“Enero 13–19: ‘Ako ay Nakakita ng Isang Haligi ng Liwanag’: Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Sacred Grove [Sagradong Kakahuyan], ni Greg Olsen
Enero13–19: “Ako ay Nakakita ng Isang Haligi ng Liwanag”
Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26
Maaaring masabi mo na ang Doktrina at mga Tipan ay isang aklat ng mga sagot sa mga panalangin: marami sa mga sagradong paghahayag sa aklat na ito ang ibinigay bilang sagot sa mga tanong. Ang tanong na nagpasimula sa lahat ng ito—yaong nagpasimula sa pagbuhos ng paghahayag sa mga huling araw—ay itinanong ng isang 14 na taong gulang na batang lalaki. Isang “labanan ng mga salita at ingay ng mga haka-haka” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:10) ang nakalito kay Joseph Smith tungkol sa relihiyon at sa kanyang relasyon sa Diyos. Marahil ay makakaugnay ka riyan. Marami tayong nakikitang magkakasalungat na ideya at nakahihikayat na mga tinig sa ating panahon. Kapag gusto nating suriin ang mga mensaheng ito at hanapin ang katotohanan, maaari nating gawin ang ginawa ni Joseph. Maaari tayong magtanong, mag-aral ng mga banal na kasulatan, magnilay-nilay, at sa huli ay magtanong sa Diyos. Bilang tugon sa panalangin ni Joseph, isang haligi ng liwanag ang bumaba mula sa langit. Nagpakita ang Diyos Ama at si Jesucristo at sinagot ang kanyang mga tanong. Ang patotoo ni Joseph tungkol sa mahimalang karanasang iyon ay matapang na nagpapahayag na sinumang “nagkukulang ng karunungan ay maaaring humingi sa Diyos, at makatatamo” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:26). Lahat tayo ay maaaring tumanggap, kung hindi man ng isang makalangit na pangitain, kahit man lang ng isang mas malinaw na pang-unawa, sa tulong ng langit.
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–26
Si Joseph Smith ang Propeta ng Pagpapanumbalik.
Ang layunin ng kasaysayan ni Joseph Smith ay upang ipaalam sa atin “ang mga tunay na nangyari” dahil madalas baluktutin ang katotohanan tungkol kay Joseph (Joseph Smith—Kasaysayan 1:1). Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–26, ano ang nagpapalakas sa patotoo mo tungkol sa kanyang banal na tungkulin?
Tingnan din sa Mga Banal, 1:3–19.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–25
Paano ako makatatanggap ng mga sagot sa aking mga panalangin?
Ikaw ba ay “[nagkulang na] ng karunungan” o nalito tungkol sa isang desisyon na kinailangan mong gawin? (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13). Ang naging karanasan ni Joseph Smith noong 1820 ay maaaring magsilbing isang magandang huwaran para sa sarili mong personal na paghahayag. Halimbawa, habang sinasaliksik mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–25, hanapin ang mga karanasang maiuugnay mo sa sarili mo. Ano ang natutuhan mo tungkol sa:
-
Kung paano naghanda si Joseph para sa isang sagradong karanasan sa panalangin? (tingnan sa mga talata 8, 11, 14–15).
-
Papel ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa paghahangad ng paghahayag? (tingnan sa mga talata 11–12).
-
Kung ano ang gagawin kapag naharap ka sa oposisyon? (tingnan sa mga talata 15–16, 21–26).
-
Pagtanggap at pagkilos ayon sa mga sagot na natatanggap mo? (tingnan sa mga talata 18–25).
Maghikayat ng pagbabahagi. Ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya ng mga impresyon mula sa Espiritu Santo. Ang pagbabahagi ng mga impresyong ito ay maaaring mag-anyaya sa Espiritu Santo na magpatotoo sa iba, gayundin sa taong nagbabahagi.
Anong mga karagdagang kabatiran ang maaari mong matamo mula sa artikulo ni Pangulong Henry B. Eyring na “Ang Unang Pangitain: Isang Huwaran para sa Personal na Paghahayag”? (Liahona, Peb. 2020, 12–17).
