2013
Angkop Ba sa Akin ang mga Patnubay?
Pebrero 2013


Angkop Ba sa Akin ang mga Patnubay?

Julie Letner, Arizona, USA

Ang pagpapasiyang maging disente ay madali para sa akin noon pa man. Lumaki ako sa isang bahay kung saan mataas ang mga pamantayan, at nang ikasal ako sa templo, ipinaalala sa akin ng garments ko na manamit nang disente.

Gayunman, nahirapan akong mamili ng swimsuit. Kung walang patnubay sa pananamit, gugustuhin kong magsuot ng mga swimsuit na ikahihiya kong makita ng sinumang kakilala ko na suot ko.

Nagplano kaming mag-cruise na mag-asawa na kaming dalawa lang. Akala ko perpektong pagkakataon ang cruise para magsuot ng gayong swimsuit. Wala akong makikitang kakilala ko, kaya hindi ako makokonsensya. Walang makakaalam na miyembro ako ng Simbahan, at lahat ng iba pang kababaihan sa barko ay malamang na katulad ko ang suot.

Dahil may-asawa na ako, wala talagang dahilan para magsuot ako ng disenteng swimsuit, o iyon lang ang akala ko. Para lang naman sa mga tinedyer ang mga patnubay sa pagiging disente, hindi ba? Pero patuloy na nanaig ang isang damdamin sa aking isipan. Ikinasal ako sa templo. Narating ko ang mithiin kong manatiling karapat-dapat at makatagpo ng karapat-dapat na asawa. At gusto kong patuloy na piliin ang tama.

Ipinasiya kong basahin ang “Pananamit at Kaanyuan” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Matagal-tagal ko na rin namang hindi nababasa ang buklet, kaya malaki ang naging epekto sa akin ng mga nakasaad doon: “Sa inyong pananamit at kaanyuan, maipapakita ninyong alam ninyo kung gaano kahalaga ang inyong katawan. Maipapakita ninyo na kayo ay disipulo ni Jesucristo at Siya ay mahal ninyo” ([2011], 6).

Paulit-ulit ang mga salitang iyon sa aking isipan. Disipulo ba ako ni Jesucristo? Handa ba akong maging tapat sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar (tingnan sa Mosias 18:9)?

Mula noon ipinasiya ko na kahit lagpas na ako ng 25, kailangan kong panatilihin ang mga prinsipyong natutuhan ko noong kabataan ko. Tinitiyak ko na angkop pa rin sa akin ang mga prinsipyong iyon. Nais kong maging mabuting halimbawa sa aking mga anak. Nais kong malaman nila na ako ay disipulo ni Jesucristo.