Library
Pangunahing Doktrina ng Seminary at Institute of Religion


Mga Pangunahing Doktrina

Mga Seminary at Institute of Religion

1. Panguluhang Diyos

May tatlong magkakahiwalay na katauhan sa Panguluhang Diyos: Ang Diyos Amang Walang Hanggan; ang Kanyang Anak na si Jesucristo; at ang Espiritu Santo (tingnan sa Mga Gawa 7:55–56). Ang Ama at ang Anak ay may katawang may laman at mga buto na nahahawakan, at ang Espiritu Santo ay isang personaheng espiritu (tingnan sa D at T 130:22–23). Sila ay iisa sa layunin at doktrina. Sila ay ganap na nagkakaisa sa pagsasakatuparan ng banal na plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.

Diyos Ama

Ang Diyos Ama ang Pinakadakilang Pinuno ng sansinukob. Siya ang Ama ng ating mga espiritu. Siya ay perpekto, makapangyarihan sa lahat, at nakaaalam ng lahat ng bagay. Siya rin ay Diyos na lubos na mahabagin, mabait, at mapagmahal.

Jesucristo

Si Jesucristo ang Panganay na Anak ng Ama sa espiritu at ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya si Jehova ng Lumang Tipan at ang Mesiyas ng Bagong Tipan.

Namuhay Siya na walang kasalanan at isinagawa ang lubos na Pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Ang Kanyang buhay ay perpektong halimbawa ng kung paano dapat mamuhay ang lahat ng tao (tingnan sa 3 Nephi 27:27). Siya ang kauna-unahang tao sa mundong ito na nabuhay na mag-uli. Si Jesucristo ay magbabalik muli taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian at maghahari sa mundo sa panahon ng Milenyo.

Lahat ng panalangin, basbas, at mga ordenansa ng priesthood ay dapat gawin sa Kanyang pangalan.

Ang Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ang ikatlong miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ay isang personaheng espiritu na walang katawan na may laman at mga buto. Madalas Siyang tawaging Espiritu, ang Banal na Espiritu, ang Espiritu ng Diyos, ang Espiritu ng Panginoon, o Mang-aaliw.

Ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo tungkol sa Ama at sa Anak, naghahayag ng katotohanan ng lahat ng bagay, at nagpapabanal sa mga nagsisisi at nagpapabinyag (tingnan sa Moroni 10:5).

2. Plano ng Kaligtasan

Sa buhay bago ang buhay sa mundo, ipinaalam ng Ama sa Langit ang isang planong magbibigay-daan para tayo ay maging katulad Niya at magtamo ng imortalidad o kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 14:7; Moises 1:39). Tinutukoy ng mga banal na kasulatan ang planong ito bilang plano ng kaligtasan, ang dakilang plano ng kaligayahan, ang plano ng pagtubos, at ang plano ng awa.

Kasama sa plano ng kaligtasan ang Paglikha, ang Pagkahulog, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at lahat ng mga batas, ordenansa, at doktrina ng ebanghelyo. Ang moral na kalayaan—ang kakayahang pumili at kumilos para sa ating sarili—ay mahalaga rin sa plano ng Ama sa Langit. Dahil sa planong ito, tayo ay maaaring maging perpekto sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, makatanggap ng lubos na kaligayahan, at habampanahong mabubuhay sa piling ng Diyos. Ang mga ugnayan sa ating pamilya ay magtatagal hanggang sa kawalang-hanggan.

Buhay Bago Isilang

Bago tayo isinilang sa mundo, nabuhay tayo sa piling ng ating Ama sa Langit bilang isa sa Kanyang mga espiritung anak. Sa buhay na iyon bago ang buhay na ito tayo ay nakilahok sa isang pulong kasama ang iba pang mga espiritung anak ng Ama sa Langit. Sa pulong na iyon inihayag ng Ama sa Langit ang Kanyang plano, at ang premortal na Jesucristo ay nakipagtipan na maging Tagapagligtas.

