2012
Pinili ko ang Mabuting Bahagi
Agosto 2012


Pinili ko ang Mabuting Bahagi

Jeanette Mahaffey, Missouri, USA

Habang naghahanda ako para sa kasal ng aking dalaga, puro mga plano sa kasal ang nasa isipan ko kaya halos walang akong inisip maliban sa aking checklist. Isang umaga tiningnan ko ang mahaba kong listahan ng mga gagawin. May mga natatapos naman ako, pero kailangan ko pang maglinis nang husto. Matagal ko nang ipinagpapaliban ang paglilinis ng mga venetian blind sa kusina, kaya nagpasiya akong gawin iyon.

Nang umakyat ako sa pasamano dala ang mga basahan, brush, at panlinis, nakita ko na napakaraming dumi. Habang nagtatrabaho, naisip ko ang kuwento tungkol kina Marta at Maria, ang magkapatid na tumanggap sa Tagapagligtas sa bahay nila. Habang si Marta ay “naliligalig sa maraming paglilingkod,” si Maria ay “naupo rin naman sa mga paanan [ni Jesus], at pinakikinggan ang kaniyang salita.” Hiniling ni Marta kay Jesus na sabihan ang kanyang kapatid na tumulong sa mga gawain, pero sinabihan siya ng Tagapagligtas na “pinili ni Maria ang magaling na bahagi” (tingnan sa Lucas 10:38–42).

“Ngayon ay basta si Marta lang ako,” naisip ko. Ang totoo ay ilang linggo na akong si Marta, “na naliligalig sa” mga ordinaryong gawain at paghahanda para sa kasal.

Muli akong nagmuni-muni, at pinilit kong alalahanin kung kailan ko huling nalinis na maigi ang mga venetian blind ko. Naisip ko ang dalawang batang babaeng tumulong sa akin na maghanda para sa pagtitipon sa bahay ko dalawang taon na ang nakararaan. Magkasama nilang kinuskos ang kusina ko mula sahig hanggang kisame, pati na ang mga venetian blind. Ang alaalang iyon ay nagpaalala sa akin sa kanilang ina, isang dating kaibigang matagal ko nang hindi nakakausap.

Noon din ay dinampot ko ang telepono at idinayal ang kanyang numero para sabihin sa kanya na ikakasal na ang anak ko. Hindi ko siya inasahang sumagot dahil nagtuturo siya sa paaralan, pero nang tumawag ako ay naghahanda siya ng lesson plan. Isang oras kaming naghalakhakan, nag-iyakan, at nagkuwentuhan. Kamakailan lang ay dumanas siya ng hirap sa pakikipagdiborsyo at nakadama ng lumbay at pag-iisa. Habang nag-uusap kami, sumigla ang aming damdamin at napanatag kami.

Namangha ako sa paraan ng Panginoon na kasangkapanin ako kahit may ginagawa akong ordinaryong bagay na tulad ng paglilinis ng mga venetian blind. Lalo akong nanggilalas sa katotohanan na sapat Niyang kilala at mahal ang bawat isa sa amin para magpadala ng tulong sa mismong oras at sandaling kailangan namin ito.

Noong gabing iyon napangiti ako nang lagyan ko ng check mark ang listahan ko sa tabi ng “linisin ang mga venetian blind sa kusina.” Kahit nasiyahan ako dahil natapos ko ang gawain, nakadama ako ng mas malaking pasasalamat batid na naging kasangkapan ako sa mga kamay ng Panginoon. Naipakita Niya sa akin kung paano ako maaaring maging isang Maria na pumili ng “mabuting bahagi” kahit isa akong Marta na “naliligalig sa” aking mga gawain.