ang mga aklat sa tatlong kategorya—ang batas, mga propeta, at mga isinulat—karamihan sa mga Bibliang Kristiyano ay inaayos ang mga aklat sa apat na kategorya: batas (Genesis–Deuteronomio), kasaysayan (Josue–Esther), mga aklat ng mga tula (Job–Awit ni Salomon), at mga propeta (Isaias–Malakias).

Bakit mahalaga ang mga kategoryang ito? Dahil ang pagkaalam kung anong uri ng aklat ang pinag-aaralan mo ay magpapaunawa sa iyo kung paano ito pag-aaralan.

Narito ang isang bagay na dapat isaisip habang sinisimulan mong basahin “ang batas,” o ang unang limang aklat ng Lumang Tipan. Ang mga aklat na ito, na iniuugnay kay Moises, ay nagdaan marahil sa mga kamay ng ilang eskriba at mga tagapagtipon sa paglipas ng panahon. At alam natin na, sa paglipas ng mga siglo, “maraming bahagi na malinaw at pinakamahalaga” ang inalis sa Biblia (tingnan sa 1 Nephi 13:23–26). Gayon pa man, ang mga aklat ni Moises ay ang inspiradong salita ng Diyos, kahit ang mga ito—tulad ng anumang gawa ng Diyos na ipinapasa sa pamamagitan ng mga mortal—ay sumasailalim sa mga kamalian ng tao (tingnan sa Moises 1:41; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8). Makakatulong dito ang mga salita ni Moroni, sa pagtukoy sa sagradong talaang Aklat ni Mormon na tumulong siyang tipunin: “Kung may mga pagkakamali ang mga yaon ay kamalian ng mga tao; dahil dito, huwag ninyong hatulan ang mga bagay ng Diyos” (pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon). Sa madaling salita, ang aklat ng banal na kasulatan ay hindi kailangang walang kamalian ng tao para maging salita ng Diyos.

Mga Tala

  1. Tingnan sa 1 Nephi 4:2–3; 17:23-43; 19:22–23.

  2. Tingnan sa Mga Hebreo 1:11.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Ang Sagot ay Laging si Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 127–28.

  4. Tingnan sa Levitico 1:3–4.

  5. Tingnan sa Genesis 45–46.

  6. Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard: “Hindi nagkataon lamang na napasaatin ang Biblia ngayon. Ang mabubuting tao ay hinikayat ng Espiritu na itala kapwa ang mga sagradong bagay na nakita nila at ang inspiradong mga salitang narinig at binigkas nila. Ang ibang taong deboto ay hinikayat na pangalagaan at ingatan ang mga talaang ito” (“Ang Himala ng Banal na Biblia,” Liahona, Mayo 2007, 80).