2019
Q&A Tungkol sa Endowment sa Templo
Marso 2019


Q&A Tungkol sa Endowment sa Templo

Naghahanda para sa endowment sa templo? Sinagot ng mga pinuno ng Simbahan ang ilang karaniwang tanong.

Larawan
young adults walking toward the temple

Paano ako makapaghahandang matanggap ang endowment ko?

“Dahil sagrado ang templo, hinihiling ng Panginoon na protektahan ito upang hindi madungisan. Makapapasok ang sinumang kusang-loob na maghahandang mabuti para sa pribilehiyong iyon.

“… Kayo ay pisikal na handa sa pamamagitan ng pagsusuot ng angkop na kasuotan sa pagpasok sa templo. Hindi ito lugar para sa pangkaraniwang kasuotan. Binigyang-diin ng mga propeta sa mga huling araw ang paggalang sa ating katawang pisikal. Dapat sundin ang paggalang na ito lalo na ng mga papasok sa banal na templo.”1

“Napakasimple at napakaganda ng mga turo ng templo. Nauunawaan ang mga ito ng mga mapagpakumbaba, subalit mapupukaw nito ang kaisipan ng matatalino. “Napagyayaman ang espirituwal na paghahanda sa pamamagitan ng pag-aaral. Nais kong irekomenda na basahin ng mga miyembrong papasok pa lamang sa kauna-unahang pagkakataon sa templo ang nagpapaliwanag na maiikling talata sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, na nakatala sa ilalim ng pitong paksa: ‘Pagpapahid ng Langis,’ ‘Pagbabayad-sala,’ ‘Cristo,’ ‘Tipan,’ ‘Pagkahulog ni Adan,’ ‘Mga Sakripisyo,’ at ‘Templo.’ Magbibigay ng matibay na pundasyon ang pagbasa sa mga ito.”2

—Pangulong Russell M. Nelson

Kasama sa karagdagang mga sanggunian na maaaring makatulong sa paghahandang tumanggap ng endowment ang:

Russell M. Nelson, “Paghahanda ng Sarili para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Hulyo 2001, 37–40.

“Consecrate,” “Endowment,” “Law of Consecration,” “Temples,” Gospel Topics, topics.lds.org.

Habang naghahanda kang tumanggap ng iyong endowment, dapat kang mapanatag na talakayin ang templo sa pamilya, mga kaibigan, at mga lider ng Simbahan. Magbibigay rin ng maraming nakakatulong na impormasyon at tagubilin ang mga lesson sa inyong klase sa paghahanda para sa templo.

Ano ang nangyayari sa seremonya ng endowment sa templo?

“Ang endowment sa templo ay … natatanggap sa dalawang bahagi:

“Sa unang bahagi, tatanggap ka ng pribado at indibiduwal na paunang ordenansa na tinatawag na initiatory ordinance. Ang initiatory ordinance ay may kasamang mga espesyal na pagpapala tungkol sa iyong banal na pamana at potensyal.

“Sa ikalawang bahagi, tatanggapin mo ang nalalabi sa iyong endowment sa isang grupo kasama ang iba pang dumadalo sa templo. Sa bahaging ito, inilalahad ang plano ng kaligtasan, kabilang na ang Paglikha ng mundo, Pagkahulog nina Adan at Eva, Pagbabayad-sala, Apostasiya, at Pagpapanumbalik, pati na ang tagubilin kung paano makakabalik ang lahat ng tao sa kinaroroonan ng Panginoon. Ang ilang bahagi ng endowment ay inilalahad sa pamamagitan ng video at ang ilang bahagi ay inilalahad ng mga temple officiator.

“Kaugnay ng mga ordenansang ito, aanyayahan kang gumawa ng partikular na mga tipan sa Panginoon. Kabilang sa mga tipang ito ang pagsunod sa Diyos at sa Kanyang mga utos, pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, pananatiling dalisay at marangal, at paglalaan ng oras at mga talento sa paglilingkod sa Panginoon. Bilang kapalit, nangangako ang Diyos ng magagandang pagpapala sa buhay na ito at ng pagkakataong makabalik upang makapiling Siya magpakailanman.

“Sa pagtatapos ng endowment, masimbolong papasok ang mga lumalahok sa kinaroroonan ng Panginoon pagpasok nila sa silid-selestiyal. Doon ay maaari kang gumugol ng oras upang magnilay-nilay, manalangin, magpahinga, magbasa ng mga banal na kasulatan, o pabulong na ikuwento ang iyong mga karanasan sa pamilya at mga kaibigan. Ito ay isang lugar ng kapayapaan, kung saan maaari ka ring makasumpong ng kapanatagan at banal na patnubay.”3

Maaari ba nating pag-usapan sa labas ng templo ang endowment?