Dahil tayo ay binigyan ng kalayaang pumili, nakagawa tayo ng mahahalagang desisyon, tulad ng desisyong sundin ang plano ng Ama sa Langit (tingnan sa 2 Nephi 2:27). Naghanda tayong pumunta sa mundo, kung saan patuloy tayong uunlad.

Ang mga sumunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay pinahintulutang pumarito sa mundo para maranasan ang mortalidad at umunlad tungo sa buhay na walang-hanggan. Si Lucifer, isa pang espiritung anak ng Diyos, ay naghimagsik laban sa plano. Siya ay naging si Satanas, at siya at ang kanyang mga alagad ay itinaboy sa langit at pinagkaitan ng pribilehiyong tumanggap ng pisikal na katawan at makaranas ng mortalidad.

Mortal na Buhay

Ang ating buhay sa lupa ay panahon para matuto at paghandaan ang buhay na walang hanggan at ipakita kung ating gagamitin ang kalayaan nating pumili sa paggawa ng lahat ng iniuutos sa atin ng Panginoon. Ang ating espiritu at katawan ay magsasanib, na magbibigay sa atin ng mga oportunidad upang lumago at umunlad sa mga paraang hindi posible noon sa ating premortal na buhay.

Kabilang-Buhay

Kapag tayo ay namatay, ang ating mga espiritu ay papasok sa daigdig ng mga espiritu at maghihintay ng Pagkabuhay na Mag-uli. Ang mga espiritu ng mga mabubuti ay tatanggapin sa isang kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso. Marami sa matatapat ang patuloy na ipapangaral ang ebanghelyo sa mga nasa bilangguan ng mga espiritu.

Ang bilangguan ng mga espiritu ay pansamantalang lugar sa kabilang-buhay para sa mga namatay nang walang kaalaman sa katotohanan o para sa mga hindi masunurin noong nabubuhay pa sila sa lupa. Dito ay ituturo sa mga espiritu ang ebanghelyo at may pagkakataong magsisi at tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan na isinasagawa para sa kanila sa mga templo. Ang mga tatanggap sa ebanghelyo ay maaaring manahan sa paraiso hanggang sa Pagkabuhay na Mag-uli.

Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay ang muling pagsasama ng ating espiritu at katawang may laman at mga buto (tingnan sa Lucas 24:36–39). Pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli, ang espiritu at ang katawan ay hindi na muling maghihiwalay, at magiging imortal o hindi na mamamatay. Bawat taong isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli dahil nadaig ni Jesucristo ang kamatayan (tingnan sa Job 19:25–26; I Mga Taga Corinto 15:20–22). Ang mabubuti ay unang mabubuhay na mag-uli bago ang masasama at babangon sa Unang Pagkabuhay na Mag-uli.

Ang Huling Paghuhukom ay magaganap pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli. Si Jesucristo ang hahatol sa bawat tao para pagpasiyahan ang walang-hanggang kaluwalhatian na tatanggapin nito. Ang paghuhukom na ito ay ibabatay sa pagsunod ng bawat tao sa mga utos ng Diyos (tingnan sa Apocalipsis 20:12–13).

May tatlong kaharian ng kaluwalhatian (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–42) Ang pinakamataas sa tatlong kaharian ay ang kahariang selestiyal. Ang mga matatag sa patotoo kay Jesus at masunurin sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay mananahan sa piling ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Ang pangalawa sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian ay ang kahariang terestriyal. Ang mapupunta sa kahariang ito ay ang mararangal na lalaki at babae na nabuhay sa mundo na hindi matatag sa kanilang patotoo kay Jesus.

Ang kahariang telestiyal ang pinakamababa sa tatlong kaharian ng kaluwalhatian. Pinili ng mga nasa kahariang ito ang kasamaan sa halip na kabutihan noong nabubuhay pa sila sa mundo. Matatanggap ng mga taong ito ang kanilang kaluwalhatian pagkatapos silang matubos mula sa bilangguan ng mga espiritu.

