2021
“Sa Ganito Tatawagin ang Aking Simbahan”
Oktubre 2021


“Sa Ganito Tatawagin ang Aking Simbahan”

Kapag ginagamit natin ang buong pangalan ng Simbahan, pinagpapala tayo at pinagpapala natin ang iba.

Larawan
various people walk by a Church sign in Korean

Sa Africa, iniulat ng mga indibiduwal na naghahanap ng simbahang aaniban na nagkaroon sila ng mga panaginip. Sa kanilang mga panaginip, inutusan silang hanapin ang isang simbahang tinatawag sa pangalan ni Jesucristo. Sa kanilang pagsasaliksik, isang simbahan lamang ang natagpuan nila kung saan napakahalaga ng pangalan ng Tagapagligtas—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa Latin America, iniulat ng ilang Banal sa mga Huling Araw na nabigo ang mga paanyaya nila sa mga kaibigan na dumalo sa “Simbahang Mormon.” Nagbago iyon nang magpadala sila ng isang paanyaya sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. “Kung ang simbahan ninyo ay tinatawag na Simbahan ni Jesucristo,” sagot ng kanilang mga kaibigan, “gusto naming magpunta at makita.”

Sa Estados Unidos, inanyayahan ng isang batang lalaking Primary ang mga kapitbahay niya sa kanyang binyag. Sinabi ng isang pastor ng ibang relihiyon na hindi sana siya pupunta kailanman sa isang binyag sa “Simbahang Mormon.” Ngunit dahil nakita niya na nakatuon kay Jesucristo ang simbahan ng bata, dumalo ang pastor kasama ang kanyang asawa.

Nang hingan ng isang airline reservation agent ng email address ang isang miyembro ng Simbahan, sumagot ang miyembro ng, “ldschurch.org.”

“Anong simbahan iyan?” tanong ng agent.

“Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sagot ng miyembro.

“Ilang araw akong nagtatrabaho nang hindi kailanman nagagawang banggitin ang Panginoon,” sabi ng agent. “Ang pagkaalam na kausap ko ang isa pang Kristiyano ay nagpasigla sa araw ko.”

Agad na ini-update ng miyembro ng Simbahan ang kanyang airline profile sa bagong email address ng Simbahan na: ChurchofJesusChrist.org.1

Isang Pangakong Natupad

Larawan
family walking in front of a Church building

Ang magagandang kuwentong ito ay kumakatawan sa katuparan ng isang pangakong ginawa ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga Banal sa mga Huling Araw noong Oktubre 2018 at muli noong Abril 2020.

“Ipinapangako ko na kung gagawin natin ang lahat para ipanumbalik ang tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon, ibubuhos Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala sa mga Banal sa mga Huling Araw, sa mga paraang hindi pa natin nakita kailanman,” sabi ni Pangulong Nelson. “Magkakaroon tayo ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos para tulungan tayong dalhin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, lahi, wika, at tao at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.”2

Kamakailan, sa pamamagitan ng aking mga social media account, inanyayahan ko ang mga miyembro ng Simbahan na ikuwento sa akin ang mga pagpapalang natanggap nila mula sa paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan. Naantig ako nang makatanggap ako ng mahigit 2,600 na sagot.

Gusto kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga ito. Magiging pamilyar sa pandinig ang mga ito dahil nakatanggap na kayo ng mga pagpapalang katulad nito nang sundin ninyo ang payo ni Pangulong Nelson.

Mas Malapit kay Jesucristo

Naantig ako sa patotoo ni Jacob kung paano siya natulungan ng buong pangalan ng Simbahan na magtuon sa Tagapagligtas: “Napansin ko na ang pagtutuon ko kay Jesucristo ay nanuot sa bawat aspeto ng buhay ko,” pagbabahagi niya sa akin. “Kapag tumatanggap ako ng sakramento, naiisip ko Siya at ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kapag nagbabasa ako ng mga banal na kasulatan, mas binibigyan ko ng pansin ang Kanyang mga salita at ang iba pang mga tumutukoy sa Kanya. Mas nailapit ako nito sa Kanya at natulungan akong mas maunawaan ang Kanyang papel bilang aking Tagapagligtas at Manunubos.”