Ang isang dahilan kaya hindi natin madalas pag-usapan nang detalyado sa labas ng templo ang endowment ay ang tagubilin ng Tagapagligtas na “huwag lapastanganin ang mga bagay na banal” (Doktrina at mga Tipan 6:12). Mapapasalamatan natin na tinuturuan tayo ng Panginoon nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30) at ibinibigay lang sa atin kung ano ang handa nating tanggapin, sa sandaling iyon. Inaanyayahan ng Panginoon ang lahat na pumasok sa Kanyang bahay, ngunit inaasahan na ang mga tumatanggap ng sagradong kaloob at responsibilidad na ito ay handang tanggapin ito.

Maraming aspeto, kabilang na ang mga tipan sa templo, na maaari at dapat nating pag-usapan bago tayo magpunta sa templo sa unang pagkakataon. May ilang aspeto, partikular na ang mga ordenansa, na sa templo lang natin tinatalakay. Ang mga ordenansa at seremonya sa templo ay personal at sagrado, at ang pagiging espesyal ng mga ito ay nasa kung gaano tayo kapitagan, katahimik, at kaingat sa pagtalakay sa mga ito.

“Ang maingat na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay naghahayag na hindi sinabi ng Panginoon ang lahat ng bagay sa lahat ng tao. May ilang kwalipikasyong itinakda na kailangang gawin bago makatanggap ng sagradong impormasyon. Kasama ang mga seremonya sa templo sa kategoryang ito.

“Hindi natin pinag-uusapan ang mga ordenansa sa templo sa labas ng mga templo. Hindi kailanman nilayon na ilimita ang kaalaman tungkol sa mga seremonyang ito sa templo sa iilang piling tao na mapipilitang tiyakin na hindi ito malaman ng iba kailanman. Sa katunayan, kabaligtaran ito. Pinagsisikapan naming himukin ang bawat tao na maging karapat-dapat at maghanda para sa karanasan sa templo.”4

—Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol

Bakit napakahalaga na matanggap ko ang endowment ko?

Ang mga ordenansa at tipan sa templo ay napakahalaga dahil humahantong ito sa pinakadakilang mga pagpapalang maaaring matamo ng mga anak ng Ama sa Langit ngayon at magpasawalang-hanggan. Sabi ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pangunahing layunin ng templo ay maglaan ng mga ordenansa para sa ating kadakilaan sa kahariang selestiyal.”5 Ang endowment sa templo ay tumutulong na maging marapat tayo, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, para sa buhay na walang hanggan. Pero tinutulungan din tayo nito sa ating pang-araw-araw na buhay. Binibiyayaan tayo ngayon mismo ng mga tipan at ordenansa ng endowment ng kapangyarihan, proteksyon, at layunin at tinutulungan tayong maging katulad ng nais ng Diyos na kahinatnan natin.

Ipinaalala na sa atin ng mga propeta ngayon na matatanggap natin ang mga pagpapalang ito sa pamamagitan ng templo. Sabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Ang ating mga paggawa sa templo ay nagsisilbing kalasag at pananggalang natin, kapwa ng bawat isa at ng grupo.”6

Ano ang magagawa ko para mas maunawaan ang endowment sa templo at ang mga tipang ginagawa ko roon?

Magtuon sa mga turo at tipan sa templo sa iyong personal na pag-aaral. Hanapin ang mga reperensya sa mga alituntunin at tipan ng endowment na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at iba pang mga materyal ng Simbahan. Ang pagrerebyu ng mga katotohanang ito sa iyong personal na pag-aaral ay magpapalawak sa pag-unawa mo sa mga ordenansa at tipan sa templo. Kapag pinag-aaralan mo ang batas ng kalinisang-puri, halimbawa, paano pagpapalain ng integridad ni Jose nang tuksuhin siya ng asawa ni Potiphar ang katapatan mo sa pagsunod sa batas na ito? (tingnan sa Genesis 39). Paano maiaangkop ang katapatan ni Nephi na sundin ang mga utos ng Diyos sa pagganap mo sa paglilingkod sa iyong calling? (tingnan sa 1 Nephi 3:7).

Magbalik sa templo nang madalas hangga’t kaya ng iyong personal na sitwasyon.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paghahanda para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 42, 45.

  2. Russell M. Nelson, “Paghahanda ng Sarili para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Hulyo 2001, 38.

  3. “About the Temple Endowment,” temples.lds.org.

  4. Boyd K. Packer, “The Holy Temple,” Ensign, Peb. 1995, 32.

  5. Robert D. Hales, “Mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2009, 14.

  6. Boyd K. Packer, “Ang Banal na Templo,” Liahona, Okt. 2010, 35.