Pang-aabuso
Alamin ang mga Uri ng Pang-aabuso at Mapang-abusong Pag-uugali


“Alamin ang mga Uri ng Pang-aabuso at Mapang-abusong Pag-uugali,” Pagpigil at Proteksyon (2018).

“Alamin ang mga Uri ng Pang-aabuso at Mapang-abusong Pag-uugali,” Pagpigil at Proteksyon.

Alamin ang mga Uri ng Pang-aabuso at Mapang-abusong Pag-uugali

Ang pang-aabuso ay pagtrato sa iba o sa sarili sa nakasasakit o nakapipinsalang paraan. Pinipinsala nito ang isipan, ang espiritu, at kadalasan ang katawan din. Ito ay labag sa mga turo ng Tagapagligtas at mga batas ng lipunan. Ang mga naging biktima ng pang-aabuso ay maaaring mula sa anumang edad, kasarian, at *katayuan. Maaaring sila ay ang mga taong walang sapat na kakayahang proteksyunan ang kanilang sarili, tulad ng mga bata, mga taong may kapansanan, o matatanda. Kinokondena ng Panginoon ang mapang-abusong pag-uugali sa anumang uri nito—pisikal, seksuwal, berbal, o emosyonal. Nakalulungkot na maaaring mangyari ang pang-aabuso sa sinuman. Ang kaalaman sa kahulugan ng pang-aabuso ay makatutulong para makapagsalita tungkol dito, matukoy ito, matugunan ito, at mapagaling mula sa pang-aabuso.

Mga Uri ng Pang-aabuso

Ang pang-aabuso ay maaaring mangyari sa anumang relasyon, ito man ay sa kapamilya, kaibigan, asawa, o kadeyt.

Seksuwal—Ang seksuwal na pang-aabuso ay anumang interaksiyon ng dalawang tao kung saan may nangyayaring hipuan o kahit walang hipuan, at ang isang tao ay ginagamit para sa seksuwal na kasiyahan ng ibang tao at ang isa sa kanila ay tutol sa interaksiyon na ito. Ang seksuwal na pang-aabuso sa bata ay anumang seksuwal na ginagawa ng isang matanda sa isang bata (anuman ang edad nito). Kabilang din sa seksuwal na pang-aabuso ang seksuwal na ginagawa ng isang bata at tinedyer o kabataan, lalo na kapag ang tinedyer o kabataan ay mas matanda o nasa posisyon para maimpluwensiyahan, makuha ang tiwala, o kontrolin ang bata. Kabilang din dito ang panonood, paggawa, at pamamahagi ng pornograpiya na gumagamit ng bata at panonood din ng pornograpiya na kasama ang isang bata.

Pisikal—Ang pisikal na pang-aabuso ay sadyang pananakit sa isang tao, tulad ng pagpalo, pagsipa, pambubugbog, pangangagat, o anupamang kilos na humahantong sa pisikal na pananakit, pagpinsala, o pag-iiwan ng mga pasa o bugbog.

Pagpapabaya—Ang pagpapabaya ay ang hindi paglalaan ng mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagbibigay ng sapat na pagkain, tirahan, o angkop na paggabay; kinakailangang pagpapagamot o kalusugan ng isipan; sapat na edukasyon; o kapanatagan ng damdamin. Kabilang dito ang pagpapabaya sa isang taong kailangan na palaging maalagaan sa mas matagal na panahon nang walang sapat na paggabay at suporta.

Emosyonal at Berbal—Ang emosyonal at berbal na pag-aabuso ay ang pagtrato sa isang tao na nagpapahina ng kanyang loob o nagpapababa ng kanyang pagpapahalaga sa sarili. Kabilang sa mga halimbawa ang palaging paghahanap ng mali, pang-iinsulto, hindi pagtanggap, at pagkakait ng pagmamahal, suporta, o gabay. Kabilang din dito ang pagkakita ng isang bata sa karahasan sa tahanan.

Pinansyal—nangyayari ang pinansyal na pang-aabuso kapag ang isang tao ay pinagkakaitan, ninanakawan, o kinokontrol ang pera o ari-arian ng iba nang walang pahintulot. Ito ay isang uri ng panlilinlang.

Iba pang mga Mapang-abusong Pag-uugali

Ang mga sumusunod na pag-uugali ay laban sa mga turo ng ebanghelyo. Bagama’t hindi lahat ng ito ay masasabing pang-aabuso, lahat ito ay nakapipinsalang pag-uugali.

Pang-eengganyo—Nangyayari ang pang-eengganyo kapag kinakaibigan o tinatangka ng isang tao na mapalapit sa kanya ang loob ng isang tao o pagtiwalaan siya nito para seksuwal na maabuso niya ang taong iyon. Ang kadalasang binibiktima ay bata. Kabilang sa pag-uugaling ito ng pang-eenganyo ang pagbibigay ng mga regalo o pabor, paghiling na mapag-isa sila, pag-uusap tungko sa seks, o pagpapakita ng pornograpiya o pagsisimula ng pisikal na ugnayan sa isang bata. Ang grooming o pang-eenganyo ay nangyayari din sa internet at sa pamamagitan ng mobile device ng isang bata.

Malupit na Pagdisiplina—Ang mga bata ay natutulungan at napapalakas sa tama at mapagmahal na pagdisiplina. Subalit ang pamimintas o panlalait ay nagpapahina ng kanilang kumpiyansa at pagpapahalaga sa sarili at kapakanan. Ang positibong pagdisiplina ay makatutulong sa mga bata na malaman kung ano ang mabuti at masama. Ang malupit na pagdisiplina na nagdudulot ng pisikal na pinsala ay pang-aabuso at dapat ireport sa mga awtoridad.

Panliligalig—Ang harassment o panliligalig ay lumilikha ng malupit o napakagulong kapaligiran na maaaring maging sanhi ng mga problema, mula sa pagtigil sa pagsali sa mga karaniwang ginagawa hanggang sa pag-iisip na magpakamatay. Maaaring kabilang dito ang mga salita o kilos na nanlalait, pasaring, pakikialam sa personal na buhay, at pagtingin o pagkomento tungkol sa mga pribadong parte ng katawan. Kasama rito ang paggamit ng mga online profile o impormasyon para manmanan o takutin ang isang tao.

Bullying—“Ang bullying ay ang agresibong pag-uugali kung saan sinasadya o paulit-ulit na ginagawa ng isang tao ang nakapipinsala o nakaliligalig na kilos sa ibang tao. Ang bullying ay maaaring gawin sa paraang pisikal, sa pagsasalita, o pagkilos na hindi ipinahahalata” (“Bullying,” American Psychological Association, apa.org). Kasama sa cyberbullying ang paggamit ng mga online profile o impormasyon para i-bully ang isang tao, tulad ng pagpapadala o pagpo-post ng mga mensahe tungkol sa isang tao para siraan, takutin, o bantaan ito. Kasama rin dito ang sadyang paninira ng mga relasyon o katayuan sa lipunan ng isang tao.

Hazing—Nangyayari ang hazing kapag ang isang grupo ay nagpapagawa ng mali o nakakainsultong bagay sa isang tao para maging bahagi o mapabilang siya sa isang grupo.

Resources o mga Sanggunian sa Komunidad at Simbahan

(Ilan sa resources na nakalista sa ibaba ay hindi ginawa, pinapanatili, o kontrolado ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bagaman ang mga materyal na ito ay ginawa bilang karagdagang resources o sanggunian, hindi iniendorso ng Simbahan ang anumang nilalaman na hindi akma sa mga doktrina at mga turo nito.)

Kaugnay na mga Artikulo