3. Paglikha at Pagkahulog

Ang Paglikha

Ang Ama sa Langit ang Pinakadakilang Tagapaglikha. Si Jesucristo ang lumikha ng kalangitan at lupa sa ilalim ng pamamahala ng Ama. Ang mundo ay hindi nilikha mula sa wala; binuo ito mula sa mga materyal na naroon. Si Jesucristo ay lumikha ng mga daigdig na hindi mabilang.

Ang paglikha ng isang mundo ay mahalaga sa plano ng Diyos. Ito ang lugar kung saan magkakaroon tayo ng pisikal na katawan, masusubok at mapatutunayan, at magkakaroon ng mga banal na katangian.

Dapat nating gamitin ang mga likas na yaman ng mundo nang may katalinuhan, mabuting pagpapasiya, at pasasalamat.

Si Adan ang unang taong nilikha sa mundo. Nilalang ng Diyos sina Adan at Eva sa Kanyang sariling larawan (tingnan sa Genesis 1:26–27). Ang lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos.

Ang Pagkahulog

Ang paglabag nina Adan at Eva at ang mga ibinungang pagbabago, kabilang na ang espirituwal at pisikal na kamatayan, ay tinatawag na Pagkahulog.

Sa Halamanan ng Eden, inutusan ng Diyos sina Adan at Eva na huwag kainin ang bunga ng puno ng kaalaman ng mabuti at masama; ang ibubunga ng paggawa nito ay espirituwal at pisikal na kamatayan. Ang espirituwal na kamatayan ay pagkawalay sa Diyos. Ang pisikal na kamatayan ay ang paghiwalay ng espiritu sa katawang-lupa.

Dahil lumabag sina Adan at Eva at kumain ng bunga ng kaalaman ng mabuti at masama, sila ay itinaboy sa piling ng Panginoon—dumanas sila ng espirituwal na kamatayan. Sila rin ay naging mortal—daranas ng pisikal na kamatayan.

Bilang mga inapo nina Adan at Eva, namana natin ang nahulog na kalagayan sa mortalidad kung saan susubukin tayo ng mga kahirapan sa buhay at ng mga tukso ng kaaway (tingnan sa Mosias 3:19).

Ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Dalawa ang patutunguhan nito—pababa subalit pasulong. Bukod sa ibinunga nito na pisikal at espirituwal na kamatayan, binigyan tayo nito ng pagkakataong maisilang sa mundo at matuto at umunlad.

Dahil sa Pagkahulog, sina Adan at Eva at ang kanilang angkan ay makararanas ng galak at kalungkutan, malalaman ang mabuti at masama, at magkakaroon ng mga anak (tingnan sa 2 Nephi 2:22–25).

4. Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang magbayad-sala ay pagdusahan ang kaparusahan ng kasalanan, at sa gayong paraan ay matatanggal ang mga epekto ng kasalanan mula sa nagsisising makasalanan at tutulutan siyang makipagkasundo sa Diyos. Si Jesucristo ang tanging may kakayahang gumawa ng lubos na Pagbabayad-sala para sa sangkatauhan. Kabilang sa Kanyang Pagbabayad-sala ang Kanyang pagdurusa para sa mga kasalanan ng sangkatauhan sa Halamanan ng Getsemani, ang pagtitigis ng Kanyang dugo, Kanyang pagdurusa at kamatayan sa krus, at Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli mula sa libingan (tingnan sa Isaias 53:3–5; D at T 19:16–19). Naisagawa ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala dahil pinanatili Niya ang Kanyang sarili na malinis at walang kasalanan at may kapangyarihang daigin ang kamatayan. Mula sa Kanyang mortal na ina, tinaglay Niya ang katangiang mamatay. Mula sa Kanyang imortal na Ama, namana Niya ang kapangyarihang buhaying muli ang Kanyang sarili.

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo bawat isa ay mabubuhay na mag-uli at madaraig ang kamatayang pisikal. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ang mga taong nagsisisi, sumusunod sa mga utos, tumatanggap sa nakapagliligtas na mga ordenansa, at tinutupad ang kanilang mga tipan ay madaraig ang kamatayang espirituwal at matatanggap ang kaloob na buhay na walang-hanggan.

Bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala, tinaglay ni Jesus sa Kanyang Sarili ang mga pasakit, karamdaman, at kahinaan ng lahat ng tao (tingnan sa Alma 7:11–12). Nadarama Niya ang ating pagdurusa dahil naranasan Niya ito.

5. Dispensasyon, Apostasiya, at Panunumbalik

Dispensasyon

Ang dispensasyon ay panahon kung kailan inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga doktrina ng ebanghelyo, ordenansa, at priesthood. Ito ang panahon kung saan mayroon ang Panginoon ng kahit isang awtorisadong tagapaglingkod sa mundo na nagtataglay ng banal na priesthood at may banal na tungkuling ipahayag ang ebanghelyo sa mga naninirahan sa mundo. Ang dispensasyon ng kaganapan ng panahon ay ang huling dispensasyon. Nagsimula ito nang ihayag kay Joseph Smith ang ebanghelyo.

Ang mga naunang dispensasyon ay iniuugnay kina Adan, Enoch, Noe, Abraham, Moises, at Jesucristo. Bukod pa riyan, may iba pang mga dispensasyon, kabilang dito ang sa mga Nephita at Jaredita.

Ang plano ng kaligtasan at ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinahayag at itinuro sa bawat dispensasyon.

Apostasiya

Kapag ang mga tao ay hindi sumusunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo at hindi nagtataglay ng mga susi ng priesthood, sila ay nasa kalagayan ng apostasiya.

Ang mga panahon ng pangkalahatang apostasiya ay naganap sa buong kasaysayan ng daigdig. Isang halimbawa niyan ang Malawakang Apostasiya [Great Apostasy], na naganap matapos itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3). Nang mamatay ang mga Apostol ng Tagapagligtas, nilapastangan ng mga tao ang mga alituntunin ng ebanghelyo at walang pahintulot na binago ang organisasyon ng Simbahan at mga ordenansa ng priesthood. Dahil sa laganap na kasamaang ito, binawi o inalis ng Panginoon ang awtoridad at mga susi ng priesthood sa lupa.

Noong panahon ng Malawakang Apostasiya, ang mga tao ay walang patnubay ng langit na nagmumula sa mga buhay na propeta. Maraming simbahan ang naitatag, ngunit wala silang awtoridad na igawad ang kaloob na Espiritu Santo o magsagawa ng iba pang mga ordenansa ng priesthood. May mga bahagi ng mga banal na kasulatan na iniba o nawala, at wala na sa mga tao ang totoong kaalaman tungkol sa Diyos.

Ang apostasiyang ito ay natapos lamang nang ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagpakita kay Joseph Smith at pinasimulan ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo.

Ang Panunumbalik

Ang Panunumbalik ay ang muling pagtatatag ng Diyos ng mga katotohanan at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo sa mga tao sa mundo (tingnan sa Isaias 29:13–14; Apocalipsis 14:6–7).

Bilang paghahanda sa Panunumbalik, nagpadala ang Panginoon ng mararangal na tao sa panahong tinatawag na Repormasyon. Tinangka nilang ibalik ang doktrina, mga gawain, at organisasyong pangrelihiyon na tulad ng pagkakatatag ng Tagapagligtas sa mga ito. Gayunpaman, wala sa kanila ang priesthood ni ang kabuuan ng ebanghelyo.

Ang Panunumbalik ay nagsimula noong 1820 nang ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita kay Joseph Smith bilang sagot sa kanyang panalangin (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:15–20). Ilan sa mahahalagang pangyayari sa Panunumbalik ay ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon, ang panunumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood, at ang organisasyon ng Simbahan noong Abril 6, 1830.

Ang Aaronic Priesthood ay ipinanumbalik ni Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong Mayo 15, 1829. Ang Melchizedek Priesthood at mga susi ng kaharian ay ipinanumbalik noong 1829 nang igawad nina Apostol Pedro, Santiago, at Juan ang mga ito kina Joseph Smith at Oliver Cowdery.

