Liahona
Pangulong M. Russell Ballard: Dedikado sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Sa Alaala: Pangulong M. Russell Ballard


“Pangulong M. Russell Ballard: Dedikado sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Liahona, Ene. 2024.

Sa Alaala

Pangulong M. Russell Ballard: Dedikado sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo

“Si Jesucristo, na Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan, ay hindi patay. Siya’y buhay—ang nabuhay na muling Anak ng Diyos ay buhay—iyan ang aking patotoo, at ginagabayan Niya ang gawain ng Kanyang Simbahan ngayon.”1

Larawan
Si Pangulong Ballard na nagsusulat sa kanyang mesa

Noong bata pang Aaronic Priesthood holder si Russell Ballard, dumalo sila ng isa niyang kaibigan sa isang pangkalahatang pulong ng priesthood sa Salt Lake Tabernacle. “Natagpuan [namin] ang aming sarili … sa may hagdan kung saan hindi kami kabilang,” paliwanag niya kalaunan. “Nakita ni Pangulong George Albert Smith [1870–1951], sa kanyang mabait na paraan, ang aming kalagayan at inanyayahan kaming umupo sa hagdan. Habang nakaupo kami roon at minamasdan ang mga nangyayari sa miting, hindi ako naniwala na muli akong makalalapit nang gayon kalapit sa pulpitong ito. Naaalala ko na sinabi ko sa kaibigan ko nang lisanin namin ang Tabernacle, ‘Masarap sigurong maging General Authority; sa gayo’y doon ka na uupo sa isa sa mga upuang iyon sa pulpito.’

“… Hindi ko inakala na darating sa buhay ko ang panahon na maglilingkod ako bilang bishop, mission president, Pitumpu, at … Apostol. Hindi natin makikinita ang nasasaisip ng Panginoon para sa atin. Ang tanging magagawa natin ay maging handa at karapat-dapat para sa anumang ipagawa niya.”2

Ginugol ni Pangulong M. Russell Ballard ang kanyang buhay sa paghahanda at pagtupad sa tungkuling iniatas sa kanya. Sa kanyang espesyal na sipag at dedikasyon para sa gawaing misyonero, ang kanyang halimbawa at patotoo ay nakatulong sa napakaraming buhay, na hinihikayat ang lahat na “magbangon, manindigan, at lubos na maghandang paglingkuran ang Panginoon.”3

Kasipagan at Pamumuno

Si Melvin Russell Ballard Jr. ay isinilang sa Salt Lake City, Utah, noong ika-8 ng Oktubre 1928, kina Melvin Russell Ballard Sr. at Geraldine Smith Ballard. Nag-iisang lalaki sa apat na anak, natutong gumalang si Russell sa mga babae sa murang edad.

Larawan
Si M. Russell Ballard noong bata pa

Si M. Russell Ballard noong bata siya.

Ang kanyang ama, isang matalinong negosyante, ay may-ari ng isang automobile dealership, ang Ballard Motor Company. Bagama’t hindi naging aktibo sa Simbahan ang kanyang ama noong bata pa si Russell, sinabi pa rin ni Russell, “Nagkaroon siya ng malaking epekto sa buhay ko. Ikinintal niya sa akin ang paghahangad na magsumikap.”4

Hindi lamang ang propesyon ng kanyang ama ang naging halimbawa ng kasipagang ipinakita ng ama para sa kanyang anak. Ang ama ni Russell ay may-ari ng isang maliit na peach orchard sa Holladay, Utah, kung saan nag-alaga siya ng mga bubuyog na magkakalat ng pollen sa mga bulaklak ng peach. “Minahal ni Itay ang mababait niyang pukyutan. … Lagi akong pinatutulong ng aking ama sa ginagawa niya sa kanyang mga bahay-pukyutan, pero tuwang-tuwa akong hayaan siyang mag-alaga sa kanyang mga bubuyog.”5

Ang impluwensya ng pamanang iyon ng kasipagan na natutuhan niya sa kanyang ama ay magpapatuloy sa buhay ni Russell Ballard. Naalala ng kapatid niyang si Ann Keddington, “Lagi siyang may trabaho, kahit noong maliit pa siya.” Ang mga una niyang trabaho ay pagpuputol ng mga damuhan at paglilinis sa bakuran, pero kalaunan ay nagsimula siyang magtrabaho tuwing Sabado at pagkalabas ng paaralan sa automobile dealership ng kanyang ama.6