Maaari ka ring maghanap ng iba pang mga halimbawa sa mga banal na kasulatan ng mga taong nakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo o sa iba pang mga aklat na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay maaaring magbigay sa iyo ng mga ideya. Subukang sagutin ang mga tanong na nakalista na dati para sa bawat halimbawang makita mo. Ano na ang naging mga karanasan mo sa pagtanggap ng mga sagot sa panalangin? Ano ang magagawa mo para tulungan ang iba na magkaroon din ng magagandang karanasan?
Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 88–92; Mga Paksa at mga Tanong, “Personal Revelation [Personal na Paghahayag],” Gospel Library.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20
Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
Nagtiwala si Joseph Smith na sasagutin ng Diyos ang kanyang panalangin, ngunit maaaring hindi niya inasahan kung paano babaguhin ng sagot na iyon ang kanyang buhay—at ang mundo. Habang binabasa mo ang karanasan ni Joseph, pagnilayan kung paano nabago ng Unang Pangitain ang iyong buhay.
Halimbawa, inihayag ng Unang Pangitain ang ilang katotohanan tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na naiiba sa pinaniniwalaan ng maraming tao noong panahon ni Joseph. Habang binabasa mo ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20, isiping isulat ang iba’t ibang paraan ng pagkumpleto ng isang pahayag na tulad ng isang ito: “Dahil nangyari ang Unang Pangitain, alam ko na …”
Ano ang nadarama mo habang pinagninilayan mo ang karanasan ni Joseph at ang lahat ng nangyari dahil doon?
Tingnan din sa “Ask of God: Joseph Smith’s First Vision” (video), Gospel Library; “Unang Panalangin ni Joseph Smith,” Mga Himno, blg. 20.
Humingi sa Dios: Unang Pangitain ni Joseph Smith
Detalye mula sa If Any of You Lack Wisdom [Kung ang Sinuman sa Inyo ay Nagkukulang ng Karunungan], ni Walter Rane
Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20
Bakit may iba-ibang mga salaysay tungkol sa Unang Pangitain?
Noong nabubuhay siya, itinala ni Joseph Smith ang kanyang karanasan sa Sagradong Kakahuyan nang di-kukulangin sa apat na beses, at kadalasa’y mayroon siyang tagasulat. Bukod pa rito, ang ilang salaysay ay isinulat ng ibang mga taong nakarinig sa pagkukuwento ni Joseph tungkol sa kanyang pangitain. Bagama’t ang mga salaysay na ito ay magkakaiba sa ilang detalye, depende sa may-akda, sa nagbabasa, at sa lugar, kung hindi ay pare-pareho naman ang mga ito. At bawat salaysay ay nagdaragdag ng mga detalyeng mas nagpapaunawa sa atin sa karanasan ni Joseph Smith, tulad ng pagtulong sa atin ng bawat isa sa apat na Ebanghelyo ng Bagong Tipan na mas maunawaan ang ministeryo ng Tagapagligtas.
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “First Vision Accounts [Mga Salaysay tungkol sa Unang Pangitain],” Gospel Library.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:21–26
Maaari akong manatiling tapat sa nalalaman ko, kahit tinatanggihan ako ng iba.
Matapos ang kanyang kahanga-hangang Unang Pangitain, natural lamang na nais ni Joseph Smith na ikuwento ang karanasan niya sa iba. Nagulat siya sa oposisyong nakaharap niya. Habang binabasa mo ang kanyang salaysay, ano ang naghihikayat sa iyo na manatiling tapat sa iyong patotoo? Anong iba pang mga halimbawa—mula sa mga banal na kasulatan, sa isang ninuno, o sa mga taong kilala mo—ang nagbibigay sa iyo ng tapang na manatiling tapat sa mga espirituwal na karanasan mo?
Tingnan din sa Gary E. Stevenson, “Pangalagaan at Ibahagi ang Inyong Patotoo,” Liahona, Nob. 2022, 111–14.
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tao, Lugar, Pangyayari
Mga Ideya sa Pagtuturo sa mga Bata
Joseph Smith—Kasaysayan 1:3–14
Si Joseph Smith ay inihanda para maging propeta ng Diyos.