Pinagpala akong malaman kung ano ang kahulugan ng pangalan ng Tagapagligtas kina Beth at Bryce: “Nadama ko na naging mas malapit ang kaugnayan ko sa aking Tagapagligtas,” sabi ni Beth. “Kapag tinatanong ako kung saang simbahan ako nagpupunta, at sumasagot ako na nabibilang ako sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nadarama ko ang tunay na diwa ng pagiging kabilang. Nabibilang ako sa Kanyang mga tao. Nabibilang ako sa Kanyang pamilya. Nabibilang ako sa Kanya.”

Sinabi sa akin ni Bryce na ang tamang pangalan ng Simbahan ay tumutulong sa kanya na “maalala kung sino ang pinaglilingkuran ko at kung sino ang hinahangad kong higit na tularan. Ipinapaalala nito sa akin na ang Tagapagligtas ang nagbibigay ng mga turong ito at na hindi nagmumula ang mga ito sa mga tao.”

“Ang Pangalan ng Tagapagligtas ay May Kapangyarihan”

Larawan
Christus statue

Sinabi ni Haley, isang full-time missionary: “Ang paggamit ng tamang pangalan ng Simbahan ng Panginoon ay naghahatid ng higit na kapangyarihan at awtoridad kapag tinuturuan namin ang ibang mga tao tungkol sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Kapag sinasabi kong ‘Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,’ pinagtitibay at pinatototohanan ng Espiritu ng Panginoon na ito ang Simbahan ng Panginoon na ipinanumbalik sa lupa ngayon. Gustung-gusto kong gamitin ang tamang pangalan dahil idinaragdag ko rin ang aking buhay na patotoo sa katotohanang iyon!”

At sinabi sa akin ni Nicola: “Dati-rati, kapag sinabi kong ‘Mormon,’ madalas magkaroon ng kislap na iyon ng pag-aalinlangan sa mga taong iba ang relihiyon. Halos maririnig mo ang pagdagsa ng alaala ng lahat ng narinig nila tungkol sa ‘mga Mormon.’ Ngunit ngayon ay may kapayapaan, kadalasan ay pagtanggap. Ang pangalan ng Tagapagligtas ay may kapangyarihan. Naghahatid Siya ng kapayapaan. Lumago ang aking patotoo tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo sa pagsasabi lamang ng tamang pangalan ng Simbahan. Nadarama ko ang Espiritu tuwing sinasabi ko ito. Kung minsan ay ito lamang ang nasasabi ko tungkol sa pinaniniwalaan natin, pero sapat na ito.”

Paglilinaw sa mga Maling Palagay

Sabi ni Harold, isang propesor sa unibersidad sa Estados Unidos, ang paggamit ng buong pangalan ng Simbahan ay nakatulong sa kanya na linawin ang mga maling palagay. Sinabi niya sa akin na sinabi ng isang estudyante, na nagtatangkang ibuod ang isang talakayan tungkol sa relihiyon, na, “Palagay ko lahat ng relihiyon ay Kristiyano, maliban sa mga Mormon.”

Nang makita ang isang ginintuang sandali para linawin ang maling palagay na iyon, sinabi ni Harold, “Sinabi ko sa mga estudyante na ang ‘Mormon’ ay isang palayaw na ibinigay sa mga miyembro ng Simbahan dahil sa ating paniniwala sa Biblia at sa Aklat ni Mormon bilang dalawang sinaunang saksi ni Jesucristo sa banal na kasulatan.”