Sa high school, nagkaroon ng mga pagkakataon si Russell na malinang ang kanyang kahusayan sa pamumuno, sa pagsali sa student government sa East High School sa Salt Lake City at pagiging president ng East High Seminary sa kanyang senior year, bukod sa iba pang mga aktibidad.7 Pagkatapos ng high school, nag-aral siya sa University of Utah, kung saan sumapi siya sa Sigma Chi Fraternity at nagtamo ng palayaw na “ang bishop” sa kanyang fraternity brothers dahil sa kanyang halimbawa ng pagiging tapat sa kanyang pananampalataya.8

Mga Pagpapala ng Paglilingkod bilang Misyonero

Larawan
Si M. Russell Ballard bilang isang binatang misyonero

Larawan ni M. Russell Ballard bilang isang binatang misyonero.

Si Russell ay tinawag na maglingkod sa British Mission noong 1948, kung saan naging isa siyang counselor sa mission presidency sa ilalim ng dalawang magkaibang mission president. Naglingkod siya pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at ipinaliwanag niya kalaunan na noong panahong iyon “ang mga Mormon ay ‘bulung-bulungan at bukambibig’ (3 Nephi 16:9), at ang mga misyonero ay pinagtatawanan at kinukutya.” Naalala niya: “Binabato pa kami noon ng mga tao, at ang ilan ay dinuduraan kami. Pero hindi kami pinanghinaan ng loob.”9 Natuto siya sa kanyang mga karanasan at, sabi nga niya, “gustung-gusto ko ang pagiging misyonero sa England.”10

Ang isa sa pinakamalalaking pagpapalang natanggap ni Russell sa paglilingkod sa misyon ay isang matibay na patotoo. Paggunita niya: “Dahil sa karanasan ko sa misyon, naangkla ako sa patotoo sa realidad ng pagpapanumbalik ng Simbahan ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Tumayo ako sa Hyde Park at sa maraming iba pang kanto sa mga kalye ng British Isles at nagpatotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, na ang ebanghelyo ay naipanumbalik nang lubusan, at na ang priesthood at awtoridad na pagpalain ang sangkatauhan ay narito nang muli sa lupa. Nang lalo akong magpatotoo, lalo itong naging bahagi ko.”11

Larawan
Si M. Russell Ballard na nangangaral sa isang market square

Si Elder Ballard na nangangaral sa isang market square sa Nottingham, England, noong 1949.

Tunay ngang nakatulong ang kanyang paglilingkod sa misyon sa paghahanda sa kanya sa maraming tungkulin sa hinaharap. Bago siya tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol, sinabi ni Pangulong Ballard: “Sa lahat ng training na natanggap ko sa aking mga tungkulin sa Simbahan, wala nang naging mas mahalaga sa akin kaysa sa training na natanggap ko noong 19-na-taong-gulang akong elder na naglilingkod ng full-time mission sa British Isles. Habang ginugunita ko ito ngayon, nakikita ko na walang training sa buhay ko na mas mahalaga sa ginagawa ko ngayon sa Simbahan kaysa sa training na natanggap ko bilang full-time missionary.”12

Tapat sa Buhay-Pamilya

Pagkatapos ng kanyang misyon, ipinagpatuloy ni Russell ang kanyang pag-aaral sa University of Utah. Hindi nagtagal pagkauwi niya, dumalo siya sa isang “Hello Day Dance.” Ipinaliwanag niya: “Sinabi sa akin [ng isang kaibigan ko] ang tungkol sa magandang sophomore na si Barbara Bowen, na sa palagay niya ay dapat kong makilala. Dinala niya si Barbara sa akin at ipinakilala kami sa isa’t isa, at nagsayaw na kami.

“Ang malungkot, ito ang dating tinatawag na ‘tag dance,’ na ibig sabihin maisasayaw mo lang ang isang dalaga hanggang sa tapikin ka ng iba. Si Barbara ay masayahin at popular, kaya wala pang isang minuto ko siyang naisayaw nang tapikin ako ng isang binata.

