2013
Sermon sa Likod ng Pulpito
Setyembre 2013


Sermon sa Likod ng Pulpito

Jeff Fullmer, Idaho, USA

Habang nakaupo ang pamilya ko nang ilang hanay mula sa likuran ng mga deacon sa isang sacrament meeting, ang tanging nasa isipan ko bago ang pambungad na himno ay na isa sa mga deacon ang hindi naitali nang tama ang mahaba niyang kurbata at naisuksok nang maayos sa pantalon ang kanyang gusot na polo. Naisip ko na dapat ay may tumulong sa kanya. Tutal, kapag nagpapasa ng sakramento, dapat maging halimbawa ng Tagapagligtas ang mga deacon sa kilos at pananamit.

Nagpatuloy ang miting, at nalimutan ko na siya. Matapos maipasa ng mga deacon ang sakramento, nagsimula ang pagbibigay ng mga mensahe. Ang pangalawang nagsalita ay ang ina ng binatilyong iyon. Binanggit niya ang kanyang pagbabalik-loob, ang dumarami niyang pagsubok, at ang mga hirap niya bilang isang ina na walang katuwang sa buhay. Magandang mensahe iyon na nagpaluha sa kanya. Umupo na siya sa bandang likod ng pulpito at patuloy na umiyak habang nagtitipon ang ward choir para kumanta.

Noon din ay tumayo ang kanyang anak, na baliko ang kurbata at hindi nakasuksok ang polo, at pumunta sa pulpito. Niyakap niya at tinabihan ang kanyang ina para aluin ito. Napaluha ako sa tagpong nasaksihan ko; hindi ako makapagsalita dahil labis akong naantig. Ngunit pagkatapos ay may napagtanto ako, at napayuko ako sa hiya. Nakaupong suot ang aking plantsadong amerikana, kurbatang maayos ang pagkatali at makintab na itim na sapatos, natanto ko na talagang mayroon akong hindi nagawa sa paghahanda para sa sacrament.

Ang binatilyo at kanyang ina ay bumaba mula sa pulpito at magkatabing naupo habang kumakanta ang koro. Nakaupo ako roon, at hindi ko marinig ang musika dahil ang sermon na itinuro ng deacon na ito ay pinuspos ang puso ko ng isang mensahe tungkol sa pag-ibig sa kapwa na katulad ng kay Cristo.

Ipinakita niya ang kanyang kabaitan at pagmamalasakit. Walang anumang bahid ng hiya sa mukha ng binatilyong iyon—tanging dalisay na pag-ibig lamang. Ang sumunod na mga mensahe sa pulpito nang araw na iyon ay maganda, ngunit lagi kong maaalala ang sermon sa likod ng pulpito.