Ang kabuuan ng ebanghelyo ay naipanumbalik, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo” (D at T 1:30). Sa huli ay pupunuin ng Simbahan ang buong mundo at mananatili itong nakatayo magpakailanman (tingnan sa Daniel 2:44–45).

6. Mga Propeta

Ang propeta ay isang tao na inatasan ng Diyos na maging Kanyang tagapagsalita (tingnan sa Amos 3:7). Ang mga propeta ay nagpapatotoo kay Jesucristo at itinuturo ang Kanyang ebanghelyo. Ipinaaalam nila ang kalooban at tunay na pagkatao o katangian ng Diyos. Tinutuligsa nila ang kasalanan at nagbababala laban sa mga ibubunga nito. May mga panahong nagpopropesiya sila tungkol sa mga magaganap sa hinaharap.

Sinasang-ayunan natin ang Pangulo ng Simbahan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag at ang tanging tao sa mundo na tumatanggap ng paghahayag para magabayan ang buong Simbahan. Sinasang-ayunan din natin ang mga tagapayo sa Unang Panguluhan at ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag (tingnan sa D at T 1:38).

7. Priesthood

Ang priesthood ang walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Sa pamamagitan ng priesthood nilikha at pinamamahalaan ng Diyos ang kalangitan at ang lupa. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ito tinutubos at dinadakila Niya ang Kanyang mga anak, na isinasakatuparan “ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Ang Diyos ay nagbibigay ng awtoridad ng priesthood sa karapat-dapat na kalalakihan ng Simbahan upang makakilos sila sa Kanyang pangalan para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Ang mga mayhawak ng Priesthood ay maaaring bigyan ng awtoridad na ipangaral ang ebanghelyo, pangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan, at pamahalaan ang kaharian ng Diyos sa lupa. Ang awtorisasyong ito ay nagmumula sa mga lider na mayhawak ng mga susi ng priesthood.

Aaronic Priesthood

Ang Aaronic Priesthood ay madalas na tawaging panimulang priesthood. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop. Sa Simbahan ngayon, ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ay makatatanggap ng Aaronic Priesthood simula sa edad na 12.

Ang Aaronic Priesthood ang “may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag” (D at T 13:1).

Melchizedek Priesthood

Ang Melchizedek Priesthood ay ang nakatataas o mas malawak na priesthood at nangangasiwa sa mga espirituwal na bagay. Ang mas mataas na priesthood na ito ay ibinigay kay Adan at nasa mundo kapag inihahayag ng Panginoon ang Kanyang ebanghelyo.

Ito ay unang tinawag na “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” (D at T 107:3). Kalaunan ay tinawag itong Pagkasaserdoteng Melquisedec [Melchizedek Priesthood], ipinangalan sa dakilang mataas na saserdote na nabuhay noong panahon ng propetang si Abraham (tingnan sa Genesis 14:18; D at T 107:2).

Nakapaloob sa Melchizedek Priesthood ang mga katungkulan ng elder, high priest, patriarch, Pitumpu, at Apostol. Ang Pangulo ng Melchizedek Priesthood ay ang Pangulo ng Simbahan.

8. Mga Pangunahing Alituntunin at Ordenansa

“Naniniwala kami na ang mga pangunahing alituntunin at ordenansa ng Ebanghelyo ay: una, Pananampalataya sa Panginoong Jesucristo; pangalawa, Pagsisisi; pangatlo, Pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; pang-apat, Pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4).

Pananampalataya

Ang pananampalataya ay ang “[pag-asa] … sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo (Alma 32:21). Ang pananampalataya ay espirituwal na kaloob na nagmumula sa pakikinig sa salita ng Diyos. Nadaragdagan ang pananampalataya kapag tayo ay nagdarasal, nag-aaral ng mga banal na kasulatan, at sumusunod sa mga utos ng Diyos.

Higit pa sa simpleng paniniwala, ang pananampalataya ay naipakikita sa paraan ng ating pamumuhay.