“Hindi iyon katanggap-tanggap para sa akin. Dahil natutuhan ko ang kahalagahan ng pag-follow-up sa aking misyon, hiningi ko ang numero ng kanyang telepono at tinawagan ko siya kinabukasan at niyaya ko siyang lumabas, pero abala siya sa paaralan at sa mga kaibigan. Salamat na lang at naituro sa akin sa misyon na magtiyaga kahit nasisiraan na ng loob, at sa wakas ay nai-deyt ko siya. At nasundan pa ang mga deyt na iyon. Kahit paano habang nagdedeyt kami nakumbinsi ko siya na ako lang ang tanging karapat-dapat na returned missionary—na may pagtatangi sa kanya.”13

Larawan
larawan ng kasal ni M. Russell Ballard at ng kanyang asawang si Barbara

Ikinasal sina Russell at Barbara noong ika-28 ng Agosto 1951.

Nasulit ang kanyang pagtitiyaga at katapatan, at ikinasal sila ni Barbara sa Salt Lake Temple noong ika-28 ng Agosto 1951. Sila ay may pitong anak: sina Clark, Holly, Meleea, Tamara, Stacey, Brynn, at Craig.

Ibinahagi ni Pangulong Ballard ang isang karanasan niya noong bata-bata pa siyang ama kung kailan natutuhan niya kung gaano kahirap maging ina. “Naglingkod ako bilang counselor pagkatapos ay bilang bishop sa loob ng 10 taon. Sa mga taong iyon pinagpala kami ng anim sa pitong anak namin. Madalas ay pagod na pagod si Barbara pag-uwi ko tuwing Linggo ng gabi. Sinikap niyang ipaliwanag kung ano ang pakiramdam ng umupo sa likuran sa sacrament meeting kasama ang aming pamilya. At dumating ang araw na na-release ako. Matapos umupo sa harapan nang 10 taon, katabi ko na ang pamilya ko sa upuan sa likuran.

“Koro ng mga ina sa ward ang kumakanta noon, at mag-isa naman akong nakaupo kasama ang anim na anak namin. Noon lang ako naging abalang-abala sa tanang buhay ko. May mga puppet ako sa magkabilang kamay, at hindi pa sumapat iyon. Bumuhos pa ang [Cheerios], at napahiya ako. Tila hindi sila nalibang sa mga coloring book.

“Habang nahihirapan ako sa mga bata sa miting, tiningnan ko si Barbara, at nakamasid siya at nakangiti sa akin. Natutuhan kong higit na pahalagahan ang ginagawa … [ng] lahat na mga mahal na ina na napakahusay at tapat!”14

Larawan
Pamilya Ballard

Si Elder Ballard kasama ang kanyang pamilya sa kanyang ika-80 kaarawan noong Oktubre 2008.

Naalala rin ng kanyang asawa ang panahong iniukol niya sa kanyang pamilya. Siya ay “lubos na tapat sa kanyang pamilya, at palagi silang nauuna,” wika niya. “Isa siyang bishop sa loob ng maraming taon at humawak ng maraming trabaho sa Simbahan, pero ang mga responsibilidad na iyon ay hindi kailanman nakasira sa kanyang pamilya. Kapag nasa bahay siya, sinusulit niya ang oras sa piling nila.”15

Kalaunan sa buhay, naging masaya sina Pangulo at Sister Ballard na makasama ang kanilang mga anak, apo, at apo-sa-tuhod. Itinatangi ng kanyang mga anak at apo ang mga alaala ng mga bakasyon ng pamilya sa pagbisita sa mga makasaysayang lugar ng Simbahan tulad ng Palmyra, Kirtland, at Nauvoo; pagdalo sa paglalaan ng Preston England Temple noong 1998; paglalakbay sa Holy Land; at paglalakad sa ilang bahaging dinaanan ng mga pioneer.

