2013
Pagdami ng mga Miyembro at Missionary Ibinalita sa Pangkalahatang Kumperensya
Nobyembre 2013


Pagdami ng mga Miyembro at Missionary Ibinalita sa Pangkalahatang Kumperensya

Umabot na sa 15 milyon ang mga miyembro ng Simbahan, pagbabalita ni Pangulong Thomas S. Monson sa pambungad na sesyon ng Ika-183 Ikalawang Taunang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 5, 2013. Ibinalita rin niya na mula nang ibaba ang edad sa pagmimisyon noong Oktubre 2012, dumami nang husto ang mga full-time missionary na naglilingkod sa lahat ng dako ng mundo—dati ay 58,500 ngayon ay 80,333 na.

“Ang Simbahan ay patuloy na lumalago at binabago nito ang mas marami pang buhay taun-taon,” sabi ni Pangulong Monson. “Lumalaganap ito sa buong mundo habang hinahanap ng ating mga missionary ang mga taong naghahanap ng katotohanan.”

Hinikayat niya ang mga miyembro at missionary na magtulungan sa pagbabahagi ng ebanghelyo. “Panahon na para ang mga miyembro at missionary ay magsama-sama, magtulungan, magsigawa sa ubasan ng Panginoon upang magdala ng mga kaluluwa sa Kanya,” sabi ni Pangulong Monson, na 50 taon nang naglilingkod bilang Apostol.

Sa sesyon sa Sabado ng hapon, tatlong miyembro ng Unang Korum ng Pitumpu—sina Elder John B. Dickson, Paul E. Koelliker, at F. Michael Watson—ang marangal na ini-release at binigyan ng emeritus status, at marangal ding ini-release si Elder Kent D. Watson ng Pangalawang Korum ng Pitumpu. Bukod pa rito, sinang-ayunan sina Julio A. Angulo, 45, ng Bogotá, Colombia; Peter F. Evans, 54, ng Salt Lake City, Utah, USA; at Gennady N. Podvodov, 47, ng Donetsk, Ukraine, bilang mga Area Seventy. Ibinalita na na-release na sina César H. Hooker at Craig T. Wright bilang mga Area Seventy.

Milyun-milyon sa buong mundo ang nanood o nakinig sa kumperensya sa pamamagitan ng telebisyon, Internet, radyo, at mga satellite broadcast. Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinrodkast ang sesyon ng priesthood nang Sabado ng gabi sa telebisyon at sa oras ding iyon sa Internet. Mahigit 100,000 tao ang dumalo sa limang sesyon sa Conference Center sa Salt Lake City, Utah, noong Oktubre 5 at 6. Napanood o napakinggan din ang kumperensya sa pamamagitan ng iba’t ibang media sa 95 wika at naibrodkast sa 197 bansa at mga teritoryo.

Winakasan ni Pangulong Monson ang kumperensya sa pakiusap na magpakita ng ibayong kabaitan sa isa’t isa ang mga miyembro ng Simbahan “at nawa’y palagi nating gawin ang gawain ng Panginoon.”

Si Thomas S. Monson sa Tabernacle on Temple Square noong 1963, ilang sandali bago siya sinang-ayunan bilang General Authority.

Larawan mula sa Tanggapan ng Pangulo