Ang pananampalataya ay dapat nakasentro kay Jesucristo nang sa gayon ay maakay nito ang tao sa kaligtasan. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay ganap na pag-asa sa Kanya at pagtitiwala sa Kanyang napakadakilang Pagbabayad-sala, kapangyarihan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo at paniniwalang bagamat hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang lahat ng iyon.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay may pananampalataya rin sa Diyos Ama, sa Espiritu Santo, sa kapangyarihan ng priesthood, at sa iba pang mahahalagang aspeto ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang pananampalataya ay tumutulong sa ating matanggap ang espirituwal at pisikal na paggaling at lakas na magpatuloy, makayanan ang ating mga paghihirap, at madaig ang tukso. Binibigyan din tayo nito ng kapayapaan. Ang Panginoon ay gagawa ng makapangyarihang mga himala sa ating buhay ayon sa ating pananampalataya.

Sa pananampalataya ang tao ay magtatamo ng kapatawaran ng mga kasalanan at sa huli ay makapananahan sa piling ng Diyos.

Pagsisisi

Ang pagsisisi ay pagbabago sa isip at puso na nagbibigay sa atin ng panibagong pananaw tungkol sa Diyos, sa ating sarili, at sa daigdig. Kasama rito ang pagwaksi ng kasalanan at paghingi ng kapatawaran sa Diyos. Nahihikayat ito ng pagmamahal sa Diyos at ng tapat na hangaring sundin ang Kanyang mga utos.

Ang ating kasalanan ay nagpaparumi sa atin—ginagawa tayong hindi karapat-dapat na bumalik sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang ating Ama sa Langit ay nagbigay sa atin ng tanging paraan upang mapatawad tayo sa ating mga kasalanan (tingnan sa Isaias 1:18).

Kasama sa pagsisisi ang kalungkutang nadarama dahil sa nagawang kasalanan, pagtatapat sa Ama sa Langit at sa iba kung kinakailangan, pagtalikod sa mga kasalanan, hangaring ibalik at isaayos kung maaari ang lahat ng nawala at napinsala dahil sa nagawang kasalanan, at pamumuhay nang sumusunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa D at T 58:42–43).

Binyag

Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog ng isang may awtoridad ay ang unang nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo at kinakailangan upang ang isang tao ay maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kailangan din ang binyag para makapasok ang tao sa kahariang selestiyal (tingnan sa Juan 3:5).

Ang salitang binyag ay nagmula sa salitang Griyego na ibig sabihin ay “ilubog.” Ang paglulubog ay simbolo ng pagkamatay ng makasalanang buhay ng isang tao at ang muling pagsilang sa isang espirituwal na buhay, na nakatuon sa paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ito ay simbolo rin ng kamatayan at pagkabuhay na mag-uli.

Dahil hindi lahat ng tao ay nagkaroon ng pagkakataong matanggap ang ebanghelyo noong nabubuhay pa sila sa mundo, pinahintulutan ng Panginoon ang mga pagbibinyag para sa mga patay (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:29). Dahil dito ang lahat ng tatanggap ng ebanghelyo sa daigdig ng mga espiritu ay magiging karapat-dapat na makapasok sa kaharian ng Diyos.

Kaloob na Espiritu Santo

Matapos mabinyagan ang isang tao, ipapatong ng isa o mahigit pang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ang kanilang mga kamay sa ulo ng nabinyagan at ikukumpirma siya na miyembro ng Simbahan. Bilang bahagi ng ordenansang ito, na tinatawag na kumpirmasyon, ibibigay sa tao ang kaloob na Espiritu Santo (tingnan sa Juan 3:5).

Ang kaloob na Espiritu Santo ay naiiba sa impluwensya ng Espiritu Santo. Bago ang binyag, madarama ng tao ang impluwensya ng Espiritu Santo paminsan-minsan at sa pamamagitan ng impluwensyang iyon ay makatatanggap siya ng patotoo tungkol sa katotohanan. Matapos matanggap ang kaloob na Espiritu Santo, ang isang tao ay may karapatan na palaging makasama ang Espiritu Santo kung sinusunod niya ang mga kautusan.