Kasunod ng pagpanaw ng kanyang asawa noong Oktubre 2018, sinabi ni Pangulong Ballard, “Nagpapasalamat akong malaman kung saan naroon ang mahal kong si Barbara at na muli kaming magkakasama, at ang aming pamilya, magpakailanman.”16

Pinalakas ng Isang Pamana ng Pananampalataya

Bilang inapo ng kapatid ni Propetang Joseph Smith na si Hyrum, laging ipinagmamalaki ni Russell Ballard ang kanyang mga ninunong pioneer. Dalawa sa kanyang mga lolo at lolo-sa-tuhod ang naglingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol. Kasunod ng pagtawag sa kanya mismo sa katungkulang iyon, sabi ni Pangulong Ballard: “Itinuturing kong pagpapala na maging kinatawan ngayon ng pamilya nina Joseph at Hyrum, at hayagang kinikilala na ang pagsunod sa aking lolo-sa-tuhod na si Joseph F. Smith, at sa mga lolo ko pareho, sina Hyrum Mack Smith at Melvin J. Ballard, sa Kapulungan ng Labindalawang Apostol ay isang malaking karangalan at responsibilidad. Gagawin ko ang lahat para maging uri ng lingkod na karapat-dapat sa pamanang iyon.

“Sa ilang pagkakataon tiniyak sa akin ng aking mga Kapatid na nadama nila na maaaring sinang-ayunan ng aking mga ninuno ang pagtawag sa akin sa mga kapulungan sa kabilang panig ng tabing gayundin ng Unang Panguluhan at ng Kapulungan ng Labindalawa sa panig na ito ng tabing.”17

Ang pangitain ng kanyang lolong si Melvin J. Ballard na niyakap nito ang Tagapagligtas sa Salt Lake Temple ay nakatulong kay Pangulong Ballard sa mahihirap na paahon,18 at isang plake na may mga huling salita ng kanyang lolo sa mortalidad—“Higit sa lahat, mga kapatid, mag-isip tayo nang tuwid”—ang nakasabit sa dingding ng kanyang opisina. “Hindi ako pumapasok sa opisina ko anumang araw ng linggo na hindi ko nakikita ang mga salitang iyon,” paliwanag ni Pangulong Ballard. “Natuklasan ko na malaking tulong iyon sa akin.”19 Tunay ngang ang tatlong simpleng salitang iyon, “mag-isip nang tuwid,” ay naging sawikain ng pamilya para kay Pangulong Ballard nang hikayatin niya ang kanyang mga kapamilya na mag-isip nang malinaw sa paggawa ng mabubuting desisyon at alalahanin ang kasimplihan ng ebanghelyo.20

Si Pangulong Ballard ay isang magandang halimbawa ng pag-asa at pagpapatuloy ng pamana ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga pamilya. Para sa kanya, ang kasaysayan ng Simbahan at ang pananampalataya ng mga naunang Banal ay talagang nakaugnay sa kasaysayan ng sarili niyang pamilya. Ipinaalala niya sa atin na lahat tayo ay “makakakuha ng malaking lakas, lalo na ang ating mga kabataan, sa pag-unawa sa kasaysayan ng ating Simbahan.”21 At bagama’t sinubok ang pananampalataya ng marami sa mga Banal sa “paglalakbay ng mga Mormon pioneer noong ika-19 na siglo, dapat nating alalahanin na ‘ang paglalakbay sa buhay ay nagpapatuloy!’ para sa bawat isa sa atin habang pinatutunayan natin ang ating [sariling] ‘pananampalataya sa bawat hakbang.’”22

Larawan
Si M. Russell Ballard na nagbabato ng isang baseball

Initsa ni Elder Ballard ang unang ceremonial pitch bago nagsimula ang laro ng Los Angeles Dodgers noong Agosto 2009.

Larawang kuha ni Lori Shepler / AP

Tagumpay at mga Kabiguan sa Negosyo

Sa kanyang propesyon, nagtrabaho si Russell Ballard sa mga industriya ng sasakyan, real estate, at investment. Ang mahahalagang aral sa buhay ay nagmula sa di-inaasahang mga mapagkukunan, at natutuhan mismo ni Russell ang kahalagahan ng pakikinig sa payo ng kanyang ama at sa mga pahiwatig ng Espiritu sa mga bagay na kapwa espirituwal at temporal.