-
Ang pag-aaral tungkol sa kabataan ni Joseph Smith ay maaaring makatulong sa iyong mga anak na makaugnay sa kanya habang natututo sila mula sa kanyang mga karanasan. Maaari siguro nilang hawakan ang isang larawan ni Joseph Smith at ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kanya. Kung kailangan, maaari kang magdagdag ng ilang katotohanan tungkol sa kanya mula sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:3–14 (tingnan din sa “Kabanata 1: Si Joseph Smith at ang Kanyang Mag-anak,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 6–8, o sa katumbas na video nito sa Gospel Library). Ano ang naranasan ni Joseph na nakatulong sa paghahanda sa kanya na maging isang propeta? Ano kaya ang inihahanda ng Diyos na gawin natin?
3:22Ang Pamilya ni Joseph Smith: Isang pamilyang may pananampalataya
Detalye mula sa Joseph Smith’s First Vision [Unang Pangitain ni Joseph Smith], ni Greg Olsen
Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–13
Masasagot ng Diyos ang aking mga tanong sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan.
-
Isiping magpakita sa iyong mga anak ng iba’t ibang aklat, kabilang na ang mga banal na kasulatan. Tulungan silang mag-isip ng mga tanong na masasagot ng mga aklat na ito. Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–11 para alamin kung ano ang mga tanong ni Joseph Smith at ano ang mga sagot na nakita niya sa mga banal na kasulatan.
-
Maaaring makahanap ang iyong mga anak ng mga salita sa talata 12 na naglalarawan kung paano naapektuhan ng pagbasa sa Santiago 1:5 si Joseph. Pagkatapos ay maaari kayong magbahagi ng mga karanasan sa isa’t isa kung saan ay nagkaroon ng malaking impluwensya sa inyo ang isang talata sa banal na kasulatan. Maaari din ninyong sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, tulad ng “Babasahin, Uunawain, at Mananalangin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 66). Ano ang itinuturo ng awitin kung bakit natin binabasa ang mga banal na kasulatan?
Joseph Smith—Kasaysayan 1:10–17
Naririnig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.
-
Para makapagsimula ng talakayan kung paano tayo nakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit, marahil ay maaari kayong magtanungan ng iyong mga anak gamit ang iba’t ibang pamamaraan ng komunikasyon, tulad ng text message, tawag sa telepono, o maikling liham na sulat-kamay. Paano tayo magtatanong sa Ama sa Langit? Paano natin ipapakita sa Kanya na mahal at iginagalang natin Siya sa ating mga panalangin? Sama-samang basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:16–19 at talakayin kung paano sinagot ng Ama sa Langit ang panalangin ni Joseph Smith. Pagkatapos ay maaari kayong magbahagi ng iyong mga anak ng mga karanasan nang humingi kayo ng tulong sa Diyos at nakatanggap kayo ng sagot.
Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–19
Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo.
-
Maaaring masiyahan ang mga batang musmos na tumayo nang nakaunat ang mga braso at nagkukunwaring mga puno sa Sagradong Kakahuyan habang kinukuwentuhan mo sila tungkol sa Unang Pangitain. Hilingin sa mga bata na umindayog na parang hinihipan ng hangin habang nagkukuwento ka tungkol sa pagdarasal ni Joseph. Pagkatapos ay hilingan silang tumayo nang walang galaw at tahimik kapag sinabi mo sa kanila na nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesus kay Joseph.
-
Maaaring masiyahan ang nakatatandang mga bata sa paggamit ng isa o mahigit pang mga larawan sa outline na ito para sabihin sa iyo ang nalalaman nila tungkol sa Unang Pangitain. Hikayatin silang sumangguni sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:14–17 at ibahagi ang kanilang mga naiisip at nadarama tungkol sa karanasan ni Joseph (tingnan din sa “Kabanata 2: Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith,” sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 9–12, o ang katumbas na video nito sa Gospel Library).
3:22Ang Pamilya ni Joseph Smith: Isang pamilyang may pananampalataya
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.