9. Mga Ordenansa at Tipan

Mga Ordenansa

Sa Simbahan, ang ordenansa ay sagrado at pormal na seremonya na may espirituwal na kahulugan. Bawat ordenansa ay ginawa ng Diyos para ituro ang mga espirituwal na katotohanan. Ang mga ordenansa ng kaligtasan ay isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at sa pangangasiwa ng mga taong mayhawak ng mga susi ng priesthood.

Ang ilang ordenansa ay mahalaga sa kaligtasan at tinatawag na nakapagliligtas na mga ordenansa. Kabilang rito ang binyag, kumpirmasyon, ordenasyon sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), endowment sa templo, at ang pagbubuklod ng kasal. Lahat ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng priesthood ay may kaakibat na mga tipan.

May iba pang mga ordenansa, tulad ng sacrament, patriarchal blessing, at pagbabasbas sa maysakit.

Mga Tipan

Ang tipan ay sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Ibinibigay ng Diyos ang mga kondisyon ng tipan, at pumapayag tayo na gawin ang ipinagagawa ng Diyos; pagkatapos ay nangangako ang Diyos na bibiyayaan tayo kapalit ng ating pagsunod (tingnan sa D at T 82:10; 84:33–39).

Lahat ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng priesthood ay may kaakibat na mga tipan. Nakikipagtipan tayo sa Panginoon sa oras ng binyag at sinasariwa ang mga tipang iyon kapag nakikibahagi tayo ng sacrament. Ang mga kalalakihang tumanggap ng Melchizedek Priesthood ay pumapasok sa sumpa at tipan ng priesthood. Gumagawa tayo ng iba pang mga tipan sa templo.

10. Mga Kautusan

Ang mga kautusan ay mga batas at mga bagay na kailangang gawin na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan. Ipinapakita natin na mahal natin Siya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Juan 14:15). Ang pagsunod sa mga kautusan ay maghahatid ng mga pagpapala mula sa Panginoon (tingnan sa D at T 130:20–21).

Ang dalawang pangunahing utos ay “[Ibigin] mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. … At … [ibigin] mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37, 39).

Ang Sampung Utos ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo at ang mga ito ay walang-hanggang mga alituntunin na kailangan para sa ating kadakilaan (tingnan sa Exodo 20:3–17). Inihayag ng Panginoon ang mga ito kay Moises noong unang panahon, at binanggit Niya itong muli sa mga paghahayag sa mga huling araw (tingnan sa Mosias 13:12–24). Kabilang sa iba pang mga kautusan ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri, pagbabayad ng buong ikapu, pagiging matapat, pagdarasal araw-araw, pagpapasalamat, at pagsunod sa Word of Wisdom.

11. Kasal at Pamilya

“Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at ng isang babae ay inorden ng Diyos” at “ang mag-anak ang sentro” sa Kanyang plano ng kaligtasan at kaligayahan.

“Ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae, na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas.” Ang mga magulang ay dapat na “magpakarami at kalatan ang lupa,” “palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan,” at “maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan.”

“Ang mag-asawa ay may banal na tungkuling mahalin at kalingain ang bawat isa.” “Ang mga ama ang mangungulo sa kanilang mga mag-anak sa pagmamahal at kabutihan,” at “magla[la]an ng mga pangangailangan sa buhay.” “Ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga ng kanilang mga anak. Sa mga banal na tungkuling ito, ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”

“Ang banal na plano ng kaligayahan” ay nagtuturo na ang “mga ugnayan ng mag-anak” ay maaaring “magpatuloy sa kabilang-buhay.” Ang mundo ay nilikha at ang ebanghelyo ay inihayag nang sa gayon ang mga pamilya ay mabuo, mabuklod, at madakila nang walang-hanggan.

(Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 1995, 102.)

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga paksang ito, pumunta sa lds.org, Gospel Library, Gospel Topics; o tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006].