“Ang Ford Motor Company ay naghahanap ng mga [dealer] para ipabenta ang kanilang bagong modelo ng mga kotse,” paggunita niya. “Inimbita kami ng tatay ko ng mga Ford [executive] para ipakita ang produkto na sa tingin nila ay magiging isang napakalaking tagumpay. Nang makita namin ang mga kotse, ang tatay ko, na mahigit 35 taon na ang karanasan sa negosyo, ay nagbabala sa akin tungkol sa pagiging [dealer].”

Ipinaliwanag ni Pangulong Ballard: “Habang pinag-iisipan ko ito, tinanong ko rin ang Panginoon tungkol dito, at humingi ako ng patnubay. Malaking desisyon iyon; kinailangan doon ang malaking pera, ang malaking pagsisikap ko. Nang makita namin ng tatay ko ang mga kotse nagkaroon ako ng malinaw na impresyon na huwag ituloy ang franchise.”

Gayunman, sabi ni Pangulong Ballard, “Gayunpaman, ang sales personnel ng Ford ay masyadong mapanghikayat, at pinili ko na maging una—at sa katunayan ang huling—Edsel [dealer] sa Salt Lake City. At kung hindi ninyo alam kung ano ang Edsel, tanungin ninyo ang lolo ninyo. Sasabihin niya sa inyo na ang Edsel ay isang napakalaking kabiguan.”

Larawan
Ford Edsel

Isang Ford Edsel, na ibinenta ni Russell Ballard sa kanyang car dealership sa Salt Lake City.

Larawang kuha sa kagandang-loob ng Getty Images

Napansin ni Pangulong Ballard: “Hinayaan ko ang sarili ko na mapalayo sa mga pahiwatig ng Espiritu na natanggap ko. Sinunod ko ang payo ng ikasiyam na bahagi ng Doktrina at mga Tipan, ngunit nag-alinlangan ako sa impresyong ibinigay sa akin ng Panginoon.” Narito ang aral na natutuhan ko: “Kapag handa kayong makinig at matuto, ang ilan sa mga pinakamakabuluhang turo ay nanggagaling sa mga taong nauna sa inyo. … Kung makikinig kayo at susunod sa kanilang mga payo, makatutulong sila na magabayan kayo sa mga pagpili na makabubuti at magpapala sa inyo at mailalayo kayo sa mga desisyong makasisira sa inyo.”23

Bagama’t medyo nagtagumpay naman siya sa lahat ng pagsisikap niya sa negosyo, tinanggap ni Russell ang kabiguang ito bilang isang karanasang may dulot na aral na tutulong sa kanya na “mag-isip nang tuwid” tungkol sa gayong mga uri ng desisyon sa hinaharap.24

Paglilingkod sa Panginoon

Matapos maglingkod nang dalawang beses bilang bishop, naglingkod si Russell Ballard sa mga high council at bilang priests quorum adviser bago tinawag noong Hulyo 1974 para mamuno sa Canada Toronto Mission. Ang tungkuling iyon ay naging napakahalagang paghahanda para sa kanyang mga full-time na tungkuling maglingkod sa Simbahan sa hinaharap. Makalipas ang dalawang taon, noong ika-3 ng Abril 1976, tinawag siya bilang miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu. Tinawag siya sa panguluhan ng korum na iyon noong ika-21 ng Pebrero, 1980. Noong ika-6 ng Oktubre 1985, tinawag siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa edad na 57. Ang pag-orden sa kanya ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa tungkuling iyon noong ika-10 ng Oktubre 1985, ang huling ordenansa ng priesthood na isinagawa ni Pangulong Kimball bago ito pumanaw.

Noong ika-14 ng Enero 2018, kasunod ng pagpanaw ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018) at pag-set apart kay Pangulong Russell M. Nelson bilang ika-17 Pangulo ng Simbahan, na-set apart si Pangulong Ballard bilang Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Larawan
Pangulong Ballard at Pangulong Nelson

Sina Pangulong Russell M. Nelson at Pangulong Ballard sa labas ng Vatican sa Rome, Italy, noong Marso 2019.