Isiniwalat sa akin ni Mary ang saloobin ng kanyang puso, habang ibinabahagi kung paano siya napagpala ng buong pangalan ng Simbahan sa pagtuturo sa kanyang mga anak: “Hindi na gaanong nalilito ang mga anak ko ngayon kapag itinuturo ko sa kanila na tayo ay mga Banal ng Simbahan ni Jesucristo sa mga huling araw na ito kumpara sa pagtukoy sa ating sarili bilang ‘mga Mormon.’ Dati-rati, nalilito sila at nagtatanong, ‘Bakit Mormon? Ibig bang sabihin niyan ay hindi tayo mga Kristiyano?’ Palagay ko nakatulong sa kanila ang pagbabagong ito kapag kausap nila ang ibang mga bata sa paaralan na may ibang paniniwala.”

“Isa Akong Missionary para kay Jesucristo”

Nangako si Pangulong Nelson na kapag ginamit natin ang tamang pangalan ng Simbahan, “magkakaroon tayo ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos” na ipalaganap ang ebanghelyo. Nagkainspirasyon ako sa kuwento ni Teresa tungkol sa nangyari nang tanungin siya ng isang kaibigan sa trabaho tungkol sa Simbahan. Kasunod ng payo ni Pangulong Nelson, nagsimula si Teresa sa pagbabahagi ng buong pangalan ng Simbahan.

“Interesado siya sa Simbahan,” sabi niya sa akin. “Siniyasat niya ito nang ilang buwan at pagkatapos, mahimalang nabinyagan siya ng aking anak, na siyang bishop noon. Napakasaya ko noong araw na iyon, at gayundin ang pamilya ko. Totoo ang mga pangako.”

Sinabi ni Jordan na marami pa ring tao na hindi pamilyar sa pangalan ng Simbahan. “Ang paggamit ng buong pangalan ng Simbahan,” wika niya, “ay nagbibigay sa akin ng pagkakataong ipaliwanag kung paano nakasentro ang Simbahan kay Jesucristo at kung bakit tinutukoy natin ang ating sarili na mga Banal sa mga Huling Araw.”

Nang tanungin ng isang lalaki si Chloe kung siya ay isang “Mormon missionary,” buong tapang siyang nagpatotoo, “Hindi, isa akong missionary para kay Jesucristo.” Sinabi sa akin ni Chloe na nagpahayag ang lalaki ng mga hangaring sundin ang Tagapagligtas, kaya itinuro niya rito na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pinamumunuan ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay binigyan niya ito ng impormasyon tungkol sa Kanyang Simbahan.

“Tawagin ang Simbahan sa Aking Pangalan”

Larawan
sister missionaries talking to a family in front of a Church building

Sa paghahayag ng pangalan ng Kanyang Simbahan kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng Tagapagligtas, “Sapagkat sa ganito tatawagin ang aking simbahan sa mga huling araw, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw” (Doktrina at mga Tipan 115:4). At sa mga Nephita, sinabi niya, “Tatawagin ninyo ang simbahan sa aking pangalan,” sapagkat “paano ito magiging simbahan ko maliban kung ito ay tinatawag sa aking pangalan?” (3 Nephi 27:7, 8).

Pinatototohanan ko kasama ng isang Banal sa mga Huling Araw na nagngangalang Tommie na kapag ginagamit natin ang buong pangalan ng Simbahan, pinagpapala tayo at pinagpapala natin ang iba. Sabi sa akin ni Tommie, “Kapag ibinabahagi ko sa iba ang mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang panahon na nananaig ang sigalutan at takot, natatanto ko na naipapaalam ko sa iba na may kanlungan mula sa bagyo sa piling ng mga disipulo ni Jesucristo, na nagmamalasakit sa kanila at sumusunod sa Kanya.”

Mga Tala

  1. Nagpapasalamat ako kay Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pagbabahagi sa akin ng mga kuwentong ito.

  2. Russell M. Nelson, “Ang Tamang Pangalan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2018, 89; tingnan din sa “Pagbubukas ng Kalangitan para sa Tulong,” Liahona, Mayo 2020, 73.