Sa kanyang kapasidad bilang General Authority, nagkaroon ng pagkakataon si Pangulong Ballard na makibahagi sa gawain ng Panginoon sa iba’t ibang paraan. Naglingkod siya bilang Executive Director ng Missionary Department at pinamahalaan din ang Curriculum Department at Correlation Department. Tumulong din siyang pangasiwaan ang Public Affairs Committee ng Simbahan.

Noong 1980 pinahintulutan niyang maitayo ang unang chapel sa Nigeria. Pagkaraan ng apat na taon bumalik siya sa Africa, naglakbay patungong Ethiopia pagkatapos ng isang taggutom para magpasiya kung paano ipamamahagi ang pondong nakalap mula sa isang espesyal na pag-aayuno ng Simbahan. Kasama si Glenn L. Pace, na noon ay managing director ng Welfare Services Department ng Simbahan, nakipag-usap ang dalawa sa nag-iisang miyembro ng Simbahan sa Ethiopia sa panahong iyon, na isang Melchizedek Priesthood holder. Sa miting na iyon nag-alay ng panalangin at basbas si Pangulong Ballard sa Ethiopia, kung saan, naalala ni Brother Pace, “nanawagan siya sa kapangyarihan at awtoridad ng banal na Melchizedek Priesthood at inutusan ang mga elemento na magtipun-tipon para maghatid ng ulan sa lupain, nang sa gayo’y magsimulang maginhawahan ang mga nagdurusa sa loob ng napakaraming taon. Isang taon nang hindi umuulan noon, at ang panalangin ay inialay sa isang maaliwalas at maaraw na Linggo ng umaga.”

Kalaunan nang araw na iyon, napansin ni Brother Pace, “Nakaupo ako sa isang maliit na desk at nagsusulat sa journal ko nang makarinig ako ng kulog. Nagpunta ako sa patyo na tamang-tama para makita ko ang pagsisimula ng matinding pagbuhos ng ulan. … Bumaba ako sa bulwagan at kumatok sa pintuan ni Elder Ballard. Nang buksan niya ang pintuan, masasabi ko na napuspos ang kanyang damdamin [na katulad ko]. Nagpasalamat kami sa panalangin at bumalik sa sari-sarili naming kuwarto at mga iniisip. Mula sa araw na iyon, saanman kami naglakbay, umulan sa lugar.”25 Para kay Pangulong Ballard, isang karanasan iyon na nagpapabago ng buhay.

Larawan
Si Elder Ballard sa Ethiopia

Si Elder Ballard nang bumisita sa Ethiopia nang magkaroon ng taggutom noong 1985 para malaman kung paano pinakamainam na magagamit ang mahigit 6 na milyong dolyar na ibinigay ng mga miyembro ng Simbahan sa isang espesyal na pag-aayuno.

Ang isa pang di-malilimutang karanasan ay noong 1988, nang likhain ni Pangulong Ballard ang pitong bagong stake sa Lima, Peru, sa isang katapusan ng linggo. Nailaan ng lolo niyang si Elder Melvin J. Ballard ang South America para sa pangangaral ng ebanghelyo noong 1925, na nakikinita ang pambihirang paglago ng Simbahan doon. Sabi ni Pangulong Ballard, “[Ang karanasang ito] ay nagbigay sa akin ng … isang espesyal na damdamin dahil nadama ko ang impluwensya ni Lolo sa isang matinding paraan batid na tinutupad ko ang kanyang pambihirang propesiya.”26

Mga Turo

Sa lahat ng turo niya, binigyang-diin ni Pangulong Ballard ang kahalagahan ng pagtatamo ng patotoo at pagbabahagi ng mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo: “Kung hindi natin nauunawaan at nanaising ituro sa iba ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, sino pa ang gagawa nito?”27 Madalas niyang hamunin ang mga miyembro na magtakda ng petsa kung kailan hahanap sila ng isang taong mababahaginan nila ng ebanghelyo, at tiniyak niyang mag-follow up tungkol sa mga hamong iyon.

Pinuri din niya ang mahalagang papel ng kababaihan sa tahanan at sa Simbahan, itinuro kung paano epektibong gamitin ang mga council, at ipinagtanggol ang gawain ng mga full-time missionary at member missionary, kaya nga minsa’y sinabi ng isa sa kanyang mga kapwa Apostol na ang ibig sabihin ng “M.” sa kanyang pangalan ay “misyonero.”28

Hinikayat niya ang mga misyonero at miyembro sa buong mundo sa kanyang magandang pananaw tungkol sa gawaing misyonero. Sa Brigham Young sa University, ipinaalala niya sa mga estudyante, na karamihan ay dati o magiging mga misyonero, na “ang paglago ng Simbahan … ay talagang nasa inyong mga kamay at sa akin, at sa mga kamay ng mga aktibong miyembro ng Simbahan.” Sinabi niya na noong madalas niyang marinig na kailangang ibahagi ang ebanghelyo sa bawat kaluluwang nabubuhay, “sinasabi ko sa sarili ko, … inutusan tayo ng Panginoon na gawin ang isang bagay na imposible. [Pero] hindi imposible iyon. Hindi iyon imposible kung ilalaan ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang sarili sa iniutos Niyang gawin nila, at iyan ay ang maging lubos na dedikado sa pakikibahagi sa pagsusulong ng ebanghelyo sa mundo.”

“Hindi natin kailangang mag-alala tungkol sa paglago ng Simbahang ito,” wika niya. “Maglalaan ang Panginoon at pasisiglahin at bibigyang-inspirasyon at gagawing posible ng Panginoon na sumulong ang Kanyang gawain. … Pagpalain kayo ng Diyos, kung gayon, at pagpalain ako, na magkaroon tayo ng lakas ng loob, mabuting pagpapasiya, personal na disiplina at paghahanda, na magiging handa tayo sa lahat ng paraan na gawin ang ating bahagi, anuman iyon, sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa buong mundo.”29

Larawan
Si Pangulong Ballard at ang iba pa sa Scotland

Nasa Scotland para makipagkita sa mga pinuno ng pamahalaan noong Oktubre 2021, binisita ni Pangulong Ballard ang sementeryo kung saan nagsimba at inilibing ang kanyang mga kalolo-lolohan.

Patotoo tungkol sa Ipinanumbalik na Ebanghelyo

Ang patotoong ikinintal sa kanya noong bata pa siya, na tumibay noong magmisyon siya, at tumatag sa buong buhay ng kanyang paglilingkod ay laging nakaugat sa kasimplihan ng mga katotohanan ng ebanghelyo. “Ipinararating ko ang aking tinig sa buong mundo sa patotoo na alam ko nang walang pag-aalinlangan o pagdududa na binuksan ni Joseph Smith ang dispensasyong ito sa pamamagitan ng banal na paghahayag at sinimulan ang pagpapanumbalik ng totoong Simbahan ni Jesucristo sa lupa.”30

Larawan
Mga pinuno ng Simbahan sa Rome Italy Temple Visitors’ Center

Kasama ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol para sa paglalaan ng Rome Italy Temple noong 2019.

Ipinahayag niya na ang ating pananampalataya “ay kailangang nakasentro kay Jesucristo, sa kanyang buhay, sa kanyang pagbabayad-sala, at sa panunumbalik ng kanyang ebanghelyo sa lupa sa mga huling araw. …

“Wala nang mas pambihira o mahalaga sa buhay na ito kaysa malaman na ang ating Diyos Amang Walang Hanggan at ang kanyang Anak na si Jesucristo ay muling nangusap mula sa kalangitan at tumawag ng mga propeta at apostol para iturong muli ang kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo sa lupa.”31

Tiyak na ang kanyang habambuhay na paglilingkod at pagtutuon sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon ay nakatulong sa kanya na maging katulad ng nais ng Panginoon na kahinatnan niya. “Ang pagkaunawa ko sa ebanghelyo ay nagbigay sa akin ng patnubay tungkol sa uri ng ama at ngayon ay lolo na dapat kong kahinatnan. Ang aking patotoo, na natamo noong kabataan ko, ay nakatulong sa akin na tumugon sa bawat tungkulin sa Simbahan, kabilang na ang mahirap na tungkuling ito ngayon na maging miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang aking patotoo, na matagal ko nang natamo sa mga kanto ng mga kalye ng England, ay lumago nang taludtod sa taludtod at tuntunin sa tuntunin hanggang sa makatayo ako sa inyong harapan … at magpatotoo bilang natatanging saksi ng Panginoong Jesucristo na ang ating Tagapagligtas ay buhay at Siya ang Anak ng ating Diyos Amang Walang Hanggan. Hindi na naging katulad ng dati ang buhay ko mula nang iniangkla ko ang aking kaluluwa sa mga katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”32

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 86.

  2. M. Russell Ballard, “Purity Precedes Power,” Ensign, Nob. 1990, 35–36.

  3. M. Russell Ballard, “Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 47.

  4. Sa Kathleen Lubeck, “Elder M. Russell Ballard: True to the Faith,” Ensign, Mar. 1986, 6.

  5. M. Russell Ballard, “Maging Sabik sa Paggawa,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 29.

  6. Tingnan sa Lubeck, “Elder M. Russell Ballard,” 6; Carolyn Hyde, On the Lord’s Errand: A Biography of Elder M. Russell Ballard of the Quorum of the Twelve Apostles (2007), 35–36.

  7. Tingnan sa Hyde, On the Lord’s Errand, 32.

  8. Tingnan sa Lubeck, “Elder M. Russell Ballard,” 6; Hyde, On the Lord’s Errand, 36.

  9. M. Russell Ballard, “Kailangan Kayo ng Panginoon Ngayon!Ensign, Set. 2015, 31; Liahona, Set. 2015, 19.

  10. M. Russell Ballard, “Sharing the Gospel Using the Internet,” Ensign, Hulyo 2008, 62.

  11. M. Russell Ballard, “Anchor to the Soul” (debosyonal sa Brigham Young University, Set. 6, 1992), 5–6, speeches.byu.edu.

  12. M. Russell Ballard, “Prepare to Serve,” Ensign, Mayo 1985, 41–42.

  13. M. Russell Ballard, “Pag-Follow Up,” Ensign o Liahona, Mayo 2014, 78.

  14. M. Russell Ballard, “Mga Anak na Babae ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 108.

  15. Barbara B. Ballard, sa Lubeck, “Elder M. Russell Ballard,” 9.

  16. M. Russell Ballard, “Ang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 73.

  17. M. Russell Ballard, “Choose to Serve” (debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 5, 1986), 2, speeches.byu.edu.

  18. Tingnan, halimbawa, ang karanasan ni Pangulong Ballard bilang bishop sa pagtulong sa kanyang ward na mangalap ng pondo para mabayaran ang isang gusali (“The Blessings of Sacrifice,” Ensign, Mayo 1992, 76).

  19. M. Russell Ballard, “Let Us Think Straight” (debosyonal sa Brigham Young University, Nob. 29, 1983), 2, speeches.byu.edu.

  20. Tingnan sa Hyde, On the Lord’s Errand, 21–22.

  21. M. Russell Ballard, “Hyrum Smith: ‘Firm as the Pillars of Heaven,’Ensign, Nob. 1995, 6.

  22. M. Russell Ballard, “Patuloy ang Paglalakbay!Ensign o Liahona, Nob. 2017, 105.

  23. M. Russell Ballard, “Matuto sa mga Aral ng Nakaraan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 31; M. Russell Ballard, “Let Us Think Straight,” 6.

  24. Tingnan sa Hyde, On the Lords Errand, 49.

  25. Glenn L. Pace, sa Hyde, On the Lord’s Errand, 260–61.

  26. M. Russell Ballard, “Reflections on the Life of Melvin J. Ballard” (mensaheng ibinigay sa Cache Valley Heritage: Mormon Religious Leaders and Their Origins, Mayo 4, 1991), sa Hyde, On the Lord’s Errand, 409–10.

  27. M. Russell Ballard, “Panahon Na,” Liahona, Ene. 2001, 75.

  28. Tingnan sa Hyde, On the Lord’s Errand, 203.

  29. M. Russell Ballard, “Future Challenges for an International Church” (Brigham Young University devotional, Nob. 8, 1984), speeches.byu.edu.

  30. M. Russell Ballard, “Marvelous Are the Revelations of the Lord,” Ensign, Mayo 1998, 32.

  31. M. Russell Ballard, “Anchor to the Soul,” 2.

  32. M. Russell Ballard, “Anchor to the Soul,” 6.